*Ang lihim ng "Samurai" at Ang pagmamahal ni Lola Ordonez sa mga kabataan*
Unang nakapunta ako kila lola Ordonez noong bakasyon ko nu'ng grade four pa lang ako. Dito sinama ako ng mga barkada kong mas matatanda pa sa'kin na sila Joey, Joel, Buknoy, Anding, Bunso/Raul at ilan pa. Unang punta ko doon sa bahay ang dami namin, lagpas sampu kami noon, kaya magulo at maingay sa bahay nila lola. Pinaglilinis kami ni lola ng bahay at kapalit nito ay binibgyan n'ya kami ng pera. Pila-pila kami kapag uuwi na. Minsan naman, hati-hati na kami kapag buo ang binibigay n'yang pera sa'min.
Habang lumilipas ang panahon, 'yung mga taga sa'min na una kaming dinala kila lola ay lumaylo na o naggraduate na, at kaming mga kabataan ang pumalit sa kanila. Dati ko na ding nakikita ang bahay nila lola kapag kami ay bumibili kay Mr. Calero ng mga papel gamit sa school, ngunit wala akong ideya kung anung meron sa loob nito.
Mga siyam na taon gulang ako at grade three ako noon ng matanawan ko na din ang kanilang Baratello store at nakitingin ng kanilang mga panindang damit, mga iba't-ibang mga gamit,mga camera, mga laruan, mga iba't-ibang klase ng banga, may maliit, may malaki, mga iba't-ibang klase ng mga accesories at mga memorabilla. Doon ko unang nasilayan si lola sa loob ng baratello store nila. Napapansin ko na din noon si Bambino at ilan pang tao sa kanila, malamang mga anak iyon ni lola at mga kamag-anak. Dumating ang panahon na ang kanilang baratello store ay tuluyan ng nagsara.
Tandang-tanda ko pa ang dating itsura ng bahay nila lola Ordonez. Napakalaki ng lote nila, kayang lagyang ng apat o limang bahay sa loob nito. Ang mahaba at mataas nilang pader na bakod na may mga barbwire sa taas. Ang kanilang malaki at mataas ding gate na kulay green at katabi nito ang isa pang gate na pasukan ng mga tao. Habang sa tapat ng gate ang entradang sementado na may mga peebles ang ibabaw. (doon madalas kaming umupo at nag ka-cara y cruz) Sa loob ng bakuran naman ay may mga puno ng niyog, santol, kaimito, mangga, bayabas at iba pang mga puno at halamang hindi ko alam ang pangalan. At ang kanilang matayog na puno ng fine tree sa tapat ng kanilang bahay.
Ang mga lumang sasakyan nila na nakatiwangwang na lang sa garahe at sa bakanteng lote. Andon ang mataas na owner type jeep na 80's model. Ang kotseng 70's to 80's model. At ang vintage nilang puting kotse na 60's to 70's model. Halos mga sira-sira na ang mga sasakyang iyon. Madalas din kaming tumambay at sumakay sa mga kotseng iyon, kapag kami ay na kila lola.
Sa gilid ng kanilang bahay ang dati nilang hall na ginawang sampayan at tambakan na lang,madumi na din ang loob n'yon. May ding-ding itong butas-butas na parang sa chicken wire na gawa sa plastis o fiber nilon. Sa gilid pa ng bahay malapit sa kusina andon ang isang kwarto ng mga katulong dati.Doon may luma pang kama. Nakatambak din doon ang lumang painting ng anak ni lola na yumao. Mga three to five years old ito at ang suot ay barouqe style.
Sa gilid ng kanilang malaking bahay nakapalibot ang pathway na sementado na may mga peebles din sa ibabaw. Sa likod nama'y andon ang kanilang bodega na may nakatambak na mga kinakalawang na malalaking bakal, at makinang bakal na may bilog na malalaki at maliliit na hugis.Marami na itong mga sapot-sapot at puno na ng mga agiw. Habang sa gilid ng bahay ay may isang c.r sa labas. (doon ako madalas magbawas) Sa bandang likod din nakatayo ang lumang tangke ng tubig nila.Sa unahan gilid naman ng bahay ang kanilang baratello store. Sa loob 'non ay maraming nakatambak na mga antigong banga. Habang may terrace sa tapat ng bahay nila lola andon ang lamesang bakal at mga upuang bakal din.
