Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 41 - Lumipat kami sa "Jay-r's Bakery". Ang paghina ng "Benson's Bakery" maging ang "Videohan ni manang Inday."

Chapter 41 - Lumipat kami sa "Jay-r's Bakery". Ang paghina ng "Benson's Bakery" maging ang "Videohan ni manang Inday."

*Walang permanente sa mundo kung hindi pagbabago*

Taong 1999, nalalapit na ang pagpasok ng year 2000 o Y2K, o kung tawagin ngayon ay ang "Millenial Era". May bago noong bukas na bakery sa Twin River Subd. na malapit o halos ilang hakbang lang mula sa videohan ni manang Inday. Maraming kabataan ang lumipat doon sa "Jay-r's Bakery". Palibasa'y bago pa lang, parang pinuputakti ito ng mga kabataan na nagtitinda ng mga tinapay noon. Mula sa Marikina Village hanggang sa'min sa Labas-Bakod, at sa ilang pang mga lugar sa parteng iyon ng Marikina ang mga kabataan ay nahumaling sa bagong bukas na bakery.

Sila Raffy noon at ilan pang kabataan na taga samin ay 'don na lumipat. Sila Nikolo, Jovel at ilang pang kabataan sa Marikina Village maging sila man ay nandon na din. Dati, napakalimit namin kila manang Inday, halos araw-araw nandon kami kaya, nakikita ko na din ang bagong bukas na bakery na iyon na kapitbahay lang din ni Jerry So. Mula sa Pangasinan ang nagmamay-ari niyon na bagong dating doon na sila Kuya Mulo at ang kanyang asawang si ate Tina, at ilan pa nilang kamag-anak. Ganon naman talaga kapag may bago sa'tin laging dinudumog at pinipilahan.

Nanatili kami noon sa Benson's bakery kasama ko sila Raymond, Zander, Erwin, Edwin, Bryan at ilan pa, habang sila Raffy ay na sa kabila na. Maganda ang hatiian doon, sa isang daan tinapay na mapapaubos mo ay meron ka ng 23 pesos, samantalang nanatiling bente pesos pa din sa isang daan tinapay sa Benson. Mabait din ang mga tao sa Jay-r's bakery kaya maraming mga bata ang lumipat 'don.

Namayagpag ng maraming taon ang Benson's Bakery. Halos sa buong lugar na iyon at ilang dikit-dikit na mga subdivision 'don ay halos nakakarating ang mga tinapay nila, o nasusuplayan nila sa pamamagitan namin mga kabataan. Nagdedeliver din noon sila ng mga tinapay sa mga ilang tindahan ng mga subdivison doon. At ang iba ay sinasadya pa ang kanilang panaderia lalo na kung umaga at hapon. Kalakasan noon ng panaderia at napakaraming mga bata ang nagtitinda noon sa kanila.Maraming pera ang pumapasok noon sa kanila sa pagtitinapay. Ngunit ang lahat ay nagbabago, at ang lahat ay may hangganan.

Dumating ang araw na nagkaroon sila ng kakompitensya, doon nabago ang dating gawi. Hindi ko na din matandaan kung bakit kami lumipat noon sa Jay-r's Bakery. Ang pagkakatanda ko lang ay nagkaroon ng problema sa Benson's Bakery noong madaling araw na magtitinda kami ng pandesal. Mag-uumaga na noon wala pa rin kaming nakukuhang mga pandesal para itinda kaya, nagdesisyon ako noon na lumipat kami sa kabilang bakery.Sinabihan ko ang mga kasama ko na 'don tayo pumunta sa Jay-r, tiyak makakakuha tayo doon ng mga panindang tinapay.

Nang kami'y dumating sa Jay-r, nakakuha nga kaming lahat ng panindang pandesal. At doon nag-umpisa ang lahat ng aming paglipat. Nagderederetso na kami noon 'don! Halos araw-araw at kada maghahapon ay nandon kami para magtinda ng pandesal. At sa hapon naman ay mga tinapay gaya ng pan de coco, spanish bread, putok, doughnut, kalihim. Lumipat na rin noon si Nestor doon.

Nagbago noon ang ihip ng hangin, biglang bumulusok pataas ang Jay-r's Bakery. Parang sila noong mga instant celebrity. Ang kanilang mga tinapay ay kung saan-saan nakakarating, marami din noon silang mga deliver habang ang Benson naman ay unti-unting humihina.

