(Handa na sa mundo at mga pakikipagsapalaran)
Habang ang iba ay nagsipag-aral ng kolehiyo, mas pinili ko na lang ang magtrabaho. Naumay na din kasi ako noon sa pagpasok sa eskwela. At kung mag-aaral pa ako ng kolehiyo, hindi din naman kakayanin nila mama. Naging kataga ko noon ang salitang, Hindi lahat ng bagay ay natututunan sa eskwelahan!" o "Not all things in life are learn in school!"
Isang araw, sa pagiging tambay sinama ko si Edwin para maghanap ng trabaho, bitbit ang aming biodata tumungo kami sa Ali Mall at Sm Shoe Mart sa Cubao. Doon nagbakasakali kaming maghanap ng trabaho. Sinuwerte naman sila at wala kaming nakitang "HIRING", napagod na din kami noon sa paglalakad maging sa labas ng Mall. Naisipan na lang naming tumambay nalang sa loob ng Ali Mall at manunod na lang ng Wrestling sa may pwestuhan ng mga wrestling merchandise 'don. Hapon na din kami 'non nakauwi at wala pang kakain-kain, muntik pa kami noong ma-J walking sa parteng Sm.
Ilang araw ang lumipas tumungo ako kila Ruel para tiyakin sa kanya noong nabanggit n'ya sa'kin ang alam n'yang pwedeng matrabaho. Naisama n'ya na din ako noon at naituro n'ya din sa'kin 'yung lugar na 'yon ng magpunta kaming Mega Mall.
Sa bandang crossing ng Mandaluyong tumungo kami, habang s'ya ay hindi na sumama sa'min. May konting ideya naman na ako 'non sa trabaho. Naisama ko pa noon muli si Edwin at Raymond na magpasa ng biodata. Nakapagpasa kami noon ng biodata, ngunit si Edwin ay hindi pa qaulified dahil wala pa s'yang 18 years old. Ininterview ako noon ng kanilang manager na babae, at natanggap ako bilang sales boy apprentice. Pinabalik ako noon ni mam sa nasabing araw at oras ng umpisa ng trabaho, habang si Raymond ay nagback-out.
Dumating ako sa nasabing araw at oras, ito na ang umpisa ng trabaho!.. Pinartner ako noon ni mam sa isang bisexual. Sinabihan s'ya ni mam noon na, "Ikaw na ang bahala sa kanya" turuan mo s'ya. Ang dami namin dalang mga items na panindang ilalako, mga children's book, laruang pambata, at ilan pang mga gamit sa bahay bitbit sa malaking bag. Sanay na sanay na s'ya noon sa ganong trabaho at may kasipagan din s'ya. Sabi n'ya sa'kin na sa una lang mahirap, masasanay ka din kapag tumagal ka na dito.
Sa Crame kami noon diniploy o ayon ang naging ruta namin. Sobrang dami nila, noong nasa ware house pa kami, meron pa silang cry song at motivation speech ng kanilang manager at tagapagsalita ng kanilang kompanya.
Nakarating kami ng Crame ng mga bandang alas onse na ng umaga. Nagumpisa na kami noong maglibot-libot sa mga bahayan doon, sa mga pulis doon, maging sa mga nakaparadang kotse na may tao sa loob. Magaling s'yang mag-alok ng dala namin mga produkto kaya nakabenta na din kami agad ng maganda. Wala sa kanya ang hiya-hiya at talagang sanay na sanay na s'ya sa ganong uri ng trabaho, habang ako'y nag-iisip kung ito ba ang magiging trabaho ko. Lahat ng tao naming makita ay kanyang inaalok ng mga dala namin. Pumasok din kami sa mga looban ng mga bahayan, pati na din sa mga paupahang bahay doon na ang mga nakatira ay mga pulis.
