Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 35 - Mermaid’s Tale: Sea Witch

Chapter 35 - Mermaid’s Tale: Sea Witch

NAGPATULOY sa paglangoy sina Seiffer, Azurine at Octavio sa kailaliman ng karagatan ng Azura. Sa unang pagkakataon naipakita nina Azurine ang ganda ng mundo sa ilalim ng karagatan. Maraming klase ng isda ang sumasabay sa kanilang paglangoy. Iba't iba ang uri, laki at kulay ng mga ito, kaya gano'n na lamang ang pagkamangha ni Seiffer sa mga nasisilayan ng kanyang mga mata. Maraming klase rin ng mga corals at halamang sa ilalim ng dagat tumutubo.

"Napakaganda ng mundo ninyo," manghang wika ni Seiffer habang hawak ang kamay ni Azurine.

"Marami ka pang matutuklasang nakamamangha sa ilalim ng karagatan, Ginoong Seiffer."

"Gusto kong makita ang lahat ng iyon kasama ka."

Namula ang pisngi ni Azurine sa malambing na turan ni Seiffer. Lalo pang humigpit ang pagkakahawak nila sa kamay ng isa't isa.

"Ahem! Hindi lang kayo ang naririto," singit ni Octavio na nakanguso.

"Naku! Nariyan ka pala, Octavio," loko ni Seiffer. "Isipin mo na lang kasama mo si Liset at hawak mo ang kamay niya," maloko pa niyang tukso.

"Tsk! Huwag mo nga akong itulad sa 'yo!"

"Uy! Naiingit siya…" Biglang kinabig ni Seiffer si Azurine papunta sa kanyang dibdib. Lalo tuloy nainis si Octavio sa pang-aasar ni Seiffer.

"Pang-asar ka talagang wizard ka!"

"Nyahahaha!"

"Tama na 'yan narito na tayo, Ginoong Seiffer," saway ni Azurine.

Nang ituon nilang tatlo ang pansin sa malaking bato sa ilalim ng tubig. Sa sobrang lalim na nila hindi na iyon maaabot ng normal na tao. Wala nang liwanag na mababakas, wala na ring mga isda ang dito'y napapadpad. Ang malaking bato na hugis oblong na may pasukan sa gitna. Ito na nga ang kweba ng sea witch na si Coralla.

Gumawa ng bola ng liwanag si Seiffer gamit ang kaniyang scepter. Nasa likod niya ang dalawa nang simulant nilang pasukin ang kweba. Namangha sila lalo na si Seiffer matapos niyang matuklasan ang kakaibang hiwaga ng kwebang ito. Sa kanilang pagpasok walang tubig sa loob nito.

"Paanong hindi nakakapasok ang tubig dito sa kweba?" takang tanong ni Seiffer.

"May magic barrier na sumasakop sa buong kweba. Sa labas pa lang ng kweba siguradong pinapanuod na tayo ni Binibining Coralla," sagot ni Azurine.

"Pfft! Binibining Coralla?" Bahagyang natawa si Seiffer sa paggamit ni Azurine ng 'binibini' sa pangalan ni Coralla.

"At ano'ng nakakatawa?" sabat ni Octavio.

"Wala naman. Matagal ko na kasing gustong makilala ang sea witch na sikat lalo na sa aming mga mahikero. Walang hindi nakakakilala sa kanya sa linya namin."

"Sikat palang talaga si Binibining Coralla," pagtataka ni Azurine.

Napatikom-palad si Seiffer, naningkit ang mga mata niya. "May mahala rin akong pakay sa kanya."

Sandaling nakaramdam ng kakaiba si Azurine sa turan ni Seiffer. Parang may itinatago ito na malalim na dahilan. Kunot-noong umakbay si Azurine sa braso ni Seiffer. Tahimik at hindi siya nagtanong kung ano ang pakay niya sa sea witch. Hinayaan naman ni Seiffer na umakbay si Azurine sa braso niya.

"Huwag kang mag-alala, Azurine, hindi naman ako gagawa ng anumang ikapapahamak natin." Nakangiting tiningnan ni Seiffer sa mga mata si Azurine.

Tumango si Azurine bilang sagot. May tiwala siya sa kanyang minamahal.

"Siya nga pala, paano n'yo nakilala si Coralla?" usisa naman ni Seiffer.

