Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 24 - Mermaid’s Tale: Wizard’s Point of View

Chapter 24 - Mermaid’s Tale: Wizard’s Point of View

(Flashback)

MATAPOS mabasag ang bintana sa silid kung saan nakakulong sina Seiffer, mabilis na nakatakas ang binata't nagpakahulog sa tubig. Bago siya magpakahulog sa dagat, isang masakit na paghihiwalay ang nangyari sa pagitan nila ni Azurine. Natuklasan ng prinsesang sirena ang panlilinlang na ginawa ng pinagkatiwalaan niyang binatang wizard. Ang memory potion ay naglalaman ng mga alaala ni Seiffer na kanyang inilagay sa bote at ibinigay kay Azurine. Sa kagustuhan ni Azurine na maibalik ang nawalang alala ni Eldrich, tinanggap niya ito at ipinainom sa prinsipe. Walang kaalam-alam ang dalawa na huwad na memorya ang tumanim sa alaala ni Eldrich. Hindi iyon sa kanya. Wala talagang alaala si Eldrich kay Azurine. Natuklasan mismo ito ni Azurine nang matagpuan ang mahiwagang kabibe na ibinigay niya sa batang prinsipe noon. Ang batang prinsipe nga noon ay walang iba kundi si Seiffer.

"Patawad… hindi ako prinsipe…"

Mga kataga mismo ni Seiffer na nagpaikot-ikot sa kanyang utak. Nilalamon siya sa kailaliman ng karagatan. May kirot sa puso niya na pilit niyang nilalabanan. Hindi siya ang tipo na magpapadala sa emosyon. Ngunit kahit anong gawin niyang pagpupumiglas ay wala siyang magawa. Hindi niya magamit ang magic spell niya dahil sa magic string na nakatali sa mga kamay niya. Naubusan na siya ng hangin, halos wala na rin siyang maaninag. Ang makinang na liwanag sa tubig ay unti-unting napapalitan ng kadiliman… hanggang sa…

"Hindi ka dapat mamatay dito…"

Iminulat ni Seiffer nang bahagya ang kanyang mga mata nang maaninag niya ang apat na naggagandahang sirenang nagpapaikot-ikot sa paligid niya. Hinawakan ng dalawa ang magkabilang balikat ni Seiffer habang ang dalawa ay nakaalalay sa paglangoy nila paangat sa tubig.

"Kaunting tiis na lang…" bulong ng sirenang may kulot, berdeng buhok at buntot.

"Ate Celes, may malapit na maliit na islang may malaking tipak ng bato roon." Turo ng sirenang may maiksi, pilak na buhok at buntot.

Nang maiahon nila ang ulo ni Seiffer sa tubig kanila itong dinala sa likod ng malaking bato. May malaking tipak ng bato sa likod ng isang malaking bato at dito nila hiniga ang katawan ni Seiffer. Sandali pa'y nagkamalay din siya kaagad.

"I-Ikaw…" mahina niyang kumpirma nang makita ang pamilyar na mukha ng sirenang may kahel na buhok at buntot.

"Pangalawang beses na kitang iniligtas. Ang sabi ko sa 'yo ingatan mo ang kapatid naming si Azurine. Ano ang nangyari?"

"K-Kapatid n'yo? Ibig sabihin kayo pala ang mga ate ni Azurine…" mahina niyang sabi. Pinilit ngumiti ni Seiffer. "Pasensya na… nahuli kasi kami ulit ng mga pirata. Tinangay nila si Azurine at Octavio. Masuwerte lang ako't…" Nahinto siya't napabangon nang bahagya.

Tinutup niya ang hinlalaki sa ilalim ng baba niya na waring nag-iisip. "Sino ang nagbasag ng salamin sa silid?" tanong niya sa sarili.

"Hoy! Gising ka na pala!"

Natingala si Seiffer sa langit nang marinig ang pamilyar na tinig 'di kalayuan. Nagulat siya sabay ngiti nang malaki. "Knowledge?!"

"Sino ang kwagong 'yan?" tanong ni Celes.

"Siya ang—"

"Ako ang tumitingin sa lokong wizard na 'yan. Ipagpaumanhin ninyo mga magagandang sirena. Ako nga pala si Knowledge, isa akong familiar ng pamilya Wisdom," pakilala ng kwago.

Bahagyang natawa ang tatlong sirena sa nagsasalitang kwago.

