Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 40 - ANG KWENTO SA BAHAY NI LOLA! [Part 2]

Chapter 40 - ANG KWENTO SA BAHAY NI LOLA! [Part 2]

Kapag kami ay pumupunta kila lola madalas n'ya kaming inaabisuhan na 'wag galawin ang nakatagong samurai o katana. Katabi din nito ang antigong riple na kalawangin na. Huling punta ko doon, nakita ko na lang ang mahabang baril ay naputol na. (malamang pinanghampas 'yon ni Bambino) Hindi ko din alam kung gaano na iyon katagal, pero sa itsura niyon ay mas mukhang matanda pa sa'king mga magulang.

Ang samurai naman ay regalo o ibinigay ng kaibigang sundalong hapon ng kanyang asawa. Sinabi sa'min noon ni lola na marami na daw itong naputulan ng ulo kaya't, 'wag daw namin itong gagalawin, dahil mahiwaga daw ito. Kapag may humahawak daw dito ay sinasaniban ng espiritu, "delikado daw ang samurai". Hindi ko lang alam kung tunay ang sinasabi ni lola, baka sinasabi n'ya lang 'yon para 'wag naming galawin at matakot dito. Pero ang mga lolo't lola ay nagsasabi ng totoo sa'king pagkakaalam.

Palibasa'y mga kabataan kami, andon lagi ang curiosity o kuryusidad sa isipan mo. Sinubukan ko itong galawin ng madalas! Luma na ang kahoy nitong hawakan maging ang kahoy nitong pinaglalagyan ay luma na din. Nabalutan na lang 'yon ng parang electrical tape o anu man. May kahabaan at kabigatan ito at ang blade nito ay nangingintab at matalas. Kapag kinukuha ko ito, itinataga ko ito sa hangin at iniimagine ang palabas noong "Samurai X". Tumatapat din ako sa salamin habang hawak ito. Maganda ang samurai na iyon! Hindi ko lang ito hinahawakan ng matagal dahil kinikilabutan ako dito kapag tumatagal na ito sa mga kamay ko. Palagi ko 'yon ginagalaw kapag nandon ako kila lola ngunit binababa din agad dahil natatakot din ako sa sinabi ni lola sa'min.

Isang araw, marami kaming kabataan ang pumunta kila lola, kasama din namin ang ilang mga taga Marikina Village na sila Nikolo. Si Teteng na taga sa'min nandon din. Sa labas ng pinto nila lola sa may terrace kami'y nagumpukan, andon din noon si Bambino. Hindi ko alam kung anung pumasok sa isipan ni Teteng at kanyang pagtripan si Bambino. Inasar-asar n'ya si Bambino at sobrang naasar ito sa kanya. Sa galit nito,pumasok s'ya sa loob ng bahay at paglabas n'ya ay bitbit na n'ya ang samurai. Nagulat kami noon, kitang-kita ko ang mga mata ni Bambino ay nanlilisik at ang kanyang katawan ay nanginginig sa galit. Dali-dali n'yang tinaga si Teteng, dahil sa kaligsihan ni Teteng at bilis nitong gumalaw masuwerteng hindi s'ya nito naabot. Ang samurai naman ay naitaga sa semento,sa pader at kung saan-saan pa, dahil sa pag-iwas ni Teteng sa kanya. Tapos mabilis s'yang nakalabas ng gate at tumakbo. Si Bambino naman ay nagsisisigaw na pumasok sa loob ng bahay at nagsumbong kay lola.Kapag ginagalaw ko ang mahiwagang samurai, nakita ko na lang ang kawawang sinapit nito.Ang dami na nitong mga bungi at 'di na rin kaaya-ayang tingnan.

Kung tutuusin, mabait naman si Bambino at madali naman s'yang pakisamahan. Huwag mo lang itong aasarin at lolokohin, tiyak may paglalagyan ka sa kanya. Madalas din s'yang nasa kwarto n'ya lang kaya kapag nandon kami, halos wala itong pakialam sa'min.

Sa tingin ko lang ay nasa 25 to 30's na ang kanyang edad noon. Madalas namin s'yang purihin ni Nestor, naaaliw kasi kami sa kanya. Minsan,sinasama n'ya kami sa kanyang kwarto para manuod ng bhs tape, mga ilang movie at concert ni Madonna. Idol ni Bambino si Madonna at Sharon Cuneta, kaya malimit namin s'yang tawaging "Mega" noon.

Si Bambino bilang pisikal na katauhan ay malaking tao o malaking beki. May katabaan at napakaputi nito. Hindi ko din makakalimutan ang kanyang bilugan at may kalakihang mata.

Malimit din s'yang magpabili sa'min ng pagkain sa tindahan at kapalit nito ay amin na ang sukli.

Noong araw na nandon pa ako kila lola, noong panahon na naglayas ako, sa kwarto nilang mag-asawa, habang hinahanap namin ni lola ang supot ng mga barya para ipambili ng makakain. Kinuha ko ang ilan nilang family picture at maingat itong tiningnan habang nakaupo sa kama.

