Chereads / The Mermaid, the Prince and the Wizard (Tagalog) / Chapter 27 - Mermaid’s Tale: Prince’s Confession

Chapter 27 - Mermaid’s Tale: Prince’s Confession

MATAPOS mapinsala ng poison blade ni Soke si Seiffer, kaagad silang nagtungo kay Meister Hellena sa Oero. Bumalik sila ng Sallaria matapos nilang mailigtas sina Azurine at Octavio sa kamay ng mga pirata at ni Dark Lord Hellsing. Pagkadaong pa lang nila sa Oero, sinalubong na sila ng mga tauhan ni Hellena. Kaagad nilang ipinarating ang paghingi nila ng tulong kaya naman kaagad silang dinala sa palasyo.

Kaagad tiningnan ni Hellena ang kalagayan ni Seiffer, habang naghihintay ang lahat sa isang kuwarto kung saan sila pansamantalang pinagpapahinga.

Nakatayo si Eldrich at nakadungaw sa balkunahe, maya't maya ang lakad. Hindi mapakali ang prinsipe sa kalagayan ng kanyang kapatid. Ang lahat ay alalang-alala sa posibleng mangyari.

Lumapit si Azurine kay Eldrich. "Prinsipe Eldrich, ano nang mangyayari kay Ginoong Seiffer?" nag-aalalang tanong ni Azurine sa prinsipe.

Umiling si Eldrich. "Hindi ko alam, ang magagawa lang natin sa ngayon ay maghintay." Hinawakan niya sa magkabilang balikat si Azurine.

Mayamaya'y pumasok si Sanaad, siya ang pinuno ng unang hukbo ng mga mahekirong tumulong kina Eldrich sa labanan sa isla ng mga pirata.

"Prinsipe Eldrich, paki suotan nitong balabal ang dalawa n'yong kasamang babae." Ibinigay ni Sanaad ang itim na balabal upang ipangtakip sa ulo ng dalawang babae. Taning mga mata lamang nila ang nakikita. Ginawa na nila ito noon, dahil nga ayaw na ayaw na nakakakita ni Hellena ng babae sa kanyang palasyo.

"Parating na si Meister Hellena, tapos na niyang suriin si Prinsipe Seiffer."

"Salamat sa tulong." Nag-bow ng ulo si Eldrich sa harap ni Sanaad.

"Walang anuman. Maiwan ko muna kayo." Lumabas siya ng kuwarto't isinara ang pinto.

Narinig nila ang yabag ng sapatos sa labas. Nang bumukas ang pinto pumasok sa loob si Hellena. Naupo siya sa malambot na upuan saka hinarap silang apat.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa! Matindi ang pinsala ng baliw mong kapatid. Binigyan ko lang siya ng elixir para labanan ang lason pero… ang itim na mahikang pumapalibot sa kanya ay palala nang palala. Kinakain na nito ang emosyon niya't dinadala siya nito sa kailaliman ng kadiliman. Wala siyang liwanag na makikita sa paligid at ang sensyon niya'y unti-unting nawawala. Sa ngayon, naapektuhan na ang kanyang pandama, panlasa at pang-amoy. Dalawang senses na lang ang natitira." Itinaas ni Hellena ang isa niyang paa at ipinatong sa kabilang binti. "Kapagtuluyan na siyang nilamon ng kadiliman… mamatay siya!" Tumalim ang mga mata ni Hellena nang bigyang babala niya ang apat.

"Wala na bang ibang paraan para mailigtas siya?!" atubiling tanong ni Azurine.

Pinagmasdan ni Hellena ang asul na mga mata ni Azurine. "Ikaw ang prinsesang sirena, hindi ba?"

Tumango si Azurine, napayuko siya sa naramdaman niyang hiya. "Dahil sa akin… kaya siya napahamak."

"Hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo! Baliw lang talaga ang isang iyon, masyado siyang nagpabaya!" Tumayo si Hellena. "Sumunod kayo! May isang paraan pa para mailigtas ang buhay niya!"

Sumunod silang apat kay Hellena. Nagtungo sila sa pinakatuktok ng palasyo. Mahaba at paikot-ikot ang hagdang inakyat nila. Nang makarating sa isang silid na may kalumaan. Napapalibutan ang kahoy na pinto nito ng kakaibang sulat na nakita na noon ni Azurine at Octavio. Katulad ito sa sulat sa malaking aklat na pagmamay-ari ni Seiffer sa silid aklatan.

