HINDI akalain ni Azurine na magagawa siyang traydurin ng kanyang mga kapatid. Nakakulong ngayon sa mataas na tore ng palasyo si Seiffer habang naghihintay si Azurine sa pagdating ni Prinsipe Rollo. Kakaiba ang pakiramdam niya maliban sa hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanila nakikita pa niya ang kaibahan niya ngayon. May mga paa siya na kanyang ipinanglalangoy hindi tulad sa mga sirena at sirenong may buntot. Hindi maiwasang ma-miss din niya kung ano ang mayroon siya noong sirena pa siya.
Nakaupo sa higanteng kabibe si Azurine habang sinusuklayan ni Ada ang mahaba at asul niyang buhok. Nakaharap siya sa salamin, nasa loob sila ngayon ng silid ni Celes.
"Napakaganda talaga ng buhok mo, Azurine," mahinang sabi ni Ada habang hinahagod ang gintong suklay sa kanyang buhok.
"Ate Ada, ano'ng balak ninyo kapag dumating na si Prinsipe Rollo?" tanong ni Azurine.
"Katulad ng napagkasunduan noon, itutuloy ang kasal ninyong dalawa para maiwasan ang napipintong kaguluhan dito sa kaharian," tugon ni Ada.
Sandaling natahimik si Azurine, bakas ang lungkot sa kanyang mga mata. Maya-maya'y pumasok sa loob si Emi dala ang puting gown.
"Dinala ko na ang susuotin mo, Azurine." Inilapag ni Emi ang damit sa ibabaw ng kama na yari sa higante at gintong kabibe.
"Pero alam ninyong may sumpa ako 'di ba? Hindi ako maaaring magpakasal kay Prinsipe Rollo. Sa oras na maglaho ang epekto ng mahikang ipinagamit sa akin para makalangoy at makahinga rito sa ilalim ng dagat… malulunod ako at hindi makakahinga!" paliwanag ni Azurine. "Mamamatay ako! Alam n'yo naman iyon 'di ba?" pilit pa niya.
"Ginusto mo 'yan! Ikaw ang gumawa sa sarili mo ng sumpa na 'yan! Ang sa amin lang ayaw namin ng gulo. Dapat kasi hindi ka na tumakas at nagpunta sa lupa, sana may buntot ka pa rin hanggang ngayon!" mariing pahayag ni Ada.
Ibinaba niya ang suklay saka lumabas ng kuwarto. Naiwan sa loob sina Azurine at Emi. Naupo sa kama si Emi habang si Azurine nama'y nalulugmok sa lungkot sa mga narinig mula sa kapatid.
"Na-gi-guilty ka ba?" biglang tanong ni Emi. Tiningnan niya nang tuwid sa mga mata si Azurine. "Alam mo, naintindihan naman kita sa kagustuhan mong makasama ang prinsipe mo sa lupa ang kaso… nagdulot iyon ng kaguluhan dito sa kaharian. Kumilos ka ayon sa kagustuhan mo, naging makasarili ka at hindi inisip ang nakararami. Isa ka pa namang prinsesa na may tungkuling pangalagaan ang buong kaharian. Nagkamali ka sa naging desisyon mo, Azurine. Kung alam mo lang kung gaano ako nalungkot nang malaman naming tumakas ka at nagtungo sa lupa. Nagtungo ka pa sa kweba ni Coralla na mahigpit na tinututulan ni Ama na huwag puntahan. Ang tigas ng ulo mo, Azurine."
Sa mga sinabi ni Emi, wala siyang maisagot dahil pawang katotohanan ang mga iyon. Batid niya sa sarili niyang naging makasarili siya sa paggawa ng desisyon.
"Patawad… Ate Emi," mahinang bulong ni Azurine.
Kagat ang ilalim ng labi, pinipigilan ni Azurine ang mga mata niya sa pag-iyak. Kumikirot ang puso niya sa sakit.
"Kung hindi ako nagtungo sa lupa, hindi sana mangyayari ito. Sana hindi makukulong si Ginoong Seiffer, sana maayos si Octavio at hindi sana kami magkakaroon ng sumpa," bulong ni Azurine sa isip.
Maya-maya'y may kumatok mula sa labas ng silid. "Mahal na prinsesa, dumating na si Prinsipe Rollo," balita ng kawal na kumatok sa pinto.
"Sige susunod na kami!" sagot ni Emi.
Lumangoy patungo si Emi dala ang damit patungo kay Azurine. "Isuot mo na itong puting gown. Hindi pa ito ang isusuot mo sa kasal ninyo pero ako mismo ang pumili nito para sa pagkikita ninyo ngayon ni Prinsipe Rollo."
