Chapter 32 - "UNIWIDE" at ang Tiya Norma.

Ako na yata ang malimit isama ng aking mga magulang sa mga lakaran o pag-alis, kaya nasanay na ako ng maaga sa pagbabyahe. 'Di katulad ng ibang mga bata o mga kapatid ko na mahiluhin sa pagbyahe. Lagi kaming may dalang mga plastik para sa pagsuka ng mga kapatid ko na mga mahihiluhin sa pagbyahe.

Naaalala ko noong una akong dalhin ng mga magulang ko sa mall. Sa Uniwide Mall, doon kaming tatlo'y namasyal, sobrang lamig doon, 'yun na yata ang first time kong makaexperience ng aircon. Doon din kami kumain ng burger, spagheti with softdrink.

Muli kong binalikan ang Uniwide ng magawi kami sa Coastal taong 2008. Luma na ang building na 'yon. Makikita mong hindi nagbago buhat 'nung una ko itong nakita, medyo madilim na doon at marami ng bakanteng mga spaces, at konti nalang ang mga tenant nila.

Parang tumatandang tao ang Uniwide na unti-unting kumukupas ng huli kong makita. Lumipas na ang panahon ng kasiglahan nito. Ang mala-carnaval na ilaw nito sa lood ay parang nauupos na kandila ngayon. Ngayong 2019, wala na akong ideya sa Uniwide kung nandon pa ngayon. Mithi ko ang muli nilang pagsilang.

Malimit din kami pumunta noon sa Cavite sa bayan ng Noveleta, doon din ay may kapatid ang aking ama na si tiya Norma. Masaya din doon gaya ng mga kamag-anak namin sa Fairview. Malaki ang bahay ng tiya at ng kanyang mag-anak. Mabait si tiya, lagi n'ya akong binibigyan noon ng pagkain. Madaming pagkain sa kanila, mga chocolates, snacks, mga tinapay at kung anu-ano pa, malaki din ang kanilang colored t.v.

Mas matanda si tiya Norma kesa kay papa at ang mga anak ni tiya ay malalaki na. Sinabi noon sa'kin ni papa na s'ya daw dati ang nagaalaga sa mga pamangkin n'ya noong ito'y maliliit palang. Ang halos kaedaran ko 'don na medyo matanda sa'kin ng ilang taon na aking pinsan, sya lang din ang naging kalaro ko doon, hindi ko na din maalala ang pangalan n'ya at marecognize ang mukha niya ngayon. Balita ko nalang na nagtatrabaho na s'ya ngayon sa N.A.IA.

Malapit sa dagat ang bahay ng mga tiya kaya kapag nandon kami, ipinapasyal kami ni papa sa dagat para maligo. Minsan, kami lang ni papa ang pumupuntang dagat, aliw na aliw ako noon sa paliligo sa dagat. Bago kami makapunta sa dagat, dadaan kami sa mga bahayan doon, may mga palaisdaan kaming madadaanan at pagawaan ng asin. Manghang-mangha ako sa kanal nila, bukod kasi sa medyo malinaw ang tubig ang dami pang mga isdang lumalangoy gaya ng tilapia, dalag, martiniko at gurame.

Doon sa dagat walang sawa ako sa paliligo. Hindi ko alintana ang matinding sikat ng araw basta masaya ako noon. Hinuhulihan ako ni papa ng maliliit na talangkang dagat na nagtatago sa mga buhangin, sobrang bilis nilang tumakbo at napakahirap nilang hulihin. May mga araw na nadadatnan namin na may mga mangingisda doon na tulong-tulong hinihila ang malaking lambat tungo sa pangpang. Nakikitulong sa paghila si papa sa kanila. Sobrang daming isda sa lambat, kapag malapit na ito sa pangpang ay nagtatalunan na ang mga iba't-ibang klase ng mga isda. Ang dami talaga nilang nahuhuling isda noon, banye-banyera, kayang punuin ito ng mga isda.

Naalala ko din noon na may kinausap si papa 'non, sinabi n'ya na kapatid n'ya ang tiya at asawa nito ang kanyang bayaw. Kilala doon ang mga tiya kaya umuwi kami sa bahay ng tiya na may dalang isang baldeng puno na mga bagong huling isda, binigay 'yon kay papa ng kanyang nakausap. 'Yung mga maliliit na isda nilagay ko sa garapon at doon ko sila inalagaan, nagdala din kami ng tubig dagat sa plastik. May maliit na lapu-lapu at ilang hindi ko kilalang isda, meron ding maliit na pugita. Pero hindi ko sila naiuwi sa Marikina dahil nangamatay sila. Ang lapu-lapu nakatalon sa garapon noong ako'y makatulog nu'ng hapon, nakita ko nalang iyon sa lapag na matigas na, binalik ko pa iyon sa garapon sa pagkakaalam na mabubuhay pa ito. Dati din kasi kapag nagaalaga ako ng mga isdang ilog, kapag nakakatalon sila sa garapon ng may katagalan, inaabutan ko nalang na nasa lapag na sila at may katigasan na. Binabalik ko lang sa garapon at maya-maya'y nabubuhay na.