Dumating ang araw ng pasukan, kumunti na noon ang mga batang nagtitinda ng mga tinapay. Muli akong pumasok noon sa eskwela ngunit panghapon ako kaya, sa madaling araw ay nakakapagtinda pa ako ng tinapay para may pambaon sa eskwela. Ang sidecar noon na bisekleta sa bakery ay ipinahiram sa'kin. Matagal kung ginamit 'yon at naging maalwan sa'kin ang paglalako ng tinapay. Marami na din na ako nu'ng kinukuhang tinapay dahil marami na din akong suki.At kaunti nalang ang mga batang nagtitinda noon kaya nabawasan ang mga kakompitensya din.

Minsan si Nestor ang gumagamit ng bike at ilang kabataan. Nahihiram din namin iyon kila kuya kahit hindi gagamitin sa pagtitinda. Minsan nakakagala kami gamit ang side car nila at ibabalik nalang namin kapag nagsawa na kami. Minsan naman kasama namin ang kanilang panadero, namamasyal at tumatambay kami sa park ng Tierra Vista Subdivision.

May nereto kami noon ni Nestor sa kanilang panadero, limot ko na ang pangalan ni kuya. Ang babae ay taga sa'min na kaedaran n'ya din. Naging magkaibigan sila noon o naging mag-ka-ibigan ng tumagal. Ang kanilang meeting place ay sa park, at si Nestor noon ang naging daan para sila magkakilala. Natatandaan kong lumapit dati sa'min si kuya at nagpapahanap ng magiging nobya.

Sa tuwing magkikita sila ng babae ay lagi kaming kasamang dalawa kaya, libre na din noon ang aming meryenda kay kuya. Ilan din ang kanilang mga panadero noon maging si kuya Mulo din ay gumagawa ng tinapay. At si ate Tina naman ang namemera o humahawak ng kanilang pera. Nagkaroon sila ng anak noong si Jay-r kaya doon nila pinangalan ang bakery.

Patuloy silang namayagpag ng ilang taon hanggang dumating din ang oras ng kanilang paghina. May bagong sumibol noon na bakery sa may Marikina Village na "Three Angels Bakery" na halos kalapit lang din ng Benson's Bakery. At doon sa bagong bukas muling lumipat ang mga kabataan, ngunit nanatili pa rin ako sa Jay-r.

Sa paglipas ng taon, taong hindi na ako nagtitinda ay nagkaroon din ng kakompitensya ang Jay-r's Bakery na kapitbahay lang din nila. At muli ang mga kabataang sila Zander na taga sa'min ay muling lumipat doon na lalong kinahina ng Jay-r's Bakery.

Namamayagpag din noon ang videohan ni manang Inday. Naging sentro 'yon ng "Entertainment Industry" noon. Sobrang daming mga kabataan sa iba't-ibang mga lugar ang dumadayo noon sa kanilang videohan araw man o gabi. Napupuno talaga 'yon at maraming mga player, ang iba pa nga ay waiting o naghihintay na matapos ang isa para pumalit. Marami din noong mga meron sa loob ng kanilang videohan. Dati nga kapag punong-puno na ito at siksikan na sa loob, nagpapalabas na sila ng mga meron na hindi naman naglalaro. Nadagdagan pa noon ang kanilang mga videohan,naging in demand 'yon noong 90's.Bukod pa 'don, andon din ang mga sugalan sa labas ng videohan. Ang mga kabataang maging mga taga roon na may mga edad sa'min ay nakikisawsaw din sa pagka-cara y cruz ng mga kabataang katulad namin. 🎮🎰🕹🕹🕹

Sa harap ng bahay nila manang Inday sa kanilang kapitbahay na may gate sa harapan na sementado, doon ang umpukan ng sugalan. Naging legal noon ang sugalan doon maging sila manang Inday ay walang nagawa para pigilan iyon. Meron din mga nagdidigit noon 'don (isang uri din ng sugal) kung ayaw na ng cara y crus. Doon din natuto ang ilang kabataan noon na manigarilyo kaya total entertainment talaga. At kapag talunan ka na sa sugal ay kaawa-awang sisiw ka. Malamang uuwi kang luhaan habang kumukulo ang tiyan sa kagutuman.

Mabait noon si manang Inday sa'min. Walang problema sa kanya! Ang kanyang asawa naman ay may kaistriktuhan pero minsan wala 'yon pakealam sa'min dahil naging busy sa kanyang mga alagang manok at paghahalaman. Minsan nagkakapera kami kay manang Inday kapag may inuutos s'ya sa'min.

Si Marlon, ang kanilang anak na lalaki din minsan ang nagbabantay sa kanilang videohan. Naging kuya-kuyahan din s'ya noon 'don at naging kilabot din.

