*Natuto akong gumuhit at magpinta*
Mahal ko ang SINING! Isa ito sa mga naging paraan upang makilala ko ang sarili ko at bumuo sa pagkatao ko. Isa din ito sa tumulong sa'kin upang matakasan ang depresyon. Naging kanlungan ko ang sining sa iba't-ibang panahon ng pagkatao ko. Sa mga panahong hinahanap ko ang sarili ko, nasandalan ko ang sining. At ang sining lang din ang naging tanggulan ko upang takasan minsan ang mundo.
Siguro, isa sa mga naging impluwensya upang mapalapit ako sa sining ay ang aking Ama. Musmos palang ako kinukulit ko na s'yang idrawing ako ng mga isda, ibon, bahay kubo, kotse, tao. Gandang-ganda ako at manghang-mangha ako noon sa kanyang pagguguhit. Pilit ko itong gagayahin ng paulit-ulit, ngunit hindi ko pa ito makopya ng gaya sa gawa n'ya.
Edad apat na taon, 'yun ang mas una kong naaalala ang paguumpisa kong gumuhit. Kapag nakakakita ako ng mga chalk, crayons at maging piraso ng uling, ginagamit ko ang mga ito para gumuhit ng mga maibigan kong iguhit. Ang ding-ding ng aming bahay halos mapuno ko iyon ng mga iginuguhit ko. Andon na din ng pinintahan ko ng krus gamit ang pulang pintura ang aming pintuan.(Doon nagalit sa'kin ang aking Ama) Idrawing ko si Ultraman sa ding-ding ng aming kwarto at kung anu-ano pa. Kapag tumila ang ulan, lalabas ako ng bahay para gumuhit sa basang lupa.
Noong kamusmusan ko, tandang-tanda ko pa ng gumuhit ako sa tapat ng bahay ng taga sa amin.Iginuhit ko sa basang lupa sa loob ng bakuran nila ang dalawang bundok, ang araw, mga ibon, bahay kubo, tao at kalabaw. Nakita 'yon ni kuya Nilo at manghang-mangha s'ya sa'kin. Gawa mo 'yan? Wika n'ya sa'kin at 'di makapaniwalang may pagkamangha sa mata. Tinawag n'ya ang kanyang asawa na si ate Sara at ipinakita nito ang gawa ko sa kanyang asawa. Napupuno ang mga kamay ko ng uling sa paguhit sa bungo ng tao at buto sa pader ng aming kapitbahay. Kapag nakakakita ako ng papel sa bahay ginuguhitan ko iyon ng mga bagay-bagay gamit ang lapis at ballpen.
Sa edad pito, nag-umpisa akong mag-aral bilang grade one sa St. Mary Elementary School Brgy. Nangka, Marikina City. Doon naging adviser namin si Ms. Mercy Santos na ngayon ay Mrs. Catunggal na. At ang aming dating Principal na si Mr. Baybayon. Muli naming pinasyalan si Mrs. Catunggal taong 2004, kasama ang aking kababata na si Kimburt Begornia ng bumisita s'ya sa'ming lugar at doon nagpasko. Kilalang-kilala pa din kami ni mam noon. Malalaki na daw kami at 'di na mga bata. Tandang-tanda ko pa noon nu'ng grade one ako. Ang mga classmate ko ay nagpapadrawing sa'kin sa kanilang mga papel. Pila-pila sila noon, halos mabusog ako kapag recess, kapalit ng serbisyo ko binibigyan nila ako ng kanilang baon at barya. Napapagalitan ako ni Ms. Santos dati ng makita n'yang halos lahat ng notebook ko ay punong-puno ng mga drawing.
Nakilala din ako ng iba't-ibang mga sections bilang marunong magdrawing maging ng ibang mga teacher doon. Simula grade one hanggang grade six, malimit akong tawagin ng mga naging teacher ko upang gumuhit sa pisara o green board. Mabibilang ko lang din sa kamay ko ang mga nabiyayaan sa pagguhit sa mga naging ka batch ko noong elementary days namin at proud ako na isa ako sa mga iyon.
Elementary days ko nakilala ko sila Fernando Amorsolo at Juan Luna. Doon ko din unang nakita ang "Persistent of Memory" ni Salvador Dali sa isang libro ng ARTS taong 1995. Nariyan na din ang mga nagpapatatoo kong mga kaklase gamit ang ballpen.
Sa paglipas ng panahon,iniwan ko ang pinakamamahal kong St. Mary. Nag-aral ako ng High School sa P.H.S o Parang High Shool. Naging komplikado ang pag-aaral ko dito, inabot ako ng anim na taon sa high school imbes na apat na taon lang.
Sa high school, hindi ako nakilala bilang marunong gumuhit. Naging tahimik ang mga kamay ko sa mga naunang taon ko. Noong fourt year lang ako lubusang nakilala ng mga kaklse ko sa pagdodrawing ng makita nila ang mga collection ko na mga portrait at mga pictorial ng mga paborito kong mga "Rock Band". Mga cover album nila na iginiguhit ko gamit lamang ang black ballpen sa bond paper. Manghang-mangha sila noon sa mga gawa ko.
