Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 25 - Mermaid’s Tale: Prince Point of View

Chapter 25 - Mermaid’s Tale: Prince Point of View

(Continuation of Flashback)

HINDI pa rin mapakali si Eldrich kakaisip kina Azurine. Wala na silang masagap na balita sa mga pirata. Maging ang ginawang pagliligtas ng kapatid niyang si Seiffer ay wala na rin siyang alam. Tanging ang magagawa na lang nila ay sundan ang dereksyon nang huling tanda na iniwan ni Seiffer sa langit.

"Hindi ko na alam kung tama pa ba itong tinatahak nating dereksyon!" Napahataw nang malakas si Eldrich sa mesa.

Hinawakan siya ni Zyda sa magkabilang braso para pakalmahin. "Eldrich, huminahon ka. Siguradong maililigtas natin si—"

"Paano ako hihinahon?!" sabat ni Eldrich sa pagpapakalma ni Zyda. "Tch! Kung alam ko lang sana sumama ako kaagad kay Seiffer patungo sa barko ng mga pirata!"

Natahimik si Zyda sa galit na pananalita ni Eldrich. Mainit ang ulo nito at wala sa mahinahong pag-iisip. Sa bawat paghinga ni Eldrich, damang-dama ang bigat at pag-aalala nito kay Azurine.

Nang marinig nila ang malakas na ingay ng mga kawal sa labas. Mabilis na lumabas sina Eldrich at Zyda patungo sa ship deck upang alamin kung anong dahilan ng kaguluhan ng mga sundalo.

"Mahal na Prinsipe, tingnan n'yo po!" Turo ng isa sa mga kawal nang makita nito ang paglabas ni Eldrich.

Napatingala silang lahat sa langit. Isang umaapoy na bola ng liwanag ang papalapit sa kanaroroonan nila. Mula sa langit bumubulusok ito paibaba patungo sa barko nila. Isang malakas at mainit na hangin ang nagpaatras ng bahagya sa barkong sinasakyan nila.

"A-Ano 'yan?!" takang tanong pa ng isang sundalo.

Hindi naman nagpatinag si Eldrich, mabilis niyang binunot ang kanyang espada at inihanda ang sarili.

"Hoy! Eldrich!!!"

Pamilyar ang sigaw na narinig ng prinsipe. Ibinaba niya ang sandata niya't isinuksok sa kanyang scabbard.

"Eldrich!" Lumapit si Zyda sa tabi ni Eldrich habang nakatingala ang prinsipe at hinihintay na lalong lumapit ang lalaking tumawag sa kanya mula sa itaas.

Lalo pa silang nagulat nang makita ang kulay pula at malaking dragon na lumilipad sa kanilang harapan. Sakay nito ang lalaking tumawag kay Eldrich, walang iba kundi si Seiffer.

Tumalon si Eldrich patungo sa ibabaw ng ship deck. "Eldrich—"

"Nasan sina Azurine?"

Hindi pa man tapos si Seiffer sa pagsasalita nang sumabat si Eldrich at hinanap ang dalawang nabihag ng mga pirata.

Umiling ng ulo si Seiffer. "Pasensya na, hindi ko sila nagawang iligtas. Nabihag din nila ako sa kabutihang palad nakatakas lang ako… pero sina Azurine at Octavio, dinala sila sa Hilgarth…"

Nanlaki ang mga mata nina Eldrich at Zyda nang marinig ang Hilgarth. Parehong hindi pa nakakatapak ng kontinente ng Hilgarth sina Eldrich at Zyda. Maging ang ibang mga tao ay walang alam sa kung anong mayroon sa Hilgarth at iba pang kontinente. Matapos kasi ang unang digmaang pandaigdigan at dito nahati ang mundo sa apat na kontinente. Walang gustong tumapak sa ibang kontinente dahil na rin sa takot. Isa sa napagkasunduan ng mga nagkakaisang bansa sa Sallaria na hinding-hindi sila makikipag-ugnayan sa labas ng kontinente nila. Kaya ngayon, palaisipan sa kanila kung ano ang mayroon sa kontinenteng hindi pa nila napupuntahan. Maliban sa mga kwentong-bayan na napapabalita at pandaigdigang pahayagan na nilalathala ng mga manlalakbay na manunulat dito lamang sila kumukuha ng impormasyon.