Sumabay sa kanila si Octavio. "Walang hindi nakakakilala kay Coralla sa kaharian ng Osiris. Pinagbabawalan ang kahit sino na pumunta sa kweba at makipagkita kay Coralla. Sinasabing halimaw daw siya, isang walang awang sea witch na nangunguha ng mahalagang pag-aari ng mga nilalang na nagtutungo sa kanya. Bawat hilingin ay may kapalit sa kanya."

"Pero dahil sa kagustuhan kong makarating sa lupa at makatakas sa pagpapakasal pinuntahan ko si Binibining Coralla," dugtong ni Azurine.

"Wala akong magagawa kundi samahan ang prinsesa dahil ako ang tagapagbantay niya. Hindi ko siya maaaring pabayaan na nag-iisa."

"O-Octavio…" Kuminang ang mga mata ni Azurine sa mabuting litanya ni Octavio. Tunay ngang mapagmahal na kaibigan ito sa kanya.

Nang matapos ang mahabang paglalakad sa mabatong daan na nilakaran nila, nakarating din sila sa kahoy na pintuan. May nakasulat sa gitna ng pinto, mga letrang tanging si Seiffer lang ang nakakabasa.

"'Nether World'," mahinang basa ni Seiffer sa nakasulat sa gitna ng pinto.

"Ano ang 'Nether World'?" usisa ni Octavio.

"Pangalan ito ng mundo ng kadiliman." Hinawakan ni Seiffer ang bukasan ng pinto.

Hindi pa niya ito binubuksan nang kusa itong bumukas paloob. Tumambad sa harapan nila ang babaeng may itim, abot lupa ang haba ng buhok, kulot ito at tumitikwas sa hangin. Maputla ang kulay ng balat, nangingitim ang ilalim ng mga mata at labi niya. Natatakpan ng mahabang bangs ang bilugang mga mata ng babae.

"Ano'ng kailangan ninyo?" panimulang bati ng babae.

"Binibining Coralla!" malakas na tawag ni Azurine.

Nang mamamukhaan ni Coralla ang prinsesang sirena, sumenyas siya na pumasok sila sa loob.

Kusang sumara ang pinto. Tinitigan ni Coralla ang mga paa ni Azurine.

"Mukhang gumamit ka ng magic spell para sa sumpa riyan sa mga paa mo, Prinsesa?" mahina, walang buhay na sabi ni Coralla. Ang tinig niya ay tila bangkay na nanggaling sa ilalim ng lupa. Nakakatakot.

"S-Siya ang naglagay ng magic spell sa mga paa ko. Siya rin ang may gawa kung bakit kami nakarating dito sa kweba mo nang hindi nalulunod." Itinuro ni Azurine si Seiffer.

Nagtama ang mga mata ni Seiffer at Coralla. Sandaling katahimikan ang bumalot sa loob ng may kadilimang silid ni Coralla. Gawa sa samu't-saring batong mamahalin ang loob ng silid. Tanging ang asul na apoy sa lutuan ang nagbibigay liwanag sa kanila. May ilang kasangkapan na yari sa kahoy at estanteng pinagpapatungan ng mga potion, elixir at iba pang gamit ng mga mahikero. Ang pinakapansin sa loob ay ang mahiwagang usok na hindi naglalayo sa mahabang salamin na nakatungtong sa lupa.

Ngumisi nang malalim si Seiffer. "Sa wakas nakita ko rin ang sea witch na nagbigay ng kasunduan sa kanila…"

"…Huh?" Hinawi ni Coralla ang bangs niya sa isang tabi. Lumaki ang bilugan niyang mga mata nang makita ang kulay lilang mga mata ni Seiffer. "Ang mga matang 'yan…" bulong niya.

"So, may naaalala ka pala sa mga mata kong ito?" Lalo pang lumaki ang ngisi ni Seiffer sa labi. "Sabihin mo, kilala mo pa rin ba sila hanggang ngayon?" mapanukso niyang tanong.

"Heh! Oo naman," tipid na sagot ni Coralla na may pananabik sa mga mata. "Hindi ko makakalimutan ang magkasintahang hangal na hiniling na mabuhay ang isa."

"At ang naging kapalit?"

"Naging imortal silang dalawa. Sinamahan ng lalaki ang may taning na kasintahan niya. Upang malampasan ang kamatayan nilagdaan nila ang kasunduan… at ikaw, ikaw ang kanilang… anak?"

