SA LOOB lamang nang isang gabi mabilis na kumalat ang balita sa buong kaharian ng Alemeth. Tinanggalan ng titulo bilang prinsipe ang dati ay kinikilala nilang anak ng hari at reyna na panganay, walang iba kundi si Seiffer. Ngunit ngayon, nalaman na nila ang hindi siya tunay na anak ng hari at reyna. Maliban dito, nauna nang pinatawan ng kaparusahan si Seiffer dahil sa nangyaring pagdukot sa prinsesa ng bansang Sario. Dahil sa kapabayaan at kakulangan ng kakayahang ipagtanggol ang importanteng prinsesa sa kamay ng mga pirata, humingi ng hustisya ang kaharian ng Sario. Kinakailangan nilang may managot sa nangyari at dahil si Seiffer ang naroon, siya ang itinurong may kasalanan sa kapabayaang nangyari. Bilang parusa tinanggalan siya ng titulo at hindi na maaaring manatili pa sa palasyo.
Lumitaw naman ang balitang hindi tunay na anak si Seiffer matapos niyang umalis sa palasyo nang biglaan. Isang mensahero ang nagpakalat sa pamamagitan ng pagpaskil ng balita sa iba't ibang poste sa bayan. Nailathala rin sa isang seksyon ng pahayagang Moonlight Times ang balitang huwad na prinsipe ang panganay ng Alemeth. Patungkol iyon sa katotohanang hindi tunay na prinsipe si Seiffer, at walang nakakaalam sa kanyang tunay na pagkatao.
Maliban dito, nasa front page naman ang balitang pandaigdigan. Kasalukuyang kumikilos ang mga alagad ni Dark Lord Hellsing. Tinipon niya ang lahat sa iisang lugar upang palakasin nang husto ang kanilang puwersa para sa napipintong digmaan. Ayon pa sa ulat, mismong si Dark Lord Hellsing ang humahamon sa kontinente ng Sallaria. Sasakupin niya ito at paghaharian tulad sa ginawa niya sa kontinente ng Hilgarth.
Dahil dito isa na namang pagpupulong ang isinagawa ng mga bansang nagkakaisa. Muli na namang pag-uusapan ang ilang mahalagang bagay na patungkol sa napipintong digmaan laban sa kontinente ng Hilgarth.
Habang ang mga taong umaasa sa mga pinuno ng bansa ay nananatiling mahinahon at walang pakialam. Sa bansang Alemeth, itinuloy pa rin nila ang nakahanda nang pagdiriwang sa buwan ng Disyembre. Ito ang pista ng kanilang pasasalamat para sa buong taon ng masaganang ani, pangingisda at maayos na pamumuhay.
Disyembre 16, sa kalendaryo ng Sallaria. Taglamig at umuulan ng nyebe sa buong bansa ng Alemeth. Ang mga tao sa palasyo ay nakasuot ng makakapal na damit panlaban sa lamig. Si Prinsesa Azurine, ay nakadungaw sa balkunahe ng silid ni Prinsipe Eldrich.
Dahil sa nangyari at napabalita tungkol sa sirena, natuklasan na rin nila ang tunay na pagkatao ni Azurine. Hindi na niya naitago ang kanyang sekreto na isa siyang nilalang ng karagatan. Ang ika-limang prinsesa ng kaharian ng Osiris sa ilalim ng karagatang Azura. Tinanggap naman si Azurine at Octavio nang buo sa palasyo at hindi na itinuturing na isang katulong.
May tatlong araw na rin simula nang umalis si Seiffer na tanging kay Azurine lang huling nagpaalam. Tulala si Azurine, iniisip pa rin niya si Seiffer. Nakapangalumbaba habang pinagmamasdan ang natatanaw niyang karagatan mula sa balkunahe ng silid.
Bumukas ang pinto at pumasok si Octavio, tinabihan niya ang kaibigang prinsesa.
"Prinsesa, may dala akong mansanas." Inabot ni Octavio ang pulang mansanas kay Azurine. "Kumain ka muna, ilang araw ka na ring hindi nakakakain nang maayos."
Pinansin siya ni Azurine, kinuha ang mansanas. "Salamat, Octavio." Pilit na ngumiti ang prinsesa.
"Hay! Huwag mo na siyang pakaisipin!" usal ni Octavio. Kusang ginulo ni Octavio ang buhok niya dahil maging siya ay naguguluhan din. "Ugh! Nakakainis talaga ang lalakin 'yon! Wala na siyang ginawa kundi paiyakin at saktan ka!" Napa-dekwarto nang upo si Octavio sa magarang upuan na nakalagay sa gilid.