Meron pa at meron pa! May pulan o pool din noon malapit kila manang Inday. Naging tambayan din dati namin iyon para mag pool at magsugal din, meron din noong play station sa loob ng pool'an, kaya kompletong kompleto noon doon sa Kaolin St. Twin River Subdivision. Andon ang Bakery, Videohan, Pool'an at sugalan. Bukod 'don, meron pa! Andon din ang jeep ng kuya ni Robert na nakaparada sa gabi. Naging tulugan namin iyon o naging mga borders kami sa jeep tuwing sasapit ang gabi. Walang problema din sa kuya ni Robert noon, pinapatulog n'ya kami sa kanyang jeep noon.

Masayang masaya kami noon, doon sa lugar na 'yon. Naging hustler din noon ako sa paglalaro ng mga arcade games kila manang Inday gaya ng Sonic Wings, Strikers 1945, Strikers 1945 2, Street Fighter, Marvel, Cadillac and Dinosaur, Midnight Wonders, King of Fighters at marami pang iba. Maging mga kababata ko din ay mga naging hustler din. Si Nestor noon naging hustler sa Bomber man. Si Jerry boy ay naging mabalasik din sa mga video games.

Sa tuwing pupunta doon ang may-ari ng videohan para kumuha ng mga baryang naipon. At para na din umayos ng ilang botton at joystick na nasira dahil sa labis na gigil ng mga player. At para magpalit na din ng bala ng arcade games. Halos mapuno ang kanyang bag sa mga barya, sobrang dami talagang mga barya ang naiipon sa loob ng mga videohan.

Enjoy yourself! Nakakadik kumbaga ang mga arcade games noon. And'yan na ang mga challenge game o two player na maglalaban. Pumili ka na ng pambato mong character at marami ang pipila sa'yo para pumalit o kalabanin ka, "Here comes a new challenger!" And'yan na din ang mga dayaan, mga technique na pandaya. And'yan na ang bulyawan, asaran, gupangan at sigawan. Talagang nakakaexcite at nakakapanggigil din kapag ikaw ay natalo. Dumarating din minsan ang pikunan sa mga dayaan kaya minsan, asahan mo na din ang suntukan at iyakan ng mga kabataan.

May mga games din noon na tulungan. Kapag two players kayo mas maganda 'yon para hindi kayo mahirapan at madali n'yong matatapos ang laro, 'yun nga lang kukunsumo ng maraming barya at papalit. Titigil ka lang noon kapag wala ka ng perang panglaro at maging isang meron na lang.Doon mo na din maiisipang umuwi na! 😎... Iyon din ang naging tumpukan ng mga cutting classes na katulad ko.

Namayagpag din ng maraming taon ang kanilang videohan. Maraming pera din ang kinita nila sa ganong negosyo. Ngunit lahat man din ay may hangganan at muli sa paggulong ng panahon dumating ang katamlayan ng kanilang videohan.

Nagkaroon din sila noon ng kakompitensya! Halos kasabayan lang din ng Three Angels Bakery o nauna pa nga sa bakery na 'yon, ang isa pang "Arcade games" di kalayuan din sa Three Angels 'don lang din sa Marikina Village. Bumaling noon ang atensyon ng mga kabataan sa bagong bukas na videohan. Maraming mga arcade games ang nakahilera sa loob ng bahay na 'yon, mas marami pa kila manang Inday kaya, ang mga kabataan ay doon naman nanahan. At isa na ako sa mga kabataang iyon, lalo na't may kalapitan pa sa'ming lugar.

Maraming mga kabataang mga player nila manang Inday ang lumipat doon. May mga sugal din sa loob ng videohan na, digit minsan ng mga kabataan gaya namin. At minsan nama'y cara y cruz din sa labas ng videohan. Umalagwa din iyon sa mga nauna nilang taon,naging busy din 'yon araw man o gabi. Naging hustler noon si Omar o Puding sa Marvel at Marvel vs X-men. Si Joel naman sa maraming laro din gaya ng King of Fighters, Midnight Wonders, Vampire Savior at iba pa.

Nahati noon ang mga player nila manang Inday kaya humina noon ang kanilang videohan.Kami man din ay hindi na kalimit ng dati kung magpunta sa kanila.

Meron din noon pool'an malapit din doon, at malapit lang din sa bahay nila Gary at Patrick na naging kakalase ko 'nung grade six. Malimit din noon ang pagtambay namin sa pool'an na iyon, kasama ko sila Nestor, Raffy at Nunoy/Edgar. Naging harang kami noon nila Nunoy doon kaya malimit din kaming manalo sa paglalaro ng pool na pustahan ng pera.Kapag kami'y nananalo at ayawan na, dederetso na kami sa videohan. May sari-sari store doon at 'don kami magmemeryenda bago pumasok sa videohan.