During my high school days marami rin akong naiguhit o naidrawing na mga naging collections ko,lalo na kapag bakasyon, ito ang naging palipas oras ko.
Bumili ako ng isang notebook, doon pinuno ko 'yon ng mga iba't-ibang karakter sa Dragon Ball at Dragon Ball Z noong elementary ako. Noong high school, isang notebook naman ng mga karakter ng Ghost Fighter. High School din, mga iba't-ibang karakter ng mga animei na palabas noon sa sketch pad, colored pencil, ballpen at lapis ang mga ginagamit ko. Nagcollection din ako sa mga illustration board ng mga karakter din ng mga iba't-ibang mga animei na nakaupo ang tema. Sa Ghost Fighter, nakaupong Eugene, Alfred, Dennis at Vincent. Sa Hunter X Hunter, nakaupong Gon, Killua, Kurapika at Leorio din. Slumdunk, nakaupong Sakuragi, Mitchi boy, Rukawa. Flame of Recca, nakaupong Recca, Max at Lorcan. Nahilig din ako sa pagdo-drawing sa mga hubad na babae, mga dragon, mga bungo ng tao.
Noong elementary days ko maidadag ko lang din. Ang mga karakter sa X-men gaya nila Wolverine, Cyclopes, Rouge, Beast, Bishop at ilan pang mga marvel characters. Maskman, Bioman, Ultraman, Bat-man, Superman. Sila Ryu, Ken, Chun-li, Guile, Blanca, Bison, Vega, Balrog, Zangief, E-Honda, Sagat, Dhalsim ng Street Fighter. Si Ultimate Warrior at Hulk Hogan ng Wrestling. Mga naggegirahang mga sundalo, may mga truck, tangke, helicopter, fighter plane at mga barkong pagdigma.
Sa aming lugar, marami din sa'kin ang nagpapadrawing, mga project sa school at mga assignment nila.Nabibigyan naman ako ng bayad noon na twenty pesos sa mga drawing ko sa mga kapitbahay ko. Minsan naman ay libre na.
Naaalala ko pa dati, noong may assignment kami nu'ng grade one ako. Sinabi ni Ms. Santos na magdrawing kami ng isang simbahan sa coupon bond. Kinabukasan noong pasahan na ay nanliit ako sa gawa ko ng makita kong ang gaganda ng mga pinasa ng mga classmate ko. Isa lang din ang tumakbo sa isip ko noon, alam kong hindi sila ang gumawa ng mga 'yon.
Noong mga panahon na naadik ako sa pagdodrawing, halos hindi na ako lumalabas ng bahay. Maghapon akong nagdodrawing 'non! Minsan, nakakalimutan ko ng kumain at wala na akong nagagawa sa bahay (gawaing bahay), kaya napapagalitan ako ng magulang ko. Wala na daw akong ginawa kundi magdrawing ng magdrawing. Hindi daw ako yayaman dito at magkakapera, dagdag pa ng Ama ko. Nagdaan pa ang mga taon at muli nagsawana'ko sa pagdodrawing.
Taong 2006 ng una kong sinubukang magpinta. Although, hindi naman ito ang una kong pagpinta. Dito nanibago ako at nahirapan. Hindi ko pa masyadong gamay noon ang pagmi-mix ng mga kulay ng pintura, kaya sa unang subok ko at naging maganda naman ang resulta ngunit hindi lang nasunod ang tamang kulay ng subject. Hindi na din 'yon nasundan pa ng isa pa o higit pang paintings. At muli tumigil na naman ako.
Doon ko nalaman ang malaking kaibahan ng pagpipinta sa pagguguhit. Mas mahirap pala ang magpinta! Ang dati kong gamit na lapis at ballpen ay napalitan na ng paint brush na mas mahirap gamitin.
Taong 2008 ng muli kong balikan ang pagguguhit, doon nakalikha lang ako ng tatlong gawa o likhang sining. Lumipas pa ang maraming taon bago ako bumalik sa paggawa.
Taong 2012 muli akong bumalik sa pagpipinta. Ayon din ang panahon ng nawalan ako ng trabaho. Doon sa panahong iyon inaral ko ng matiyaga ang mga technique sa paghagod ng mga iba't-ibang sukat ng brush at brush stroke. Ang pagmi-mix ng mga pintura, from light colors to dark colors. Mga maninipis na hagod o skin tone, mula sa makapal hanggang sa papanipis na mga kulay. Mahigit isang taon din ako naingganyo sa pagpipinta, doon mismo nakaramdam ako ng "Peace of mind" at kakontentuhan sa buhay. Doon din halos wala na akong pakialam sa nangyayari sa labas ng bahay at paligid. Doon din labis akong pumayat dahil sa pagda-diet ng sobra-sobra. Natutunan kong hindi kumain sa mahabang oras at tiisin ang gutom sa loob ng isang araw ng paulit-ulit. Tama na sa'kin noon ang almusal pero loaded ito at ang kain ko ay kinabukasan na ulit masusundan sa almusal. Ang laki talaga ng pinayat ko noon sa paulit-ulit na sistema.
