MATAPOS magpaalam sa pamilya ni Azurine, nagtungo kaagad sila kweba ni Coralla. Malapit na ring maubos ang mahikang inilagay ni Seiffer sa kanila para makalangoy sa ilalim ng dagat. Nang makarating sa kweba muling pinag-usapan nila ang tungkol sa sumpang nakapaloob kina Azurine at Octavio.
"Tulad sa sinabi ko, kung gusto ninyong matanggal ang sumpa kailangan ninyong talunin ang mismong gumawa ng kasulatang nilagdaan ninyo. Walang iba kundi si Dark Lord Hellsing. Babalik kayo sa pagiging sirena at pugita at muli na kayong makakalangoy sa maalat na tubig ng dagat."
"Ibig sabihin hindi na kami magiging tao tulad ng hitsrua namin ngayon?" tanong ni Octavio.
"Oo naman. Dahil hindi naman talaga kayo nilalang ng lupa. Maliban na lang kung ayaw n'yo nang bumalik sa pagiging sirena at pugita. Gusto n'yo nang manatili sa anyong tao?"
"P-Pwede ba 'yon?" singit na tanong ni Azurine.
Tumingin si Corala kay Seiffer. "Hindi ba't anak ka ni Gillheart Wisdom? Kilala siyang makapangyarihang black wizard sa kasaysayan. Isa siya sa nakipaglaban sa unang digmaang pandaigdigan kaya niya nakuha ang titulong 'The Great Black Wizard of Alemeth'."
"Ano'ng kinalaman ng baliw kong ama sa tanong ni Azurine?"
"May alam siyang magic spell na kayang baguhin ang anyo ng isang indibidwal. Kaya niyang gawing permanente ang pagiging tao ng dalawang 'to." Nagtungo si Coralla sa malaking aklat na nasa mesa. "Sasang-ayon ako sa sinabi mong baliw nga ang ama mo. Makasarili siya, kapag may gusto siyang gawin ginagawa niya nang malaya. Kahit nga ang pag-ibig niya sa 'yong ina, ginawa niya ang lahat."
"Tama na ang tungkol sa kanila. Batid ko ang ginawa ng baliw kong ama para sa aking ina. Pero kung totoo ang sinabi mo na may kaalaman ang aking ama para maging tao nang tuluyan sila Azurine at Octavio… ano pang saysay ng pagpatay kay Dark Lord Hellsing? Hindi ba pwedeng hanapin ko na lang ang baliw kong ama at hilingin sa kanya na gawing permanente ang pagiging tao nila?"
"Hindi maaaring baliin ang kasulatang nilagdaan nila. Kailangan munang malinis at walang sumpa ang kanilang katawan bago gawin ng iyong ama ang magic spell na 'yon. Siguradong iyon din ang sasabihin ng iyong ama. Tanggalin mo muna ang sumpa bago mo sila gawing permanenteng tao." Matalim na tingin ni Coralla kay Seiffer. "Kung tapos na kayo sa pagkunsulta sa akin, maaari na kayong bumalik sa lupa. Mauubos na ang mahikang inilagay mo sa katawan ninyo."
"Tama ka." Ibinaling ni Seiffer ang pansin sa dalawa. "Kailangan na nating bumalik sa lupa." Hinawakan niya sa balikat si Azurine. "Tayo nang umuwi, Azurine."
"G-Ginoong Seiffer." Tumango si Azurine.
"Hoy! Teka! Huwag n'yo 'kong kalimutan!" Tumakbo pasunod si Octavio, hinabol ang dalawa sa paglabas sa pinto ng kweba ni Coralla.
***
MATAPOS ang mahabang paglangoy nakabalik na sila sa mabuhanging baybayin ng tabing dagat. Naunang umahon si Seiffer bago inalalayan si Azurine. Itinaas niya ang kamay niya't itinutok sa katawan ng dalawa. Tinuyo niya ang kanilang damit gamit ang mahika.
Nasa baybayin sila ng Apores, nang tawagin ni Seiffer ang matagal na niyang na-miss na kaibigan.
"Knowledge!"
Sumulpot sa kalawakan ang kwagong si Knowledge kasama niya ang malaking pulang dragon na si Seiffy.
"Aba! Si Seiffy!!" tuwang tawag ni Azurine.
Graww!
Bakas sa tuwa ang crimson dragon nang muling makita ang kinikilala niyang magulang na si Seiffer at mga kaibigang sina Azurine at Octavio.
Pagkalapit ni Knowledge kaagad niyang nahataw sa ulo si Seiffer. "Ang tagal mo! Marami nang nangyari rito sa lupa!" sermon ng kwago.
"Aray naman!" Hinimas-himas niya ang ulo niya. "Pasensya na may inayos pa kasi kaming kaguluhan sa kaharian nila. Pagkatapos nag-usap pa kami ni Coralla tungkol sa sumpa nina Azurine at Octavio."
