Chereads / Call Center Ghost Stories (Tagalog) / Chapter 4 - Manong Guard

Chapter 4 - Manong Guard

Manong guard. Chief. Kuya. Ilan lang ito sa karaniwang tinatawag kay Cris ng mga empleyado sa call center na pinapasukan niya. Ilang buwan pa lang siyang nadedestino sa kompanyang iyon pero nagustuhan na niya kaagad ang trabaho. Hindi tulad ng mga kasamahan niyang guwardiya, gusto niya ang graveyard shift. Wala naman kasi siyang pamilya kaya ayos lang kung umaga na siya kung umuwi. Nasanay na rin siya sa puyatan dahil sa bangko siya dati nagbabantay. Ang maganda nga lang sa call center, magaan at ligtas ang trabaho. Hindi tulad sa bangko na kailangan kang laging alerto. Masasabi ring nakataya ang buhay mo tuwing magdu-duty ka. Sa call center, lalo na kapag graveyard, walang masyadong ginagawa. Safe na safe pa.

Tahimik na tao lang si Cris. Walang bisyo at hindi mahilig lumabas-labas. Masaya na siya kahit mag-isa lang. Kaya siguro hanggang ngayon ay binata pa siya.

Sa trabaho, tahimik lang siyang nakaupo sa kanyang desk na nasa elevator lobby sa 18th floor ng pinapasukang call center. Tinitingnan ang lahat ng papasok kung may ID at i-checheck ang mga bag ng lahat ng lalabas. Kapag wala namang tao ay nakaupo lang siya at gumuguhit ng mga disenyo ng mga bahay. Pangarap kasi niyang maging isang arkitekto ngunit dahil sa kahirapan ay hindi siya nakatungtong ng college.

Minsan, habang nakaupo sa kanyang desk ay kinausap siya ni Jerry, ang guard na ni-releave niya. Pauwi na ito at dala-dala sa likod ang malaking backpack.

"Uy, wala ka na namang kibo diyan. Mapapanis lang ang laway mo," sabi ni Jeric.

Ngiti lang ang isinagot ni Cris.

"Ano ba yang ginagawa mo?" tanong ni Jerry ng makitang tinatakpan ni Cris ng mga kamay niya ang isang pirasong papel.

"Wala," ang mabilis na sagot ni Cris.

"Anong wala? Patingin nga ako niyan!"

Mabilis na inagaw ni Jerry ang papel na hawak ni Cris.

"Hoy, ibalik mo yan!" galit na sabi ni Cris.

"Wow! Ang ganda nito ah," sabi ni Jerry ng makita ang nakaguhit na bahay sa kapirasong papel na hawak niya. "Arkitekto ka pala eh."

"Sabi na ibalik mo yan eh!" Tumayo si Cris at mabilis na lumapit kay Jerry. Kinuha niya ang papel mula kay Jerry, na nakangiting ibinalik ito sa kanya.

"Maganda yan. Huwag mo itago. Buti ka nga may galing sa pagguhit. Eh ako, talagang pag-sesecurity guard lang ang alam," nakangiting sabi ni Jerry.

Hindi naman sumagot si Cris. Kinuyumos niya ang hawak na papel at itinapon sa trash can sa tabi ng kanyang desk. Natawa lang si Jerry sa ginawa ni Cris.

"Ga'no ka na ba katagal dito?" tanong ni Jerry.

Itinaas ni Cris ang kanyang mukha at tiningnan ang katrabaho. "Apat na buwan pa lang."

"Buti hindi ka nahihirapan. Lagi kang nasa graveyard shift. Pwede ka naman magrequest nang morning o kaya midshift ah."

Umiling si Cris. "Graveyard talaga ang gusto ko. Tahimik kasi, mas nakakapag-isip ako."

"Bago ka pa kasi kaya gusto mo sa graveyard. Pero pag nakita mo si lolo…" mahiwagang sabi ni Jerry.

Tinitigan ni Cris si Jerry, nagtataka sa sinabi ng katrabaho. Hindi ito nakatingin sa kanya, kundi sa lapag. Para bang malalim ang iniisip.

