HABANG abala ang mga tao sa palasyo dahil sa malaking kapistahan sa buong bansa ng Alemeth, si Azurine naman ay nasa isang paghahanap. Nagtungo siya sa palengke, namangha siya nang makita ang makukulay na gayak sa bawat tindahan. Maraming nakasabit na iba't ibang kulay na pailaw na siyang kumukutikutitap sa gabi. Buhay na buhay ang palengke at maraming turistang dumarayo mula sa ibang bansa.
Sa paglalakad ni Azurine upang hanapin si Seiffer, napadaan siya sa tindahan ng mga diyamante. Naalala niya ang regalong ibinigay sa kanya ni Prinsipe Eldrich. Nakapagdisisyon na siya ngayon, wala na siyang babalikan sa palasyo. Suot pa rin ni Azurine ang asul na brilyante, isa iyong brooch na inilalagay bilang palamuti sa damit ng mga babae. Isa itong mahalagang regalong iniingatan ni Azurine mula sa itinuturing na lamang niyang kaibigan.
Naalala ni Azurine ang gabi nang una nilang pagkikita ni Seiffer, dito rin sa palengke. Ang maliit na eskinitang tinakbuhan nila noon ay kanyang binalikan. Hanggang sa maalala niya ang bahay na bato ni Seiffer kung saan sila pinatuloy noon. Hawak ni Azurine ang maliit na gasera, kanyang tinahak ang daan patungo sa bahay na iyon.
Nasa liblib na lugar ang bahay na bato, maraming puno at halamang madaraanan. Maputik ang lupang hindi simentado, matarik ang paitaas na daan patungo rito. Nang makarating si Azurine, kumatok siya nang maraming beses sa pinto.
"Tao po? G-Ginoong Seiffer?!" tawag ni Azurine.
Walang sumagot kaya naisip niyang sumulip sa bintana nang maaninag niya ang bukas na kandila. May mga papel sa ibabaw ng mesa, may upos ng kahoy sa painitan. Sigurado siyang may tao nga sa loob.
"Hindi kaya kakaalis lang ni Ginoong Seiffer? Maghihintay ako baka bumalik siya rito," wika ni Azurine sa isip.
Naupo si Azurine sa tapat ng pinto. Yakap ang magkadikit na binti, isinandal niya ang likod sa pinto at dahan-dahang pumikit. Inaantok na si Azurine, ramdam niya ang malamig na hangin. Hindi sapat ang mahabang hooded robe na suot niya panlaban sa lamig. Sa kagustuhan niyang makitang muli si Seiffer, nagawa niyang iwan sa palasyo ang matalik niyang kaibigan. Nasaktan niya ang damdamin ng prinsipeng naging mabait sa kanya. Nangungunsensya ngayon si Azurine kung tama ba ang desisyon niya.
"Ginoong Seiffer…" bulong ni Azurine sa kanyang inaantok na sarili. Isang mahabang hikab ang ginawa ni Azurine, pinili niyang huwag makatulog. Itiningala niya ang ulo sa langit na puno ng bituin.
Sa kanyang pagmumunimuni naalala ni Azurine ang naging usapan nila ni Eldrich. Ang masakit na pagtatapat niya sa prinsipe ng tunay niyang nadarama at ang ginawang panloloko ni Seiffer sa kanila.
***
(Flash Back)
"AZURINE!" tawag ni prinsipe Eldrich, sabay yakap sa kanya nang mahigpit. Kababalik lang ni Eldrich matapos ang isang mahalagang pagpupulong. Gabi na't makapal ang ulap sa langit, umuulan ng nyebe at kay lamig ng hangin.
Kaagad niyang pinuntahan sa kuwarto si Azurine, niyakap niya ang dalaga nang may pananabik. Hindi naman ibinalik ni Azurine ang yakap sa prinsipe, nakatayo lamang siya nang tuwid.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ng prinsipe.
"Prinsipe Eldrich, may dapat kang malaman."
Inilayo ni Azurine ang katawan niya sa pagkakayakap ni Eldrich. Nayuko si Prinsipe Eldrich, naglakad patungo sa binatana.
"Alam ko na, nasabi na sa akin ni Zyda." Sandaling natahimik si Eldrich, kumuha ng buwelo saka nilingon nang may ngiti si Azurine. "Nangyari na ang nangyari. Hindi man ako ang batang iniligtas mo noon, hindi pa rin magbabago ang nararamdaman ko para sa 'yo."
Dahan-dahang lumapit si Eldrich kay Azurine, inilagay niya ang kamay niya sa baywang ng dalaga't kanyang hinimas ang ilalim ng baba ni Azurine.