Hinawakan ni Hellena ang busol ng pinto. Nag-cast ng magic spell para bumukas ito. Lumiwanag ang mga sulat na nakaukit sa pinto. Bumukas ito at tumambad sa harap nila ang maraming kagamitang ginagamit ng mga witch at iba pang mahikero.

"Ito ang silid kung saan gumagawa ako ng mga potion, elixir at nagpe-perform ng magic spells."

Ang daming pamilyar na bagay ang nakalagay doon. Nakita na nila Azurine at Octavio ang mga iyon sa sekretong silid ni Seiffer. Mga empty bottle, malaking cauldron na pinaglulutuan ng mga witch, samu't-saring materyal na ginagamit sa paggawa ng potion. May malaking aklat ding nakabuklat sa ibabaw ng patungan ng aklat.

"Sasabihin ko sa inyo ang gagawin para matulungan si Seiffer. Una, kailangan ninyong pasukin ang kanyang isipan. Hahanapin ninyo ang kaluluwa ni Seiffer para maibalik ito sa kamalayan. Pangalawa, wala kayong gagalawin sa mga alaala niya kung sakaling may makita kayo, huwag ninyo itong hahawakan. Pangatlo, para makabalik kayo kailangan ninyo siyang hawakan sa kamay at kumbinsihing bumalik sa sarili. Binabalaan ko kayo dahil pandinig at paningin na lang ang gumagana sa kanyang limang senses. Sikapin ninyong marinig niya kayo, ipakita ninyo ang liwanag sa kanya."

Tumango silang apat.

Binuksan ni Hellena ang aparador na naglalaman ng maraming elixir. Ang elixir ay mas malaki kumpara sa potion. Mas malakas din ang bisa nito at tumatagal hindi tulad sa ordinaryong potion lamang.

"Dalawa na lang ang natitira kong 'Elixir of Light'!" Ipinakita niya ang bote na may kulay puting likido. "Mahirap gawin ang elixir na 'to. Masyadong mataas at de kalidad ang mga materyales. Pasensya na ngunit dalawa lang sa inyo ang maaaring pumasok sa kanyang isipan para iligtas siya." Ibinaba ni Hellena ang bote sa ibabaw ng mesa. "Pag-usapan n'yo kung sino ang—"

"Wala nang oras para mag-isip! Ako ang pupunta!" sabat ni Eldrich.

"Ako rin! Dahil sa akin kaya siya napahamak! Gusto ko siyang iligtas!" lakas-loob na sabi ni Azurine.

"Kung gano'n, sumunod na ulit kayo sa akin."

Habang bumababa silang apat kasunod ni Hellena, hindi maiwasang mag-alala ni Octavio at Zyda.

"Prinsesa, sigurado ka ba sa desisyon mo?" nag-aalalang tanong ni Octavio.

"Huwag kang mag-alala, kasama ko naman si Prinsipe Eldrich. Magiging maayos din ang lahat." Ngumiti si Azurine kay Octavio.

"Tama siya! Huwag kang mag-alala, iingatan ko si Azurine."

Nagkatinginan na lamang sina Octavio at Zyda.

***

SA pag-inom nila ng Elixir of Light, nakatulog sina Azurine at Eldrich. Sa kanilang pagpikit tila nahulog sila sa isang malalim na karagtan. Wala silang maaninag na liwanag kundi puro kadiliman lang. Nang makatungtong sila sa parang malambot na lupa. Naglakad sila at hinanap ang kaluluwa ni Seiffer. Nakarating na sila sa isip ni Seiffer, sa kamalayan niyang binalutan ng kadiliman.

"Ginoo!" tawag ni Azurine.

"Seiffer!" tawag naman ni Eldrich.

Hindi nila alam kung nasa tamang daan pa ba sila. Basta naglakad lang sila nang naglakad. Nang makaramdam ng lungkot si Azurine, para siyang hinawaan ng usok na itim na bumalot sa kanyang katawan.

"Azurine?!" Hinawakan ni Eldrich ang magkabilang braso ni Azurine. "Sumagot ka, Azurine!"

Nakita na lamang ni Eldrich ang mga luhang lumalandas sa pisngi ni Azurine. Umiiyak ito nang biglang humikbi nang mahina. "Prinsipe Eldrich… hindi ko alam… bakit ako lumuluha?"

"Tibayan mo ang sarili mo! Huwag kang papadala sa emosyon mo! Huwag mong hayaang mahawaan ka ng kadiliman!"