"S-Sinong lolo?" tanong ni Cris.

"W-Wala," ang nakangiti ngunit halatang nababagabag na si Jerry. Pinindot niya ang Down button ng elevator at mabilis namang nagbukas ang isa.

"Sige, mauna na ako."

Naiwan si Cris sa elevator lobby, iniisip ang sinabi ni Jerry.

Pero pag nakita mo si lolo…

Ano kaya ang ibig sabihin nun?

Iginala ni Cris ang kanyang mata. Medyo maliit lang ang elevator lobby dito sa 18th floor. Hugis parihaba ito. Mayroong anim na elevators, tatlo sa bawat gilid. Sa magkabilang dulo ay may salaming pintuan papasok sa call center. May automatic locks ang mga pintong ito at tanging mga empleyado lamang ang makakapagbukas nito gamit ang kanilang security badge. Ang desk niya ay nasa isang dulo nito.

Ting! Matinis na tunog ng elevator. Pagbukas nito ay lumabas ang dalawang babaeng nagtatawanan.

"Hi, Chief!" masayang bati nila sa kanya.

"Good evening po, mam."

Pinagmasdan ni Cris and dalawa hanggang sa makapasok. Pagkatapos ay kumuha siya ng scratch paper sa isang drawer sa kanyang desk at muling nagsimulang gumuhit.

Mabilis ang paglipas ng oras para kay Cris kapag nasa graveyard shift siya, na isa pang dahilan kung bakit gusto niya ang shift na iyon. Pagtingin niya sa maliit na orasan na nasa kanyang desk ay nakita niyang malapit na pala siyang maglunch-break. Napangiti siya. Itinabi niya ang mga scratch paper na nagamit sa pagguhit at isinabit ang hawak na mechanical pencil sa kanyang polo.

Ting! Napatingin si Cris sa elevator na nagbukas, ngunit walang taong lumabas. Nawala ang ngiti niya sa mukha.

Baka mga loko-lokong pumindot ng 18th floor, hindi naman pala dito bababa, nasabi niya sa sarili habang umiiling. Hindi niya maintindihan ang mga taong gumagawa ng ganoon. Ano bang klaseng kaligayahan ang nakukuha nila kapag pinipindot nila ang hindi nila floor? Minsan tuloy ay naaabala nila ang ibang tao.

Lumipas ang ilang minuto bago napansin ni Cris na bukas pa rin ang pintuan ng elevator. Hindi rin umiilaw ang Up o Down sign na nasa itaas nito. Nagtaka siya dahil ngayon lang niya nakita ang ganitong pangyayari.

Naku, nasira pa yata, naisip niya.

Inabot niya ang telepono para tawagan ang maintenance department, ngunit bago pa man siya maka-dial ay biglang nagbukas din ang katapat ng bukas na elevator. At katulad ng huli, hindi din nag-iilaw ang Up o Down sign nito.

Natahimik lang si Cris. Hindi alam ang gagawin. Pabalik-balik lang ang tingin niya sa magkatapat na bukas na elevator.

Ano bang nangyayari dito?

Tatayo sana siya ngunit bigla siyang nagulat ng may lalaking lumabas mula sa isang elevator at mabilis na tumawid at pumasok sa katapat na elevator. Pagkatapos ay sabay na nagsara ang dalawang elevator.

Natulala si Cris sa nakita. Hindi niya gaanong napagmasdan ang lalaki dahil masyadong mabilis ang mga pangyayari. Ang tanging nasisiguro lang niya ay matanda na ito dahil puti na ang lahat ng buhok nito.

Si lolo…, ang mabilis niyang naisip.

Tumayo siya at dahan-dahang lumapit sa elevator kung saan pumasok ang matandang lalaki. Pinindot niya ang Down button, ang mga daliri ay nanginginig sa kaba. Makalipas ang ilang minuto ay bumukas ito ngunit walang tao sa loob. Tinitigan lang niya ang elevator at pagkatapos ay natawa.

"Ano ka ba naman," ang malakas niyang nasabi sabay kamot sa ulo. Bumalik siya sa kanyang desk at pabagsak na naupo.