Sa init ng araw kami ay patuloy na nagpalakad-lakad. Hindi n'ya ako noon pinakain ng tanghalian gayong may benta naman kaming maganda, at meron din namang binigay sa amin na allowance. Nagugutom na ako nu'ng mga oras na iyon at pagod na din sa paglalakad. Magulo pa ang isip ko noon at parang ayoko ng ganong trabaho, kaya naisipan ko na lang na magpaalam sa kanya.
Nanghingi ako noon ng bente pesos sa kanya pandagadag sa pamasahe dahil alam kong kukulangin na ako noon sa pamasahe at malayo-layo pa ang uuwian ko. Pumunta ako noon sa lugar na 'yon na pamasahe lang ang dala ko, wala talaga ako noong perang pambudget sa lakad na 'yon.
Unfortunately, hindi n'ya ako binigyan. Gusto ko sanang suntukin s'ya noon, nagpipigil lang ako.Naghalo na din noon ang kagutuman ko at pagkapagod, alas tres na rin noon ng hapon. Hanggang sa makasalubong namin ang dalawa naming kasamahan. Hindi na ako nahiya noon kay Ate. Sinabi ko sa kanya...
Ate, baka naman pwedeng makahiram ng bente sa'yo...?
Idagdag ko lang sa pamasahe.
[Inabutan n'ya ako noon ng bente!]
At nakahinga ako ng maluwag sa wakas.
Sinabi n'ya sa'kin na, "Okey lang yan!.. Naiintindihan kita!"
Dahil bata kapa, hindi mo pa alam kung saan ka lulugar.
Nagpasalamat ako noon kay Ate at sinabi ko na lang...
Ate,babayaran na lang kita 'pag magkita tayong muli.
Dagdag pa nya... Hindi, sayo na 'yan!.. Bigay ko na 'yan sa'yo!
Umalis na ako 'non at nagpasalamat ng sobra-sobra kay ate, maging sa nakasama ko ay nagpaalam na rin ako, kahit na masama ang loob ko sa kanya. At naglakad na ako papuntang Edsa. Sumakay na akong bus at bumaba ng Farmers, para sumakay ng jeep sa bandang Aurora Boulevard byaheng Marikina. Nakauwi ako sa bahay ng bandang hapon na at gutom na gutom. (Hindi ko malilimutan ang araw na iyon!)
Habang dumadaan ako sa pagiging tambay nagpahaba ako ng buhok ng halos dalawang taon. Bihira na din noon akong magdrawing. Isang araw, pinuntahan ako ni Ariel na pinsan ni kuya Teng na kapitbahay kong magaling na barbero. Gusto n'ya akong isama noon sa Tumana (lugar sa Marikina) upang maggupit sa nabili ni kuya Teng at kumpare n'yang si kuya Jimmy na Barber shop doon, nagsusyo noon sila sa nabiling shop. Si kuya Jimmy ay may sariling Barber shop sa parteng J.P Rizal ng Tumana. May katagalan na din ang pwesto n'ya na 'yon. Andon noon si kuya Rommel Rosal na taga sa'min na kanyang barbero, maging si Billy boy ay nandon din. Si kuya Teng naman ay namamasukan sa isang class na barber shop.
Halos nauna pa akong nag-aral gumupit noon kay Ariel ngunit nauna s'yang pumasok sa'kin sa barber shop nila kuya Teng kaya, mas nauna pa s'yang natuto sa akin. Maayos na s'yang gumupit noon habang ako ay nag-aaral pa din sa paggamit ng razor.
Noong una ay nag-aalinlangan pa akong pumasok dahil alam ko sa sarili ko na marami pa akong kakaining bigas o kulang pa talaga ang kaalaman ko sa paggugupit. Sinabihan ako noon ni kuya Teng na, "doon ako magpractice at hasain ang skills ko sa paggugupit ng buhok. "At sumama na din noon ako kay Ariel.
Kabadong kabado pa ako 'nung primera, lalo na't 'don palang din ako makakapaggupit sa hindi ko kakilala. At hindi pa ako ganon kagaling sa paghawak ng razor at labaha.