Doon sa Noveleta, naririnig ko din ang sikat na sikat na kanta noon na "Dying inside" ni Timmy Thomas. Kinakanta namin 'yon ng pinsan kong babae na kalaro ko. Doon ko din napapakingan ang kanta ni Rodel Naval na "Pagkat saan ka man naroroon pintig ng puso ko'y para sa'yo. Naghihirap man ang puso't damdamin, nagmamahal pa rin sa'yo giliw. Limutin man kita'y 'di ko magawa. Ang pag-ibig ko sayo'y lagi mong kasama... "Sa gabi naman, nanunuod kami ng wrestling WWF pa noon nila Hulk Hogan, Ultimate Warrior, Jake Snake, Big Boss Man, Andrei The Giant, Bret Hart, Owen Hart, Razor Ramon, The Barber, The Clown, Lex Luger, Macho Man, Sting, Tatanka, Undertaker, Rick Flair, Yokosuna, British Bulldog, 1 2 3 Kid, Shawn Micheal, Macho Man, Diesel, Sid Vicious, Mr. Perfect, Papa Chango, Steve Austin, The Rock, Daniel Dallas Page at napakarami pang iba. Sobrang saya namin noon. 'Yun lang ang mga alaalang nananahan sa'kin ngayon.

Kapag uuwi na kami sa Marikina, may mga bagay na binibigay sa'min si tiya. Inaabutan din ng pera ni tiya si papa.

Huli kong nakita si tiya Norma at nakabalik sa Noveleta ng bumisita kami ng pinsan kong si Joy kasama si Jing na kapatid ko taong November 1, 2006. Hindi namin sila noon inabutan sa bahay ngunit may inabot naman kaming tao doon. Sinabi samin na, doon nalang pumunta sa sementeryo dahil nandon ang mga tiya. Pagkarating namin nila Joy, palibasa'y taga Cavite s'ya, kaya hindi kami nahirapang maghanap sa kanila. Kabisadong-kabisado n'ya ang lugar at sakayan doon. Ako naman ay wala ng ideya sa lugar na iyon. Hindi ko na din marecognize ang bahay ng mga tiya, sobrang nagbago na talaga! Ang pgkakatanda ko ay nasa kanang kalsada sila pero nalito ako ng nasa kaliwang kalsada pala ang bahay nila. Talagang nanibago ako at napapaisip!

Nang makarating kami sa sementeryo, nakita namin si tiya Norma, kasama ang anak n'yang si baby na pinsan namin. Halos hindi na ako makilala ni tiya noon, malaki na daw ako ngayon. Kinamusta n'ya ang magulang ko, sinabi ko na, "Okey naman po sila! "Nagmano ako sa tiya at bumati kay pinsan at sinamahan namin sila 'don ng konting oras. At ng magpaalam kami sa kanila ay binigyan pa kami ng pamasahe ng tiya.

Medyo may edad na ang tiya ng panahong iyon ng muli ko s'yang makita. Naging masaya ako noon dahil sa hinaba-haba ng taon muli ko s'yang nakita.

Lumipas ang ilang taon, nabalitaan ko na lang na wala na ang tiya Norma. Hindi na ako noon nakapunta sa burol at libing n'ya ngunit nandun naman sila papa. Masuwerte na din ako at muli ko s'yang nakita at nakausap noon.

Rest in Peace Tiya Norma! Marami pong salamat sa inyo!

Doon pa din sa Cavite, minsan isinasama ako ni papa sa palaisdaan, doon kami namimingwit ng mga tilapia. Aliw na aliw ako sa panunuod lalo na't makikita mo na maya't-maya may hinihila si papa sa pangbingwit na mga huling isda.

Noong magkaroon ng napakaraming sugat sa katawan at ulo ang nakakabata kong kapatid na lalake na si Dandie, iniligo namin s'ya sa dagat ng Noveleta para malinis ng dagat ang kanyang mga sugat at balat.

Nakapunta din kami noon nu'ng fiesta sa Noveleta. Naaalala ko rin dati ang magarbong parada ng mga combo doon. Ang daming tao noon ng nakaabang kami sa kalsada upang sila'y panuorin habang nagpaparada.

Ipinasyal din ako dati ng pinsan ko na anak ng tiya na nag-aabroad. Namasyal kami noon sakay ng sidecar na bisekleta nila sa isang subdivision doon ng umaga. S'ya ang naging driver noon habang kami ng kapatid n'ya ang sakay sa sidecar. Binigyan n'ya din ako noon ng mga chocolate galing abroad. Tanda ko din noon ang bakery doon sa makatawid kalsada, 'don kami bumibili ng mga tinapay ni papa pasalubong pauwi ng Marikina.