Chapter 43 - SALAMAT PO KAY MAM!!!

*AT LAST PUMASA DIN*

Dumating ang huling buwan ng pasukan, doon din may trabaho na si papang muli. Sa kutob ko at pagkakaalam, hindi ako makakapasa bilang second year. Nagpabaya kasi ako noon ng sobra-sobra sa pag-aaral. Sa hindi maipaliwanag na pagkakataon, ng kunin na namin ni mama ang aking card, naging promoted ako bilang second year o naipasa ko ang pagiging first year. Masayang masaya ako noon maging si mama. Ang naging problema ko lang noon ay bagsak pa din ako sa Science, kaya dapat ko pa din itong balikan sa susunod na pasukan.

Sa dalawang subject na nga lang ang pinasukan ko, tanging sa Math lang ako pumasa, ngunit alam ko sa sarili ko na bagsak din ako dito, dahil kita ko sa card ko na bagsak ako ng 2nd grading at 3rd grading dito.

Doon pumasok sa isipan ko noong mga huling buwan ng pasukan. Nakita ko ang aming adviser na si Ms. de la Cruz habang kausap ang teacher ko sa Math (limot ko na ang pangalan ni sir) sa loob ng aming klase. Ang naging tawag namin kay sir noon ay Jackie Chan. (hawig n'ya kasi si Jackie Chan) Nag-uusap sila mam at sir noon, alam kong ako ang pinag-uusapan nilang dalawa, dahil si mam noon ay patingin-tingin sa'kin habang sila'y nag-uusap, maging si sir man ay tumitingin din sa'kin. Marahil naawa noon sa'kin si mam kaya nilakad n'ya ako kay sir para ako ipasa nito. Hindi ko noon deserving ang pumasa kasi naman talagang nagpabayang muli ako. Kaya isang malaking milagro ang naganap noong makapasa ako ng first year.

Utang ko talaga ang lahat-lahat kay mam! Kung hindi dahil sa kanya, malamang hindi na ako nagpatuloy noon sa pag-aaral, at hindi rin sana ako nakapagtapos ng high school noon. Iyon din ang isa sa hindi ko din makakalimutan sa high school. Hindi man ako nakapagpasalamat ng personal kay mam, tatanawin ko iyong malaking utang na loob sa kanya. "Si Ms. de la Cruz ang aking naging "ANGHEL!".

Araw noon ng bakasyon ng maisama ko sa bahay si Jovel at Nicolo. Itinago ko noon sila at pinag-antay sa labas ng bahay. Nabungadan ko noon si papa sa loob ng bahay at nasulyapan n'ya ang mga kasama ko na nasa labas. Wika n'ya sa'kin, bakit hindi mo papasukin ang iyong mga kasama at pakainin muna. Humanga ako noon kay papa sa kanyang ginawa!.. Inisip ko kasi na baka magalit s'ya kaya hindi ko na pinapasok sa bahay ang mga kabarkada ko. Pinakain sila noon ni papa ng panghalian, at si mama naman ang naghain sa'min. Sama-sama kaming kumain tatlo, at pagtapos 'non ay naligo na ako at lumarga na kami. Pinabaunan ako noon ni papa ng isang daan piso, tuwang-tuwang ako noon. Kaya sa tuwing isasama ko sila minsan sa bahay, kasama na din doon ang pagkain namin sa bahay. Lagi kami noon halos araw-araw na magkakasama sa pagbubulakbol, hanggang sa dumating ang araw ng muling pasukan.

Noong nagsecond year na ako, dumating na lang sa puntong sipagin na ako sa pag-aaral, at doon ay nag-ayos na ako sa pagpasok. Tumigil na rin noon ako sa pagtitinda ng pandesal kumbaga "nag-graduate na ako." At pinaubaya ko na lang sa mga sumunod na kabataan sa'min. Maliban na lang kay Nestor na nagpatuloy pa din sa pagtitinda ng pandesal. Hindi na rin s'ya noon nagpatuloy sa pag-aaral.

Naging paborito ko noon ang subject na Biology sa Science at naging mataas ang grades ko dito. Hindi ko na din matandaan ang pangalan ni mam na teacher namin sa Biology. Maganda magturo si mam at hilig ko din talaga noon ang history ng mga sinaunang hayop at mga living things na paksa sa Biology. Napag-aralan din namin noon ang "Theory of Natural Selection" ni Charles Darwin na s'yang naging pangunahing "Father of Biology". Binalikan ko din ang bagsak ko noong Science kay Ms. Lianza kaya naging maaga noon ang pasok ko sa panghapong oras namin ng pasok.

Naging paborito ko rin dati ang history o ang Araling Panlipunan. Naging mabalasik ako 'don dahil gustong-gusto ko ang kasaysayan at pinagmulan ng mga sumikat na tao sa kasaysayan. At mga kaganapan noon sa kasaysayan ng mundo. Maging noong elementary pa ako ay may nalalaman na ako sa kasaysayan.

