Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 39 - Mermaid’s Tale: Her Family

Chapter 39 - Mermaid’s Tale: Her Family

SA naganap na pagkapanalo ni Seiffer sa one on one fight nila ni Rollo, naiwasan ang napipintong labanan sa dalawang kaharian. Tinanggap ni Prinsipe Rollo ang pagkatalo at umalis ng Osiris kasama ang kanyang mga alagad na sireno. Walang kasalang magaganap at mananatili ang katahimikan sa kanilang kaharian.

Isang salo-salo ang inihanda ng hari para sa itinuturing nilang bayani ng Osiris.

"Para sa magiting na binatang nagligtas sa ating kaharian at sa mahal kong anak!" Itinaas ng hari ang gintong chalice. "Isang pagpupugay para sa ating bayaning si Ginoong Seiffer Wisdom!!!"

Sabay-sabay na uminom ang lahat bilang pagkilala sa magiting nilang bayani ng dagat. Masaya si Azurine dahil sa wakas napatawad na rin siya ng kanyang mahal na ama.

"Azurine, anak…" Tinabihan ni Haring Aegaeus ang anak niya.

"Ama, maraming salamat sa pang-unawang ibinigay ninyo sa akin. Patawad po sa mga nagawa kong pagsuway sa kagustuhan ninyo. Pero hindi po ako nagsisi sa ginawa kong pagpunta sa lupa. Marami po akong nakilalang mabubuting tao at kaibigan." Sumandal si Azurine sa matiponong braso ng kanyang ama. "Hindi ko po gustong iwan kayo, Ama."

"Hay! Anak ko. Kaugali mo talaga ang iyong ina. Pareho kayong pilya at matigas ang ulo." Hinaplos-haplos ng hari ang mahaba at asul na buhok ng anak. "Magkagano'n man, pareho kayong may mabuting puso. Mahal na mahal ko kayo, lahat kayo."

"Ama…"

Isang yakap ang ginawa ni Azurine sa kanyang ama. Matagal na rin ang huli nilang nayakap ang isa't isa.

"Pero kailangan mong bumalik sa lupa hindi ba?" malungkot na tanong ng hari.

"O-Opo, Ama. Paumanhin hindi kami maaaring magtagal dito. Alam ninyo naman po na may sumpa ako at hindi ako maaaring magtagal sa tubig dagat. Pero huwag po kayong mag-alala, kapag nawala na ang sumpa babalik ako rito dahil ito ang tahanan ko, wala nang iba."

"Azurine… maghihintay kami ng mga kapatid mo. Naniniwala akong malalampasan mo rin ang lahat ng pagsubok sa buhay. Palagi ka sanang mag-iingat sa ibabaw ng lupa."

"Opo, Ama. Kasama ko naman po si Octavio at Ginoong Seiffer. Marami rin po akong kaibigan sa ibabaw ng lupa na mabubuti at handang tumulong sa mga nangangailangan. Sila ang dahilan kaya nagawa kong maging matatag sa ibabaw ng lupa."

"Masaya akong marinig 'yan mula sa 'yo."

Maya-maya'y lumapit ang mga kapatid ni Azurine.

"Azurine, patawarin mo sana kami sa ginawa naming panlilinlang sa 'yo," paunang sabi ni Celes. "Hindi naman namin iyon ginusto. Wala lang talaga kaming ibang maisip na paraan para iligtas ang kaharian at mapabalik ka rito."

"Naintindihan ko Ate Celes. Isa pa, malaki rin ang utang na loob ko sa inyong apat. Kayo ang nagligtas kay Ginoong Seiffer, hindi ba? Maraming salamat sa inyo." Isang matamis na ngiti ang isinukli ni Azurine sa mga kapatid niya.

"Napakabuti mo talagang kapatid. Kahit gawan ka ng masama palagi mo paring tinitingnan ang mabuting panig nito. Patawad sa mga nasabi ko sa 'yo," saad ni Ada.

"Wala iyon, Ate Ada." Niyakap niya ang kapatid. "Mahal na mahal ko kayong mga ate ko.

"Talagang napakabuti ng bunso naming kapatid." Yumakap din si Emi at sumunod na rin si Oli at Celes.

"Mga ate ko, maraming salamat sa lahat."

"Azurine, huwag mo kaming kalilimutan. Hihintayin namin ang muli mong pagbabalik," si Oli.

