*ANG PAGBABALIK... NG PANDAY*
(Panulat at Papel!)
October 23, 2019
Grabe ang tagal ng tinulog ko, halos mahigit anim na taon akong nakatulog at ngangayon lang nagising. Napainom lang ako kahapon at ng magising, mahigit anim na taon na pala ang lumipas. Napasobra pala 'yon! Nasayang ko ba ang anim na taon? Sa tingin ko hindi naman, masyado lang akong naging busy sa pagpapayaman at paggawa sa mga walang kakwenta kwentang bagay. Pagpapayaman daw, eh hanggang ngayon hampas lupa pa din ako. HA! HA! HA! Masyado ng maraming naganap sa loob ng mga lumipas na panahon. At muli heto na naman ako at muling nagsulat.
Ang bilis talaga ng panahon,kinakain na nga tayo ng makabagong panahon. Sa teknolohiya, ang iba nga ay alipin na nito. Nagpapasalamat ako sa Maykapal sa halos anim na taon na binigay n'ya sa'kin. Bakit nga ba ganito ako? Hindi ko din maintindihan basta ang alam ko sa sarili ko ganito na ako, ang labo di' ba! Nangati na naman ang kamay ko at muling tumawag ng pagsusulat. Kung dati siguro nagpatuloy ako, malamang tapos na ito. Pero okey lang! Alam kong may dahilan ang lahat at naniniwala ako 'don.
Sa mga nakalipas na taon, ang dami kong natutunan muli at nadiskubre sa buhay. Masarap namnamin ang buhay, ipagbunyi ang tagumpay, magpatangay sa kasiyahan, yakapin ang kabiguan, damahin ang kalungkutan at muli magpatuloy sa buhay.
May dalawang uri pala ng sinungaling, maisingit ko lang.
Ang dalawang uri ng sinungaling!
*Ang isa- Nagsisinungaling ng may dahilan.
*At ang isa naman- Nagsisinungaling ng walang dahilan.
... Alin ka 'don?
Natutunan natin ang simpleng MATH noong mga bata palang tayo. 1+1=2. Nalaman ko ng maging husto ang isip na mali pala 'yon. 1+1= TIME Oo oras, marahil 'yon ang tama. Ang oras ay makapangyarihan. S'ya lang din ang sagot sa napakaraming katanungan natin.
Tao
"Sampaguita"
Tulad ng isang ibon
Tao ay lumilipad
Pangarap ang tanging nais
Na marating at matupad
Isip ay nalilito
'Pag nakakita ng bago
Lahat ng bagay sa mundo
Ay isang malaking tukso
Bakit pa luluha?
Bakit maghihirap?
Ayaw mang mangyari
Ay 'di masasabi
Sasaktan mo lamang
Puso ay 'wag sugatan
Ito'y laro lamang
Sa mundong makasalanan
Tubig ay natutuyo
Bulaklak ay nalalanta
Araw ay lumilipas
Sa gabi rin ang punta
Sasaktan mo lamang
Puso ay 'wag sugatan
Ito'y laro lamang
Sa mundong makasalanan
Tulad ng isang ibon
Tao rin ay mamamatay
Pangarap n'yang tanging nais
Makarating sa kabilang buhay
Kung pwede nga lang tayong mabuhay ng sobra-sobrang taon. Doon malalaman natin ang kasagutan sa mundo, kung bakit tayo nandito. Kung kaya lang ng taong mabuhay ng isang bilyong taon, isang tao ang ibig kong sabihin. Nandon na siguro ang mga sagot sa tanong ng lahat. Kung bakit tayo nilagay ng Diyos dito, aksidente ba o nakaplano?
Marahil ang isang bilyong taon sa isang tao ay sapat na para maunawaan n'ya ng husto ang pinagmulan ng buhay at ng mundo. Marahil panahon lang ang makakasagot n'yan. Wika nga ni Charlie Chaplin. "Ang oras lang din ang tanging kaaway natin!" "Hindi 'yan mapipigilan!" Wika din ni Bob Marley. "Have no fear for atomic energy, 'cause non of them can stop the time!" Actually minsan, takot din ako sa oras, kaya ninanamnam ko ngayon ito. Ang bawat sandali na kasama ko sila lalong-lalong na ang anak ko.
Sobrang bilis talaga ng panahon, kailan lang miyembro pa'ko ng Video City. Nasa lumang pitaka ko pa ang membership card ko, nawala na talaga sila. Parang ngayon, wala na din mga record store sa mga mall, mga dvd at vcd na mabibili ngayon, mga original copy, naglaho na talaga sila. Nakalulungkot naman na sa mga commercial na lugar at palengke mo nalang sila matatagpuan, puro pirated nga lang, hehehe. Ngunit kaunti na lang din sila 'di tulad ng dati.
