Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 34 - Mermaid’s Tale: Reunion

Chapter 34 - Mermaid’s Tale: Reunion

HULING araw ng taon, sasalubungin ng mga tao ang pagpapalit ng taon sa Moon Calendar ng kontinente ng Sallaria. Ito rin ang huling araw nina Azurine, Octavio at Seiffer sa palasyo. Isang salo-salo ang inihanda para ipagdiwang ang pista ng pasasalamat sa isang masaganang taon. Bukas ang tarangkahan ng palasyo para sa mga mamamayang nais magtungo rito at makisaya. Inihanda ang malawak na hardin upang dito magsama-sama ang mga taong makikisalubong sa pagpapalit ng taon.

Habang abala ang lahat sa palasyo, kasama naman nina Prinsipe Eldrich at Zyda ang tatlong aalis at magtutungo sa ilalim ng karagatan ng Azura. Ang pagbabalik ni Azurine sa kaharian ng Osiris, sa kanyang pamilya.

Nakatayo sa ibabaw ng bato si Azurine, nasa tabing dagat sila. Pinili nila ang lugar kung saan walang dumarayong tao, malalaki ang tipak ng bato at sinisigurado nilang walang ibang makakakita sa kanila.

"Handa ka na bang tawagin ang mga kapatid mo?" tanong ni Seiffer.

Tumango si Azurine. "Handa na ako." Hawak niya ang mahiwagang kabibe, itinapat niya sa bibig niya't pinatunog niya ito. Buong puso niyang inisip ang kanyang apat na kapatid.

Suot ni Azurine ang kulay puting bestidang ibinigay ni Zyda bilang relago. Umaalon ang mahaba't asul na buhok ni Azurine, kasabay ang pag-ihip ng malamig na hangin. Tila may bumubulong sa hangin, isang mahiwagang tinig na kay nipis sa pandinig. Biglang nagkaroon ng pagkilos sa tubig, umalon ito nang umalon hanggang gumawa ito ng maliit na ipoipong dagat.

Nang huminto ito at naging banayad muli ang alon sa karagatan ng Azura, isang tinig ang umagaw sa atensyon nila.

"Azurine!"

Naupo si Azurine, ibinaling ang tingin sa tubig. Dahil hindi siya maaaring tumapak sa tubig alat, nanatili siya sa ibabaw ng bato.

"A-Ate?"

"Ako nga! Ako 'to si Celes," wika ng ate niyang kakalitaw lamang ng ulo sa ibabaw ng tubig.

Lumaki ang ngiti sa labi ni Azurine, nang makita hindi lamang si Celes pati na rin sina Ada, Oli, at Emi. Nakapalibot ang apat na sirena sa bunso nilang kapatid na matagal nang hindi nakikita. Simula nang tumakas si Azurine sa kaharian ng Osiris, wala na silang naging balita sa kapatid.

"Kumusta ka na, Azurine?" nananabik na tanong ni Ada ang pangalawa sa limang magkakapatid.

"Ate Ada, mabuti naman ang kalagayan ko. Nasabi na sa akin ni Ginoong Seiffer ang tungkol sa pagbabanta ni Prinsipe Rollo na wawasakin ang kaharian ng Osiris kapag hindi ako nagpakita sa kanya." May pangamba sa mukha ni Azurine, halatang na-gu-guilty siya sa naging sanhi ng kanyang pagtakas sa kanilang kasal.

"Tama, nasa malaking panganib nga ang kaharian natin ngayon. Kailangan mong bumalik sa Osiris sa lalong madaling panahon. Si Ama, nakahanda nang makipaglaban hindi niya alam na natagpuan ka na namin at kasalukuyang nakikipag-usap sa 'yo ngayon. Iniisip namin na baka pwedeng maayos pa ang lahat sa oras na makipagkita ka kay Prinsipe Rollo at magpaliwanag sa kanya. Ipaalam mo ang tunay mong nararamdaman, Azurine." Hinawakan ni Celes ang kamay ni Azurine. "Bumalik ka na sa kaharian, pakiusap. Isipin mo ang lahi natin. Hindi rin natin alam kung ano'ng maidudulot nitong digmaan sa ilalim ng karagatan sa mga tao rito sa lupa."

"A-Ano'ng ibig mong sabihin Ate Celes?" nagtatakang tanong ni Azurine.

Nayuko nang bahagya si Celes. "Usap-usapan kasi sa kaharian na… baka maghiganti si Ama sa mga taga-lupa. Alam niya na isang tao ang kinahuhumalingan mo kaya ka tumakas sa kasal ninyo ni Prinsipe Rollo. Baka ang mga kaibigan mo ang madamay sa kaguluhang ito." Ibinaling ni Celes ang tingin sa likod ni Azurine kung saan nakatayo sina Eldrich.

Lumapit si Seiffer. "Excuse me pwede ba kitang tawaging… Celes?" alanganing paalam ni Seiffer.

"Ah! Ang ginoong iniligtas namin noon. Walang problema, tawagin mo na lang akong Celes. Ikaw ang iniibig nitong kapatid namin, hindi ba?"