"Kapag kinailangan mo ng tulong magsabi ka lang at tutulong kami," si Emi.

Tumango si Azurine. "Oo! Palagi akong magsasabi sa inyo. Aasahan ko rin ang tulong ninyo."

Isang mahigpit na yakap ang ginawa ni Haring Aegaeus kasama ang kanyang mga anak na prinsesa. Kulang man sila ng ina ang pagmamahalan nila ay patuloy na pagtitibayin ng panahon.

"Siya nga pala, kailan ang balik ninyo sa lupa?" tanong ni Celes.

Lumapit si Azurine sa upuan ni Seiffer, sandali niyang hinatak ang binata para magpaliwanag.

"Ginoong Seiffer, kailan ba tayo aalis?" paniniguro ni Azurine.

Pumangalumbaba si Seiffer, waring nag-iisip. "…Hmmm… bukas ay dapat umalis na tayo rito sa Osiris at bumalik kay Coralla." Tumingin si Seiffer sa hari. "Hindi pa kasi tapos ang pag-uusap namin tungkol sa sumpa nila ni Octavio at…" natigil siya sa pagsasalita.

"G-Ginoong Seiffer?"

"Ipapaalam ko na rin ang nangyayari sa ibabaw ng lupa. May kinalaman din ito sa sumpa ni Azurine. Ang taong pinagmulan ng kasunduan na nilagdaan ni Azurine ay galing kay Dark Lord Hellsing. Tunog pamilyar ba?"

Tumaas ang kilay ng hari nang marinig ang pangalang iyon. "K-Kilala ko siya!" May panginginig sa bose niya. "Matagal nang panahon na may isang makapangyarihang Dark Lord na sinubukang sakupin ang buong mundo gamit ang kapangyarihan niyang galing sa Nether World. Iyon ang unang digmaang pandaigdigan na nilabanan ng maraming bansa. Nanguna sa digmaang ito ang kontinente ng Sallaria nakipag alyansa sila sa kontinente ng Titanus at Kruzean. Kalaban nila ang kontinente ng Hilgarth na pumasailalim sa kamay ng Dark Lord. May mga bansa na nakiisa at may mga bansa naman na hindi. Dahil sa mga nilalang na may angking kapangyarin tulad mo Ginoo, nagawa nilang matalo ang Dark Lord. Kaming mga nilalang sa ilalim ng karagatan ay nagkaroon din ng partisipasyon sa digmaang ito. Hindi mo na siguro siya kilala dahil sa matagal nang panahon pero… isang makapangyarihang wizard ang nagtungo rito sa ilalim ng karagatan at naging kaibigan ko. Hindi ko nga lang nakuha ang buo niyang pangalan pero katulad mo may kulay lila rin siyang mga mata. Siya ang isa sa malakas na wizard na lumaban sa Dark Lord noon."

Napangisi si Seiffer. "Kilala ko ang tinutukoy n'yo Kamahalan."

"T-Talaga?"

"Ang walang kwenta kong ama!" Tumalim ang mga mata ni Seiffer, inilihis niya ito bago ngumiti nang papilit.

"Hah?!" gulat ng hari. Hindi na niya dinagdagan ang tungkol sa nakilala niyang wizard nang makita ang tila galit at pagkamuhi sa ngiti ni Seiffer. "S-Siya nga pala, tungkol sa sumpa ni Azurine. Ano ang dapat ninyong gawin para mawala ito? May nasabi na ba ang sea witch tungkol dito?"

"Kailangan naming talunin ang gumawa ng papel na kasunduan para mawala ang sumpa sa kanila at sa iba pang nilalang na nakipagkasundo kay Coralla," sagot ni Seiffer.

"Kung gano'n haharap kayo sa matinding pakikipaglaban sa ibabaw ng lupa."

"Iyon na nga. Kung maaari ipahiram ninyo sa amin ang inyong kapangyarihan sa napipintong digmaan sa lupa. Nahulog na muli ang Hilgarth sa kamay ng Dark Lord. Dumarami na ang hukbo niya at handa na niyang lusubin ang Sallaria. Kailangan namin ng tulong."

"Makakaasa kayo sa tulong namin. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa anak ko habang nasa lupa siya."