Bawat kataga ni Eldrich at tila ugong na dumadagundong sa tainga ni Azurine. Hindi niya ito marinig nang maayos. Hanggang sa magkulay itim ang kanyang asul na mga mata. Hindi na rin malinaw ang kanyang paningin.

"Azurine!!!" sigaw ni Eldrich. "Hindi ako papayag na pati ikaw… pati ikaw ay lalumin ng kadiliman!" Niyakap ni Eldrich nang mahigpit si Azurine sa kanyang bisig. "Narito ako! pakinggan mo 'ko! Tumingin ka sa 'kin!" Inilayo ni Eldrich ang mukha ni Azurine at kanya itong hinawakan sa pisngi.

"Mahal kita, Azurine. Paki usap bumalik ka sa sarili mo!" Idinikit ni Eldrich ang noo niya sa noo ni Azurine.

"P-Prinsipe Eldrich?"

"Azurine?! Mabuti't nakabalika ka!" Nakita ni Eldrich ang panunumbalik ng asul na mga mata ni Azurine.

"P-Pasensya na! N-Nadala ako ng emosyon ko…"

Muling niyakap ni Eldrich si Azurine. "Wala 'yon! Ang mgahalaga ayos ka na. Narito tayo para iligtas si Seiffer, hindi ba?" Isang matamis na ngiti ang siyang nagpawala sa itim na usok sa paligid ni Azurine.

"Para ka talagang sinag ng araw, Prinsipe Eldrich. Kaya mong magliwanag kahit sa madilim na kapaligiran…"

Biglang namula ang pisngi ni Eldrich sa malambing na pananalita ni Azurine. "S-Salamat kung 'yan ang tingin mo sa akin." Proud siya't gano'n ang tingin sa kanya ng babaeng iniibig niya.

Sa muli nilang paglalakad hinawakan ni Eldrich ang kamay ni Azurine. "Azurine, kapag nailigtas na natin si Seiffer at nakabalik na tayo sa Alemeth…"

Natigil sandali si Eldrich at pinisil-pisil ang palad ni Azurine. Ipinatong ng prinsipe ang kamay ni Azurine sa kanyang pisngi. "Maaari mo ba akong pakasalan? Ikaw ang gusto kong maging kabiyak, Prinsesa Azurine. Gusto kitang makasama sa tabi ko. Ikaw ang gusto kong maging reyna, ang babaeng magiging ina ng aking magiging anak."

Namilog ang mga mata ni Azurine sa pagtatapat ni Eldrich sa kanya. Kitang-kita ang senserong damdamin ng prinsipe. Kinuha ni Azurine ang kamay niya't itinapat ito sa kanyang dibdib. Ramdam ni Azurine ang kakaibang tibok ng kanyang puso. Ngunit… may kung ano sa loob niyang pumipigil na tanggapin ang pagtatapat ng prinsipe.

"Hindi mo kailangang sumagot ngayon." Naglakad sa unahan si Eldrich. "Maghihintay ako sa sagot mo, Azurine. Sa ngayon, iligtas na muna natin si Seiffer."

Hindi mapakali si Azurine. Ang prinsipeng inakala niya na siya ang batang prinsipe na iniligtas niya noon. Ang prinsipe na gustong-gusto niyang makasama sa panghabang buhay. Ang prinsipeng inakala niyang tunay niyang iniibig. Sa ngayon, nalilito ang puso niya. Hindi dahil natuklasan niya ang katotohanang si Seiffer ang batang prinsipeng iniligtas niya noon kundi, ang katotohanang… may kislap ng pagtingin din siya sa black wizard na si Seiffer.

Nakarating sila sa kaduluhan ng kanilang paglalakad. May matayog na puno sa harap nila. Isang puno na may kulay puting katawan at sanga. May nakagapos na bola ng liwanag sa gitna ng puno. Kulay itim na kadenang tumatali sa kaluluwa ni Seiffer. Hindi sila maaaring magkamali, si Seiffer ang bola ng liwang na iyon.

"Ano'ng gagawin natin, Prinsipe Eldrich?"

"Kailangan nating pakawalan si Seiffer sa pagkakakadenang 'yan!"

"P-Paano?"

"Sabi ni Meister Hellena, nakakarinig at nakakakita pa siya. Kailangan lang nating sumigaw nang malakas upang marinig niya tayo!"

Lumapit silang dalawa sa harap ng malaking puno. Susubukan na nila ngayong iligtas ang kaluluwa ni Seiffer bago pa ito lubusang kainin ng kadiliman.