"Ate!" Biglang namula ang mukha ni Azurine nang tuksuhin siya ni Celes.

Kinabig ni Seiffer si Azurine, napasandal ang ulo ng dalaga sa kanyang dibdib. "Kasintahan ko na nga pala itong kapatid n'yo. Huwag kayong mag-alala nasa mabuting kamay siya." Sabay ngisi.

Lumapit si Octavio. "Hindi ako komporme sa sinabi mo, Ginoong Seiffer," sarkastikong sabat ni Octavio.

"Ah! Si Octavio! Ikaw 'yan Octavio, tama?" gulat na paniniguro ni Emi.

Tumango saka ngumiti si Octavio. "Ako nga ito, Prinsesa Emi." Inabot ni Octavio ang kamay niya na pinatungan ng palad ni Emi. Nagkatitigan ang dalawa't hinalikan ni Octavio ang ibabaw na kamay ni Emi. "Masaya akong makitang nasa maayos kayong lahat," sabi pa ng binata.

"Octavio! Napaka kisig mo sa anyo mong iyan," kinikilig na wika ni Emi.

"Hindi talaga namin akalain na magkakaroon kayo ng mga paa at tatapak sa lupa. Paano nga pala iyan ngayon? Paano kayo lalangoy sa ilalim ng karagatan?" pagtatakang tanong ni Oli.

"Iyon nga ang gusto naming sabihin sa inyo." Sandaling huminga si Azurine. "Hindi na ako makakalangoy gaya sa isang sirena. May sumpa ako, ang kapalit ng mga paa kong ito ay ang pagiging sirena ko. Hindi na ako makakalangoy at malulunod ako sa ilalim ng tubig alat. Kapag ang mga paa kong ito ay nabasa ng tubig galing sa dagat babalik ang buntot ko pero hindi ako makakalangoy."

"Isinumpa ka? Teka, huwag mong sabihing…"

"Oo Ate Celes, nagtungo kami kay Coralla upang makipagkasundo para magkaroon kami ng ganitong anyo."

"Si Coralla ang sea witch?" Napasapo sa noo si Celes. "Hindi ako makapaniwalang sa kanya ka lumapit para magkaroon ng mga paa."

"Pati rin ba ikaw Octavio?" tanong ni Emi sa binata.

"Oo! May sumpa rin ako tulad ni Prinsesa Azurine…" tipid na sagot ni Octavio bago inilihis ang tingin sa ibang dereksyon. Ayaw niyang mapag-usapan ang tungkol sa kanyang sumpa.

"Kung gano'n paano ka makakabalik sa kaharian n'yan?" nangangambang tanong ni Celes.

"Hindi n'yo na kailangang mag-alala ako nang bahala riyan!" pagmamalaking balita ni Seiffer sa lahat.

Napatingin sila sa mischievous wizard na nasa harapan nila. Tumayo nang tuwid si Seiffer, inangat niya ang kanyang kamay saka tinawag ang kanyang magical scepter.

"May natuklasan akong magic spell na magagamit natin sa pagpunta natin sa ilalim ng karagatan," pagmamalaki niyang sabi.

"Talaga?!" sabay-sabay nilang sambit.

"Nabasa ko ito no'ng nasa palasyo tayo ni Meister Hellena. May itinatago pala siyang sinaunang aklat ng mahika. Tamang-tama itong magic spell dahil narito si Azurine, magagawa niyang maibalik kaagad ang mana ko gamit ang awit niya. Sa oras na i-cast ko ito magagawa na nating makahinga sa ilalim ng karagatan. Gagamitan ko ng protection coat ang mga paa mo Azurine para hindi mabasa ng tubig. Isa itong magic spell na proteksyon para sa katawan na ayaw mabasa ng tubig." Sandaling ibinaling ni Seiffer ang pansin kay Octavio. "Para naman sa 'yo, hindi ko alam kung ano ang sumpang kapalit ng pagiging anyong tao mo. Ang tanda ko sa 'yo ay isa kang batang pugita noon hindi ba?"

Nagbago bigla ang kilos ni Octavio, umiwas ito nang tingin kay Seiffer. "Huwag mo nang alalahanin ang sumpa ko. Hindi ako magiging pugit ulit kapag nabasa ng tubig alat, hindi rin ako malulunod, hindi kami magkatulad ni Azurine ng sumpa."

"Bakit ayaw mong sabihin kung ano ang sumpang mayroon ka, Octavio?" Mabilis na hinawakan ni Azurine ang kamay ni Octavio. Nanlalamig ang mga palad ng kaibigan niya't nanginginig ito. "Octavio?"

"Huwag n'yo na akong intindihin!" madiing sigaw ni Octavio. "Okay lang ako! Ang intindihin natin sa ngayon ang pagbabalik natin sa Osiris!" pasigaw niyang litanya.