Kumagat si Azurine nang kapiraso sa mansanas saka muling tumitig sa mapayapang tanawin. Namutawi ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
"Pasensya na kung tutol ako na hanapin ang lalaking 'yon. Umalis siya nang gano'n lang matapos ka niyang lokohin. Ni wala man lang siyang malinaw na paliwanag kung bakit niya 'yon nagawa? Ni hindi man lang niya naisip ang sakripisyo mo para lang makapunta ka rito sa lupa? Nagkaroon ka ng sumpa dahil sa kagustuhan mong magkaroon ng mga paa para sa batang prinsipe na isang sinungaling pala!" nangungunsensyang usal ni Octavio sa kaibigan.
Binigyan lang siya ng kunot-noong tingin ni Azurine, ngumiti ang prinsesa't iniyuko ang ulo. Mayamaya'y nabitiwan ni Azurine ang mansanas, gumulong ito sa paanan ni Octavio.
Tumayo si Octavio nang makitang napaluhod si Azurine, nakahawak ang isa niyang kamay sa dibdib habang ipinangtatakip ang isang kamay sa bibig.
"Prinsesa Azurine?!" Mabilis na nilapitan ni Octavio si Azurine. Inalalayan niya ang kaibigan na itungo ang ulo. Nanakit ang puso ni Octavio nang makitang umiiyak ang kaibigan. Niyakap niya kaagad nang mahigpit si Azurine upang mailabas nito sa kanya ang sakit na nararamdaman ng kaibigan.
"Octavio!!!" bulalas na tawag ni Azurine, habang walang tigil ang paglandas ng luha niya sa pisngi. Tila umaagos na ilog ang mga luha niyang ayaw paawat sa pagpatak mula sa mga mata ni Azurine.
"Tama na, Prinsesa… ako ang nasasaktan sa tuwing nakikita kitang ganito. Tama na, pakiusap," bulong ni Octavio sa gilid ng tainga ni Azurine.
"Pero mahal ko siya… gusto ko siyang makita…"
"Tch! Ang tigas talaga ng ulo mo!" Lalo pang hinigpitan ni Octavio ang yakap niya sa kaibigan. Hinimas-himas niya ang buhok ni Azurine.
Nang bumukas nang malakas ang pinto at pumasok si Prinsesa Zyda. Nakita niya ang dalawa sa gano'ng posisyon. Hindi naman niya iyong binigyan ng ibang kahulugan dahil alam niya ang tunay na nilalaman ng puso ni Azurine matapos ang pag-alis ni Seiffer.
"Pwede ba kitang makausap, Azurine?" derektang tanong ni Zyda kay Azurine.
"Ipagpaumanhin mo Prinsesa Zyda, ngunit—"
Hinawakan ni Azurine ang labi ni Octavio gamit ang hintuturo upang matigil sa pagsasalita. "Okay lang, ako." Ngiti ni Azurine sa kaibigan.
Tumayo si Azurine, pinahiran ang mga luha niya gamit ang dalawa niyang palad. Tumayo si Octavio, nagbigay daan siya para magkausap ang dalawang babae. Lumabas ng silid si Octavio at naghintay na lamang sa labas.
Naupo si Zyda at Azurine sa malambot na sofa sa salas. Tahimik silang pareho at hindi makatingin sa isa't isa. Humihikbi si Azurine, pinipigilan ang sarili na muling umiyak. Hindi mapakali ang mga daliri ni Azurine, maya't maya ang pahid nito sa gilid ng mata niya.
"Bilang isang babae, naiintindihan ko ang nararamdaman mo." Humalukipkip si Zyda, ipinatong ang isang hita sa kabilang hita. "Ano bang nagustuhan mo sa baliw na lalaking 'yon?"
"Mabuti siyang tao," tipid na sagot ni Azurine. "Alam kong marami siyang sekreto, maloko siya, palabiro at palaging ginagawang katatawanan ang mga bagay-bagay. Sa kabila ng lahat ng mga hindi magandang sinasabi sa kanya, nagagawa pa rin niyang ngumiti at maging masaya. Mahal ko siya, mahal ko ang lahat sa kanya."
"Hay! Sana naririnig niya!" sarkastikong tugon ni Zyda. "Tch! Balita ko niloko ka raw niya? Pinaniwalang si Eldrich ang batang iniligtas mo gamit ang memory potion na ipinainom mo sa Prinsipe para mailipag ang alaala niya kay Eldrich?"