Ang pahayagang pandaigdigan o mas kilala sa tawag na 'Moonlight Times' ay naikakalat sa buong mundo sa pamamagitan ng mahiwagang papel o tinatawag nilang 'Mystical Bird'. Ayon mismo sa pangalan nito na tila ibong lumilipad ay naikakalat ng mga manunulat ang kanilang mga nakalap na balita. Isang sekreto ang kanilang palimbagan kung saan at ilan sila ay wala pang nakakaalam.

Lumapit si Seiffer kay Eldrich. "Eldrich, kailangan na nating umalis ngayon din!"

"Alam mo ba kung saan sa Hilgarth nila dinala sina Azurine?" tanong ni Eldrich nang may pag-aalala sa mga mata.

Tumango si Seiffer, kanyang ginamit ang magic scepter upang ipakita ang kalagayan nina Azurine. Gumuhit ang bilog na parang krisyal sa ibabaw ng scepter ni Seiffer. Inisip niya nang mabuti si Azurine upang maipakita nito ang lokasyon nila.

Magkahalong emosyon ang naramdaman ni Eldrich at Zyda nang makita ang kaawa-awang kalagayan ng dalawa.

"Kasalukuyan silang nakakulong sa palasyo ng Wyvern. Kung tama ang nasagap kong balita sa kaibigan kong kwago ang Wyvern ay bumagsak na rin sa kamay ng Dark Lord at ginawa itong kuta ng mga pirata sa pagpayag na rin mismo ng Dark Lord."

Napalunok-laway si Zyda sa kanyang narinig. "D-Dark Lord? W-Wala bang namumuno sa Wyvern? Tulad ng hari o reyna?"

"Mayroon pero…" May isang nahagip sa kristal ball ni Seiffer. "Ang lalaking 'yan na kasama nila sa kulungan…"

"S-Si Maestro Van Gogh?!" gulat ni Zyda nang mamukhaan ang pamilyar na lalaking kasama nina Azurine sa kabilang selda.

"Siya na ang naging bagong hari ng Wyvern matapos niya tayong layasan sa Majestic Academy. Wala man lang siyang sinabi na siya na pala ang papalit sa trono ng hari." May lungkot sa mga mata ni Seiffer.

"Wala na tayong dapat sayanging oras!" Inangat ni Eldrich ang ulo niya't tiningnan nang matikas si Seiffer. "Sabihin mo kung paano natin maililigtas sina Azurine!"

Tumango si Seiffer, hinawi niya ang kristal ball at nawala ito. Tinawag niya si Seiffy upang lumapit sa gilid ng barko.

"Siya si Seiffy, alam nina Azurine ang tungkol sa kanya dahil kasama ko silang dalawa nang makuha namin ang itlog niya sa kweba ng Takandro."

"Ano? Nagtungo kayo sa mapanganib na kwebang 'yon para lang sa…" Tinitigan ni Eldrich ang pulang dragon. "Hindi ko akalaing… may nabubuhay pang ganyan sa panahon ngayon."

Kapansin-pansin ang mga kawal na lumalayo at ayaw lumapit sa kinaroroonan nila dahil sa takot kay Seiffy. Niliyad ni Seiffy ang ulo niya sa tabi ni Seiffer. Hinamas naman siya ni Seiffer upang maipakita na hindi mapanganib ang dragon.

"Marami pang nilalang ang babangon ngayon lalo na't naipakalat kaagad ang balita tungkol sa sirena." Isang pahayagan ang ipinakita ni Seiffer sa dalawa.

"Paanong kaagad nilang nailathala ang ganitong impormasyon?" taka ni Zyda.

Nasa larawan si Azurine na nasa anyong sirena. Kinuha ni Eldrich ang papel at nimalukos ito sa galit.

"Siguradong ang mga pirata ang may pakana nito. Ano ang pinaplano nilang gawin kay Azurine?"

"Hula ko lang, ibebenta nila si Azurine sa Dark Lord, makikipagkasundo sila upang maibigay ang mga nais nila. Sa tingin ko, kumikilos na rin si Dark Lord Hellsing para sa muling pagsiklab ng digmaan."

"Ano?!" gulat ni Zyda.

Natahimik silang tatlo sa mga rebilasyon ni Seiffer. Sumakay si Seiffer sa likod ng dragon at inabot ang kamay ni Eldrich.

"Marami pa akong impormasyon na sasabihin sa inyo. Sa ngayon, ang tanging layunin natin ay mailigtas sina Azurine."