Sa huli ang pinagtapusan ay nagspecial project na lang ako kay Ms. Lianza para makapasa, dahil na din sa dami kong absences sa kanya. Pumayag naman noon si mam sa'kin ng sinabi kong mag-e-special project na lang po ako sa inyo mam.

Hindi ko na din matandaan ngayon ang pangalan ng adviser namin nu'ng second year ako. P.E subject namin si mam na dalaga pa noon, ang aming naging adviser. Naging magclassmate kami dito ni Lagahan o Enteng Razcal. Naging kaklase ko din noon si Ariel Incognito na naging kaeskwela ko noong elementary, maging ng ibang taga Marikina Village.

Nagkacrush din ako noon sa kaklase ko nu'ng second year kami. Dumating ang pagkakataon na gusto ko s'yang laging makita. At halos araw-araw din akong pumapasok para lang makita s'ya. Nakakausap ko din naman s'ya noon, ngunit hindi ko lang talaga masabi sa kanya na may gusto ako sa kanya. Hindi ko din s'ya nagawang ligawan noon.

'Yung mga barkada ko na halos isang taon ko din nakasama ay minsan ko na lang puntahan sa aming tambayan. Sa unang pagkakataon naging first goal ko ang pag-aaral, kaya parang natural na nawala ang pagiging bulakbol ko noon at bumarkada. Simula pasukan hanggang sa huling yugto ng fourth quarter ay naging konti lang ang mga absenses ko. At maganda na din ang mga naging grades ko,hindi na puro palakol. Hindi na din noon ako nagkacutting classes.

Umusog na muli ang taon at naging third year high school na ako. Naging last section kami noon 'nung third year ako, doon naging kaklase ko si Dennis Roldan na naging kaklase ko noong elementary. Maging s'ya ay nagkaproblema din noon sa pagpasok kagaya ni Ariel na mga naging kaklase ko sa St. Mary. Si Dennis na dating taga Marikina Village ay lumipat na ng bahay at sa ibang parte na ng Marikina sila nakatira, maging si Ariel din.

Hindi nagtagal noon ang aming section ng ito'y madesolve. Bumilang lang yata ito ng isang buwan, si Dennis naman ay nagpatransfer na sa ibang eskwelahan. Hinati-hati kami noon, si Nomer ang nakasama ko ng ilipat kami sa ibang section. Doon nanibago ako dahil panibagong pakikisama na naman. At kapwa kaming lahat ay nakadama ng kalungkutan ng mawala ang aming section.

Naging classmate ko 'non muli ang naging crush ko nu'ng second year. Medyo gumaan ang pakiramdam ko noon dahil parang pinaglalapit kami ng tadhana. Naging classmate ko din doon ang kapatid ni Natalie na kaklase ko din noon sa elementary. May mga pagkakataong pumapasyal pa din ako kay Dexter na naging barkada ko noong kasagsagan ng pagbubulakbol namin. Minsan pumupunta ako sa kanya sa kanilang dating bahay sa Tierra Vista para s'ya ay gupitan at tumambay na din ng ilang oras. Minsan, kapag papasyal ako sa kanya,nadadatnan ko din ang dating mga tropa na nasa kanya din at tumatambay. Si Dexter noon, hindi na n'ya natapos ang high school maging si Jovel man. Iyon din ang mga panahon na naging magulo ang isip ko! Parang gustong-gusto ko na noon tumanda na agad. Lagi ako noong nag-iisip at nangangarap. At naging madalas din noon ang pag-atake ng insomia ko.

Medyo maayos na din na noon akong maggupit ng buhok. Karamihan sa mga kapitbahay namin at mga kabataan ay sa'kin lagi nagpapagupit. Mano-mano lang noon ang paggugupit ko, tanging gunting lang, suklay at blade ang gamit ko, meron din noon akong balabal at pamagpag. Kumikita ako noon sa mga batang nagpapagupit sa'kin, bente-bente lang ang singil ko kada ulo sa kanila noon. Sa dinami-dami ng mga bata sa'ming lugar lagi akong may mga gupit noon kaya madali akong nagkakapera kahit pabente-bente lang. Maging ang mga ibang tatay din ay sa'kin na din nagpapagupit. Walang problema noon ang pambaon ko, madalas hindi na ako humihingi ng pera kay mama. At meron din akong pera para sa pagbibilyar.

Nagkaroon ng bilyaran dati sa'min na ang nagmamay-ari ay si kuya Jerry na aking kapitbahay. Minsan nag-i-spotter ako sa kanilang bilyaran at kumikita din ako sa pag-i-spotter. Ang mga kabataan noon at mga maging taga sa'min na mga kalalakihan ay naging laman ng bilyarang iyon. May pagkakataon ding inaabot ako ng magdamag sa bilyaran, minsan pa nga inabot kami dati ng madaling araw sa pagbibilyar. Nasaha din noon ako sa pagbibilyar at nagkaroon din ng magandang tira o pulso dito. Naging tambayan ko noon ang bilyaran at talagang naadik ako dati dito. May naging linyang pabiro noon sa'min na, kung gusto mong gumaling sa pagbibilyar... "Sa bilyaran ka mismo matulog!"

