Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 28 - Mermaid’s Tale: Mermaid’s Answer

Chapter 28 - Mermaid’s Tale: Mermaid’s Answer

SINUBUKAN ni Eldrich sirain ang kadenang gumagapos sa bolang espiritu ni Seiffer. Ginamit niya ang espada niya upang masira ang kadena. Ngunit, wala itong silbi at hindi pa rin makawala sa pagkakagapos ang kaluluwa ni Seiffer.

"A-Ano'ng gagawin natin, Prinsipe Eldrich?" nangangambang tanong ni Azurine.

"Basta, patuloy lang natin siyang tawagin hangga't marinig niya tayo!"

Tumango si Azurine. "Oo sige!"

Sinunod ni Azurine si Eldrich. "G-Ginoong Seiffer! Pakiusap bumalik ka na sa amin!" tawag ni Azurine.

Nakailang tawag silang dalawa sa pangalan ni Seiffer. Pilit pa ring sinisira ni Eldrich ang kadena gamit ang espada niya. Hanggang sa hinihingal na tumigil sa paghawi ng espada si Eldrich at napaluhod ito sa madilim na tinatapakan nila.

"Prinsipe, ayos ka lang ba?"

"Huwag kang mag-alala, ayos lang ako… ugh!" Napahawak sa tagiliran si Eldrich. Halata ang pagod sa prinsipe. Pinilip pa rin niyang tumayo at hinawakan nang dalawang kamay ang espada niya.

Tumingin si Eldrich kay Azurine nang buong tapang. "Azurine, ibibigay ko na ang buong lakas ko sa huling hataw ko. Isisigaw ko nang buong puso ang pangalan niya para marinig niya ako. Kung sakaling hindi ako magtagumpay, basta't ituloy mo lang ang pagtawag sa pangalan niya hanggang marinig ka niya." Naging matalas at seryoso ang mga mata ni Eldrich. "Naintindihan mo?"

Tumango si Azurine habang nakalapat ang palad sa dibdib, dinadama ang tibok ng puso niya. Kinakabahan si Azurine, para kay Eldrich at gano'n na rin kay Seiffer. Nangingilid ang mga luha sa gilid ng mga mata ni Azurine nang makita ang matatag na determinasyon ni Eldrich.

Huminga nang malalim si Eldrich bago tumakbo nang mabilis, tumalon at hinawi nang buong lakas ang espada niya. "Seiffer!!!" sigaw ng prinsipe. Nagkaroon ng lamat at tuluyang natanggal ang itim na kadena.

"N-Nagtagumpay ka, Prinsipe Eldrich!" ngiting sambit ni Azurine.

Akala nila ay tuluyan nang makakalaya ang kaluluwa ni Seiffer ngunit hindi. Dahil naubusan nang lakas si Eldrich, humandusay ito sa itim na sahig. Dali-dali siyang nilapitan ni Azurine.

"Prinsipe Eldrich, ayos ka lang ba?" nag-aalala niyang tanong. Inakay niya ang prinsipe upang tulungang tumayo ngunit hindi na nito kaya.

"Huwag mo na akong intindihin, si Seiffer…" Tinuro ni Eldrich ang kaluluwang nakadikit pa rin sa puno. "Tulungan mo siya…" Nawalan ng malay si Eldrich.

"Prinsipe Eldrich!!!" sigaw ni Azurine, pilit niyang ginigising si Eldrich.

Walang silbi ang pagtawag niya sa prinsipe. Inihiga niya nang dahan-dahan ang katawan ni Eldrich bago tumayo at hinarap ang malaking puting puno.

"Ginoong Seiffer, pakiusap! Pakinggan mo 'ko! Alam kong nariyan ka!!!" malakas na sigaw ni Azurine kausap ang espiritung nanatiling nakadikit sa puno.

Dahan-dahang humakbang si Azurine. "Marami pa akong gustong malaman tungkol sa 'yo!" Napakapit siya sa kanyang damit malapit sa dibdib. "H-Hindi ko pa naririnig ang paliwanag mo kung bakit ka nagsinungaling!" Nalaglag ang mga butil ng luha ni Azurine.

Mula sa mga luha niya, naglutangan ito ang gumawa ng nakakasilaw na liwanag. Lumitaw mula sa puno ang tila bilog na bulang mabilis na lumipad patungo sa kanya. Napalibutan si Azurine ng mga bulang may iba't ibang kulay. Kay init sa pakiramdam ng mga ito at tila hinahatak siyang hawakan.

