Malamig ang simoy ng hangin sa labas. Tumatagos hanggang sa buto ni Erika ang lamig kahit na may suot pa siyang makapal na jacket. Lalo siyang nakadama ng pagkaantok dahil sa lamig. Tumingala siya, naghanap ng bituin sa kalangitan, ngunit wala siyang nakita ni isa. Alas tres na ng madaling araw pero marami pa ring tao ang naglalakad sa kalsada dito sa Makati. Karamihan ay mga teenagers at young adults. Mga call center agents.
Tiningnan niya kung anong oras na sa suot na relo. May sampung minuto pa siya bago matapos ang kanyang break. Humithit siya sa dala-dalang sigarilyo, malalim, umaasang mapapawi ng yosi ang lamig na nadarama. Dahan-dahan niyang ibinuga ang usok na nasa baga na para bang ninanamnam. Pagkatapos ay dali-dali niyang itinapon ang sigarilyo sa basurahan. Mabilis siyang naglakad patungo sa elevator at pinindot ang Up Button. Bumukas naman kaagad ang isa sa mga elevators. Pumasok siya at pagkasarado ng mga pinto ay naramdaman niya ang dahan-dahang pag-akyat nito. Medyo mataas ang palapag kung saan nagtatrabaho si Erika, isang call center na nasa 22nd floor.
Habang paakyat ay naalala niya ang dalawang taong gulang na anak na iniiwan niya sa kanyang ina tuwing pumapasok.
Mahirap talagang maging isang single mom, naisip niya at napabuntong-hininga na lang. Buti na lang at nakapasok ako sa call center kung hindi…
Naramdaman niya ang pagbagal ng elevator. Napatingin siya sa display at nakita niyang tumigil ito sa 14th floor. Pagbukas ng pinto ay natigilan siya ng bumulaga sa kanya ang kadiliman. Walang ni isa mang bukas na ilaw sa floor na iyon at ang tanging liwanag lamang ay ang liwanag na nagmumula sa loob ng elevator.
Nakinig siya, nakiramdam kung may tao. Hindi niya sigurado kung anong kompanya ang umuukupa sa floor na ito.
Hindi naman siguro bakante ang floor na ito.
Bigla tuloy niyang naalala ang kuwento ng isa sa kanyang mga katrabaho. Kalimitan, walang 13th floor sa mga building dahil ang paniniwala ay malas daw ito. Ang ginagawa ng mga developers ay nilalaktawan ang 13th floor at deretso na kaagad sa 14th floor. Ang ebidensya ay makikita sa mga elevator. Walang button para sa 13th floor. Pagkatapos ng 12th floor ay 14th floor na kaagad. Pero kung bibilangin mo ang mga palapag mula sa ibaba, ang 14th floor talaga ang tunay na 13th floor.
Kahit palitan nila ng pangalan, 13th floor pa rin ang floor na ito, naisip niya.
Habang tinitingnan ni Erika ang madilim na palapag ay hindi niya maiwasang makaramdam ng takot. Walang kaingay-ingay sa palapag na ito. Naghintay pa siya ng ilang segundo at pagkatapos ay itinaas niya ang kamay para pindutin ang Close button.
"Sandali!" isang boses ang narining niyang sumigaw. Boses ng isang lalake.
Nagulat si Erika sa narinig. Nagsimulang sumara ang pinto ng elevator kaya't pinindot niya ang Open Button. Muling bumukas ang pinto at isang lalake ang mabilis na pumasok sa loob. Dumeretso ito sa likuran ng elevator ng walang kibo.
Ni hindi man lang nag-thank you, naiinis na nasabi ni Erika sa sarili.
Sumara na ang pinto at nagpatuloy ang mabagal na pag-akyat ng elevator.
Tahimik na tahimik sa loob. Walang ibang marinig si Erika kundi ang makina ng elevator. Pa-simple niyang sinilip ang lalake sa likuran niya. Nagulat siya dahil nakatalikod ito sa kanya. Hindi pala ito humarap sa pinto ng pumasok sa elevator. Noon din lang niya napansin na hindi pumindot ng floor ang lalake.
Aakyat din ba 'to sa 22nd floor?
Pinagmasdan niyang mabuti ang nakatalikod na lalake. Maayos naman ang itsura nito. Nakasuot ng asul ng polo at itim na slacks. Makintab din ang balat na sapatos nito.
Nag-overtime siguro 'to kaya siya na lang ang natirang tao sa 14th floor, naisip niya.
Napailing si Erika, hindi mapigilang mapangiti ng maalala ang naramdamang takot kanina ng huminto ang elevator sa 14th floor. Tatalikuran na sana niya ang lalake ng napansin niya ang kanang kamay nito. Mayroong kung anong bagay itong mahigpit na hinahawakan. Sa katunayan ay nanginginig ang kamao nito dahil sa higpit ng pagkakahawak sa bagay na iyon. Pilit inaninag ni Erika kung ano ang nasa kamay nito at nagulat siya ng makitang dumudugo ang kamay ng lalake. Lalo pa siyang nagulat ng sumipol ang lalake ng isang kanta. Isang kanta na bagamat masaya, ay nakapagpatayo ng mga balahibo niya. Mabilis siyang tumalikod at humarap sa pinto ng elevator habang ang lalake ay patuloy lang sa pagsipol.
Hindi niya alam kung bakit pero pinagpapawisan siya ng malamig. Pakiramdam niya ay lumiliit ang elevator at nahihirapan siyang huminga. Matinis ang tunog ng ginagawang pagsipol ng lalake sa likod niya, na para bang lalong bumibilis at lumalakas. Bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo. Pakiramdam niya ay masusuka siya. Pakiramdam niya ay babagsak siya. Pakiramdam niya ay…
Ting! Matinis na tunog ng elevator na nagbukas sa 22nd floor. Nanghihina man ang tuhod ay nagmamadaling lumabas si Erika. Agad-agad ay bumuti ang pakiramdam niya. Nawala ang panghihina at pagkahilo. Kasabay nito ay agad-agad ding tumigil ang malakas na pagsipol. Dito ay natigilan si Erika. Dama niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Dahan-dahan siyang umikot sa pinagkakatayuan. Dahan-dahang humarap sa nakabukas na elevator kung saan siya nakasakay kani-kanina lamang.
Hindi siya makapaniwala sa nakita.
Walang tao sa loob ng elevator. Napako ang tingin niya sa lugar na kinatatayuan ng lalakeng nakasabay niya. Isang lalakeng biglang naglahong parang bula.
Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang umiyak. Ngunit wala siyang nagawa kundi pagmasdan ang elevator habang dahan-dahang sumasara ang pinto nito.