Chereads / Call Center Ghost Stories (Tagalog) / Chapter 10 - Ang Locker

Chapter 10 - Ang Locker

Excited na excited si Lanie sa kanyang bagong trabaho sa call center. Fresh graduate kasi siya at ito ang kanyang unang trabaho. Maganda ang office nila, malaki at moderno ang mga kagamitan. Natutuwa din siya sa mga kapwa niya trainees. May mga galing na sa ibang call centers, may mga may edad na, at mayroon din naman katulad niya na unang sabak pa lamang sa mundo ng call center.

"Okay, guys," sabi ng trainer nilang si Candy. "We will assign you to your respective lockers so you can leave your stuff there. I trust you brought your padlocks like I said yesterday."

Isang malakas na "Yes" ang pumuno sa loob ng training room, lalo na sa grupo ni Lanie na pawang mga baguhan.

"I'll call out your name one-by-one and I'll give you a paper where your locker number is written. Proceed to the guard and show that paper to him. He will open your locker for you. Understood?"

"Yes, Candy!" malakas na sagot nilang lahat.

Isa-isa na ngang tinawag ni Candy ang mga trainees at isa-isa rin silang lumabas ng training room para pumunta sa guard. Nang tawagin na ang pangalan ni Lanie ay halos patakbo siyang pumunta sa harap ng classroom.

"Here's your locker number Lanie!" nakangiting sabi ni Candy sabay abot ng isang pirasong papel.

"Thank you!" halos abot tenga ang ngiti ni Lanie.

Pagkalabas niya ng training room ay mabilis niyang binuksan ang papel na hawak niya.

Locker #2046.

Mabilis na dumiretso si Lanie sa guard at iniabot ang papel. Saglit itong tiningnan ng guwardiya pagkatapos ay kinuha ang isang wire cutter sa loob ng kanyang desk.

"Dito po tayo mam," magalang na sabi ng guwardiya sabay tayo.

Masayang sinundan ni Lanie ang guwardiya patungo sa locker room. Malaki ang locker room na nahahati sa maraming rows. Nasa dulong row dumiretso ang guwardiya at pagkatapos ay tumigil sa harap ng mga lockers. Muli nitong tiningnan ang hawak na kapirasong papel at pagkatapos ay hinanap ang locker. Di nagtagal at nakita ito ng guwardiya. Nakatali ang lalagyan ng padlock ng locker ng isang kapirasong alambre na agad namang pinutol ng guwardiya gamit ang wire cutter.

"Bukas na po, mam," nakangiting sabi ng guwardiya.

"Salamat kuya," sabi ni Lanie sa guwardiya na babalik na sa desk nito.

Humarap si Lanie sa kanyang locker at pagkatapos ay mabilis itong binuksan. Nagulat siya sa kanyang nakita.

Maalikabok ang loob ng locker at sa pinakagitna nito ay mayroong isang asul na mug na nababalot ng makapal na alikabok.

"Ano ito?" mahinang sabi ni Lanie na bakas sa mukha ang pagtataka.

Dahan-dahang kinuha ni Lanie ang maalikabok na mug. Tinitigan niya ito at nakitang may nakasulat na pangalan dito.

Jenny.

Jenny? Baka siya ang dating may-ari ng locker na ito. Baka nag-resign siya at naiwan na lang itong mug niya, naisip ni Lanie.

Muli niyang tiningnan ang maalikabok na locker.

Mukhang matagal na itong hindi nagagamit ah.

Nilapag muna ni Lanie ang mug na hawak. Buti na lang at may dala siyang tissue sa bulsa. Mabilis niyang pinunasan ang loob ng locker, inaalis ang lahat ng alikabok. Nang matapos ay isinara niya ito at inilabas ang padlock sa kanyang bulsa. Mabilis niyang ikinandado ang kanyang locker.

Babalik na sana siya sa training room ng makita ang lumang mug na inilapag niya.

Dapat siguro itapon ko na lang.

Muli niyang pinulot ang asul na mug at dumiretso sa pantry kung saan itinapon niya ang mug sa basurahan. Dali-dali naman siyang bumalik sa training room.

