Excited ang buong Team "Aloha" sa kaniling nalalapit na team building. Halos isang taon na rin kasi ng huli silang mag-out of town. Ito rin kasi ang unang pagkakataon na makakapag-team building sila na kumpleto at kasama ang lahat.
"Hoy! Overnight lang tayo doon hindi isang linggo!" sabi ng macho ngunit taklesang bading na si Leonardo ng makita ang dalawang naglalakihang bag ni Kim.
"Echos! Siyempre kailangan kumpleto ang gamit at accessories noh," nakangiting sagot ng kikay na si Kim habang bitbit ang isang malaking bag habang ang isa naman ay suot-suot sa likuran. "Tulungan mo nga ako rito. Parang hindi ka naman gentleman niyan eh!"
"Talagang hindi!" ang tumatawang sabi ni Leonardo sabay talikod.
"Team Aloha, kumpleto na ba ang gamit ninyo? After shift lalakad na tayo para hindi na tayo ma-traffic," sabi ng team leader nilang si Anna.
"Yes, Boss!" sagot nilang lahat.
Kasalukuyan silang nasa pantry noon, nagmemeryenda habang iniintay ang simula ng kanilang shift. Maaga silang nagdatingan, lahat ay nasasabik sa pagkakataon na makapagpahinga, makapag-relax, at kalimutan ang pag-ca-calls.
"Robbie, honey, dala mo ba yung trunks mo diyan para makita ko naman yang katawan mo," pang-aasar ng madaldal na si Yesha.
"Maglalaway ka dahil T-Back ang isusuot ko!" sagot ni Robbie na hindi magpapatalo pagdating sa asaran.
Masayang tawanan ang pumuno sa pantry.
"Ilang oras nga pala ang biyahe papunta doon?" tanong ni Izza, ang pinakabata sa team.
"Mga two hours siguro kung hindi traffic," sagot ni Kiss. Siya kasi ang nakakaalam kung saan sa Batangas sila pupunta dahil siya ang nagset-up nito.
"Ikaw mommy, ano bang swimsuit mo diyan?" tanong ni Ana kay Mars, na siyang pinakamatanda sa team.
"Aba, two piece yata ang dala ko!" pagmamalaki ni Mars.
"Naku, di makikita namin ang mga stretch marks mo," hirit ni Robbie. Anim na kasi ang anak ni Mars.
Tawanan ulit ang lahat. Ganito talaga ang Team Aloha. Palaging nag-aasaran at nagkakasiyahan.
"Oy, malapit na tayo mag-time," sabi ni Sam, ang pinaka-tenured sa team. "Baka ma-late tayo niyan."
"Opo, ninuno," pangbubuska ni Yesha.
Isa-isang nagtayuan ang Team Aloha para mag-log-in. Dito napansin ni Sam si Aldo na nakaupo sa isang table sa dulo ng pantry. Nilapitan niya ito.
"Aldo, andyan ka pala. Bakit hindi ka doon naupo kasama namin," tanong ni Sam.
"Hah? Ah… eh… kadadating ko lang kasi eh," sabi ng nauutal na si Aldo. Napansin ni Sam na balisa ni Aldo. Para bang kinakabahan.
"Okey ka lang ba, p're?"
"O-Okey lang," sagot ni Aldo na nakatitig sa malayo.
Sinundan ni Sam ang tingin ni Aldo at nakita niyang nakatingin ito sa lamesa kung saan nakaupo ang team nila kanina. Pero wala ng tao ngayon doon.
"Anong tinitingnan mo diyan?" pang-uusisa ni Sam.
Halatang nagulat si Aldo sa tanong ni sam. Nangingiting tiningnan ni Aldo ang katrabaho.
"Wala. Ano kasi…" sabi ni Aldo ngunit bigla siyang natigilan, ang mga mata'y muling napako sa lamesa sa likod ni Sam. Sa pagkakataong iyon ay nakita ni Sam ang takot sa mukha ni Aldo. Namumutla ang mukha at nanginginig ang katawan nito.
Biglang tumayo si Aldo, na nakatitig pa rin sa lamesa. Pagkatapos ay bigla itong tumalikod at mabilis na naglakad papalayo.
Naiwan ang nagtatakang si Sam. Alam ng buong team na may pagka-weirdo si Aldo. Napakatahimik nito at hindi nakikihalubilo sa mga katrabaho. Madalas ay nakikita nila itong nakatulala, nakatingin sa wala. Noong una ay pinagtatawanan nila ang ka-teammate ngunit di kalaunan ay nasanay na rin sila sa ka-weirdohan nito. Dahil dito ay binalewala na lang ni Sam ang nangyari at inisip na ito ay parte lang ng pagiging kakaiba ni Aldo.