Lumapit siya sa isang bula na parang pamilyar sa kanya ang pakiramdam. Dahan-dahan niyang inangat ang kamay niya nang makita ang imahe sa bula.

"I-Ito ang mga alaala ni Ginoong Seiffer?!" Natigil siya nang maalala ang sinabing habilin ni Meister Hellena, na huwag nilang hahawakan o gagalawin ang alaala ni Seiffer.

Gawa ng kuryosidad, nailapit pa rin ni Azurine ang daliri niya't dumampi rito ang bula ng alaala ni Seiffer. Tumaas ang init sa katawan ng dalaga nang makita ang nilalaman ng alaalang ito. Pamilyar ito, alam niya ang pangyayaring ito, naroon siya… naroon si Azurine sa alaalang iyon. Napapikit si Azurine at kanyang dinama ang napakasarap na presensya. Napaka inosente ng awrang nanggagaling dito, napa-pure at sobrang nakakagaan sa pakiramdam.

Napakinggan niya at nasilayan itong muli…

"K-kailangan na naming umalis, hindi kami maaaring makita ng mga tao!"

"T-teka, heto, kunin mo."

"Salamat! Iingatan ko ito. Ito ang magsisilbing tulay sa muli nating pagkikita, aking prinsipe..."

"Iingatan ko rin ang binigay mong kabibe, iisipin kita at hihipan ang kabibeng ito! Kung tunay man na maabot ka nito, sana'y puntahan mo ako."

"Oo pangako!"

Mga palitan nila ng usapan noong iligtas ni Azurine ang buhay ni Seiffer. Ang alaala noong mga bata pa sila, mga damdaming puro, dalisay at walang bahid ng kasinungalingan. Ang kanilang unang pagkikita.

"Sa muli nating pagkikita, g-gawin mo 'kong iyong asawa!"

"Kung magagawa mong makapunta sa kaharian ng Alemeth, ipinapangako kong gagawin kitang asawa ko!!!"

Naluha si Azurine nang marinig itong muli. Bumilis ang tibok ng puso niya't gusto niyang yakapin ang mga sandaling iyon.

Napabulong si Azurine sa sarili niya. "Kahit magbago ka pa, kahit ilipat mo pa ang alaala mo sa iba, kahit hindi ko alam kung bakit ayaw mong sabihing ikaw ang batang prinsipe, kahit pilit mo akong ipinagtatabuyan…" Magkadop-palad ang kamay ni Azurine nang lumuhod siya sa itim na sahig. "Sa 'yo at sa 'yo pa rin talaga titibok nang husto ang puso ko! Ikaw at ikaw pa rin ang mamahalin ko! Ito ang sagot ko! Makinig ka!!!"

Umalingawngaw ang tinig ni Azurine sa buong paligid. Nahawi ng maganda niyang tinig ang kulay itim na usok na pumapalibot sa puno. Umawit si Azurine nang buong puso. Inalay niya ang awiting iyon para sa nag-iisang lalaking dahilan kung bakit siya nagtungo sa lupa. Kahit magsinungaling pa ito para maibaling sa iba ang pagtingin niya, ang puso na mismo ang magsasabi ng katotoohan. Puso ang magsisilbing gabay sa tunay na minamahal.

Laaa, lalala,la,la,lalahah... ahh... lanlala, lala, la, la, lalalahah...

Sa gitna ng pag-awit ni Azurine, isang tinig ang kanyang narinig.

"A-Azurine…"

"G-Ginoong Seiffer!!!" Natigil si Azurine at tumayo nang makita ang buong katauhang kaluluwa ni Seiffer. Mula sa puno ay dahan-dahan itong nahuhulog sa ibaba. Mabilis na tumakbo si Azurine at kanyang hinagkan ang kaluluwa ng binatang tunay niyang iniibig.

"Ginoong Seiffer, alam ko na ang sagot!" Yakap niya nang dalawang kamay ang kaluluwang unti-unting naglalaho. "Ramdam kong babalik kana sa iyong katawan… hayaan mong sabihin ko sa 'yo ng personal ang tunay kong nararamdaman… Ginoong Seiffer," malambing na wika ni Azurine.

Tuluyan nang naglaho sa bisig niya ang kaluluwa't kumislap ang paligid. Nasilaw ang mga mata ni Azurine sa sobrang liwanag.

***

"AZURINE!!!" tawag ng prinsipe sa pangalan ng sirena.

Nagising si Azurine nang maalimpungatan ang mga mata niya. Tinulungan siyang maupo at sumandal ni Octavio.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Octavio, naupo rin ito sa tabi niya.

"Ayos lang, medyo nanghihina."