Sa loob naman ng bahay may kalakihan ang sala nila. Sa loob nito maraming mga gamit, kadalasan ng mga gamit nila ay sinauna o mga vintage na. Simula sa maliliit na gamit hanggang sa malalaki ay hahanga kang talaga.Pati na din ang mga maliliit na pandisplay nila ay sinauna o mga antigo.Mga lumang wall clock, maliliit na mga laruang pandisplay, mga bagay-bagay na nakalagay sa antigong aparador na may salapin na gawa yata sa narra. Mga lumang plato, kagamitan sa pagluluto. May magandang sofa sa sala, mga upuan na gawa sa mamahaling kahoy, may maliit din na aparador.
Ang kainan nila ay 'di kalayuan sa sala, andon ang dalawang malaking kutsara at tinidor na gawa sa kahoy at nakasabit sa pader. May maliit din na chandelier. Ang kanilang bilog na lamesa na gawa sa marmol na de ikot. Ang malaking manibela ng barko na gawa sa kahoy na nakasandal din sa pader,at isa pang maliit na manibelang barko na gawa din sa kahoy.
Sa padulo ng kainan andon ang kusina na may debisyon, andon ang kanilang lutuan at mga lalagyan ng mga gamit sa pagluluto. Sa taas ay may aparador, sa baba ng lababo na may tyles ay may aparador din, habang tabi ng lutuan ang ibabaw ng lababo. Doon din ay may lamesa at mga upuang gamit din sa kainan. Sa dulo n'yon, andon ang washing machine. May pintuan din sa kusina na konektado sa hall at sa gilid ng labas ng bahay na malapit sa kwarto ng mga katulong. Habang sa loob ng gilid ng kusina ay may hallway papunta sa dulo at malaking kwarto na ni Bambino. Sa gilid din ng hallway ay may pintuang konektado sa kabilang kwarto. (doon ako malimit)
Sa loob ng sala ay may daan at pintuan sa dalawang magkadebisyon na kwarto. Ang unang kwarto sa gilid ng kanilang maindoor ay kanilang master's bedroom. Habang ang isa ay open room,doon nakapwesto ang antigong piano katabi niyon ang antigong riple at ang samurai o katana, may palikuran din sa loob nito. Ang sahig nila ay mga ginayat na marmol o mga pirapirasong mga marmol na pinakinis. Habang ang ibang ding-ding ay may wall paper. At ang kanilang bubong naman ng bahay ay gawa sa mga bricks. Bonggalo type na malaki ang bahay nila lola. Marami din nakatambak na mga branded na damit sa kanilang hall at kusina, at mga lumang kobre kama at kumot na hindi na nalabahan.
Hindi ko na mabilang kung nakailang balik na ako sa bahay na iyon sa loob ng may anim na taon, kaya't hanggang ngayon ay kabisado ko pa din ang kabuuang itsura nito sa isipan ko. Hindi lang din naman mga taga sa amin ang pumupunta kila lola Ordonez, and'yan na rin ang mga taga daang bakal, mga taga Marikina Village na sila Puding/Omar, Nikolo, Oweng/Jeffrey, Batibot/Resty, Joveloid/Jovel, Mario Douglas, Nuno/disi-otso, Kabah, Iton 'yung iba limot ko na ang pangalan. At sila Dexter, Joel na mga taga Tierra Vista Subdivision. Silang lahat na mga naging tropa ko din at ang ilan ay naging kaklase ko nu'ng elementary. Ang mga taga sa'min naman na mga kababata ko na malimit din pumunta kila lola at yu'ng iba ay naisama lang namin minsan.Ako, Nestor, Raffy, Ricky, Edwin, Erwin, Kenneth, Kenny, Raymond, Zander, Edren, Lucky, Teteng, Lindol at iba pa. Bukod pa 'don, ang mga may edad sa'min na taga sa'min din. At mga kabataang malapit lang kila lola na sila Jonel, kapatid ni Jonel, Alex, Neil at iba pa.