Naging mabilis ang paglipas ng oras para sa Team Aloha. Pagdating ng alas-siyete ng umaga, sabay-sabay at nagmamadaling naglog-out ang buong team. Mabilis silang nagtipon sa pantry, dala ang kanilang mga bag.
"Okay guys, parating na daw yung van natin. Dun na natin antayin sa baba. Puwede tayo magstop-over kapag may madaanan tayong fast-food para makapagbreakfast tayo," sabi ni Anna.
"Ready ka na Aldo? Dala mo na ba ang lahat ng gamit mo?" tanong ni Sam.
"Ah, oo," mahinang sagot nito.
"Buti naman at nakasama ka. Minsan-minsan lang kasi tayo makapagteam building kaya dapat lahat kasama para masaya."
Ngiti lang ang sinagot ni Aldo kay Sam.
Mahaba ang biyahe nila papuntang Batangas. Pagkatapos ang sandaling pagtigil sa isang fast-food restaurant para makapag-almusal ay nagpatuloy sila sa kanilang pagbiyahe. Dahil sa mga pagod at puyat ang lahat, nakaramdam sila ng antok at nakatulog sa sasakyan.
Alas diyes na ng marating nila ang resort. Nirentahan nila ang isang malaking bahay sa tabi ng dagat. Maganda ang lugar. Tahimik at malinis. Mayroon ding isang malaking pool sa bakuran ng bahay. Masayang nagpasukan sa bahay ang buong team. Kanya-kanyang hanapan ng puwestong mauupuan. May mga dumeretso sa CR para makapag-jingle. Meron ding dumertso sa mga kuwarto, pumipili kung saan sila matutulog.
"Oy, huwag kayong mag-unahan. Malaki 'tong bahay na 'to. Kasyang-kasya tayong lahat," sabi ni Kiss na siyang kumausap sa may-ari ng bahay.
"Buti nakuha natin 'to ng mura. Ang laki pala nito," sabi ni Lawrence.
"Mabait naman yung may-ari kaya madaling pakiusapan," nakangiting sagot ni Kiss.
Naging abala ang Team Aloha sa pag-aayos ng mga dala nilang gamit. Sa isang kuwarto ay nagsama-sama ang mga lalake, at sa isang kuwarto naman ay magkakasama ang mga babae. Di-aircon ang mga kuwarto kaya masayang nahiga muna sila para makapagpahinga.
"Ang ganda ng CR! Meron pang bathtub!" masayang sabi ni Robbie.
"To naman, bathtub lang na-excite na. May pool nga diyan saka ang laki-laki ng dagat," pang-aasar ni Lawrence.
Dito ay napansin ni Sam si Aldo na tahimik na nakaupo sa isang kama. Nakatungo ito at parang may ginagawa.
"Aldo, ang ganda nitong lugar ano," bati ni Sam na pinipilit makapagsimula ng kuwentuhan.
"Ha? O-Oo nga," matipid na sagot ni Aldo.
Pinagmasdan ni Sam ang katrabaho. Nakatungo ito at nakapikit. Mahigpit na magkahawak ang mga kamay nito. Para bang nagdadasal.
Hindi malaman ni Sam kung ano ang iisipin sa ka-teammate. "Mabuti pa magbihis na tayo para makatalon na sa tubig."
Sumang-ayon naman sa kanya ang mga kasama niya kaya mabilis silang nagbihis. Paglabas ng kuwarto ay nakita nila sina Joan, Yesha, at Diane na palabas para mamalengke. May malapit kasing palengke sa lugar na iyon kaya naisipan nilang doon na mamili kaysa sa magdala pa ng pagkaing lulutuin. Nagprisinta naman si Lawrence na sumama para makatulong sa pagbubuhat.
Masaya ang buong araw nila. Marami silang pagkaing niluto, iba't ibang putahe. Ilang case din ng beer ang binili nila. Mayroon ding videoke kaya hindi natitigil ang kantahan at tawanan. Kapag nakakaramdam na ng tama ang isa sa kanila ay agad itong tatalon sa pool para bumaba ang tama. Hindi rin tumitigil ang tsismisan at asaran.
Sa gitna ng kasayahan ay hindi mapigilan ni Sam na mapansin ang mga kinikilos ni Aldo. Oo, bagamat hindi ito humihiwalay sa kanila, hindi rin naman ito nakikipagkuwentuhan sa kanila. Tahimik lang itong nakaupo, ni hindi man lang tumikim ng beer.