Dumating din sa puntong hindi na ako mabarkada noon. Malimit akong nag-iisa at mas ginusto ko ang ganong gawi ng buhay. Uuwi akong mag-isa galing eskwela, maglalakad mag-isa kapag uwian na. May punto rin noon na hindi na ako masyadong naglalabas ng bahay. At ang mga drawing ko noon ang naging signature name ko ay "Desperado". Sobrang dalang na din akong pumunta noon kay Dexter. At naging magulo at kontente ako noon sa ganong sitwasyon ng kabataan.

Ang dati kong crush na naging kaklase ko ulit ay nakakasabay ko minsan sa uwian. Laking saya ko noon ng marinig sa kanya na, "magsabay naman tayo sa paglabas." Wala daw s'yang kasabay sa pag-uwi. Mas malayo ang bahay ko sa kanya kaya kapag kami ay uuwi, doon kami nagdadaan sa kanyang ruta na medyo may kalayuan sa ruta ko.

Noong magsabay kami dati, natanong n'ya sa'kin na...

"Kung bakit wala pa daw akong girlfriend?"

Tanging nasagot ko lang noon sa kanya na...

"Saka na ako maggegirlfriend."

Hindi ko lang masabi sa kanya noon na...

"May lihim na pagmamahal ako sa'yo!"... At GUSTO kita!

Wala pa noon akong lakas ng loob na masabi sa kanya ng harapan ang nararamdaman ko. At parang kaibigan lang din talaga ang turing n'ya sa'kin.

Bago pa man ipalabas sa sinehan ang pelikulang "Bakit hindi ka crush ng crush mo?" ay matagal ko na itong naranasan. Tinanong ko din s'ya noon ng pabalik.

Eh, ikaw?

Bigkas n'ya... Saka na lang din ako magboboyfriend.

Nakakaramdam ako ng kakaibang saya kapag nakakasabay ko s'ya sa uwian. Sa gabing may kahabaan ang aming paglalakad, napapahaba din ang aming usapan. Natigil na lang ang pagsabay ko sa kanya ng mabalitaan kong naging boyfriend n'ya na lang ang isa sa mga kaklase namin. Nakaramdam ako noon ng pagkalungkot at selos, sa tuwing makikita ko silang magkasama. Minsan madadaanan ko pa sila sa daan, sa paghahatid sa kanya sa kanilang bahay.

Gumaan lang ang loob ko 'non ng maghiwalay din sila o break-up. Ngunit umiwas na lang din ako sa kanya noon. Ramdam n'ya din naman iyon na may gusto ako sa kanya pero parang patay malisya lang s'ya noon. Nang matapos ang taon at pasukan, hinayaan ko na lang s'ya.

Maidagdag ko lng din. Ang naging teacher ko pa din sa Science noon ay si Ms. Lianza sa ikatatlong pagkakataon bilang Chemistry subject na. Nakapasa naman ako sa kanya sa pangongopya sa mga kaklase ko. Aminado ako na mahina ako pagdating sa mahahabang computation sa Chemistry at Physics.' Yon talaga ang kahinanan ko ang pagapply ng Math sa Chemistry at Physics. Nakilala ko din noon sa Chemistry subject si Ruel Casamayor. Marahil naging back subject n'ya din noon ang chemistry kaya pinapasukan n'ya ito kay Ms. Lianza.

Halos hindi din ako pumapasok noon ng first grading hanggang second grading sa P.E subject namin na once a week lang at hiwalay ang araw ng pasok. Noong pumasok ako ng third grading hanggang fourth grading, nabigla ang teacher namin noon sa'kin ng ako'y unang pumasok sa kanya.

Sino ka?... Wika niya sa akin.

Anung ginagawa mo dito?

Hindi kita kilala!

Kilala n'yo ba ito?... Tanong n'ya sa mga kaklase ko.

Nanliit ako noon sa sinabi sa'kin ni mam. Hindi ako nakaimik at napahiya sa lahat. Nakapasa din naman ako 'non kay mam dahil sinipagan ko na din ng pasok sa kanya. Pinakita ko noon sa kanya na karapat dapat akong pumasa. Nakikipagparticipate ako sa kanyang klase at never na din noon akong umabsent sa tuwing P.E subject namin. Nakilala na din noon ako ni mam at itinuring na kanya ng bagong estudyante. Huli man din at magaling naihahabol din.

Naging kabatak ko noon sila Ian Morcoso, Jay-pee, Samonte, Nomer, Reynan, Aldrein at ilang pang mga classmate namin. Si Mr. Villafria na teacher sa Math ang aming noong naging adviser. Naging mabait sa'min noon si Sir Villafria, naging concern din s'ya noon sa bawat isa sa amin. At halos lahat kami noon ay nakapasa ng third year, mapwera na lang sa nagdrop-out naming kaklase.