Habang pabalik-balik kami kila lola, unti-unti namin s'yang nakikilala. Minsan nagkukwento s'ya tungkol sa kanilang mga anak at kanyang naging asawa, pati na din noong kabataan n'ya. Ang kanyang mga pila-pilang mga manliligaw, ang kanilang mga lupain, ang trabaho ng kanyang asawa, maging ang buhay n'ya ay ibinahagi n'ya din sa'min.
Noong 1998, sinabi sa'min ni lola na 83 years old na s'ya, kung tama sa panahon ang kalkulasyon ko at tama din si lola sa kanyang sinabi, s'ya ay ipininganak taong 1915, sobrang tagal na din! At ngayong 2019, s'ya ngayon ay 104 years old na.
Halos lahat kaming kabataan noon ay walang ideya sa katauhan ni lola maging ang tunay n'yang pangalan ay hindi namin alam. Ang pagkakaalam ko lang base na din sa mga kwento n'ya ay angkan sila ng mayamang pamilya. Noon daw, noong kabataan ni lola marami daw ang kanyang manliligaw. Sa di nami-dami daw nila, ang tanging sinagot n'ya lang ay ang napangasawa n'ya. At ang naging trabaho nito ay Comodore ng barko. Sa kanilang ding-ding ay may litrato ng barko kung saan doon daw nagtatrabaho ang kanyang asawa. Meron din si lolang sing-sing na ginto na pag-aari ng kanyang asawa. Makapal iyon at may ukit ng angkla ng barko. Meron din s'yang suot na gintong kwentas ng kanyang asawa at ilan gintong sing-sing sa kanyang daliri. Meron din s'yang parang white gold na necklace na may pendant na bilog na orasan na nakikita ko din dati sa kanya. At ang ilang gintong mga hikaw.
Ang tanging pictures n'ya lang nu'ng kabataan n'ya na nakita ko ay 'yung portrait na sketch o charcoal. Si lola bilang pisikal na katauhan ay mistesa, may matangos na ilong, may katamtamang taas, at ang kanyang mukha ay maamo. Sinabi n'ya din sa'min na labing tatlo ang naging anak nila at ang isa dito ay namatay noong bata pa.
Noong mga panahong andon pa kami kila lola, ang tanging kasama n'ya lang ay ang kanyang apong si Bambino. May kahinaan na din noon si lola at naggagamot na sa kanyang diabetes, 'di na n'ya din kayang tumayong mag-isa ng walang saklay. Kung hindi s'ya nakahiga sa kanyang kama ay makikita mo s'ya na nakaupo sa kanyang wheelchair na aming hinihila.
May mga pagkakataong nandon kami at nandoon din ang ilan n'yang anak na bumibisita sa kanya. Sa kanyang labin tatlong anak ang malimit n'yang mabigkas samin ay sila Mario, Monina at Doughlas. Si ate Monina ay dalawang beses ko lang nakita taong 1997 at 1999. (hindi ko lang mapin-point ng tama, pero naglalaro sa ganon taon) Mabait si ate Monina, galante at mapagbigay na parang si lola. Noong nandon s'ya may kasama pa s'yang isang babae, hindi ko na din maalala kung kapatid n'ya din 'yon. At hindi ko na din marecognize ang mukha n'ya ngayon.
Tandang-tanda ko pa noong inabutan n'ya kami ng mga chocolates at ilang cup noodles galing Amerika. Bumibisita s'ya kay lola kapag nandito s'ya sa Pilipinas. Nasabi n'ya din na sa Amerika na 'sya nakatira at may pamilya na doon. Mga fourty plus na ang edad n'ya noong nakita ko s'ya, kulot na kulay itim ang kanyang buhok, at may kaputian din ang kanyang balat. Maraming mga kabataan ang gustong pumasok kila lola kapag nalaman nilang nandon si ate Monina.
