*Mga kahangalan at kagagohang ginawa ko sa buhay*
Namulat ako sa isang maralitang pamilya. Habang nagkakaedad ako, unti-unti akong naguguluhan sa takbo ng buhay. Ang dating musmos na kaisipan ay napalitan ng galit at pasakit. Nalilito at nagtatanong, madaming katanungan ang tumatakbo sa aking isipan. Sa duyan ng barkada andon ang kalayaan ako nanahan kaysa sa pamilyang buo ngunit wasak sa'king isipan. Sa edad trese anyos unti-unting nagbago ang lahat. Sa kalagitnaan ng pag-aaral ko bilang first year high school ay napabarkada ako sa mga tulad kong lakwatsya ang nalalaman.
Noong una, okey pa naman ang pag-aaral ko hanggang sa makaramdam ako ng kawalang interes sa pag-aaral. Doon sumama ako sa mga cutting classes na mga kakilala ko. Sa panahong iyon wala na muling trabaho si Papa. Ang alam ng mga magulang ko ay pumapasok pa ako 'non. Nanghihingi ako ng baon, nagsusuot ng oniporme, nagdadala ng bag at gamit sa eskwela. Pero hindi nila alam na may pamalit na ako 'non sa bag ko na damit. At gaya ng dati sa video games ang tagpuan ng barkada. Doon kila manang Inday sa Twin River Subdivision, tumatambay kaming mga cutting classes. Sa ilog din malimit kaming magpalipas ng oras, doon maghapon kaming naliligo. At minsan naman sa Sta. Lucia Mall kami pumupunta. Paulit-ulit namin 'yon ginagawa hanggang sa isang araw naisipan ni Mama na magpunta sa eskwelahan. Doon sa labas ng gate nagantay s'ya ng 7:30 pm ng labasan. Hindi n'ya ako nakita noon kaya, naisipan n'yang puntahan ako sa loob aralan namin. Doon nagtanong s'ya sa teacher ko at nagulat sa kanyang nalaman. "Misis, halos isang buwan na pong hindi pumapasok ang anak ninyo. "Biglang gumuho ang mundo ni Mama ng malaman n'ya!"
Siguro sa takbo ng pagkakataon ay naging masuwerte pa ako 'non. Habang papauwi si Mama ay nakasalubong ko s'ya sa daanan sa lugar namin. Galit na galit s'ya noon at nagmamadaling umuwi ng bahay. Narinig ko pa ang sinabi n'yang, "Humanda sa'kin 'yan paguwi ko! Matagal na pala akong niloloko nito!" Hindi n'ya ako noon napansin kaya dali-dali akong umuwi ng bahay para kumuha ng damit at short sa aking damitan. Inunahan kong makauwi si Mama! Sobrang bilis ng takbo ko at ang bilis ng paggalaw ko, sabay takbo palabas ng bahay. Kabadong-kabado ako noon habang tumatakbo ng papalayo.
Pumunta ako nu'ng gabing iyon sa Marikina Village o pulang lupa. Pinuntahan ko si Andrei noon na kasama ko sa pagkakacutting minsan. Kinausap ko s'ya at ikinuwento ang nangyari, sumama naman sa'kin ang loko... hehehe! Tumungo kami noon sa bahay nila Joel ng gabing iyon sa Tierra Vista may kalapitan lang din doon pati sa'min. Nang makarating kami sa kanila, ikinuwento ko rin ang nangyari sa'kin at sinabi ko sa kanila na naglayas na ako sa bahay ng gabing iyon. Sa labas ng kanilang bakuran, sa kanilang kubo kami nagusap-usap. Gumawa kami noon ng plano! Si Joel na kuya nina Sonny at Felix. Silang tatlo ang nakasama ko sa pagkakacutting classes ng madalas. Sinabi sa'kin ni Joel na hihintayin n'ya munang makatulog ang kanyang nanay at tatay na si kuya Kulot at ate (limot ko na ang pangalan) bago kami umalis ng kanilang bahay. Gustong-gusto din noon na sumama ni Felix bunsong kapatid nila na kaedaran ko, ngunit sinabi ng kanyang kuya Joel na 'wag ng sumama at maiwan na lang sa bahay.