"Hay! Okay, sige. Sumakay na kayo kay Seiffy saka ninyo ikuwento ang nangyari. Sasabihin ko rin ang kalagayan ng Alemeth at ibang bansa habang wala kayo."
Sumakay sila sa ibabaw ni Seiffy. Lumipad ang pulang dragon patungo sa palasyo ng Alemeth kung saan nagkakagulo ang buong kaharian. Sa kanilang paglipad naikuwento ni Knowledge ang kinakaharap ngayon ng buong mundong panganib.
Naglabas na ng pagbabanta ang kontinente ng Hilgarth sa pamumuno ni Dark Lord Hellsing. Una niyang lulusubin ang kaharian ng Alemeth sa Sallaria bago isusunod nito ang karatig kaharian. Gagawin niyang base ang Alemeth sa oras na masakop niya ito. Itatalaga niya ang isa sa malakas niyang alagad sa kahariang ito upang mamuno. Nakahanda na ang hukbo ni Dark Lord Hellsing at sa loob ng pitong araw, magaganap ang digmaan mismo sa kaharian ng Alemeth.
Pagkarating nina Seiffer sa palasyo hindi na sila dumaan sa tarangkahan deretso na sila sa loob. Iniwan nila sa labas si Seiffy saka pumasok nang tuluyan sa bulwagan ng palasyo.
"Mahal na Hari at Reyna, nakabalik na si—"
"Seiffer!!!"
Hindi pa man tapos sa pagsasalita ang kawal nang salubungin sina Seiffer ni Duke Earl Goodwill.
"Lolo!" Sabay yakap sa lolo niyang duke. "Nabalitaan ko na ang nangyari. Nasaan si Eldrich?"
"Nasa main headquarters sila ng mga kawal. Siya ang mamumuno sa digmaang magaganap. May pitong araw tayong paghahanda para mailikas ang mga tao at lagyan ng matinding depensa ang ating kaharian. Ang bansa ng Alemeth ay malalagay sa matinding pagsubok pagkatapos ng pitong araw. Hindi ko alam kung ano'ng mangyayari. Basta't lalaban tayo sa abot ng ating makakaya!" matikas na pahayag ng duke.
Lumapit ang hari at reyna. "Seiffer, nakikiusap kami sa 'yo, tulungan mo si Eldrich," pakiusap ng hari.
"Kailangan ka niya, kailangan ka namin…" malungkot na bulong ng reyna.
"Hindi na kailangan ng madramang pakiusapan. Kapatid ko si Eldrich, mananatiling kapatid ang turing ko sa kanya. Isa pa, mamamayan din ako ng Alemeth. Hindi ako papayag na tumayo na lang at walang gawin habang pinagpipiyestahan nilang wasakin ang bansa natin." Tumalikod si Seiffer. "Lolo, samahan n'yo ako sa headquarters para kamustahin ang mahal kong kapatid," pabiro niyang litanya.
At nagtungo nga sila sa head quarter sa labas ng palasyo. Sa talampas ng Gargantia itinayo ang main headquarters dahil kita nito ang buong karagatan ng Azura. Isa itong talampas sa gitna ng bundok na nasasakupan ng Gargantia. Isang maliit na bayan sa Alemeth.
Pagkarating nina Seiffer dito sakay ni Seiffy, nakita nila ang maraming tent at mga kawal. Lumapag sila sa lupa, tinungo ang barikadang harang na gawa sa matutulis na kahoy.
"Eldrich!" tawag ng duke.
Lumabas mula sa loob ng malaking tent si Zyda kasama si Eldrich.
"Azurine!" Nang makita ni Zyda sina Azurine kaagad itong tumakbo papunta sa kanila.
"Lady Zyda!" Nagyakapan silang dalawa, halatang na-miss ang isa't isa.
"Seiffer!" sambit ni Prinsipe Eldrich matapos makitang muli ang kapatid.
"Eldrich, okay na ang kaharian nina Azurine, bumalik kami para makiisa sa labang ito. Hindi ako papayag na masakop ang bansang kinagisnan ko. Sabihin mo lang kung ano'ng maitutulong ko gagawin ko ang lahat para mailigtas ang buong kaharian." Ipinatong ni Seiffer ang kamay niya sa balikat ni Eldrich.
"Bago ang lahat, batiin muna kita ng isang maligayang pagbabalik. Masaya akong marinig na maayos na ang lahat sa kaharian ng Osiris. Siguradong marami pa kayong natuklasan sa ilalim ng karagatan pero ang mahalaga ngayon ay mapagtibay natin ang ating depensa."