Ang isa naman din na nakita ko 'don taong 1998, ay isa pang anak ni lola na babae. (hindi ko na alam ang kanyang pangalan) Mabait din s'ya at maganda,mas bata s'yang tingnan kay ate Monina, nasa thirty plus naglalaro ang kanyang edad noon. S'ya din ang nawalan ng collage ring n'ya sa loob ng bahay nila lola. Ang pagkakatanda ko lang kay ate ay para s'yang masayahin at laging nakangiti.
At ang isa pa ay si ate Becky, mga taong 1999 to 2000 ko s'ya nakita. Natatawa ako ngayon dahil nakaaway ko s'ya noon. Na hi-blood sa'kin si ate Becky noon dahil hindi ko sinunod ang pinapagawa n'ya sa'kin. Si ate Becky ay masalita at mautos sa amin ngunit kadalasan hindi n'ya kami nabibigyan ng pera. Kay lola pa kami lalapit kapag kami ay uuwi na.
Sinabihan n'ya ako noon na pilyo at tamad. Sinagot ko s'ya noon at inasar... Sa badtrip ko din sa kanya noon, kinuha ko ang dala n'yang tsinelas na maganda at iniuwi iyon na aking sinuot.Saktong-sakto 'yon sa mga paa ko. Hehehe... Peace!.. At dali-dali na akong umalis.
Noong dumating ng bahay si ate Becky galing Germany ay maganda naman ang samahan namin. Nagpabalik-balik kami doon habang nandon s'ya. Naaalala ko pa noong nilabas n'ya ang kanyang dalang pasalubong na domino na pinalaro n'ya sa'min, tinuruan n'ya kaming maglaro nito. At ilan pang dala n'yang mga gaming cards. Kapag tanghalian naman ay nagluluto s'ya ng mauulam namin na sinigang na baboy. Wala na rin noon si ate Nene na kasambahay nila lola, umalis na s'ya.
Masipag si ate Becky sa gawaing bahay, tinutulungan n'ya din kami minsan sa paglilinis ng bahay. Mabilis s'yang gumalaw ngunit mabunganga lang talaga at mautos. Nakakapagkwento din s'ya tungkol sa Germany. Doon daw, walang pakialam ang mga tao, karamihan daw masusungit at istrikto ang mga tao 'don. Nakapangasawa s'ya doon ng german national at meron silang dalawang anak na lalaki't babae, mga binata't dalaga na daw ang mga ito. Ibang-iba daw dito sa Pilipinas kumpara doon na malungkot. Halos parang kaedaran n'ya din si ate Monina. Sinabi n'ya din na mahirap daw matutunan ang dayalekto ng mga aleman.
Malimit din sila noong magaway ni lola. May mga inuungkat s'ya sa nakaraan na pinagtatalunan nila ni lola. 'Yung araw ding iyon nag-away sila ni lola. Sigawan sila noon ni lola at biglang umiyak na lang si ate Becky habang kami naman ni Nestor ay nakatingin lang at nakikinig. Humagolgol noon si ate Becky! Nababanggit n'ya din sa tuwing mag-aaway sila ni lola ay aalis na daw s'ya at sinasabi n'yang parang ayaw ni lola na nandoon s'ya.
Maalaga din si ate Becky kay lola, binibihisan n'ya ito, pinapaliguan at inaalagan. Hindi lang kami siguro naging magkasundo noong nagtagal na s'ya 'don. Hindi na din ako pumupunta noong nandon pa s'ya.
Ang isa pang anak ni lola na nakita ko ay si kuya Doughlas, hindi iyon pumunta doon.Kami nila lola, kapag wala s'yang pera ay sinasama n'ya kami doon sa bahay ni kuya Doughlas sa Yakal Project 4, Quezon City, para humingi ng pera sa kanyang mga paupahan na apartment doon na minamanage naman ni kuya Doughlas.Isang beses lang akong nakapunta doon!Palibasa'y mga bata pa kami dati, andon ang excitement na sumama. Sakay kami ng trycle papuntang N.G.I, pagbaba doon ay sasakay na kaming taxi papuntang Yakal. Inabot kami noon ng gabi at halos mag-aalas onse ng gabi na din kami nakauwi sa mga bahay-bahay namin. Kasama ko sila Nestor, Ricky at Kenneth. Si kuya Doughlas din daw ang daddy ni Bambino. May katabaan din si kuya Doughlas.