Pagdating ng alas-dos ng madaling-araw, isa-isa ng pumasok sa kuwarto ang Team Aloha. Nakaramdam na rin sila ng pagod at antok. Ang iba naman ay talagang inabot na rin ng kalasingan. Makalipas ang ilang minuto ay tulog na ang lahat. Tahimik na ang buong bahay, wala ni isa mang bakas ng kasiyahan na pumuno dito ng ingay at tawanan.
Marami-rami ring nainom na beer si Sam kaya madali siyang nakatulog. Ngunit wala pang isang oras ng bigla siyang maalimpungatan. May narinig kasi siyang kung anong bagay. Bagamat nakakaramdam ng sakit ng ulo ay pinilit niyang umupo.
"Huwag kayong lalapit. Huwag niyo silang lalapitan!" isang boses na puno ng takot ang narinig ni Sam. Iginala niya ang kanyang mata, pilit na inaaninag kung sino ang nagsalita sa gitna ng dilim.
"Lumayo kayo!" sabi ng boses na parang humihikbi.
Paglingon niya sa kanyang kaliwa ay nakita ni Sam ang isang taong nakaupo sa kama. Bagamat may kadiliman ay alam niyang si Aldo iyon.
"Aldo, gabi na ba't di ka pa natutulog?" ang sabi ni Sam na may halong pagkairita.
Parang hindi siya narinig ni Aldo. Nakaupo lang ito, kung saan-saan tumitingin. Babaling siya sa kaliwa, pagkatapos ay mabilis na babaling sa kanan.
"Huwag sabi kayong lumapit! Hindi ako natatakot sa inyo!" Lumalakas ang boses ni Aldo. Pakiwari ni Sam ay may halong takot sa boses nito.
"Aldo, ano bang problema?" tanong ni Sam habang pinagmamasdan ang ibang mga katrabaho. Tulog na tulog sila, walang kamalay-malay sa nangyayari. Napakamot ng ulo si Sam sa pagkainis at pagkatapos ay tumayo at bumaba sa kama. Dahan-dahan niyang nilapitan si Aldo.
"Aldo, matulog ka na! Lasing ka lang ata…" sabi ni Sam sabay hawak sa balikat ni Aldo. Dito ay bigla siyang natigilan. Hindi niya alam kung bakit pero para bang nakuryente siya. Napapikit siya sa naramdamang sensasyon.
"Huwag! Sabi ng huwag!" Biglang napadilat siya sa narinig na sigaw.
"Hoy Aldo! Naka-drugs ka b…" hindi niya naituloy ang sasabihin. Iginala niya ang kanyang nanlalaking mga mata. Kung kani-kanina lang ay sila lang magkakatrabaho ang laman ng kuwartong ito, ngayon ay halos puno na ito ng tao! Lahat sila ay nakatayo. Lahat sila ay nakatungo. At lahat sila ay dahan-dahang lumalapit kay Sam at Aldo.
"A-Aldo! A-Ano ito!" pasigaw na tanong ni Sam. Dama niya ang panghihina ng kanyang tuhod at napabagsak siya sa kama ni Aldo.
"Nakikita mo sila?" tanong ni Aldo na may halong takot at pagkamangha.
"A-Anong ginagawa nila dito? Pa'no sila nakapasok dito?" ang tanong ni Sam na ngayo'y kinain na ng takot. "Sino kayo? Sino kayo!"
Hindi sumagot ang mga taong nakapalibot sa kanila. Patuloy lang sila sa paglapit. Gusto ni Sam sumigaw ngunit parang hindi siya makahinga. Walang lumalabas na boses sa bibig niya. Lalo pa siyang nasindak ng makitang hindi sumasayad sa lupa ang mga paa ng mga taong nasa harapan niya. Lumulutang lang ang mga ito papalapit sa kanila.
"M-Multo! Multo!" ang mahinang sigaw ni Sam.
"H-Hindi ko alam kung ano ang gusto nila! Kanina ko pa sila nakikita! Pagdating pa lang natin dito!" sabi ng umiiyak na si Aldo.
"Hindi totoo ito. Nananaginip lang ako!" sabi ni Sam na nanginginig ang boses. Patuloy lang ang paglapit sa kanila ng mga multo hanggang sa makita ni Sam na wala silang mga mukha. Dito ay napasigaw siya ng malakas.
"Bitiwan mo ko!" biglang pasigaw na sabi ni Aldo, ngunit hindi siya naintindihan ni Sam. Tuliro na ang isip nito sa mga nakikita. Sa sobrang takot niya ay hindi niya napansin na nakahawak pa rin ang kamay niya sa balikat ni Aldo.