Inabot ni Azurine ang damit. "S-Susunod na ako, Ate Emi."
lumabas si Emi ng silid at doon naghintay habang nagbibihis si Azurine sa loob.
***
LUMABAS si Emi kasunod si Azurine sa likod. Nagtungo sila malaking bulwagan ng palasyo upang puntahan si Prinsipe Rollo at ang iba pa. Nakaupo sa trono ang ama nilang hari habang si Prinsipe Rollo ay nakaupo sa upuan ng mga bisita sa gilid ng hari.
Tumunog ang trumpeta at iniharap si Azurine kay Prinsipe Rollo.
"Napakaganda mo talaga, Azurine! Mabuti at nakabalik kana sa Osiris," bati ni Rollo. Kinuha niya ang kamay ni Azurine saka hinalikan sa ibabaw ng kamay.
"P-Prinsipe Rollo…" Hindi malaman ni Azurine kung paanong bati ang gagawin niya sa harap ng prinsipe.
"Sandali!" Bahagyang nayuko si Rollo at itinaas nang kaunti ang mahabang gown ni Azurine. Nakita niya ang mga paa ni Azurine na kumakampay sa tubig. Muli niyang ibinaba ang laylayan ng damit ni Azurine.
Napaatras sa takot si Azurine sa ginawa ni Rollo.
Tumawa naman nang malakas si Rollo sa nakita niya. "Napakaganda ng mga paa mo, Azurine!" Binigyan siya ng nakakakilabot na tingin ni Rollo. Inilabas pa nito ang dila niya na parang gusto niyang dilaan ang makinis na paa ni Azurine.
Lumangoy si Rollo patungo sa kinatatayuan ni Azurine saka siya niyakap nito at binulungan, "Nasasabik na akong matikman ang makinis mong katawan, Azurine. Ano kayang lasa ng mga binti at paa mo?" Sabay halakhak nang malakas.
Nanindig ang balahibo ni Azurine sa sobrang takot. "I-Ito ang isang dahilan kaya hindi kita gusto, Prinsipe Rollo!"
"Huh? Ano kamo?"
"Isa kang masamang sireno!!!"
Isang malakas na sampal ang ginawa ni Azurine sa pisngi ni Rollo. "Kahit kailan hindi talaga kita magugustuhan!"
Hinawakan ni Rollo sa kamay si Azurine sa sobrang inis. "Wala akong pake kung gusto mo ako o hindi! Mapapasa akin ka na, Prinsesa!" madiin nitong litanya.
"Tama na! Prinsipe Rollo, ayusin natin 'to!" pigil ng hari sa dalawa.
Isang masamang ngisi ang gumuhit sa labi ni Rollo. Ang hitsura nito'y pang kontra bida na may pagka-psychopath. Hindi rin naman ka-gwapuhan at nakakainis kung ngumiti.
Si Prinsipe Rollo ang ikatlong prinsipe sa kaharian ng Krustean. Siya na lang sa tatlo ang wala pang asawa dahil sa ginawa ni Azurine na pagtakas noon. Noon pa man ay nakatakda na ang kanilang pag-iisang dibdib ayon na rin sa kagustuhan ng kanilang pamilya.
Pero dahil nakasama na ni Azurine mula pagkabata itong si Rollo alam niya ang itinatago nitong kasamaan lalo na sa pag-uugali. Mayabang ito, hambog, mapagmataas at higit sa lahat parang baliw sa maraming gawaing hindi masikmura ni Azurine. Mahilig itong manghipo ng buntot ng ibang sirena, kaya iwas na iwas sa kanya si Azurine noon magpahanggang ngayon.
"Ngayong pag-usapan na natin ang kasal ninyong dalawa," paunang salita ng hari. "Siguro naman sa oras na makasal na kayo ni Azurine, magiging maayos na ang lahat sa pagitan ng Osiris at Krustean."
"Huwag kayong mag-alala, mayroon akong isang salita. Walang digmaang magaganap sa oras na makasal kaming dalawa ni Azurine," paniniguro ni Rollo.
Hindi naman magawang sumang-ayon ni Azurine. Iba pa rin ang pakiramdam niya sa sirenong ipinipilit sa kanya.
"Napaka-unfair n'yo talaga, Ama." Tumayo si Azurine mula sa pagkakaupo sa upuang kabibe. "Ibibigay ninyo ang anak ninyo para sa kapakanan ng kaharian kahit alam ninyong hindi magiging maganda ang buhay ko sa kamay ni Rollo?"
"Prinsipe Rollo!" pagdidiin ni Rollo.
"Wala akong pake!" Ibinaling ni Azurine ang pansin sa kanyang ama. "Hindi n'yo ba ako mahal, Ama? Hindi ba mahalaga ang kaligayahan ko?!"