Sa ilang taon na lumipas, marami-rami na din ang nawala. Nawalan ako ng mga kakilala na minsan kong nakasama. Nandon na ang mawala ang katangi-tangi kong kaibigan. Higit pa sa kaibigan ang turing ko parang kapatid na nga. Kaibigan na minsan man ay wala kaming pinag-awayan o pinagtampuhan. Napakabihira ng mga taong ganon at bihirang-bihira talagang makatagpo ng tunay at tapat na kaibigan.
Nakilala ko s'ya ng mapadpad ako dito sa Lipa City, probinsya ng Batangas. Kung tawagin s'ya dito ay Barce o Barcelon o Marlon Silva sa tunay na buhay. Isa s'yang magiting na trycle driver dito. Noong una, nakikita ko lang s'ya sa pilahan sa kanto ng Brgy. San Carlos. Doon kami noon tumatambay sa tindahan ng papa Ave kasama ang mga bata paglabas galing school nila at maghihintay ng alas singko o higit pa paglabas naman ni Edna galing trabaho. Doon sa kanto, sa tindahan ng papa Ave masaya pa dati. Hindi ka maiinip doon, ewan ko ba, basta masaya 'don tumambay! Doon sila nakapila ng kanilang mga trycle para pumasada.
Noong una, nakakasakay kami kay Barce, papahatid sa aming bahay kung saan may kalayuan. Kung sino man ang masumpungang makita, doon kami magpapahatid kaya halos karamihan ng nakapila 'don nakilala ko din kalaunan. Habang tumatagal, nakakakwentuhan ko na sila. Sila pareng Alex, Menchie, Ukos, ka Rolly, ka Obet, Joel, Pabaya, Sutil, Jack, Frank, Onan, Payer, Aris, Mamay, Buririt, Betty Love, Alvin, Pangulo, Kano, Hepe, Gayat, ka Tirso, Tatay ni Barce, Dolce, Jun, Aping, Kapatid ni Alvin, Paul, Benidect, kapatid ni Bedik at iba pa na limot ko na ang mga pangalan. Sila ang naging pangalawang tropa ko bukod sa tropa sa Marikina. Halos lahat sila nakainuman ko na din. Ang saya 'non, para sa'kin! Ang makakilala ng mga tulad nila na napakanatural at totoong tao, kung baga lahat masaya. Minsan nga inaabot na kami ng madaling araw sa pag-iinuman. May mga araw ding halos nandon na ang pila ng mga trycle sa tapat ng bahay namin. From 2008 to 2012, mantakin mo 'yon. Minsan din halos walang patid ang inuman namin sa loob ng isang buwan noong kasarapan pa ng tropa. Ang sarap din balikan, kung maibabalik ko lang ang panahon.
Doon sila malimit sa'ming bahay sa Brgy. Tibig, Purok Uno noong mga panahong nandon pa kaming mag-anak at umuupa ng bahay doon. Dinadayo nila ako ng madalas sa bahay namin. Kapag may okasyon ay present sila at kapag nagkayayaan lang. Sige inom o barik tayo, dito sa salitang Batangas. Noong Birthday ko taong 2009, ang saya 'non! Halos karamihan sa kanila ay nandoon! Happy-happy kami hanggang madaling araw, inabot na nga kami ng umaga noon at pagsikat ng araw. Isa iyon sa hindi ko makakalimutan sa tanang buhay ko. Sobrang saya talaga ng gabing iyon!
Sa lahat ng inuman namin, walang naging gulo o pagtatalo na naganap. Ito lang din ang naging sekreto ko ang pakisamahan sila ng totoo at pagbibigay ng respeto sa bawat isa sa kanila. Ramdam ko din sa kanila 'yon, ang pagbibigay ng respeto maging sa pamilya ko.
Nakailang beses na din kaming lumipat ng bahay noon. Katulong ko sila pareng Barci, Alex, Menchie, Jack, Ukos at iba pa, sinamahan nila akong maghakot ng mga gamit namin. Bumuhat ng mga mabibigat na bagay sakay sa kanilang trycle. Wala silang siningil sa'kin noon ni piso kapalit ng kanilang serbisyo. Konting inom lang ayos na. Di' ba, kahanga hanga sila.
Natuto ako sa kanila ng maraming bagay na tungkol dito sa Batangas. Mga kwento nila sa mga nangyari sa nakalipas ng kanilang Baranggay at mga kalokohan din nila na halos kaparehas din ng sa'kin. Masaabi kong, mababait ang mga tropa ko 'don. Si pareng Barce at pareng Alex ang malimit kong makasama, silang dalawa ang maraming oras na nakasalamuha ko. Parang mga kapatid na din ang turing ko sa kanila. Naging malapit din sila sa pamilya pati na din sa kamag-anak ng pamilya ko dito. Marami din kaming naubos na alak at sigarilyo sa loob ng anim na taon namin nagkasama-sama.