Ting! Biglang napatayo si Cris. Inaabangan ang paglabas ng matandang lalake. Ngunit isang babaeng may buhat-buhat na malaking bag ang lumabas. Naghihikab pa ito ng pumasok sa loob ng call center, halatang puyat.

Relax ka lang Cris. Guni-guni mo lang yun. Napabuntong-hininga siya ng malakas at umupong muli. Konti na lang at break mo na. Gutom lang yan, pangkokombinsi niya sa sarili.

Naalala niya tuloy ang sinabi sa kanya ni Jerry kanina.

Bago ka pa kasi kaya gusto mo sa graveyard. Pero pag nakita mo si lolo…

Ano? Anong mangyayari kapag nakita ko ang sinasabi niyang lolo? Napailing si Cris, halatang naguguluhan. Tumingin siya sa kanyang orasan at nakitang break na niya.

Biglang sabay-sabay na bumukas ang anim na elevator. Nanlamig si Cris sa nakita. Hindi maipaliwanag ang takot na nararamdaman. Sinubukan niyang tumayo ngunit nanlalambot ang kanyang mga binti.

Hindi! Hindi totoo ito!

Pumikit siya, pinipilit na kontrolin ang sarili. Binagalan niya ang kanyang paghinga, sinubukang magrelax. Nang buksan niya ang kanyang mga mata ay medyo kalmado na siya.

Walang nagbago sa kanyang nakikita. Bukas pa rin ang anim na elevator ngunit walang lumabas sa mga ito. Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa bawat isang elevator.

Napansin lang niya na hindi pala siya humihinga ng marinig na bumukas ang pinto ng call center sa likod niya. Dito ay nakahinga siya ng maluwag.

Oo nga pala, may mga uuwi na ng ganitong oras, sabi niya sa sarili. Tumayo siya at tumalikod upang salubungin ang mga pauwing empleyado, para i-check ang kanilang mga bag.

Nakatayo sa harap niya ang matandang lalake!

Natumba si Cris, napahiga sa lapag. Napasigaw siya ngunit hindi dahil sa nagulat siya. Napasigaw siya ng makita niya ang mga mata ng matanda. Butas lamang ang mga ito. Itim na itim at malalim.

Humakbang pasulong ang matanda, papalapit kay Cris. Umatras siya, gumagapang dahil sa takot. Hindi niya napansin na nakasandal na pala siya sa pader. Pilit pa rin siyang umaatras. Pag tingin niya ay nakita niyang tumigil ang matanda sa harap ng isang elevator, nakatitig sa kanya ang mga butas kung nasaan dapat ang mga mata nito. Lumipas ang ilang sandali, pagkatapos ay dahan-dahang pumasok ang matanda sa elevator. Sabay-sabay na nagsara ang anim na elevator. Naiwan si Cris sa lapag ng lobby, umuungol at hinihingal sa takot.

Hindi nakapasok si Cris sa dalawang sumunod na araw. Pagkabalik na pagkabalik niya ay kinausap niya kaagad ang kanyang bisor. Humiling siya ng morning o kaya ay midshift. Tiningnan siya ng kanyang bisor, nakita ang maputlang mukha ni Cris.

"O sige. Pero hindi na dapat mauulit yang pag-absent mo ha," sabi ng galit na bisor.

"Pasensya na po," mahinang sagot ni Cris.

Tumango lang ang bisor, na parang alam ang nangyari kay Cris.

Pumunta si Cris sa CR para magsuot ng kanyang uniporme. Doon ay nakita niya si Jerry.

"Nakita mo ba si…" tanong nito kay Cris.

Hindi siya kumibo. Nagpatuloy lang sa pagbibihis.

"Huwag ka mag-alala, hindi naman nananakit yun," seryosong sabi ni Jerry sabay labas ng CR.

Pagkatapos magbihis ay dumeretso na si Cris sa kanyang desk sa elevator lobby. Nagmamasid. Nakikiramdam. Naninigas ang katawan sa tuwing maririnig ang matinis ng Ting! ng elevator.