Lumapit sa tabi ni Eldrich si Zyda. "Ang nagkakaisang bansa ng Sallaria ay tutulong sa digmaang kakaharapin hindi lang ng Alemeth kundi ng buong silangang kontinente. Narinig kong naghahanda na rin ang SEPO alliance para sa paglikas ng mga tao. Napagkasunduan kasing ilikas ang mga tao mula rito sa Alemeth patungo roon. Mahihirapan makipaglaban kung maraming tao ang aalalahinin kaya habang mainit pa ang mga mata ng kalaban sa Alemeth, doon muna ang mga mamamayan nito," dugtong na paliwanag ni Zyda.
"Ang Elgios, Rafago at Kurinto, ano'ng pahayag nila rito?" usisa ni Seiffer.
Pinapasok muna ni Eldrich sila sa loob ng malaking tent saka doon ipinagpatuloy ang usapan. Nakaupo sila nang paikot kaharap sa pabilog na mesa. Tumulong si Azurine sa pagbibigay ng inuming tsaa sa mga lalaking nakaupo sa silya. Magkatabi si Azurine at Zydang nakikinig sa usapan nila.
"Ang Elgios, ay nagpadala ng mga kawal na tutulong sa atin. Walang problema sa kanila lalo na't narito si Prinsesa Zyda na siyang magaling na tactician at pinuno ng hukbo. Ang Rafago at Kurinto ay nagbigay ng pahayag na titingnan muna nila ang sitwasyon bago sila gumawa ng hakbang. Alam kong huli na para sa kanilang pagpapasya kung anuman ang maisipan nilang gawin. Pero nangako naman sila na tutulong at makikipag-isa sa mga plano bilang kabilang sila sa nagkakaisang bansa," patuloy na paliwanag ni Eldrich.
Tumabi si Zyda sa gilid ng prinsipe. "Bukas na bukas din ay palilikasin na namin ang mga mamamayan ng Alemeth. Isasakay sila sa barko patungo sa Elloi, Sario at Prugo."
"Hindi ba sila dadalhin sa Oero?" tanong ni Seiffer.
"Pinapayagan niya pero…" sandaling natigil si Eldrich. "Mga lalaki lang ang tinatanggap niya."
"Ang manyak na babaeng 'yon talaga," pabirong biro ni Seiffer.
"Speaking. Naroon nga pala si Haring Van Gogh sa Oero, siya kasi ang nakikipag-usap kay Meister Hellena tungkol sa sitwasyon natin ngayon," wika ni Zyda.
"Sa ngayon iyon lang muna dahil kailangan na naming ayusin ang paglikas ng mga tao. Pagkatapos lalo naming patitibayin ang depensa mula sa baybayin ng Apores hanggang sa Sangil kung saan ang sentro ng Alemeth. Lalagyan namin ng kanyon ang palibot na ibabaw ng pader ng palasyo. Balak din namin humingi ng mga armas na panlaban sa Rafago dahil ito ang bansa kung saan maraming sandata ang ginagawa. Nasa Rafago rin ang mahuhusay na blacksmith sa kontinente."
Tumango si Seiffer bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Eldrich. "Totoo ang sinabi mo. Nasa Rafago ang Majestic Academy kung saan tayo noon nag-aral nang sama-sama." Biglang napaisip si Seiffer. "…Hmmm… magandang dalawin ang bansang iyon."
"Pupunta ka sa Rafago?" tanong ni Zyda.
"Bakit hindi? Isa pa, maliban sa mga kawal na mayroon tayo kinakailangan din natin ng mga mahikero tulad ko. Pagbibigyan naman tayo ni Meister Hellena tulad noon nang kinalaban natin ang mga pirata. Pero iba ang mga sorcerer at wizard sa bansang Rafago." Tumalim ang tingin niya halatang may naisip na namang bright idea.
"Hindi ko alam kung ano ang binabalak mo, Seiffer. Pero sa pagtingin pa lang sa mga mata mo siguradong kapilyuhan o kalokohan na naman 'yan."
"Eldrich naman…" Napakamot sa batok si Seiffer sabay tawa.
"Siya nga pala, susunduin ni Prinsipe Cid ang mga mamamayan ng Alemeth sakay ng isa sa kanilang barko. Personal siyang tutungo rito. Gano'n din si Prinsesa Liset ay mag-a-assist sa mga tao," balita ni Zyda.
Malokong sinulyapan ni Seiffer si Octavio. "Uy! Pupunta si Liset, mukhang may nakaabang na pugita sa isang tabi d'yan," tukso niya kay Octavio.
"Tse! Tumigil ka nga!"
Kahit papaano ay natawa sila sa cute na ekspresyon ni Octavio, halata ang pagnanais nitong makita ang crush niyang prinsesa.
Ang lahat ay naka-focus na sa digmaang papalapit nang maganap sa kanilang bansa.