Lumapit si Celes kay Seiffer. "Ginoo, kunin mo 'to." Inabot niya ang kulay asul na dyamante. Kasing laki ito ng kamay ni Celes. Umaapaw ang mahika sa loob nito.

"Teka, isa itong Azure Gem, matagal ko nang sinasaliksik ang tungkol dito. Nagtataglay ito ng matinding mana energy. Maraming wizard, witch at iba pang mahikero ang naghahanap sa maalamat na batong ito."

"Mula 'yan sa aming itinatagong kayamanan. Parte lang iyan ng malaking Azure Gem na tinatago namin. Diyan nanggagaling ang mana energy naming mga sirena. Ang likas naming kakayahan ay pinapalakas ng batong iyan. Ikaw na nagtataglay ng malakas na mahika ay siguradong lalakas pa sa paggamit mo niyan."

Kinuha ni Seiffer ang ibinigay ni Celes. Inilagay niya ang Azure Gem sa loob ng bilog sa magic scepter niya. Naghalo-halo ang kulay ng crystal orb na nakalagay sa scepter niya. Naging kulay bahaghari ito at nabalutan ng malakas na mahika.

"Habang kasama mo si Azurine, matutulungan ka niyang pagalingin sa taglay niyang healing magic. Kaya rin niyang ibalik ang buhay ng taong kamamatay lang pero may limitasyon iyon. Kaming mga sirena ay biniyayaan ng langit ng maraming kakayahan. Tutulong kami sa abot ng aming makakaya." Hinawakan ni Celes ang ibabaw ng scepter ni Seiffer. "Pakiusap, huwag mong pababayaan ang kapatid namin."

Tumango si Seiffer. "Wala akong balak iwan si Azurine." Inakbayan niya sa braso si Azurine saka hinatak patungo sa dibdib niya. "Makakaasa kayong iingatan ko siya. Dahil mahalaga siya para sa akin…" Malumanay na ngumiti si Seiffer sa kanya.

Naramdaman ni Azurine ang pagmamahal sa kanya ni Seiffer. Mainit na pakiramdam na palaging ipinaparanas sa kanya ng minamahal niyang wizard.

"Ahem!"

"Octavio!"

"Kinakalimutan n'yo naman ako!" Napakamot sa ulo si Octavio. "Hindi ko rin naman pababayaan si Prinsesa Azurine lalo na sa kamay ng malokong lalaking 'to!"

"Hoy! Binatang pugita!"

"Pfft!" Pigil na natawa si Azurine sa dalawa. "Kayong dalawa talaga!" Inakbayan niya pareho ang dalawa tig-isa sa braso ng mga ito. "Mahalaga kayong dalawa sa akin. Alam kong hindi ninyo ako pababayaan. Pero hayaan ninyo akong lumaban kasama ninyo. Lalaban din ako!"

"Alam ko! Matapang ka at kayang-kaya mo ang sarili mong ipagtanggol, 'di ba?" turan ni Seiffer sa minamahal na sirena.

Tumango si Azurine. "Pangako, gagawin ko ang lahat para makatulong sa laban."

"Prinsesa Azurine!" natutuwang sambit ni Octavio.

"Oh, siya ituloy na muna natin ang salo-salong ito." Ipinatong ng hari ang malapad niyang palad sa ulo ni Azurine. "Gusto ko maging masaya ang salo-salong ito para sa bunso kong anak."

"Maraming salamat po, Ama," nakangiting tugon ni Azurine.

"Tatawagin ko na ba kayong ama?"

Kumislap ang tingin ng hari kay Seiffer. "Bakit kasal na ba kayo?" Hinatak niya ang kanyang anak saka niyakap. "Hu-hu-hu! Ang bunso kong anak!!!" Kinuskos-kuskos pa ng hari ang pisngi niya sa ulo ng anak.

"Ama naman…"

"Ako rin! Ako rin!" Yumakap sa likod ni Azurine si Seiffer. "Ang lambot talaga maging ng likod mo, Azurine."

"Hoy!!! Tumigil ka nga manyak na lalaki!!!"

At itinuloy na nga nila ang kanilang makulit at masayang salo-salo sa kaharian ng Osiris.

Wala silang kamalay-malay sa tunay na nagyayari sa ibabaw ng lupa. Hinihintay na ni Prinsipe Eldrich ang kanilang muling pagbabalik.