Nang kami'y papaalis na, humagolgol ng iyak si Felix kaya nagising, nagulat ang kanilang magulang. Dali-dali kaming apat sa pagtakbo papalayo sa kanilang bahay. Narinig ko na lang ang malakas na iyak ni Felix at sigaw ng kanyang tatay.
Sa gabing iyon naghanap kami ng matutulugan, doon pinuntahan namin ang isang lumang truck na nakatiwangwang sa gilid ng kalsada sa warehouse ng kartunan, doon lang din sa Marikina Village malapit sa bahay ni Andrei. Doon kaming apat ay natulog. Buo na ang loob ko noon na hindi na umuwi pa ng bahay maging ang magkapatid na Joel man. Sa mga oras na iyon, umiyak na si Andrei at gusto ng umuwi sa kanila. Sinabi n'ya sa'min noon na magagalit daw sa kanya ang kanyang ama kapag nalaman na naglayas s'ya. Iyak s'ya ng iyak noon at pilit kaming kinukulit na ihatid na s'ya sa kanila. Naging masamang impluwensya ako noon kay Andrei dahil inuudyukan ko pa s'ya na 'wag ng umuwi pa sa kanila. Ginagatungan din ni Joel na baka may aswang kaming makita at tinatakot ito. Madaling araw na noon, hindi ko na din maalala kung nakatulog pa 'non si Andrei dahil nauna na akong natulog sa kanila.
Kinabukasan, napag-isip-isip na lang ni Andrei na umuwi na lang sa kanila at hinayaan nalang namin s'ya. Si Joel, Sonny at Ako, kaming tatlo ay nagpalaboy-laboy sa lansangan ng ilang araw. Naaalala ko pa noong kagutuman namin ng gabi. Pumunta kami sa bahay ng pinagdadamuhan ni Joel sa Twin River Subd., doon humingi kami o namalimos ng pagkain. Tumawag kami sa labas ng gate nila at lumabas si ate, sinabi namin sa kanya na makikihingi kami ng pagkain dahil wala pa kaming mga kain. Maya-maya pa'y isang malamig na plastic ang binigay sa'min ni ate galing ref., laman niyon ang tumpok ng kanin at paksiw na bangus. Sinabi n'ya sa'min noon na pasensya na kayo at ayan lang ang naitabi namin, nagpasalamat kami sa kanyang binigay. Parang mga patay gutom kami noon sa pagkain dahil sa kagutuman. Ramdam ko din ang malamig na kanin at isda sa loob ng bibig ko. Kapag gabi, naglilibot kami sa mga nakaparadang jeep para mangalkal ng mga barya pambili ng tinapay.
Sa mga oras na iyon wanted na kaming tatlo, pinaghahanap na kami noon ng mga magulang namin. Tumambay pa kami noon sa videohan ni manang Inday, hanggang noong katanghalian tapat sa aming paglalakad nakasalubong namin ang nanay at tatay ng magkapatid sakay ng bike. Ang bilis ng pangyayaring iyon sabay hawak kay Joel ng kanyang ama. "Oh! Huwag kang tatakbo! Sigaw ng mga ito sa kanila at kapwa nahuli ang magkapatid.
Nakita ko ang takot sa mukha ng magkapatid sa mga sandaling 'yon. Si Joel ay sinuntok ng kanyang ama. Si Sonny naman ay nasampal din ng kanyang ina at napalo. Iyak na noon si Sonny samantalang si Joel ay 'di ko nakitaan ng pag-iyak. Galit na galit noon sa kanila ang kanilang magulang habang hawak ang dalawa ng mahigpit. Sinabihan ako ng kanilang nanay na isusumbong daw ako sa aking mga magulang at ituturo ako noong sila ay umalis na. Kabadong-kabado ako noon at muli tumakbo ako papalayo. Sa pagkakataong iyon ay mag-isa na lang ako. Ilang araw pa akong nagpalaboy-laboy noon.