Tumango si Azurine bilang pagkumpirma. "Totoo ang lahat ng iyon. Ako mismo ang nakatuklas na hindi nga si Eldrich ang batang niligtas ko. Wala talaga siyang memorya sa akin dahil hindi niya ako nakilala noon. Nagkakilala lang kami ni Eldrich no'ng unang araw kong magtungo sa palasyo. Ang gabi ng kasihayan kung saan nagmukha kaming mga pulubi ni Octavio. Noong makilala ko naman si Seiffer sa palengke, may kakaiba na akong naramdaman. Siguradong nakilala niya ako, sa mga ngiti pa lang niya ramdam kong hindi niya ako nakalimutan."
"Hay! Kinikilabutan ako sa kwento mo. Pero in fairness gwapo rin naman si Seiffer, kaso walang-wala talaga siya kay Eldrich. Siguro kung babaguhin niya lang ang ugali niyang maloko baka magkaroon din siya ng maraming tagahanga."
"Lady Zyda…" Napakunot-noo si Azurine, halatang pabiro ang pagsasalita niya para gumaan ang usapan nila.
"Pasensya na, ayoko lang nakikitang malungkot ka, Azurine." Hinawakan ni Zyda ang isang kamay ni Azurine. "Pwera biro, mataas ang paghanga ko kay Seiffer. Naniniwala ako sa mga sinasabi mong mabuting tao siya. Alam kong gano'n din si Eldrich, maging si Liset na ang turing sa kanya ay kuya." Gumuhit ang senserong ngiti sa labi ni Zyda.
"Ang maipapayo ko lang, sundin mo ang tinitibok ng puso mo. Malayo na ang narating mo, susuko ka pa ba? Ngayong nahanap mo na ang batang iniligtas mo noon, aatras ka pa ba at tatakbo? Huwag mong tularan ang lokong lalaking 'yon na bigla na lang umalis nang gano'n. Ibinibigay ko sa inyo ang suporta ko. Karapatan mong maging masaya kapiling ang lalaking tunay mong minamahal."
"Lady Zyda…"
"Zyda na lang, tutal magkaibigan naman tayo 'di ba?"
Tumango si Azurine, niyakap nang mahigpit ang kaibigang si Zyda. "Maraming salamat, Zyda."
"Tutulungan kitang mahanap ang lalaking 'yon." Tumayo si Zyda, inabot niya ang kamay niya sa harap ni Azurine. "Bago 'yon, tingin ko kailangan mo munang kausapin si Eldrich. Higit kanino, isa siya sa lubos na nasasaktan sa pangyayari. Mahal na mahal ka ni Eldrich." Biglang nalungkot ang kanina'y masiglang mga mata ni Zyda.
"S-Sabihin mo nga, mahal mo ba si Prinsipe Eldrich?" alanganing tanong ni Azurine.
Nayuko si Zyda, pilit na ngumiti. "Oo! Mahal ko siya pero hindi niya masusuklian ang pagmamahal ko dahil…" Bigla niyang inilihis ang tingin sa ibang dereksyon. Ayaw niyang tingnan ang asul na mga mata ni Azurine.
"Dahil ba sa akin?" malungkot na sambit ni Azurine.
Umiling-iling si Zyda. "Hindi, hindi naman dahil sa 'yo. Siguro dahil ang tingin niya lang sa akin ay isang kapatid, kaibigan at isang matipunong babaeng nakakasama niya sa labanan."
"Matapang ka, Zyda. Iyan ang gusto ko sa 'yo na wala ako. Matalino ka, magaling magplano, kayang-kaya mong tapatan ang mga lalaking sundalo. Bilib ako sa 'yo." Inangat ni Azurine ang kamay ni Zyda. "Karapatan mo ring lumigaya bilang isang babae."
"Azurine…"
"Naniniwala akong balang araw, mapapansin din ni Prinsipe Eldrich ang lahat ng mga ginagawa mo para sa kanya."
Sa mga sandaling iyon, buo na ang isip ni Azurine. Salamat kay Zyda, natutunan niyang huwag sumuko at huwag isuko ang maraming bagay. Malayo na nga ang narating niya, hindi siya aatras. Buo na ang loob niya at mas lalo pa siyang naging matibay.
"Ang lahat ng sakit na naramdaman ko, dito ako natuto. Ang tunay na pagmamahal hindi lang puro saya. Lalo ko lang napatunayan na labis ko siyang mahal sa bawat sakit, luha, sa lahat-lahat. Handa ko iyong maranasan kasama siya!" maaliwalas na litanya ni Azurine.
"Ako rin, hindi rin ako susuko, Azurine!"
Parehong babaeng umiibig, parehong nagmahal at nasaktan. Ang dalawang prinsesa na may mapagmahal at matatag na puso. Imahe sila ng mga babaeng handang gawin ang lahat para sa kanilang minamahal.