"Kinagagalak kitang makilala munting kwago. Ako si Celes ang nakatatandang kapatid ni Azurine at sila naman sina: Ada ang pangalawa, si Oli ang pangatlo at si Emi ang pang-apat.

Si Ada ay may pula, tuwid at mahaba na nakati nang buo ang buhok sa likod. Kulay pula rin ang buntot ni Ada. Si Oli nama'y may kulay pilak, pinakamaiksi ang buhok at buntot din na kulay pilak. Si Emi ay may berde, kulot at mahabang buhok at buntot.

"Kinagagalak namin kayong makilala pero, hindi ito ang tamang panahon upang makipagkwentuhan kami nang matagal sa inyo." Lumipad si Knowledge sa ulo ni Seiffer. "Kailangan na naming iligtas ang kapatid ninyong pinabayaan nitong sira ulong alaga ko."

"Alaga? Ako pa talaga ang alaga sa ating dalawa, a!" sarkastikong sabi ni Seiffer sabay ngumuso.

Lumapit si Emi. "Ikaw ba ang kinababaliwang prinsipe ni Azurine?" usisa niya.

Hindi nakasagot si Seiffer, pilit ang ngiti niya't bakas ang pagkabalisa sa kilos niya. Pansin ang kulay lilang mga mata ni Seiffer, may kung anong lungkot dito.

"Tama na 'yan!" Nasapo ng pakpak ni Knowledge ang ulo ni Seiffer. "Masyado mong pinapasakitan ang sarili mo!" anas ng kwago.

"Tch!" Nangusong muli si Seiffer sa hindi masagot na turan ni Knowledge.

Pumila ang apat na sirena sa harap ni Seiffer. "Mahal na prinsipe, iligtas mo ang kapatid namin. Kapag nagawa mo iyon, maaari bang pakisabi sa kanya na makipagkita sa aming apat. May mahalaga kaming sasabihin sa kanya tungkol kay Ama at sa lalaking dapat niyang mapapangasawa," pakiusap na sabi ni Celes.

"Mapapangasawa?" taka ni Seiffer. Sa lahat ata ng sinabi ni Celes, iyon lang ang tumagos sa utak niya.

"Nakatakda na kasi siyang ikasal sa lalaking nakalaan para sa kanya. Ang prinsipe ng mga sireno ay nagbabanta na kapag hindi nagpakita si Azurine sa kanya ay wawasakin niya ang kaharian ng Osiris. Ito ang aming kaharian. Sa ngayon, walang magawa si Ama dahil hindi kami makatapak sa lupa. Wala ring may gusto na ipagpalit ang buntot nila sa mga paa ng mga tao. Kaya nang makita ko kayo ang akala ko… gusto ko na lang kayong pabayaan at huwag nang istorbohin pa. Nang makita ko si Azurine na hindi makalangoy at makahinga sa ilalim ng tubig sinabi ko na sa sarili kong, hahayaan ko na siya sa ibabaw ng lupa…"

"Pero dahil sa banta ng prinsipe ng mga sireno nagbago ang isip mo?" dugtong na tanong ni Seiffer.

Tumango si Celes. "Oo! Bilang nakatatandang kapatid at prinsesa ng Osiris, tungkulin kong iligtas ang aming lahi laban sa ibang kaharian sa ilalim ng karagatan. Pakiusap… prinsipe—"

Pinutol ni Seiffer ang pagsasalita ni Celes gamit ang kamay niyang sumenyas nang hinto. "Huwag n'yo akong tawaging prinsipe. Hindi ako isang prinsipe, ayos na sa akin ang Seiffer."

"Ginoong Seiffer…?" pagtatama ni Celes.

Tumayo si Seiffer sa tipak ng bato saka ngumiti sa apat na sirena. "Hindi ko sigurado kung gugustuhin pa akong kausapin ni Azurine… pero huwag kayong mag-alala, sisiguraduhin kong makakarating ang mensahe ninyo sa kanya."

Lumaki ang ngiti sa labi ng mga sirena. Nagpalakpakan ito nang makita ang kakisigan ni Seiffer. Umihip ang maligamgam na hangin, mahina ang pag-alon sa karagatan. Malapit nang lumubog ang araw. Kinakailangan nang lumisan ni Seiffer at subuking iligtas si Azurine at Octavio.

