Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 29 - Mermaid’s Tale: I want to be with you

Chapter 29 - Mermaid’s Tale: I want to be with you

NAKABALIK sa Alemeth ang barkong sakay nina Azurine at ng iba pa. Nakaligtas naman si Eldrich sa isang gabing dapat ay pagsasaluhan nila ni Hellena. Nang mapag-alaman ni Hellena na kasama nila si Haring Van Gogh at nawalan siya ng interes sa prinsipe at naibaling kay Van Gogh ang kanyang pagnanasa. Pinayagan na silang umalis ni Hellena basta't babalikan siya ni Van Gogh. Iyon ang kapalit ng kanilang kasunduan.

Sa kanilang pagdaong sa baybayin ng Apores, sinalubong sila kaagad ng mga kawal. Naroon din si Duke Earl upang sila ay alalayan. Hindi maitago ang pananabik ng lahat sa kanilang pagbabalik. Natutuwa ang lahat dahil ligtas sila at nagawang makabalik nang buhay.

"Kamahalang Prinsipe Eldrich, Prinsipe Seiffer, maligayang pagbabalik!" Sumaludo si Duke Earl sa dalawang prinsipe.

"Earl! Long time no see!" Kumaway si Van Gogh sa pamilyar na mukhang sumalubong sa kanya.

Nang mamukhaan siya ni Duke Earl, ay agad siyang niyakap nito. "Kaibigan! Mabuti't ligtas ka!" masayang sabi ng duke. In-escort-an sila ng mga kawal habang sakay sila ng karwahe pauwi sa palasyo kung saan naghihintay ang hari at reyna. Tahimik silang lahat sa loob maliban kay Seiffer na masayang nakatanaw sa bintana.

"Parang ang tagal nating nawala sa Alemeth," wika ni Seiffer.

Ngumiti si Azurine, sinabayan niya si Seiffer sa pagtanaw sa labas. "Oo nga, parang ang tagal nating nawala."

Muling nangibabaw ang katahimikan sa kanilang lahat. Nang makarating sila sa palasyo, sinalubong sila sa bulwagan ng Kamahalang Reyna Galatina.

"Eldrich!" Mabilis na niyakap ng reyna ang prinsipe. "Mabuti at ligtas ka, ligtas kayong lahat!"

"Nakabalik na kami, Mahal na Ina, Mahal na Hari." Nayuko si Eldrich sa harapan ng trono kung saan nakaupo ang hari.

"Mabuti at maayos ang kalagayan ninyong nakabalik sa palasyo. Nagbigay ng mensahe ang Sario at pinapasabi ni Prinsesa Lilisette na maraming salamat sa tulong n'yo. Maging ang ama niyang hari ay nagbigay ng munting pasasalamat."

Nakahinga nang maluwag si Octavio nang marinig na ligtas si Liset. Napangiti rin si Azurine nang makita ang masayang ngiti ng kaibigan. Tumayo ang mahal na hari at nilapitan si Seiffer. Napapalibutan sila ng mga kawal at naroon din si Duke Earl sa gilid. Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng hari at ni Seiffer. Nang pumagitna at bumati si Haring Van Gogh sa kaibigan niyang si Haring Amadeus.

"Amadeus, hindi mo man lang ba ako papansinin?" Sumalubong ng yakap si Van Gogh.

"V-Van Gogh, pasensya na't hindi kita napansin." Tinanggap ni Amadeus ang yakap-kaibigan ni Van Gogh.

Mas matanda si Amadeus kay Van Gogh, hindi naman ito naging dahilan para hindi sila maging mag-kaibigan. Pareho na silang hari ngayon at namumuno sa kanilang bansa. Nagkakilala sila sa Majestic Academy nang maging magkaeskwela roon.

"Hindi ka pa rin nagbabago, Van Gogh. Masayahin ka pa rin, pilyo at palabiro."

Natawa lang si Van Gogh sa turan sa kanya ni Amadeus. Nang muling maramdaman ng lahat ang tensyon sa mga kilos ng hari. Nilapitan niya si Seiffer, binunot ang espada sa scabbard at itinaas.

"T-Teka, a-ano'ng gagawin mo, Ama?" gulat ni Eldrich. Lalapitan niya sana ang kanyang amang hari nang pigilan siya sa braso ng reyna.

"Hayaan mo na, Eldrich!"

Bumuntong-hininga si Seiffer, ngumisi nang nakakaloko kay Eldrich. "Hayaan mo na ako. Wala pa rin namang magbabago, kapatid pa rin ang turing ko sa 'yo… Eldrich." Gumuhit ang malaking ngiti sa labi ni Seiffer. "Handa na ako. Tutal, ito rin naman ang matagal ko nang hinihintay." Tumalim ang tingin ni Seiffer sa hari.