Naging masaya para kay Lanie ang sumunod na mga linggo. Marami siyang natututunang bagong impormasyon. Masaya rin siya sa kanyang mga bagong kaibigan. Lahat sila ay nagtutulungan.

"Hay naku! May exam na naman tayo!" sabi ni Brenda.

"Oo nga," sagot ni Lanie. "Pero sigurado ako perfect ka na naman niyan!"

"Oy hindi ah! Sinuwerte lang ako doon sa mga previous exams natin," nakangiting sabi ni Brenda. "Mabuti pa magreview muna tayo."

"Sige. Kunin ko lang yung mga gamit ko sandali."

Mabilis na tinungo ni Lanie ang kanyang locker. Tinanggal niya ang kandado gamit ang kanyang susi na nakasabit sa kanyang ID.

Nagulat siya ng buksan niya ito. Maayos naman ang kanyang gamit at walang nawawala. Tanging ang mug lang niya ang nakapukaw ng kanyang pansin.

Maalikabok ito.

Dahan-dahan niya itong kinuha, tiningnang mabuti. Maingat niya itong pinunasan gamit ang isang pirasong tissue.

Bakit may alikabok 'to? tanong niya sa sarili. Ang mahal pa naman ng bili ko dito.

Dali-dali siyang pumunta sa pantry para hugasan ang kanyang mug. Pagkatapos ay muli siyang bumalik sa kanyang locker at kinuha ang iba pa niyang gamit. Pag dating ng uwian ay nakalimutan na niya ang kakaibang nangyari sa kanyang mug.

Kinabukasan, pagbukas niya ng kanyang locker, nagulat siya ng makitang maalikabok na naman ang kanyang mug. Maayos naman ang ibang gamit niya sa loob ng locker, wala ni isa mang bahid ng alikabok. Gaya ng ginawa niya kahapon, mabilis niyang hinugasan ang kanyang mug at pagkatapos ay kinuha ang kanyang mga gamit.

Sa mga sumunod na araw ay ganito palagi ang nangyayari. Pag bukas niya ng kanyang locker ay makikita niyang maalikabok ang kanyang mug samantalang malinis naman ang ibang gamit niya. Labis na nagtataka si Lanie ngunit hindi niya ito mapagtuunan ng pansin dahil abala siya sa kanyang training.

Hanggang sa isang araw, pagkabukas niya ng kanyang locker ay wala sa loob ang kanyang mug. Tandang-tanda niya na inilagay niya ito sa kanyang locker kahapon bago siya umuwi. Para makasigurado ay tinanong na rin niya ang kanyang trainer kung naiwan niya ito sa training room kahapon.

"No," sagot ng kanyang trainer, "I haven't seen any mugs here yesterday. Are you sure you left it here?"

Hindi naman nakasagot si Lanie. Nang makita niya si Brenda ay madali niyang ikinuwento ang tungkol sa kanyang nawawalang mug. Hindi rin naman ito nakita ng kaibigan kayat wala nang nagawa si Lanie kundi tanggapin ang pagkawala nito. Malungkot siyang pumasok sa kanilang training room.

Mabilis ang takbo ng oras kayat maya-maya lang ay uwian na sila. Malungkot pa rin si Lanie. Mabigat ang katawan niyang tinungo ang kanyang locker. Pagkatanggal ng lock at pagkabukas nito ay nagulat siya sa kanyang nakita.

Nasa loob "What the…" naibulong ni Lanie sa sarili.

"Magnanakaw!" isang galit na boses ang narinig niya mula sa kanyang likuran.

Mabilis na napalingon si Lanie at nakita ang isang babaeng nakaharap sa kanya. Nakatungo ito kayat natatakpan ng kanyang mahabang buhok ang kanyang mukha. Maayos naman ang itsura nito na nakasuot ng baby T-shirt at maong pants.

"E-Excuse me?" tanong ni Lanie na halatang nagulat.

"Magnanakaw ka!" sigaw ng babae sabay taas ng kamay nito sabay duro kay Lanie. "Magnanakaw!"