Ang isa naman ay si kuya Mario, madalas din s'yang mabanggit sa'min ni lola ngunit hindi ko pa ito nakita.May mga ibang anak pa ni lola na limot ko na ang pangalan na nababanggit n'ya din sa'min noon.
Tanging nakita ko lang ng personal ay sina ate Monina, ate Becky, kuya Doughlas at si Ate na
Masayahin.
Kapag may pera si lola, madalas din kaming lumabas kasama si Bambino. Ikinakain kami ni lola sa fast food. Andon na din ang pagbili ni Bambino ng matipuhan n'ya. At bumibili din kami ng gamot ni lola.
Dati,wala pang bente pesos ang special sa trycle at tatlong piso lang ang bayad kada isang ulo. Si lola kadalasan ay 100 pesos ang binabayad kaya, tuwang-tuwa ang mga magtatrycle driver kay lola na aming mga nasasakyan. Nakasama na din ako kay lola noong sinangla n'ya ang kanyang gintong singsing sa sanglaan.
May mga pagkakataon ding masungit sa'min si lola, kapag nagagalit s'ya sa'min ay sinasalitaan n'ya kami ng salitang espanyol. At meron ding pagkakataon na hindi s'ya nagpapapasok ng mga kabataan sa kanyang bahay. Natuto din kami ng ilang salitang espanyol kay lola at Bambino, konting salita lang naman.
Walang pera~No tengo de nero.
Chiquilyos~Bata,kabataan.
Este chiquilyos nagquequeber~Itong batang ito ay nakikialam.
Queber~Nakikialam/nakikialam ng gamit.
Amigo~Kaibigan.
Tinuruan din kami ni lola na magluto ng ulam. Kasama ko dati si Pipeng/Edwin, inutusan n'ya kaming bumili sa N.G.I ng bigas at ng longganisa. Pinaluto 'yon sa'min ni lola ngunit hindi namin alam kung paano dati ito lutuin. Sabi ni lola sa'min hiwain lang daw namin ito at ilagay sa kawali, lagyan daw namin ito ng tubig at kusa na daw itong magmamantika kapag nahibas na ang tubig,huwag lang daw malakas ang apoy nito para hindi masunog.
Si Edwin na yata ang pinakamasipag sa'min lahat. Lahat ng iutos namin ay kanyang sinusunod, Kaya minsan iniutos na lang namin sa kanya ang gagawin na trabaho habang kami ay nagpapahinga lang. At wala s'yang reklamo noon. S'ya na rin siguro ang pinakamabait sa tropa noon, "Goodboy talaga!"... At kahit pagtripan pa s'ya ay okey lang sa kanya.
Namaalam samin noon si Edwin taong 2007, napakabata pa n'ya ng lumisan! Bente uno anyos lang yata s'ya 'non. Sinabi sa'min ng pamilya n'ya na heart attack daw ang kanyang kinamatay.Pumunta ako noon sa San Jose del Monte, Bulacan kung saan sila ng mga taga sa'min ay lumipat na doon. Noong huling lamay n'ya,andon kami. At nakipaglibing din kami sa kanya.
Sa huling lamay n'ya, naabutan kong nag-iinuman noon sila Kenneth at ilang pang taga sa'min sa bakanteng bahay malapit kila Edwin. Sumama ako noon sa inuman nila at sinariwa namin ang kanyang alaala. May kantahan din noon at ang gitarista ay si Rapper. Inalayan namin noon si Edwin ng kantang "Hiling" ni Jay-r Sioboc. Pagkatapos ng inumang iyon, pumunta kami sa kanyang lamay at nag-alay ng mga paalam sa harap ng kanyang kabaong. Maraming tao noon sa huling lamay ni Edwin.
"Marahil hanggang doon na lang talaga ang buhay n'ya dahil napakabuti n'yang tao."