"Seiffer, gusto kong malaman mo na…"

"Na…? Hindi n'yo naman talaga ako itinuring na anak? Normal lang 'yon. Matagal ko nang alam, kaya huwag mo 'kong tingnan na parang may pagsisisi ka."

Lalong humigpit ang hawak ng hari sa espada niya't itinutok niya ito kay Seiffer. "Simula sa araw na 'to, hindi ka na isang prinsipe! Isa ka na lamang ordinaryong mamayan ng Alemeth." Pabiglang isinuksok ng hari ang espada sa lagayan sabay tumalikod at naglakad patungo sa kanyang trono. "Tinatanggalan na kita ng titulo bilang prinsipe!" dugtong pa ng hari.

"Teka! B-Bakit? Ano'ng ginawa n'ya?!" pagtutol ni Eldrich.

"Dahil sa nangyaring pangingidnap ng mga pirata, sinisisi nila ang nangyari kay Seiffer. Nangako ang iyong Amang Hari na pananagutin niya ang itinuturo nilang may sala," paliwanag ng reyna.

"Ano?! Kalokohan! Hindi niya kasalanan na nadukot sila ng mga pirata! Isa rin siyang biktima!" Tumaas ang boses ni Eldrich nang makita sa mga mata ng hari ang walang pagsisisi sa desisyon nito. "Nagpataw kayo ng parusa habang wala siya? Hindi kayo dumaan sa proseso ng pag-uusig?"

Napaikom-palad si Eldrich. "Hindi ko matatang—"

"Sinabi ko nang balewala iyon sa akin, Eldrich." Napalingon si Eldrich nang hawakan siya sa balikat ni Seiffer.

"Pero…"

"Tama na, kagustuhan ko rin ito. Malaya na ako sa pagiging maharlika." Sa pagkakataong ito, isang senserong ngiti ang ibinigay ni Seiffer sa matagal na niyang itinuturing na kapatid. "Maging isang mabuting hari ka sa hinaharap, kapatid ko."

Tumalikod si Seiffer, nilapitan siya ng mga kawal. "Huwag na kayong mag-abala pa! Kusa akong aalis sa palasyo, hindi ko kailangan ng eskorte!" Naglakad si Seiffer patungo sa malaking tarangkahan ng bulwagan. Nadaanan niya ang nangingiyak na si Azurine. Nadaanan din ni Seiffer ang nakatayong si Duke Earl.

"Seiffer…"

"Shhh… ayokong makarinig nang kahit ano mula sa 'yo."

Natahimik si Duke Earl, nayuko na lamang ito habang sinisilayang umalis si Seiffer sa bulwagan.

Mabilis na tumakbo si Azurine upang sundan si Seiffer sa labas. Hindi na siya nagawang sundan pa ni Eldrich, habang sumunod naman kay Azurine sina Octavio at Zyda.

***

"GINOONG SEIFFER!!!" sigaw ni Azurine nang maabutan niya si Seiffer na nakatayo sa balkunahe. Nakaimpake ang mga gamit ni Seiffer, mukhang matagal na niyang pinaghandaan ang araw na ito.

Lumapit si Azurine sa likod ni Seiffer habang nakatanaw lang sa kalangitan ang binata. Tumalikod ang sirena, isinandal niya ang kanyang likod sa malapad na likod ni Seiffer.

"Aalis ka?" tipid na tanong ni Azurine.

Tumango ang ulo ni Seiffer na naramdaman ni Azurine.

"Hindi naman talaga ako nararapat na narito. Kung hindi lang dahil kay Duke Earl, wala ako sa palasyo ngayon."

Muntik nang mahulog si Azurine nang umalis si Seiffer sa pagkakasandal ng likod nila sa isa't isa. Sinalo naman siya kaagad ng dibdib ng binata't ikinulong sa dalawang braso ang katawan ni Azurine. Nasa likod ni Azurine si Seiffer na nakayapos sa kanya. Ramdam na ramdam ng dalaga ang kaba sa posisyon nilang iyon. Na-co-conscious siya, nahihiya pero gusto niya ang pakiramdam na iyon. Kung maaari lang sana… ikulong na lang siya ni Seiffer at huwag nang pakawalan pa.

"G-Ginoong Seiffer…" Hinawakan ni Azurine ang malapad na kamay ni Seiffer. Inilagay ni Azurine ang isang kamay ni Seiffer sa kanyang pisngi at dinama ang init ng palad ng binata.