"Tumigil ka na! Walang patutunguhan ang mga sinasabi mo, Azurine! Tuloy ang kasal!"
Napansin ni Azurine ang lungkot sa mga mata ng kanyang ama. Tila hindi rin nito gusto ang desisyong pagpapakasal pero wala itong magagawa kundi sundin ang itinakdang kasunduan. Isa siyang hari na may pinangangalagaang mamayan. Natural na masakit din para sa kanya ang isakripisyo ang kaligayahan ng anak alang-alang sa katahimikan ng buong kaharian.
Naunawaan iyon ni Azurine sa puntong iyon. Natahimik siya at muling umupo. Wala na nga atang paraan para matakasan ang kasalang iyon.
Nang maagaw ang atensyon nila sa isang malakas na pagsabog.
"Ano'ng nangyayari?!" mabilis na tanong ng hari.
"Kamahalan! Ang mataas na tore, sumabog!" madaling ulat ng kawal.
"Ano?!"
Nagulat ang lahat at napatayo nang sumabog ang kisame ng palasyo. Gumawa ito ng malaking butas na siyang pinasukan ng malaki at bilog na liwanag. Unti-unting bumaba ito patungo sa gitna ng bulwagan.
"Kamusta! Mukhang may mahalaga kayong pinag-uusapan, a! Sali n'yo naman kami!"
"G-Ginoong Seiffer, hindi ka talaga marunong mag-ingat!" bulyaw ni Octavio.
Tama! Dumating nga ang dalawang lalaki sa buhay ni Azurine, sina Octavio ang matalik niyang kaibigang pugita at ang maloko niyang minamahal na wizard si Seiffer.
"Prinsesa Azurine!" Mabilis na nilapitan ni Octavio si Azurine.
"O-Octavio!" Niyakap ni Azurine ang kaibigan. "P-Paano kayo nakatakas?"
"Walang imposible sa lokong lalaking 'yon!" itinuro gamit ang nguso ni Octavio.
Namilog ang mga mata ni Azurine nang magtama ang tingin nilang dalawa ni Seiffer. "G-Ginoong Seiffer!" Sa tinginan nilang dalawa mababakas ang pananabik na magkasama silang muli.
"Mga kawal, palibutan ang dalawang iyan!" Mariing utos ng hari.
"Sandali lang, Kamahalan!" Itinaas ni Seiffer ang dalawa niyang kamay. "Hindi ako lalaban sa inyo. Bagkus, hayaan ninyo akong labanan ang isang tao para sa kalayaan ng inyong anak!" Malokong ngumiti si Seiffer.
"Ano kamo? At sino ka para pakiusapan ako nang ganyan? Isa ka lang nilalang ng lupa!"
"Hindi naman kayo ang pakay ko." Ibinaling ni Seiffer ang tingin kay Rollo. "Ikaw, Prinsipe Rollo na dapat ay pakakasalan ni Azurine, hinahamon kita sa isang laban!"
Tumawa nang malakas si Rollo sa narinig niya. "Baliw ka ba? Ano hinahamon mo? At bakit ako papayag sa gusto mo?"
Nagpalitan sila ng matalas na tingin at malokong ngisi.
"Dahil ang paglalabanan natin ay si Prinsesa Azurine. Matira matibay, kung sino ang manalo sa kanya mapupunta ang prinsesa. Mano-mano ang laban, walang gagamit ng sandata o mahika." Itinaas ni Seiffer ang dalawa niyang kamao na tila boksingero.
Napalunok-laway si Octavio sa hamon ni Seiffer. "Marunong ba makipagsuntukan 'yang si Ginoong Seiffer?" bulong na tanong niya kay Azurine.
"S-Siguro?" alanganing sagot ng dalaga.
Tumawa muli si Rollo. "Talagang, hinahamon mo ako taga-lupa!"
"Oo naman! Partida lumaki ka sa tubig samantalang ako sa lupa. Siguradong malaki ang advantage mo tapos aminado akong mahina ako sa pisikal na pakikipaglaban."
"Mahina sa pisikal pero hahamunin mo ako sa suntukan? Baliw ka talaga!" Lumangoy si Rollo para harapin lalaki sa lalaki si Seiffer. "Tara! Simulan na natin 'to!" mayabang na turan ni Rollo.
Isang ngiti ang isinukli ni Seiffer sa kanya. "Mabuti at pumayag ka!"
Wala nang nagawa ang hari sa kasunduan ng dalawang lalaki. Paglalabanan nila ngayon si Azurine.
Ang black wizard na si Seiffer ay makikipagtagisan ng lakas, kamao sa kamao kay Rollo. Manalo naman kaya siya? Gayong hindi siya gagamit ng mahika at purong pisikal na lakas ang gagamitin na kanyang kahinaan.