Nagkibit-balikat si Seiffer. "Kung iyan ang gusto mo, bahala ka." Muli siyang nagpaliwanag sa kanilang magiging plano, "Ngayon din mismo ay babalik na kami sa inyong kaharian, bigyan n'yo lamang ako ng kaunting oras para ma-i-cast ko ang magic spell sa aming tatlo."

Tumango ang mga sirena bilang tugon. Lumayo sila mula sa malaking bato habang bumalik muna sa buhangin sina Azurine, Octavio at Seiffer.

"Azurine!" tawag ni Zyda.

"Lady Zyda, kailangan na naming magpaalam." Inilapit ni Azurine ang bibig niya sa gilit ng tainga ni Zyda. "Ikaw na ang bahala kay Prinsipe Eldrich, huwag mo siyang iiwan. Huwag mo siyang isusuko, mahalin mo siya. Ipapanalangin kong makita niya ang katapatan at katatagan ng pagmamahal mo sa kanya."

Isang mahigpit na yakap ang ginawa ng dalawang prinsesa. Sa kabilang banda nama'y nakipagkamay si Eldrich sa kapatid niyang si Seiffer.

"Ikaw na ang bahala sa Alemeth, Eldrich." Paubaya ni Seiffer kay Prinsipe Eldrich.

"Ingatan mo sina Azurine at Octavio. Pakiusap, bumalik kayo nang ligtas," tugon ni Eldrich.

Matapos nilang magpaalam sa isa't isa, hinayaan na nina Zyda at Eldrich ang tatlo at bumalik na sa palasyo sakay ng puting kabayo ni Eldrich. May bahid lungkot ang pamamaalam na iyon, umaasa ang dalawa na babalik nang ligtas ang tatlo.

Matapos ng ilang sandaling katahimikan sa kanilang pamamaalam, nagsimula na si Seiffer na mag-cast ng magic spell sa kanilang tatlo.

"Aer spiritus magicae!" sambit ni Seiffer.

Lumiwanag ang kristal na nakadikit sa ibabaw ng wooden scepter ni Seiffer. Lumitaw ang tila kumot na kumikinang, binalutan nito ang buong katawan nilang tatlo. Ito ang magic spell upang makahinga sila sa ilalim ng karagatan. Hindi pa rito natatapos ang pag-cast ng magic spell ni Seiffer.

"Ad natare sub mari!" banggit ni Seiffer sa magic spell para makalangoy sila sa ilalim ng karagatan.

Lumutang silang tatlo bago tuluyang lumusong sa dagat. Nangamba si Azurine, nang magsimulang lumubog ang katawan niya sa tubig. Pakiramdam niya ay walang epekto ang magic spell na ginamit ni Seiffer sa kanya. Ngunit isang kamay ang humawak sa kanyang baywang. Si Seiffer na naumalalay sa kanya't yumakap sa kanya nang banayad at buong lambing.

"Huwag kang matakot, Azurine. Hinding-hindi kita bibitiwan magtiwala ka sa kapangyarihan ko." Inilapat ni Seiffer ang labi niya malambot at mapulang labi ni Azurine.

Ang halik na iyon ang nagsilbing lakas ni Azurine upang magtiwala sa mahika ng kanyang minamahal. Nang maramdaman ni Azurine ang pagbitiw ni Seiffer sa kanyang labi kasabay ng pagbitiw ng binata sa pagkakakapit sa kanyang baywang.

Magkahawak kamay ang dalawa na lumangoy pailalim kasabay ng apat na sirena at ni Octavio. Hindi naging buntot ang mga paa ni Azurine dahil sa magic coat na nagpoprotekta sa kanyang mga binti. Hangga't hindi nawawala ang protection coat na iyon hindi mababasa ang mga paa niya ng tubig alat. Ang protection coat ay isang magical item na hitsurang fishing net na isinusuot na parang medyas. Hindi ito nakikita at tanging ang naglagay o nagsuot na mahikero ang makakatanggal dito. Tulad din ito sa magical string.

"Walang epekto ang sumpa sa magic item mo, Ginoong Seiffer."

"Nagulat nga rin ako, nagbakasakali lang naman akong tatalab ito." Alanganing ngumisi si Seiffer.

"Ang importante, makapunta muna tayo kay Coralla para sa sumpa ninyong dalawa. Baka matagalan tayo rito sa ilalim ng karagatan kailangan muna nating alamin pa lalo ang inyong sumpa. Hindi ko masasabi kung hanggang kailan o saan ang hangganan ng magic spell na ginamit ko sa ating tatlo. Ito pa lang ang unang pagkakataong ginamit ko ang ganitong klase ng magic spell," paliwanag ni Seiffer.

Nagkatinginan silang lahat. Pansamantalang humiwalay muna ang apat na sirena dahil ang unang tutunguhin nina Azurine ay ang kweba ni Coralla sa ilalim ng karagatan. Hindi maaaring magtungo roon sina Celes, kaya nauna na silang bumalik sa Osiris. Tuloy-tuloy naman ang paglangoy ng tatlo sa kailaliman ng karagatan patungo sa kinaroroonan ng sea witch na si Coralla.