"Ganyan din ako nang magising ako." Tumabi naman sa gilid ng higaan si Eldrich nang nakatayo. "Gamit ni Meister Hellena, nagawa niya tayong papasukin sa kaisipan ni Seiffer. Nakabalik din tayo matapos magtagumpay ang misyon nating maibalik ang kaluluwa niya sa katawan. Wala na ang itim na awrang pumapalibot sa katawan ni Seiffer. Nalabanan din ng elixir ang poison at nawala na ito. Ligtas na rin sa kadiliman ang kapatid ko," buong paliwanag ni Eldrich.

"T-Talaga? Mabuti naman," nakangiting bulong ni Azurine. "Teka! Nasaan si—"

"Ikaw!!! Sana pinabayaan na lang kitang mamatay!!! Seiffer!!!" malakas na sigaw ni Hellena.

Pumasok sa loob si Seiffer, malaki ang ngiti sa labi at may kapilyuhan na namang bumabakas sa mukha.

"Oh! Gising ka na pala, Azurine!" masaya nitong bati na tila walang nangyaring masama sa kanya. Bumalik na ulit ito sa pagiging pilyong binata na patawa-tawa lang.

"G-Ginoo?"

"Huh?" Natigil sa pagtakbo si Seiffer nang titigan siya nang seryoso ni Azurine.

"Tch!" Nang makita ni Meister Hellena ang hitsura ni Azurine kaagad itong lumabas ng kuwarto dahil ayaw nga niyang makakita ng babae. Kahit iba ang kaso nila, ang babae ay mananatiling babae. "Hoy! Pagkatapos n 'yo d'yan, umuwi na kayo at huwag nang babalik pa!!!" nagmamaktol na sigaw ni Meister Hellena.

"Ano na naman ba ang ginawa mo, Seiffer?" nakataas ang kilay na tanong ni Eldrich.

Nag-crossed arm si Seiffer na sumagot, "Wala naman! Nakita niya kasi si Seiffy. Dapat daw kasi sa kanya mapunta ang crimson dragon, e, ayaw ni Seiffy sa kanya. Nyahaha!!!" malokong turan ni Seiffer.

"Hay! Bumalik na siya sa kalokohan n'ya!" Napailing na lang si Zyda.

"Siya nga pala, babalik na ba tayo sa Alemeth?" tanong ni Seiffer.

"Oo! Naghihintay na sa atin si Maestro Van Gogh sa barko. Siguradong nag-aalala na siya sa atin," sagot ni Eldrich.

"Bakit nga pala ayaw sumama ni Ginoong Van Gogh dito?" usisang tanong ni Octavio.

"Ah-eh…" Napakamot si Eldrich sa batok.

"Siguradong hindi siya palalayasin ni Meister Hellena hangga't hindi sila nagsisiping! Alam n'yo naman si Meister Hellena, tirador ng mga lalaki!" Malokong ngumisi si Seiffer, naningkit na naman ang kanyang mga mata.

Nanlaki ang mga mata nina Azurine, Octavio at Zyda. Palibhasa lahat sila ay mga virgin pa kaya ang awkward ng gano'ng usapan sa kanila.

"K-Kung gano'n kailangan na nating magmadali at bumalik sa Alemeth," lunok-laway na sabi ni Eldrich nang maalala niya ang kasunduan nila ni Meister Hellena.

Biglang pumasok sa loob si Sanaad. "Akala n'yo ba nakalimutan na ni Meister Hellena ang kasunduan n'yo, Prinsipe Eldrich." Lumapit si Sanaad sa tabi ni Azurine.

"Mabuti at nagkamalay ka na, heto isuot n'yo na." Ibinigay niyang muli ang itim na balabal pantakip sa mga mukha nila. Natuon ang pansin ni Sanaad kay Eldrich. "Hinihintay ka na ni Meister Hellena sa kanyang kuwarto, Prinsipe Eldrich." Nayuko si Sanaad saka lumabas ng kuwarto.

"Hala ka!" malokong biro ni Seiffer.

"Tumigil ka nga! Iniisip ko ng kung paano ko malulusutan 'to, noh!" singhal ni Eldrich.

Natawa na lang bigla si Azurine. Kahit papaano bumalik na rin sila sa dati. Maraming nangyari pero, nagawa pa rin niyang magbigay ngiti sa kanilang lahat. Sa ngayon, ang iisipin nilang lahat ay ang pag-uwi sa Alemeth. Ano na nga kaya ang nangyari sa palasyo? Masabi na nga ni Azurine ang kanyang tunay na damdamin para kay Seiffer?