Maganda pa ang ayos ng kwarto na iyon at ang daming mga gamit sa loob. Malimit itong nakasarado at bihirang puntahan. Tiningnan ko ang kanilang picture, habang si lola ay tumitingin sa ilang bagay. Doon nakita ko ang mga litrato!

Ang bago at napakaganda nila noong bahay. Ang mga sasakyan nila noong matitikas pa, na ngayon ay nakatambak na lang. Ang kanyang mga anak na maliliit pa noon. Nakita ko din ang kanilang hall na punong-puno pa ng buhay dahil sa mga okasyong ginagawa dito, mga birthday's party ng kanilang mga anak, na ngayon ay tambakan na lang. Ang kanilang harden na maganda dahil sa iba't-ibang mga bulaklak at halaman, na ngayon ay tambakan na lang din ng mga basura at puro mga damo na ang tumubo.

Ang kanilang bahay na "Home Sweet Home", na ngayon ay tumahimik na at tumanda kasabay ni lola. Ang kanyang asawa at si lola na hawak ang mumunting ilang anak nila sa litrato. At ang malaki at matatag na puno ng fine tree nila lola na dati'y papasibol pa lang at bata pa. Tansya ko lang may 30 to 40 years old na itong nabubuhay noon.

Masaya pa dati kila lola, punong-puno ng buhay at kagalakan ang pamilya nila. Habang tinitingnan ko ang mga litrato nila, nakita ko din ang litrato ng kanyang asawa na nasa ospital. May mga bakal ito sa dibdib at tiyan (maalin man sa dalawa), parang binuksan ang katawan nito ng mga doktor ng makita kong nakahiga sa kama habang nagpapagaling. Wika sa'kin ni lola na, "pinatay daw ng mga doktor ang kanyang asawa." Tansya ko lang din na nasa 50 plus na ang edad ng kanyang asawa sa litrato.

Nabanggit din sa'min ni lola na 'yung General Ordonez Street sa Marikina Heights ay ipinangalan daw ito sa kapatid ng kanyang asawa o kamag anak nito. Ikinuwento n'ya din ang naging buhay nila noong panahon ng hapon.

Naikwento din sa'min ni lola na sila palang daw dati ang nakatira sa Divina Gracia Subdivision. Wala pa daw dati ang aking eskwelahang St Mary Elementary School.Puro talahib at damuhan pa lang daw ang halos buong lugar at iba't-ibang parte ng Marikina.

Nabanggit din sa'min noon ni Bambino na umeekstra s'ya sa mga pelikula dati at meron din s'yang litrato kasama si Sharon Cuneta na nakita ko na. Naging kaibigan daw s'ya nito.

Nasabi din nila lola na tinulungan nilang makapasok si Fredmor sa pag-aartista, na dati daw nilang boy

Sa paglipas ng panahon, panahong matanda na si lola, nagkrus ang mga landas namin. Habang kami'y papasibol pa lang, samantalang s'ya ay nasa dapot hapon na kanyang buhay.

Bilang mga bata,tinanggap kami ni lola ng buong-buo na parang mga anak o mga apo n'ya na din. May pagkakataong nagagalit s'ya sa'min, pero kadalasan naman andon ang kalinga. Pinapakain kami, binibigyan ng pera, inaaruga at minsan napamahal din sa kanya bilang isang ina.

Nakita ko sa katauhan ni lola ang muling makita ang kanyang mga anak, arugain ito at mahalin gaya ng isang DAKILANG INA. Ibinaling n'ya sa'min ang panahon na hindi na n'ya kapiling ang kanyang mga anak. Siguro, nakita n'ya sa'min ang dating kasiglahan ng kanyang bahay kapag nandon kami." Ang dating panahon na buo pa ang kanilang pamilya."

Huling mapadaan ako sa bahay nila lola taong 2005. May trabaho na noon ako bilang isang barbero sa isang barber shop. Napansin kong bagong pintura na ang bahay nila lola at parang iba na ang nakatira dito.Mga taong 2006, nakita ko si Bambino sa bandang N.G.I. Ibang-iba na ang itsura nito! Ang laki ng pinayat nito at hapong-hapo ang kanyang pisngi. Ang kanyang maganda at maputing kutis noon ay naging parang tigang na. Hinding-hindi talaga ako magkakamali na s'ya 'yon,dahil hindi ko makakalimutan ang kanyang bilugan at malaking mga mata.

Nagchat ako kay pareng Nestor sa kasalukuyang taon para humingi ng ilang detalye tungkol kila lola Ordonez. Nabanggit n'ya sa'kin na nabalitaan n'ya na lang daw na, si Bambino ay narehab. At si lola naman daw ay kinuha na ng kanyang mga anak. Ang bahay daw nila lola ay tinirahan na ng isa sa mga anak n'ya, at wala na din daw s'ya ngayong balita kay lola.

Sa ngayon, naglalaro pa rin sa isipan ko kung anu ng nangyari kay lola. Kung nasan na ba s'ya ngayon at kung kapiling na ba n'ya ang May Kapal...??? Wala talaga akong kaide-ideya! Ang naiisip ko lang ang mga panahong nakasama n'ya kami sa kanilang bahay. At ang kanyang "maamong mukha" ay patuloy pa ring mananatili sa isipan ko.