May mga pagkakataon nakakasakay ako sa kanilang trycle. Iaabot ko ang aking bayad ngunit tinatanggihan nila itong kunin kahit pilitin ko pa sila ay pilit pa din nila itong binabalik sa'kin.
Ngayon, sa dati na naming bahay kami muling nakatira. Paminsan minsan ko nalang sila nakakainuman. Si pareng Alex nalang ngunit madalang pa sa patak ng ulan kami magkita at maginuman muli.
Isang umaga ng august 29, 2014 isang masamang balita ang gumulantang sa'kin ng marinig ko sa bibig ng kasama ni Barce sa pila ang salitang. Kuya Axel patay na si Barce, hindi ako makapaniwala sa narinig ko at natulala. August 28, ng gabi naaksidente daw sila kasama ang kanyang pinsan sakay ng motor sa kurbadang daan sa parteng Quezon province. Kinain daw ng truck ang linya nila at doon sumalpok sila sa unahan ng truck. 'Yung araw na mga 'yon parang gumuho ang mundo ko, ni hindi ko man lang s'ya noon nakainuman bago s'ya mamatay o nakausap man lamang. Ang huling kita ko sa kanya noong dumaan lang s'ya sa'king trabaho dala ang kanyang trycle. Buhat 'non, 'di ko na s'ya nakita. Nabalitaan ko nalang na nagbakasyon pala s'ya sa kanyang mga pinsan sa Quezon.
Muli ko s'yang nakita ng ilang araw ng makabalik na s'ya sa Brgy. Tibig ngunit isa ng malamig na bangkay. Hindi pa ako pumunta 'non sa burol n'ya ng ilang araw dahil ayoko s'yang makita sa ganong kalagayan, hanggang sa nakapagdesisyon na ako na pumunta sa kanyang burol. Doon ang daming tao! Magaling talaga s'yang makisama kaya maraming nagmamahal sa kanya. Hindi naman iyon ang una kong punta sa mga lamayan pero sa 'di nami-dami ng lamay kong napuntahan doon lang bumuhos ng sobra ang aking mga luha. Doon ko lang din naramdaman ang labis na kalungkutan. Sa mga sandaling iyon pagpasok namin sa kanilang bahay, nakausap ko pa ang kanyang ina. Mga ilang minuto pa ng umupo ako sa tabi ng kanyang kabaong. At doon parang gripong tumulo ang aking mga luha! Humagolgol ako ng pag-iyak, 'di ko talaga mapigilan noong mga sandaling iyon.
Hanggang sa sandaling ilibing na s'ya. May trabaho ako noon pero pumunta ako sa huling pagkakataong masisilayan ko s'ya. Sa simbahan, doon ang daming tao ang pumunta. Nagulat nga si Father at marami nga raw tao sa simbahan sa misa ng kanyang libing at paghahatid sa kanyang huling hantungan. Sa misa sinabi ni Father, hinalintulad n'ya si Barce kay Hesus na tagapaghatid sa mga tao tungo sa Ama. Si Barce daw bilang trycle driver ay nagsasakay at naghahatid sa mga taong tiyak ang pupuntahan. Ngunit sa mga sandaling iyon ay 'di na n'ya kami maisasakay at maihahatid dahil kapiling na s'ya ng Ama sa langit. Natapos ang misa at muli sa pagbukas ng kabaong ay sinilip ko s'ya at nagpasalamat sa kanya sa pagkakataong aming pinagsamahan, at taimtim na nagpaalam sa kanya. Isa ako sa bumuhat sa kanyang kabaong palabas ng simbahan, doon hindi na ako sumama sa sementeryo at bumalik na muli sa trabaho.
Halos anim na taon kong nakasama si pareng Barce, 2008-2014, Isa rin s'ya sa konting mga ninong ni Vianne na aking anak. Sobrang welcome s'ya sa bahay namin at ramdam n'ya 'yon. Sa apat na bahay na nilipatan namin noon ay laging nan'don s'ya. Kasama ko minsan sa almusal, tanghalian at hapunan, kapwa nila ni pareng Alex. Nakakasama din namin sila sa mga pasyalan, sa mga magulang ni Edna sa Rosario, Batangas. Sila ang naging service namin minsan pagpunta doon. Minsan sa Rosario, nakakadalawang araw kami kasama si pareng Barce. Kung sa pagmamaneho lang ng trycle ay bilib ako sa kanya, napakasmooth n'yang magdrive. Panatag ako sa kanya kapag sakay
n'ya kaming mag-anak. Hindi rin ako natatakot na sumakay sa kanya kahit may inom pa s'ya.
Nakakasama din namin sila sa mga liguan o outing, mapa-night swimming man. Masaya kami noong naliligo at nag-iinuman sa mga resort na napuntahan namin. Nakasama din ako sa summer outing nila sa kanilang pilahan ng mga driver mga taong 2010. Ang saya din noon! Naisama ko din si Barce sa isang malaking event sa kamag-anak ni Edna at iba't-ibang lakaran.