Aminado akong hindi naging maganda ang mga gupit ko sa mga costumer na nahawakan ko. Sinabi ko din naman sa kanila noon na bago palang po akong barbero, at babago palang natututo.Sa totoo lang marunong-runong na ako noon. Nauunahan lang talaga ako ng kaba kaya nasisira ang diskarte ko. Masuwerte na din ako noon dahil wala akong naging maligalig na kliyente. May ilan naman na nagrereklamo pero naging maganda naman ang kanilang pananalita sa akin.
Nagpatuloy akong gumupit doon ng halos dalawang buwan lang. Natigil na lang ang pagpasok namin 'don ng maibenta na nila kuya Teng ang shop sa panibagong may-ari. (may kahinaan kasi 'don) Andon pa kami ni Ariel ng magkabayaran sila ng nakabili. At ang isa naming kasama na si Tatay ay namawala na din ng maibenta na ang shop. Bumalik ako sa pagiging tambay ng ilang linggo habang si Ariel ay pumasok noon sa 9 J's Barber shop sa N.G.I.
Muli, isang araw, pinuntahan ako ni Ariel sa bahay. Tinanong n'ya ako kung gusto ko daw mag-apply sa pinapasukan n'yang barber shop, may bakante pa daw isang pwesto. Kinabukasan, pumunta akong shop para mag-apply. Pinakilala ako noon ni Ariel kay Madir na s'yang may-ari ng pagupitan. Si Ariel din ang naging backer ko para makapasok 'don.
*Ang pagiging isang manggugupit ng buhok o isang Barbero*
Nag-umpisa akong maging ganap na barbero noong August 28, 2004, ayon ang araw na natanggap ako sa 9 J's Barber shop. Noong una, naging matalas ang mga mata sa'kin ni Madir. Marami s'yang naging puna noon sa paggugupit ko. Meron pa daw mahaba sa itaas, hindi pa pantay ang gupit, may konting uka pa daw sa tabi, malago pa daw ang buhok. Napapahiya ako noon sa mga kasama ko na maaayos ng maggupit.
Sinabi n'ya rin noon na, nu'ng una palang akong nag-umpisa sa kanila ay gusto na n'ya rin akong paalisin 'non, dahil hindi pa daw ako marunong talagang maggupit ng buhok. Naawa lang daw s'ya sa'kin noon kaya, hinayaan n'ya na lang daw muna ako.
Halos araw-araw akong napupuna noon ni Madir at napapagalitan. Napakaistrikto n'ya pagdating sa trabaho ko. Tiniis ko 'yon! Ginawa kong motivation ang mga negative comment n'ya sa'kin. Minsan may pagkakataong nasasagot ko s'ya 'pag napupuno na ako. At minsan din parang gusto ko ng sumuko o umalis na lang. Sinabihan ako noon ni Ariel na hayaan mo na lang, matututo ka rin.
Naging matiyaga ako para matuto ng husto sa paggugupit. Hirap pa ako noong gumupit ng flat-top na gupit. Minsan kinakausap ako ni kuya Jimmy (anak ni Madir) na isa ding barbero. Eni-encourage n'ya ako noon! Sa una lang daw medyo mahirap at kapag nasanay na daw ako, magiging madali na ang lahat. Sinabi n'ya din sa akin na, kapag alam mong hindi mo kayang gupitan ang isang costumer, 'wag mo na itong gupitan para makaiwas ka sa reklamo nila.
Habang unti-unti akong natututo, nawawala na din ang mga puna sa'kin ni Madir. Pinapanuod ko sa paggugupit ang mga kasama kong barbero at si kuya Jimmy na rin. Doon kumukuha ako ng kaalaman sa kanila at inaapply ko 'yon sa paggugupit ko. Minsan, may mga nagrereklamo pa ding mga costumer sa'kin. At may punto din minsan na ang mga kasama ko na lang ang nagpapatuloy sa gupit ko, kapag hindi nagustuhan ng costumer ko ang gupit ko sa kanila. Nakakasugat din ako sa pag-aahit ng labaha. Nahihirapan pa din akong gumupit sa mga batang malilikot ang ulo. Hindi ako sumuko noon! Inisip ko din na ito na ang tatrabahuhin ko at lalo para na din kumita ng pera.