"Tch! Siguraduhin mong magpapaliwanag ka nang mabuti, Seiffer." Inabot naman ni Eldrich ang kamay niya sa kamay ni Seiffer.

"Teka paano ako?!" Humabol si Zyda.

"Pasensya na, hindi kita maaaring isama. Ayokong ilagay sa panganib ang buhay mo, Zyda." Ngumisi si Seiffer saka kumaway.

Bago tuluyang umalis ang magkapatid isang habilin ang iniutos ni Eldrich kay Zyda. Inatasan niya itong mag-abang sa pampang. Sa isla ng Luxerto, roon niya pinapunta ang hukbong kasama sa barko. Sa pamumuno ni Zyda maghihintay sila roon hanggang makabalik sina Eldrich kasama nina Azurine.

"Pakiusap, Zyda. Hintayin mo kami…" Kuminang ang mga mata ni Eldrich. Hindi iyon magawang tanggihan ni Zyda.

Tumango si Zyda at binigyan ng kasiguraduhang ngiti ang minamahal niyang prinsipe. "Eldrich, bumalik kayo nang ligtas…"

Lumipad sila sakay ni Seiffy sa likod. Naiwan sina Zyda sakay ng barko kasama ang ibang mga kawal.

***

MALALIM na ang gabi, tahimik ang karagatan habang nasa himpapawid sila at lumilipad sakay sa likod ni Seiffy. Nakapikit si Seiffer nang mapansin siya ni Eldrich.

"Seiffer, paano mo nagagawang matulog sa ganitong sitwasyon?" bulong ng prinsipe na hindi niya inaasahang sasagutin ni Seiffer. Akala kasi niya tulog na talaga ito.

"Nag-re-restore lang ako ng mana energy sa katawan ko. Alam mong kailangan ko ng lakas para makalaban ako dahil hindi natin alam kung gaano kalakas ang mga 'yon!"

"Ang mga iyon?"

"Oo! Ang mga nilalang na nasa ilalim ng pamumuno ni Dark Lord Hellsing!" Kumislap nang matalim ang mga mata ni Seiffer. Napansin ito ni Eldrich, pakiramdam niya ibang tao ang kasama niya ngayon.

"Simula pagkabata, palagi na kitang tinitingala. Magkalapit tayong dalawa kaya akala ko kilalang-kilala na kita…"

Namilog ang mga mata ni Seiffer nang marinig ang malamlam na tinig ni Eldrich. "Hoy! Hoy! Teka, huwag ka namang magsalita nang ganyan… nakaka-shy!" malokong biro ni Seiffer.

"Baliw!" Nabatukan tuloy siya ni Eldrich. "Seryoso ako! Sa pagtingin ko palang sa 'yo ngayon… masasabi ko nang ibang tao ka."

Umihip ang malakas na hangin, hinawi nito ang may kahabaang buhok ni Seiffer. Napapikit si Seiffer na siyang tinitigang mabuti ni Eldrich. Napansin niyang hindi na nga ito ang nakatatandang kapatid na palagi niyang nilalapitan noon. Si Seiffer na para kay Eldrich ay isang tala na gusto niyang maabot. Aminado siyang minsan naiinggit siya kay Seiffer dahil nagagawa nito ang maraming bagay na gustuhin niya. Sa paglalim ng pag-iisip ni Eldrich sa kanilang kabataan biglang kumirot ang ulo niya't napahawak siya sa kanyang ulo.

"E-Eldrich? Ayos ka lang ba?" nag-aalang tanong ni Seiffer.

"Ugh! Kumikirot na naman ang ulo ko… para itong sasabog!" Pawisan ang noo ni Eldrich. "Parang may kuryenteng dumadaloy sa utak ko. Parang kinakain nito ang ilang memorya ko!"

Napaigtad si Seiffer. "P-Patawad…"

"Huh? Para saan?"

Umiling lang si Seiffer, kanyang hiniga sa kanyang dibdib ang ulo ng kapatid niya. Nilapat niya ang kanyang palad sa noo ni Eldrich. Dahan-dahang pumipikit ang mga mata ni Eldrich dahil sa mainit na pakiramdam mula sa palad ni Seiffer. Hanggang sa makatulog ang prinsipe sa bisig ng kanyang kapatid. Malungkot ang presensya ng hanging bumabalot sa gabi.

Sa pagsapit ng umaga, wala pa rin silang matatanaw na liwanag. Dahil papalapit na sila sa kontinente ng Hilgarth, ang kontinente ng kadiliman.