Biglang hinawakan ni Aldo ang kamay ni Sam na nasa balikat niya sabay tulak sa katrabaho. Malakas ang pagkakatulak niya kaya bumagsak si Sam sa lapag. Tumama ang kanyang ulo sa batong sahig at napapikit siya sa sakit na naramdaman. Hinawakan niya ang kanyang ulo at mabilis na dumilat.
Wala na ang mga multo. Tanging siya, si Aldo at ang kanyang mga tulog na kaibigan lamang ang laman ng kuwarto. Tiningnan niya si Aldo. Nagtago na ito sa ilalim ng kanyang kumot, ngunit nakikita pa rin niya na nanginginig ito sa takot. Sinubukan niyang tumayo ngunit bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo. Biglang bumalik sa kanyang isipan ang mga nakita. At dahil na rin sa pinaghalu-halong takot, pagot, at pagkalasing ay nawalan siya ng ulirat.
"Hoy, Sam. Gising na! Hoy Sam!"
Dahan-dahang ibinukas ni Sam ang kanyang mga mata. Nasilaw siya sa liwanag na nanggagaling sa mga bintana. Tinakpan niya ang kanyang mga mata ng kamay at sinubukang tumayo. Matinding sakit ang gumapang sa kanyang ulo. Mabilis niyang hinawakan ang kumikirot na ulo at naramdamang mayroon siyang malaking bukol.
"Hahaha! Sobrang lasing ka siguro! Nahulog ka sa kama ng hindi mo naramdaman!" malakas na pambubuska ni Robbie habang tumatawa. Nagtawanan din ang mga kasama nila sa kuwarto na halatang kagigising din lang.
Inalala ni Sam kung ano ang nangyari. Meron siyang nakakatakot na panaginip. Mayroon daw mga multo sa kuwarto nila.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Sam. Mabilis niyang nilingon ang kama ni Aldo ngunit wala na siya rito. Maayos na ang kubre-kama at nakatiklop na ang kumot.
"Si Aldo?" tanong ni Sam.
"Naku, ang aga nagising. Andun sa labas baka nag-aagahan na," sagot ni Lawrence.
Paglabas ng kuwarto ay nakita niya si Aldo, tahimik na nakaupo sa sofa sa sala. Dahan-dahang lumapit si Sam kay Aldo, at dito ay nagkatinginan sila. Seryoso ang mga mata ni Aldo, hindi kumukurap.
"Kagabi…" mahinang nasabi ni Sam.
Hindi sumagot si Aldo, tinitigan lang si Sam. Maya-mayang konti ay tumango ito. Isang beses lang. Pagkatapos ay tumungo siya at pinagmasdan ang mga paa.
Kung ganon, totoo palang nangyari ang lahat. Hindi pala ako nananaginip noon! Bumalik ang takot na naramdaman ni Sam kagabi. Mabilis niyang iginala ang kanyang mata, inaasahang makakakita ng lumulutang na multo. Ngunit tanging sila lang ng mga katrabaho niya ang laman ng bahay.
Tahimik ang lahat sa biyahe papauwi. Ramdam pa nila ang pagod sa kanilang mga katawan. Ilang beses ding sinilip ni Sam si Aldo, ngunit tahimik lang ito sa kinauupuan. Gusto niya itong kausapin. Gusto niyang tanungin tungkol sa mga nangyari. Ngunit hindi niya alam kung paano sisimulan.
Pagbalik sa trabaho ay di inaasahang nakasabay ni Sam sa elevator si Aldo. Tahimik lang silang dalawa sa loob. Hindi nagkikibuan.
Pasimpleng sinilip ni Sam ang katrabaho. Nakapikit ito na para bang nagdadasal ng taimtim. Biglang nakadama ng takot si Sam.
"Aldo, huwag mong sabihing may…" tanong ni Sam ngunit hindi niya magawang ituloy.
Tumango lang si Aldo ng mabilis. Itinaas niya ang kanyang kaliwang kamay, nakabukas ang palad.
Tiningnan lang ito ni Sam. Alam niya ang ibig sabihin ni Aldo.
Gusto mong kunin ko ang kamay mo? Gusto mong makita ko ang nakikita mo? kinakabahang naisip ni Sam. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang kamay para kunin ang kamay ni Aldo. Nakita niyang nanginginig ito.
Ano kaya ang makikita ko dito sa elevator?
Ilang pulgada na lang ang layo ng kanyang kamay sa kamay ni Aldo ng biglang bumukas ang elevator. Tinitigan ni Sam ang nakapikit pa ring si Aldo. Makalipas ang ilang sandali, ibinaba ni Sam ang kanyang kamay sa kanyang gilid at mabilis na lumabas ng elevator. Naiwan ang nakapikit na si Aldo sa loob.
Kinabukasan, hindi na muling pumasok si Aldo sa trabaho.