Sa St. Mary palihim na nag-aabang ako kapag hapon, doon patago kong hinihintay ang paglabas ng mga kalaro ko noon o kabarkada ko na taga sa amin. Nakikibalita ako sa kanila at sinabi nila sa'kin na hinahanap na ako ng aking ama't ina, hindi lang nila ako matsempuhan sa paghahanap sa'kin. At nu'ng araw ding iyon, habang kami ay naglalakad, nakita daw nila ang aking ama't ina sa 'di kalayuan, kaya't sinilip ko iyon at nakita nga sila. Dali-dali ako 'non sa pagtakbo para lumayo't magtago.
May mga gabing umiiyak ako at natatakot ! Mag-isa na lang akong natutulog noon sa truck, pick-up na katabi ng truck at minsan sa ibang lugar na may jeep na nakaparada. Palipat-lipat ako noon ng tulugan. Hindi ko na noon alintana ang mga kagat ng lamok at kagutuman. Minsan iniisip ko din na sana hindi na lang ako pinanganak para hindi ko nararanasan ang ganong mga bagay.
Isang hapon, muli hinintay ko ang aking mga barkada sa St. Mary. Grade six na sila noon habang ako'y high school na. Sinabihan ako ni Kenny noon na magpunta daw ako sa kanila dahil debut ng kanyang ate Catherine, doon daw maraming pagkain. Si Kenny at si Raffy maging ng ibang mga barkada ko sa'min ay tinulungan akong makapunta sa kanila na doon lang din sa aming lugar. Kabadong-kabado ako noon dahil baka ako makita ng aking magulang sa loob ng bakuran nila Kenny. (Hindi kalayuan ang bahay nila sa amin!)
Nagplano kami noon na gabi ako pupunta at doon sa Anatacia palang ay iko-cover na nila ako. May kadiliman sa'min kaya, walang nakapansin na nandoon ako sa'min. Dali-dali kaming tumakbo at tumungo sa kanilang lumang tindahan na may maliit na kwarto sa loob. Madilim sa loob noon ngunit sa labas ay sobrang liwanag. Maraming ilaw na iba't-ibang klase, may mobile at napakaraming tao at bisita nila ng gabing 'yon.
Sa mga oras na 'yon nakaramdam ako ng kagalakan. Dinalhan ako ni Kenny ng maraming pagkain na handa ng kanyang ate. Busog na busog ako noon, kasama din sila Raffy sa pagkain namin. Sa gabing iyon ng selebrasyon, nakasilip lang ako sa butas ng dingding ng kanilang tindahan at tanaw na tanaw ko ang mga tao. Paalis-alis 'non si Kenny at may dinadala sa amin. Maya-maya pa'y nakita ko si papa na nakatayong nakasandal sa bakuran nila Kenny at palinga-linga ng tingin kasama si mama. Alam kong hinahanap nila ako at nagbabakasali na nandon ako. Hindi nga sila nagkamali 'non pero hindi nila ako nakita. Ilang hakbang lang ako sa kanila, sinisilip sila na may kaba sa dibdib. Nawala nalang ang kaba ko ng tuluyan na silang umalis papauwi na sa'min.
Nakita ko noon si Catherine na masayang-masaya! Ang ganda ng kanyang suot na dress. Maraming taong isinayaw s'ya at ang huli ay ang kanyang ama. Marami din sa kanya ang bumati at nagmensahe sa kanya. Doon sa lumang tindahan nila, sinamahan ako nila Kenny at iba pa na matulog doon.