May isa pa noong sumibol na arcade games sa kantuhan ng Twin River Subd. at Marikina Village, mga taong 2000-2001. Malapit 'yon kila manang Inday, walking distance lang at nasa unahan pa nila. Muli sa bagong arcade games ang mga kabataan ay naengganyo at nahumaling na naman. Doon din kami ay nagsipagtambay at naglaro sa mga bagong arcade games. Namaster ko doon ang Metal Slug 2 at naging Hustler sa laro na 'yon.

Nagkaroon din noon ng bagong arcade games o video games sa Anastacia Village sa parteng phase 3, mga taong 2002 or 2003. Napakalapit niyon sa'min. Ang mga kabataan sa'min maging mga mas bata sa'min ay halos araw-araw din nandoon. Nahumaling ang mga mas bata sa'min o mga papasibol pa lang noon na maglaro doon at magenjoy. Ang mga naging ibang games doon ay nalaro ko na kila manang Inday, sa Marikina Village at sa Kantuhan ng Marikina Village at Twin River.

Maraming naging volume ng King of Fighters,and'yan na ang KOF '92, '93, '94, '95, '97, '98, 2000, 2001 and so on. Ang Steet Fighter ay marami din edition, Street Fighter 1, 2, 3, 4 and so on. Maging ang Metal Slug din, magmula sa una hanggang sa ilang volume din. Meron din ang Marvel vs Capcom.

Maraming nalaro kami noon na mga iba't-ibang klaseng video games, and'yan na ang Tekken, Samurai Showdown, Tenggai, Mortal Combat, Mga karera ng kotse, Meron pa noon na babaeng unti-unting nahuhubaran sa pamamagitan ng baraha at puzzle, Captain Commando, NBA Jam, X-men, mga iba't-ibang fighter jet at napakarami pang iba.

Ang aking kababatang si Nino o Boneng ay naging kilabot noon sa mga videohan. May kakaibang katangian o skills si Boneng. At ang lakas ng loob n'ya ay hindi matutumbasan ng mga kabataan noon. Naging matindi s'ya noon o alamat! Ang mga videohan doon ay 'di n'ya pinalampas.

Matindi 'yon si Boneng kung maningting sa mga arcade games. Minsan nga napapaabot n'ya ng maraming credits ang bawat unit ng videohan, tapos lilipat lang s'ya sa kabilang games o upunan, titingtingin at iyon may credits na muli. Nakakalibre kami ng mga laro kapag nandon s'ya dahil sa kanyang walang takot na abilidad.

Halos lahat ng videohan doon ay kanya ng natingting!At masaya 'yon kapag nandon ka. Makakalibre ka ng maraming paulit-ulit na pag-START at paglalaro, kumbaga one to sawa kami.

Naging matunog ang pangalan n'ya sa mga may-ari ng bawat videohan doon. At dumating sa punto na naging banned o na ban s'ya sa mga ilang videohan. Kapag nakikita s'ya ng may-ari ay 'di na s'ya pinapapasok. Hehehe! he! he! Nagkaroon sila noon ng "Phobia" kay Boneng! Naging matalas din ang mga mata ng bawat bantay sa videohan kapag si Boneng ay nandoon. May mga pagkakataong pinapaalis s'ya ng asawa ni manang Inday at anak nilang si Marlon, maging sa Marikina Village na videohan ay na ban s'ya din. Minsan ay nahuhuli s'yang nanininting kaya takbo agad sa labas si Boneng habang galit na galit ang nagbabantay sa paghabol palabas.

Dati, napasama kami ni Nestor kay Boneng na maningting sa isang videohan. Sinama n'ya kami bilang mga look-out n'ya. Natatawa talaga ako sa pangyayaring iyon. Nu'ng oras na naniningting s'ya, gumana naman at nakapaglaro pa kami sa ilang credits. Sakto naman at walang bantay noon at walang ka player-player ng gabing iyon. Hindi pa nakontento si Boneng at kanyang baklasin ang fly wood nito sa likod. Talagang binuksan n'ya ang likod at pilit kumuha ng mga barya sa box. Nagtawanan kami noon ni Nestor habang pinapanuod s'ya ng s'yay makuryente sa pagpasok ng kanyang kamay sa loob ng videohan. Ha! Ha! Ha!.. Takbuhan kami noon ng lumagapak ang fly wood dahil sa pagkakakuryente n'ya. May nakuha naman s'yang mga barya noon.😜