"Nyahahaha!" malakas na tawa ni Seiffer na nagpaingay sa loob ng silid. "Hay!" Tumalikod si Seiffer at naupo sa upuang gawa sa kahoy. "Nagkakamali ka, hindi ako 'yon. Tiningnan ko lang kung may isisiwalat ka hindi ko akalaing madali ka pa lang ma—"

"Pinaka ayaw ko sa lahat ay iyong niloloko ako!" Nanlilisik ang mga mata ni Coralla. "Nandito ka sa teriteroyo ko, umayos ka… Seiffer Goodwill Wisdom!" nakakatakot nitong singhal sa mukha ni Seiffer.

Hindi nakakilos si Seiffer, natulala siya sa itim na aninong nakita niya sa mga mata ni Coralla. Ngayon na lang siya ulit nakaramdam ng takot sa buong buhay niya. Kakaibang takot na tila nilalamon siyang muli ng kadiliman. Naramdaman na niya iyon noong ma-poison siya ni Soke ang Skeleton Wizard.

Tumalikod si Coralla, habang naiwang nakaupo si Seiffer at nanginginig ang kalamnan. Mabilis na pinuntahan ni Azurine si Seiffer upang pakalmahin.

"Ginoong Seiffer, ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Azurine.

"A-Ayos lang ako…"

"Tama na ang walang kwentang usapan! Sabihin n'yo na ang pakay n'yo!"

Nagkatinginan sina Azurine at Octavio. Sa pagkakataong ito si Octavio muna ang nagsalita, "Gusto naming malaman kung may paraan pa ba para matanggal ang sumpa?"

"Ang tinutukoy mo ay ang kapalit ng inyong nilagdaang kasunduan tama?"

Tumango si Octavio.

"Sana ay itinanong n'yo na 'yan noon pa!" Umirap ang mga mata ni Coralla.

Nagtungo siya sa mahiwagang salamin na napapalibutan ng usok na hindi naglalaho. Hinawi niya ang usok at lumitaw ang makintab na salamin. May ipinakita ito sa harapan nilang lahat.

"Kung gusto ninyong mawala ang sumpa, kinakailangan ninyong talunin ang lumikha nito." Isang imahe ang lumitaw sa salamin.

Nanlaki sa agulat ang mga mata nila nang makilala ang hitsura nito.

"D-Dark Lord Hellsing?!" sabay nilang sambit ni Azurine at Octavio.

"Pero paanong? Paanong siya ang gumawa ng kasunduan?" naguguluhang tanong ni Azurine.

"Dahil si Dark Lord Hellsing ang hari ng kadiliman. Siya ang hari ng Nether World. Ang lahat ng itim na mahika ay sa kanya nagmumula. Ang papel na nilagdaan ninyo ay siya ang may gawa. Ako lamang ang instrumentong ginagamit niya upang maipalaganap sa mga nilalang na nagnanais matupad ang kanilang kahilingan. Ang kapalit nito ay mahalagang pagmamay-ari tulad ng parte ng katawan, alaala, mga kakayahan o abilidad, maaaring mahalaga sa buhay mo at pwede ring sarili mong buhay."

Napalunok-laway si Octavio nang marinig iyon mula kay Coralla.

"So, ibig sabihin mawawala lang ang sumpa kapag natalo namin si Dark Lord Hellsing?" Napangisi si Octavio. "Isang kalokohan! Ni hindi nga kami nakalaban nang minsan namin siyang makaharap!" kagat-labing usal ni Octavio.

Sa gitna ng pagkabunyag ng katotohanan isang malakas na tawa ang bumalalas galing sa bibig ni Seiffer. "Bwahahaha!" Tumayo siya't sinapo ang noo gamit ang palad niya. "Lalo lang akong nasasabik sa mga kaganapang ito!" Nag-iba ang presensya niya tila nasasapian ng kung ano. Nanlilisik ang kulay lila niyang mga mata, matalim ang ngiting gumuguhit sa labi ni Seiffer.

"G-Ginoong Seiffer?" Napaatras si Azurine sa tabi ni Octavio.

Unti-unting lumilitaw sa katawan ni Seiffer ang matinding enerhiya. Umaapaw ang mana energy niya na parang wala itong katapusan. Sa sobrang emosyon na kinikimkim niya ay kusang kumawala ang kapangyarihang natutulog sa loob ni Seiffer.

"Heh! Hindi na ako nagtataka, anak ka nga ni Gillheart Wisdom, ang makapangyarihang black wizard."

Parehong nagkangisian sina Seiffer at Coralla.

"Hindi pa tayo tapos mag-usap, Coralla. Marami pa akong gustong malaman galing sa 'yo."

"Sige lang! Handa akong sagutin ka hanggang ma-satisfy ka!"