Kapag nag-iinuman kami sa bahay at alam kong medyo lasing na sila o sadyang mga lasing na kami, hindi ko na sila pinapauwi pa sa kanilang mga bahay bagkus, doon ko nalang sila pinapatulog sa amin para iwas aksidente. Naging panatag ang magulang ni Barce kapag ako ang nakakainuman ng kanilang anak. Hindi rin sila mga buraot, kung may maibibigay sila pandagdag sa alak, mag-aambag at mag-aambag sila. At sila din minsan ang bumibili ng mga inumin namin.
Bilang pisikal, si pareng Barce, masasabi kong malinis sa katawan. Long hair s'ya na laging nakatali ang buhok, may pagka tisoy, may matangos na ilong at masasabi kong maganda s'yang lalaki. May mga babaeng nanliligaw sa kanya bigkas pa ni Menchie noon sa inuman. At may tamang pangangatawan at tangkad. Ngunit wala s'yang hilig sa babae, at ang hilig n'ya lang ay makisama, bumarkada at bumarik ng alak.
Sa kanyang katangian naman ay hahanga kang talaga. Napakabait n'ya, maaasahan din s'ya sa mga emergency na lakad. Tulad ng, malapit ng manganak noon si Diane na asawa ni Badz na pamangkin naman ni Edna. Halos madaling araw na noon ng mag-abang kami ni Badz ng trycle na masasakyan tungong ospital. Matagal kami noong naghintay ng trycle sa kalsada at wala ng dumadaan 'non hanggang may paparating na tunog ng isang trycle sa kalayuan. Sinabi ko noon kay Badz na si Barce ito, dahil alam ko ang tunog ng kanyang trcycle na may kaingayan ang ugong ng makina. Para s'ya noong si Superman na sumusulpot nalang sa kung saan. Dali-dali s'yang tumigil ng parahin ko ang kanyang trycle. Sinabi n'ya noon sa'kin na galing s'yang inuman. Agad-agad namin dinala si Diane gamit ang kanyang trycle sa ospital. May pangyayari din noon na si Badz ay napaaway sa San Carlos at nadala sa Baranggay Hall. Dumating noon si Barce at sumundo sa'min para puntahan si Badz sa Baranggay. Sinabi noon sa'min ni Barce na walang mangyayari kung tayo lang ang aayos nito dahil kapatid ng pulis ang nakabangga nila. Nagpaalam noon si Barce kay Edna upang sunduin si Kapitan namin ng Brgy. Tibig gamit ang kanyang trycle. Sinundo n'ya noon si Kapitan na sumama naman sa kanya. Sinabi n'ya noon samin na ginising pa n'ya ito at kinatok dahil ito'y natutulog na. Dumating sila noon ni Kapitan Baroa at inareglo ang pangyayari. Malaki ang naging papel noon ni Barce at talagang malaki ang kanyang naitulong sa'min.
May mga pagkakataon din na tuwing magpipyesta ng patay ay sinasama ko s'ya sa Rosario para din magtinda kami ng mga sungay na umiilaw na panghalloween sa mga sementeryo doon. Gamit ang kanyang trycle, nagpupunta kami sa tatlong sementeyo para magtinda ng negosyo ko noong pagtitinda ng mga sungay na umiilaw pagsapit ng All Soul's Day. Nakakarating din kami sa sementeryo ng Padre Garcia, pagkatapos 'non at maganda na ang benta namin ay uuwi na kami ng bahay sa'king byanan para na din uminom ng konti at magpahinga. Kung tutusin malaki ang naging ganap ni Barce sa panahon na nakakasama namin s'ya. Maasahan talaga s'ya sa lahat ng bagay at napakabihira talaga ng taong tulad n'ya na madaling yakadin.
Magaling din s'ya makisama, tahimik lang na medyo mahiyain. Medyo pilyo din sa kanilang lugar at mahilig mag good time sa mga kabarkada n'ya. Mabait s'ya sa mga bata lalong-lalo na sa kanyang Ina. Laging nand'yan kapag kailangan mo. At s'ya 'yung tipo ng tao na kahit sa impiyerno ay hindi ka iiwan.
Edad bente nuebe lang s'ya ng namaalam sa amin. Maligayang paglalakbay sa'yo pareng BARCE o MARLON! Balitaan mo nalang ako sa kabilang buhay kapiling ng AMA!!!... Alam mo bang magpahanggang sa ngayon ay inaalala pa din kita. At alam mo din ba na namimiss na kita. Itatagay na lang kita dito at isisindi ng iyong sigarilyo. Muli maraming-maraming salamat sa'yo at nakilala ka namin. π»πΊππ π