"Mahal kita, ikaw lang ay sapat na." Biglang nagliwanag ang paligid sa mainit na ngiti ni Eldrich, tila hinawi nito ang ulap sa langit na siyang nagpalitaw ng bilog na buwan. Tumatama ang liwanag ng buwan sa mga mata ng prinsipe, parang sinadya iyon ng langit.
Damang-dama ni Azurine ang senserong pananalita ni Prinsipe Eldrich. Bawat bigkasin nitong salita ay gumuguhit sa kanyang balat. Kinakabahan si Azurine, may panlalamig sa kanyang mga palad.
Ngunit kailangan na niyang sabihin ang tunay niyang nararamdaman. "Patawad Prinsipe Eldrich…" Inilihis ni Azurine ang ulo niya't malungkot na nayuko.
Binitiwan siya ni Eldrich, tumahimik ang prinsipe. Sandaling katahimikan ang bumalot sa pagitan nilang dalawa. Isang malakas na hangin ang nagpabukas sa bintana't humawi sa pulang kurtina.
"Mahal ko si Ginoong Seiffer," mahinang pagtatapat ni Azurine.
Gumuhit ang pagkadismaya sa mukha ni Prinsipe Eldrich, napatikom-palad siya sa kanyang narinig.
"Bakit? Niloko ka niya! Niloko niya tayo!" Tumaas ang boses ni Eldrich, nagkaroon ng tensyon sa pagitan nila.
Nangingilid ang luha ni Azurine, pinipigilan niyang pumatak ang natitira niyang luha. "Alam ko! Maging ako nagalit sa kanya no'ng una! Pero inilagay pa rin niya ang sarili niya sa kapahamakan para iligtas ako. Kaya gusto ko siyang hanapin para maging malinaw ang lahat. Naniniwala akong may dahilan siya kaya niya iyon nagawa…"
"Ano pa man ang rason niya, hindi niya dapat tayo niloko nang gano'n. Hindi ko alam kung ano'ng magagawa ko kapag nakita ko siya!"
Kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin ang pagpasok sa loob ng butil ng nyebe. Tila talulot ng bulaklak na bumabagsak sa loob ang mga ito na tinatangay ng malakas na hangin. Magkagano'n man, nanatiling mainit ang pakiramdam nilang dalawa dahil sa kanilang pag-uusap.
Bakas sa mukha ni Prinsipe Eldrich ang pagkayamot sa ginawa ng kanyang kapatid. Maraming beses na niya itong ipinagtanggol sa harap ng maraming tao lalo na sa mahal na hari at reyna. Hindi niya akalaing magagawa iyon sa kanya ni Seiffer.
"Kaya sinasabi ko sa 'yo, wala na akong paki alam! Ang mahalaga sa akin ay ikaw!" sigaw ni Eldrich nang may tuwid na pagtingin kay Azurine.
Nagtama ang kanilang mga mata, hindi ito nagawang iwasan ni Azurine. May kung anong kirot siyang nararamdaman sa kanyang puso. Naging mabuti at tapat sa kanya si Eldrich, isa siyang larawan ng isang tunay na prinsipe.
"Maraming salamat sa pag-ibig mo, Prinsipe Eldrich. Tunay na isa ka ngang prinsipe na may paninindigan at katapatan. Subalit, ang puso ko ay tumitibok sa iisang tao lamang." Isang matapat, dalisay na ngiti ang gumuhit sa labi ni Azurine.
"Isa akong takas na prinsesa sa aming kaharian…" putol na salita ni Azurine, lumapit siya sa bintana't isinara ito sabay tumingala sa langit at nagpatuloy. "Nakatakda na akong ikasal sa prinsipe ng ibang kaharian sa ilalim ng karagatan. Isa siyang sireno na kaedad ko lang. Dahil sa kagustuhan kong hindi maikasal sa sirenong prinsipe, tumakas ako. Nakipagkasundo ako sa isang witch na may kakayahang tuparin ang nais ko. Ang magkaroon ng mga paa at makalakad sa lupa. Nang mangyari iyon, kami ni Octavio ay napadpad sa dalampasigan. Wala kaming saplot noon sa aming katawan dahil maging ang kasuotang pangdagat namin ay naglaho rin. Mabuti at may nakita kaming mga lumang damit na nakatambak sa ilalim ng hukay na lupa. Matapos naming magdamit ay nagtungo kami kaagad sa palasyo kung saan tayo unang nagkita, Prinsipe Eldrich."
"Kaya ba mukha kayong mga pulubi nang gabing 'yon?"