"Paalam na, Ginoong Seiffer!" Kumaway ang apat na sirena. "Hihintayin namin siya sa pagsapit ng kabilugan ng buwan sa pagpapalit ng taon! Hipan lamang niya ang mahiwagang kabibe at isipin kami. Darating kami para sa kanya!" huling habilin ni Celes bago sila tuluyang lumangoy sa kailaliman ng karagatan.

"Wala na sila." Hindi na maaninag ni Knowledge ang magagandang sirena.

Napansin ni Seiffer na nakalag ang magic string na nakatali sa kamay niya. Nagtaka si Seiffer kung paano nagagawang ma-dispel ni Celes ang magic string. Dahil isa itong magic item na ang caster lamang ang maaaring makatanggal ng tali sa taong ginamitan niya nito.

"Mahiwaga talaga ang mga sirena… kaya nilang magbalik ng buhay gamit ang tinig nila at kaya rin nilang gumamit ng iba't ibang mahika. Hindi ordinaryo ang mga sirenang prinsesang iyon. Siguro lahat sila ay may abilidad at kapangyarihang hindi pa natin nalalaman," paliwanag ni Knowledge.

"Maaari nga." Tumayo si Seiffer, itinaas ang kamay at nagbanggit ng magic spell. "Scepter Veni!" Mula sa langit isang kislap ang humawi sa mga ulap at bumagsak sa kamay ni Seiffer ang magic scepter niya. Bound ang magic scepter ni Seiffer sa kanya kaya kahit saan at kahit kailan ay maaari niya itong tawagin sa kamay niya.

"Ano na ang plano mo?" tanong ni Knowledge.

Mula sa kristal na bilog na nakadikit sa ibabaw ng kahoy na scepter ni Seiffer, gumawa siya ng bilog na parang crystal ball. Nakikita niya sa ganito ang nais niyang makita basta't isipin lamang niya ang buong hitsura ng lugar, bagay o tao.

"Hmmm… mukhang tumuloy sila sa kontinente ng Hilgarth. Mahihirapan tayo nitong iligtas sila," pangamba ni Knowledge.

Napahalukipkip si Seiffer. "Alam ko!" Sabay buntong-hininga. "Wala akong magagawa kundi humingi ng tulong kina Eldrich."

"Aba! At hindi ka yata solohista ngayon?"

"Hay bahala na nga!" Inilagay ni Seiffer ang dalawang kamay niya sa likod ng batok niya. "Si Eldrich lang ang kinakailangan kong isama… at…" Nag-snap finger si Seiffer, nang makaisip ng isa pang ideya.

"Kailangan namin ng masasakyan. Hindi maaaring dalhin ang barko… kailangan ko nang paliparin si Seiffy sa kalawakan!" Kumislap ang kulay lilang mga mata ni Seiffer, sabay tumawa nang malakas. "Nyahahaha!"

"Kinakabahan ako sa mga tawa mong ganyan, Seiffer."

"Tutal malalaman na rin naman ng buong mundo ang existence ng mga sirena. Sigurado akong sa Dark Lord nila ibebenta si Azurine."

"Hmph! Si Dark Lord Hellsing. Wala pang kaalam-alam ang mga tao ng ibang kontinente sa mga nilalang na hawak niya. Sigurado akong babangon na sa panahon ngayon ang iba't ibang uri ng lahi sa mundo. Hindi na sila magtatago dahil may Dark Lord na silang namumuno ngayon." Ikinampay ni Knowledge ang pakpak niya't lumipad sa harapan ni Seiffer.

"Tayo na, Knowledge. Sunduin na natin si Seiffy pagkatapos pupuntahan natin si Eldrich at isasakay upang iligtas si Azurine at Octavio." Itinaas ni Seiffer ang magic scepter niya't bumigkas ng magic spell. "Facilioris Transmissus!"

At sa isang iglap lang ay naglaho ang dalawa. Mabilis nilang narating ang kwebang pinagtataguan ni Seiffy. Nasa bansang Elloi sila ngayon, sa kweba na nagdurugtong sa bulkan ng Elloi. Mainit, may usok sa paligid gawa ng naglalagablab na magma sa pinakailalim nila. May daanan na paikot sa bandang ginta papunta sa kailaliman. Nakita nila si Seiffy na natutulog sa bukana lamang ng kweba sa loob ng bulkan.

"Matagal din tayong hindi nagkita, Seiffy!"

Grawwhh!!!

Kaagad nagising si Seiffy nang marinig ang tinig ni Seiffer.