Dahil dito ay nag-init ang ulo ni Lanie. "Ano bang pinagsasabi mo?"

"Ang locker na iyan! Akin ang locker na iyan!" Dahan-dahang inangat ng babae ang kanyang ulo at tiningnan si Lanie.

Napaatras si Lanie sa kanyang nakita.

Walang mga mata ang babae. Tanging butas lamang ang mga ito. Umaagos din ang malapot nitong dugo mula sa butas ng kanyang mga mata. Ang mukha naman ng babae ay mukhang nabubulok na.

"Magnanakaw!" patuloy na sigaw ng babae habang dahan-dahang humahakbang papalapit kay Lanie.

Nawala ang galit ni Lanie at napalitan ng matinding takot. Yakap-yakap ang kanyang gamit, kumaripas siya ng takbo. Lumabas siya ng locker room at ng kanilang office. Nahimasmasan lamang siya ng marating niya ang elevator lobby.

"Ma'am? Okay lang ba kayo?" tanong sa kanya ng guard.

Hindi nakasagot si Lanie dahil sa sobrang hingal. Tumango na lamang siya sa guwardiya.

"Ma'am, bawal mo ilabas yang mga training materials niyo. Iwan niyo na lang sa locker niyo kung uuwi na kayo."

Tiningnan ni Lanie ang hawak na mga gamit at dito ay nabuo ang kanyang pasya. Tumalikod siya sa guwardiya at pumunta sa training room. Nang makita niya si Candy ay agad niya itong nilapitan.

"Candy, I-" hindi maituloy ni Lanie ang sasabihin.

"What is it, Lanie?" tanong ng trainer. Napakunot ang noo nito ng makita ang itsura ng babae.

"I don't know how to say this but, can I have a new locker?"

"Why?" halatang nagulat si Candy. "Is there something wrong with your locker?"

"Well, I don't know if you'll believe me but something strange just happened to me."

"Strange? Did you see…" biglang nanlaki ang mga mata ni Candy. Para bang naintindihan na niya ang gustong sabihin ng babae. "What's your locker number?"

"2046," mabilis na sagot ni Lanie.

Lalong nanlaki ang mga mata ni Candy. "No, that can't be right." Mabilis nitong hinarap ang kanyang computer at hinanap ang mga files tungkol sa locker assignments. Nang makita ang hinahanap ay napailing ito.

"I'm sorry, Lanie. It seems that there was a mistake. Your locker should have been 2146, not 2046." Muling hinarap ni Candy ang babae. "We usually don't assign 2046 to anybody."

"W-Why? Is there something wrong with that locker?"

Nagulat si Candy at tinakpan ang bibig. Alam niyang hindi niya dapat sinabi ang bagay na iyon kay Lanie. "No. Nothing's wrong with that locker. Why don't you just go to the guard to so you can transfer to your new locker, okay?"

Saglit tinitigan ni Lanie ang trainer, alam na may itinatago ito sa kanya. Pagkatapos at tumalikod na siya at bumalik sa guwardiya. Mabilis namang kinuha ng guwardiya ang kanyang wire cutter ng sabihin ni Lanie ang gustong mangyari. Sinundan ni Lanie ang guwardiya pabalik sa locker room. Dumeretso ito sa kabilang dulo ng kuwarto at doon nga ay binuksan ang isang bagong locker.

"Okay na po, ma'am. Puwede niyo na gamitin," nakangiting sabi ng guwardiya.

Bagamat naguguluhan pa rin ay inilagay na ni Lanie ang kanyang gamit sa kanyang locker. Hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya. Hindi niya rin maintindihan ang reaksyon ni Candy nang malamang 2046 ang kanyang locker.

Lalabas na sana siya ng locker room ng maisipang silipin ang dating locker. Dahan-dahan siyang naglakad patungo dito, handang tumakbo oras na may makitang kakaiba. Ngunit wala siyang nakitang kakaiba. Tanging ang guwardiya lamang na tinatalian ng alambre ang dating locker.

Ang locker number 2046.