Tumango si Azurine. "Oo! Pero wala sa isip ko ang mga ginagawa ko. Nagbigay lang ako ng dahilan para makatakas sa nakatakda kong pagpapakasal. Isang dahilan ang batang prinsipe, tutal nasa lupa na rin kami kaya hinanap ko na rin siya. Dahil ikaw ang prinsipe ng Alemeth na naroon, ikaw na tuloy ang inakala kong prinsipe na hinahanap ko. Nang makilala ko si Ginoong Seiffer sa palengke, nagkabanggaan kami't bigla niya akong binitbit. Noong gabing iyon, naramdaman ko ang pamilyar na pakiramdam. Hindi ko akalaing nahanap ko na pala siya."
"Ibig mong sabihin, inakala mo lang talaga ana ako ang batang prinsipe dahil sa ako ang prinsipeng nakita mo sa palasyo."
"Pasensya na." Nayuko si Azurine. "Inakala namin ni Octavio na may amnesia ka kaya hindi mo ako naaalala. Kaya ibinigay sa akin ni Ginoong Seiffer ang memory potion dahil sa pag-aakala kong iyon. Hindi ko maintindihan sa kanya kung bakit inilihim pa niya at inilipat pa sa 'yo ang mga alaala niya."
"Tch! Ang baliw na 'yon!" Napasandal si Eldrich sa pader saka huminga nang malalim. "Magkagano'n man, hindi pa rin magbabago ang nararamdaman ko para sa 'yo. Una palang kitang makita, may naramdaman na akong kakaiba sa 'yo. Siguro nga hindi ako ang prinsipe mo noon, hayaan mong ako ang maging prinsipe mo ngayon." Inilatag ni Eldrich ang kamay niyang nang-aanayaya kay Azurine.
"Mahal kita Azurine, handa akong gawin ang lahat para sa 'yo. Kunin mo ang kamay ko't pinapangakong hinding-hindi kita iiwan, pakakawalan at mamahalin kita habang ako'y nabubuhay."
Napakasarap pakinggan ng mga salita ni Prinsipe Eldrich, ibang iba iyon kumpara sa masasakit na salitang narinig niya kay Seiffer. Magkagano'n man may sagot na si Azurine.
Nayuko siya sa harap ng prinsipe at nagbigay galang. "Maraming salamat, kamahalang Prinsipe Eldrich. Hindi ko matatanggap ang iyong kamay, dahil isang lalaki lang ang gusto kong makahawak kamay. Handa na ako sa maraming panganib na siya ang kasama ko. Hindi na ako tatakbo, hindi na ako tatakas. Haharapin ko na ang lahat, sa lungkot man o saya, sa hirap o ginhawa. Sa pagkakataong ito, hindi ko na siya hahayaang mag-isa." Humarap nang buong tapang si Azurine, bakas ang maaliwalas na mukha niya.
Isang matamis na ngiti ang ibinigay ni Azurine sa prinsipe tanda ng kanyang pasasalamat. Ibinaba ni Eldrich ang kanyang kamay, lumapit siya kay Azurine. Inilapit ng prinsipe ang labi niya sa taingi ni Azurine.
"Maging maliga sana kayong dalawa…" Nayuko si Eldrich, tumalikod at lumabas ng silid.
Naiwang nakatayo si Azurine, hawak ang brilyanteng nakasuot sa kanyang damit. Ang asul na brooch na ibinigay sa kanya ni Prinsipe Eldrich ay mananatiling espesyal sa kanya.
Nang biglang tumulo ang mga luha ni Azurine nang hindi niya namamalayan. Ang bigat pala ng gabing iyon. Batid niya ang sakit ng pagkabigong nararamdaman ni Prinsipe Eldrich dulot ng pagtatapat niya. Pero kailangan niyang maging tapat, lalo lang niyang masasaktan ang damdamin ng prinsipe kung tatanggapin niya ang pag-ibig nito.
Ang pagpili sa katotohanan ang siyang magpapalaya sa puso ng taong bilanggo sa kasinungalingan.
***
NAGISING si Azurine, nang maramdaman niya ang mainit na bagay na bumabalot sa kanyang katawan. Napabangon siya nang makitang nasa higaan na siya at wala sa labas ng bahay.
Palingon-lingon siya sa paligid, pinagmamasdan ang apat na sulok ng maliit na bahay. Nang mapako ang mga mata niya sa kusina. Pakiramdam niya'y nangyari na ang eksenang iyon. Nakaupo ang lalaki, nakatalikod sa mesa. Naglalagay ang lalaking ito ng panggatong sa painitan. Pamilyar ang malapad na likod, mahaba at kulay lilang buhok, nakasuot lamang ito ng itim na pang-itaas at itim na pantalon. Bakat na bakat ang balat ng lalaki sa kanyang fit, walang manggas at kapit sa balat na suot.
"G-Ginoong Seiffer?" nanabik na tanong ni Azurine.
Lumingon ang lalaki, binigyan siya ng alanganing ngiti. "Bakit ka naman sa labas ng pinto natutulog, ha? Azurine?"