Kinabukasan, habang tulog pa sila, bumangon na ako at muli nagpatuloy ng umalis. Ginising ko sila noon para magpasalamat at magpaalam. At bago pa sumikat ang araw lumarga na ako. Dali-dali akong tumakbo papalayo sa'ming lugar. Nang makaakyat na ako sa Anastasia Village, tumungo ako sa basketball court. Nakita ko doon si mang Popoy, panandalian akong nanatili doon, nag-isip at lumakad ng muli papalayo. Biglang sa 'di kalayuan, natanawan ko si mama na papalapit sa'kin. Hindi ko na alam ang gagawin noon, sobrang kabado na ako! Sinabi daw ni mang Popoy na nakita n'ya ako at ang ginawa ni mama't papa ay naghiwalay ng daan para salubungin ako o kornerin. Nakita ko din si papa na papalapit din sa'kin sa harapan ko. Mabilis akong nagtago sa kubo ni pare, nandon sa labas ng kubo sila Joey at ilan pang taga sa'min na kinakausap si pare, sumuksok ako noon sa likod ng kubo ni pare ng nakabaluktot ang katawan na nakaupo.
Biglang may humablot sa'kin at kinaladkad ako papalabas ng kubo! Patay na, 'yon na ang aking ama! Galit na galit s'ya noon!.. Aniya, "Kala mo hindi kita makikita, nagtatago ka pa!" Sabay suntok sa mukha ko! Ang lakas ng suntok na 'yon! Nahilo ako at natumba sa lupa. Si mama naman ay nakatayo lang at nakatingin. Itinayo ako ni papa at kinaladkad papauwi sa'min. Tagas na ang luha ko noon at humahagolgol habang hawak-hawak ako ng mahigpit papauwi sa bahay. Para akong kriminal na hinuli ng pulis noon.
Doon sa bahay, hindi ko na matandaan pa ang mga sinabi n'ya basta galit na galit s'ya noon sa'kin habang pinapalo n'ya ako ng sinturon. Nakahiga ako noon sa sahig, pagulong-gulong sa sakit ng bawat palo sa iba't-ibang bahagi ng katawan ko. Halos patayin ako sa palo ng aking ama at halos masira na din ang kanyang sinturon. Iyon na ang masaklap sa lahat, maging ang ulo ko at mukha ay may mga tama. Ang mga kapatid ko ay nakita ko nalang na nag-iiyakan na.
Sa dinami-dami ng sinabi sa'kin ng aking ama, ang tanging natatandaan ko lang ay, "Putulin ko na kaya ang mga paa nito para 'di na 'to makalakad!"... Kinuha n'ya ang itak at doon akmang tatagain ang paa ko. Hindi na noon nakatiis si mama at mabilis na inawat si papa, umiiyak na rin noon si mama. At doon natigil ang lahat. Awang-awa ako sa sarili ko noon. Ang dami kong latay at pasa sa katawan!
Isang araw ang lumipas at pumunta si Joel sa bahay, (kasama kong naglayas) at nakausap n'ya ang aking ina. Sinabihan daw s'ya ni mama na masamang impluwensya sa akin. Pinuntahan ako ni Joel para isama sa Anatacia Village upang linisin ang gate at kudkurin ang mga lumot at dumi sa entrada ng gate ng isang bahay doon.
Habang naglilinis kami at nagkukudkod ng mga lumot (masakit pa ang katawan ko 'non!)... Sinabihan n'ya ako na, "Ang sabi sa'kin ng mama mo masamang impluwensya daw ako sayo!" Pero, di'ba! Ikaw naman ang nagyaya sa'min na maglayas tayo... Hindi na lang ako umimik noon. Nakwento n'ya din na bugbog sarado silang magkapatid sa kanilang mga magulang noong nahuli sila... Masamang impluwensya!.. Masamang impluwensya ha!... Paasar at pabirong bigkas n'ya na naman sa'kin. 🤡😜
Nu'ng matapos na ang paglilinis namin, nagpaalam na ako sa kanya at umuwi na'ku sa bahay. Nagkapera din ako noon dahil sa pagsama sa'kin ni Joel.