Inilapit ni Seiffer ang mukha niya sa bandang leeg ni Azurine. "Narinig ko ang tinig mo no'ng mga sandaling nilalamon ng kadiliman ang kaluluwa ko. Pakiramdam ko, katapusan ko na. Narinig ko rin si Eldrich, tinatawag n'yo akong dalawa. Pero nakabalik ako dahil sa malakas na kagustuhan mong iligtas ako."

Tila kinikiliti ang tainga ni Azurine sa mainit na hiningang ibinubuga ng bibig ni Seiffer. Nakakapanghina ang mapanuksong tinig ni Seiffer na nagbibigay kilig sa katawan ni Azurine.

"Salamat, Azurine." Biglang itinulak ni Seiffer si Azurine palayo sa kanya.

Namilog ang mga mata ni Azurine nang hindi na niya maramdaman ang katawan ng binata. "Ginoong Seiffer?" Mabilis niyang nilingon ang binata sa likuran niya.

"Patawad sa pagsisinungaling ko sa 'yo. Hindi lang talaga ako nararapat sa tulad mo. Ginawa ko iyon dahil alam kong isang prinsipe ang nararapat para sa 'yo. Hindi ako prinsipe, hindi kita mapapaligaya, puro kalokohan lang ang alam kong gawin—"

"Wala akong pake! Prinsipe ka man o hindi!" sabat ni Azurine.

"Hindi kita mapapaligaya! Puro kaguluhan lang ang dinadala ko!"

"Kahit na! Magkagano'n man, makikigulo na rin ako kasama mo!"

Ipinilit ni Azurine ang sarili niya kay Seiffer. Hinawakan ni Azurine ang laylayan ng mahabang robe ni Seiffer, saka hinila ito papalapit sa katawan niya.

Hindi makatingin si Seiffer nang tuwid kay Azurine.

"Bakit mo ba ako pilit na pinagtatabuyan, Ginoong Seiffer?!" Parang batang paslit na nagmaktol si Azurine. Tikom-palad niyang hinampas-hampas ang dibdib ni Seiffer, habang umiiyak nang husto. "Mahal kita! Mahal kita! Mahal kita—Ginoong Seiffer!!!"

Hinawakan ni Azurine ang magkabilang pisngi ni Seiffer, mabilis niyang inilapat ang labi niya sa labi ng minamahal niyang lalaki. Natulala lang si Seiffer sa agresibong kilos na ginawa ni Azurine. Nakapikit si Azurine habang pinagmamasdan siya ni Seiffer sa bukas nitong mga mata.

Inilayo ni Azurine ang labi niya sa labi ni Seiffer, ngunit hindi nakontento ang binata at siya naman ang kusang kumilos. Naging agresibo rin si Seiffer nang angkinin niya ang malambot na labi ni Azurine. Mas madiin ito kumpara sa halik ni Azurine. Mas matagal din ito at mas malalim. Natigil si Seiffer at kanyang inilayo ang katawan ni Azurine sa pagkakadikit sa katawan niya.

"P-Patawad!" Lumundag si Seiffer sa ibabaw ng balkunahe. "Ibinabalik ko na ang mahiwagang kabibe mo!" Hinagis niya ang kabibeng pagmamay-ari talaga ni Azurine.

"Pasensya ka na… puro pasakit lang ang dinudulot ko sa 'yo!" Kunot-noong ngisi ni Seiffer.

"Teka! Ginoong Seiffer, sasama ako sa 'yo! Pakiusap huwag mo akong iwan!!!" sigaw na habol ni Azurine.

Umiling si Seiffer, ngumiti siya. "Ibaling mo na lang ang pagtingin mo sa iba. Nariyan si Prinsipe Eldrich, siya ang nararapat para sa 'yo. Mahal ka niya! Mapo-proketahan ka niya! Siya ang prinsipeng hinahanap mo! Kalimutan mo na lang ako!!!" bulalas na sigaw ni Seiffer bago tumalon at nagpakahulog sa balkunahe.

"Paalam Azurine..."

Hinabol pa siya ni Azurine nang tingin paibaba. "Ginoong Seiffer!!!" sigaw niya nang hindi na tuluyang makita ang katawan ng lalaking kanyang minamahal.

Napaluhod na lamang si Azurine sa sahig. Umaasang lilitaw pang muli si Seiffer at babalikan siya. Patuloy sa pag-iyak ang prinsesang sirena. Nakahawak siya sa kanyang dibdib, dinadama ang mabilis na tibok ng kanyang puso. Masakit, sobrang sakit ng kanyang nararamdaman sa mga sandaling iyon.

"Handa akong makinig sa paliwanag mo, Ginoong Seiffer. Huwag mo 'kong iwan, pakiusap bumalik ka... gusto kitang makasama…" nanghihinang bulong ni Azurine sa sarili habang patuloy sa pag-iyak.