Sinabihan din dati ako ni Madir na bakit daw hindi ako nagpapagupit ng buhok. Malago na daw ang buhok ko at may kahabaan na din, at bukod pa 'don isa akong manggugupit ng buhok. Sinabi ko noon kay Madir na nagpapahaba ako ng buhok dahil mahilig ako sa mga Rock music at mahihilig din ako sa mga banda. Ginagaya ko rin noon ang pormahan ng G N' R at ilan pang mga banda noon. Napataas naman ang kilay n'ya at napatawa noon, at naintindihan n'ya rin ako.
Si Padir naman na kanyang asawa ay wala akong masabing talaga. Sobrang bait n'ya at never n'ya akong nasabihan noon o napagalitan. Napakaswerte ni Madir kay Padir dahil napakabuti n'yang tao.
Lumipas ang ilang buwan at taon. Naging bihasa na ako noon sa paggugupit. Sanay na sanay na akong humawak ng mga gunting, labaha at razor. Mabilis na din akong gumupit at naging madali na sa'kin ang lahat. Kaya ko na din makipagsabayan sa mga kasama ko. Hindi na rin ako napupuna noon ni Madir at unti-unti na akong nakakaipon ng costumer. (loyal costumer) Naging panatag na ang isip ko noon at naging kampante na sa larangan ng pinasok kong trabaho. Nakaipon na din ako ng pera noon at nakatulong na din sa'king magulang at mga kapatid.
Naging katuwang din ako ni papa noon sa pagtatrabaho. Nagkaroon na s'ya ng trabaho noon at mahaba-habang trabaho sa kanyang dating kasamahan. Binanggit dati sa'kin ni papa na umasenso na at yumaman na ang dati n'yang katrabaho na si kuya Bulldog kung kanilang tawagin. Nakapagtayo ito ng isang malaking grocery store sa loob ng palengke ng Marikina o sa Bayan, at sila ang kinuha upang gumawa ng mga estanteng bakal na pinagpapatungan ng mga bilihin. Gumagawa din sila sa bahay ng kanila na nilang amo.
Nakabili ako noon ng mga damit, pantalon, shorts, sapatos, relo, camera, mga tsinelas at mga bagay na nagagamit ko. Nakabili din ako ng VCD/MP3 player at component kasama ang dalawang speaker na katamtaman ang laki. Maganda ang tunog ng component na 'yon, ang kanyang bapols at bass ay may kalakasan din. Marami din akong mga nabiling mga pirated cd na naging collection ko. May mga live in concert din ako ng mga banda. (foreigh rockband) Marami din akong mga cd burn at ilang mga movie din. Naging member din ako noon ng Video City at madalas akong umaarkila ng mga cd na movie.
Sa umaga, madalas akong magpatugtog ng mga rock music na may kalakasan ang volume, kaya malimit sa'kin noon mayamot si mama't papa maging mga kapatid ko din. Hindi kasi nila kursuda ang mga tugtugan ko. Maiingay daw ito at masakit sa tenga na laging sinasambit ni mama at papa. Pati na din daw ang mga kapitbahay namin ay nabubulahaw ko na. Marami din akong mga pinoy alternative na usong-uso noon na gusto din ng mga kapatid ko.
Magmula sa Classic rock, Folk song na gusto din ni papa hanggang sa Glam rock, Punk rock, Alternative rock, Grunge, Hard rock at Heavy Metal na ayaw na ayaw nila. Madalas din akong manuod ng mga live in concert. Bago ako pumasok sa trabaho iyon na ang nagiging daily routine ko at nagkakaroon ako ng matinding kasiyahan sa pakikinig ng mga musika.