Noong pumasyal ang kapatid kong lalaki na si Dandie sa amin. Naawa s'ya sa akin ng makita n'ya akong ganong kapayat.
"Kuya, bakit ang payat-payat mo?"
Kumain ka naman ng marami. Tingnan mo ang katawan mo.
Napuna din 'yon ng mga tao sa paligid namin, maging ng mga tropa kong magta-trycle driver sa amin. Noong umuwi ang bilas kong si pareng Dodong galing abroad at pumasyal sa'min kasama ang kanyang mag-anak. Napuna n'ya din ang labis kong kapayatan, at nu'ng kami'y maginuman na kasama si Buds, pabirong sinabi sa'kin ni pareng Dodong na baka daw ako nagdadrugs. Sinabi ko na lang noon kay Buds na s'ya na ang magpaliwanag kay Dodong, alam n'ya kasi ang mga pinaggagawa ko noon at doon naintindihan ni pareng Dodong ang kwento. Sa totoo lang, kahit 'pano ay may pagkain naman sa'min. Pero 'yon na yata ang sukdulan ng nawalan ako ng interes sa pagkain.
Nakagawa ako noon ng marami-rami ding paintings. May ilang Realism, Surrealism, Impressionism at Abstract paintings. Nagkaroon din ako ng isang kliyente na si Ms. April, kinomisyon n'ya ako na igawa ko s'ya ng painting na kasama ang kanyang boyfriend sa isang litrato. Kumita ako ng 5,000 pesos sa kanyang pinagawa. At nakontento ako sa ganong sistema ng buhay. Hanggang sa muling dumating ang katabangan ko o pagkasawang muli.
Taong 2015 ng panandalian akong bumalik sa pagpipinta. Doon nakagawa lang ako ng dalawang paintings, ang isa pa 'don ay 'di ko na tinapos. Inabot pa ito ng tatlong taon bago ko muling balikan at tapusin. At ng matapos ay nakatiwangwang lang sa labas ng bahay, kaya binigay ko na lang ito kay Ian Mendoza. Pinangalanan ko itong "MM" na ibig sabihin ay Marilyn Monroe na isang abstract painting.
Taong 2017, sa unang tatlong buwan ng taon muli akong kinomisyon ni April na igawa s'ya ng portrait. Ginawa ko iyon ng isang linggo at ng matapos ay naging masaya naman s'ya sa gawa ko. Binayaran n'ya ako noon ng pitong libong pisong singil ko kasama na ang pagpapaframe ko.
Nakagawa pa ako ng tatlong paintings pagkatapos ng gawa ko sa kanya. At ang huli sa tatlo ay ang portrait ni Robert Smith ng "The Cure" ngunit hindi ko na din ito natapos hanggang ngayon.
Ang iba kong paintings ay halos wala na akong mapaglagyan dahil sa liit ng bahay namin, kaya ang dalawa doon ay inanay na lang at nasira sa ulan at araw na may titulong "The Catch" at "Satisfy my Soul". Naitapon ko ang dalawang paintings ng masira na talaga o totally damaga na. Nanghihinayang din ako dahil sa kapabayaan kong ilagay lang sila sa labas ng bahay.
October 2018 ng kinomisyon ako ni mam Ivy para igawa si Doc. Aris ng banner na 9ft by 15ft at isang 3ft by 9ft na gagamitin sa convention nila sa Puerto Prencesa, Palawan. Sako ng abaka ang ginamit naming medium na pinagtagpi-tagpi gamit ang karayon at sinulid para ito lumaki at mabuo ang sukat. At lagyan ng lettering gamit ang brush at mga pintura hango sa kanilang font. Kumita ako noon ng pitong libong singil ko sa kanila.
Nakapagbenta din ako ng isang painting kay Nash na kakilala ko, painting ni Spongebob at Patrick na may titulong "Highway Star" sa halagang 3,000 pesos. 'Yun lang din ang may unang bumili sa mga gawa ko.
Sumali din ako noon sa "Easter Egg Design Contest" sa Big Ben Complex taong 2009. At sinuwerteng makuha ang 1st place at prize nito na halagang 3,000 pesos. Iginuhit ko ang mukha ni Hesus gamit ang colored pencil sa itlog at iyon ang nagpapanalo sa'kin.
Sa mundo ng sining nakilala ko ang mga magagaling na mga pintor ng kanilang kapanahunan. Ang kanilang mga likha o obra ay labis kong hinangaan, maging ang mga kwento ng buhay ng ilan sa kanila ay nalaman ko din.
Mula sa "Reinasance Period" nila Micheal Angelo, Leonardo Da Vinci, Rafhael, Albretch Durer ng Germany, Caravaggio, Diego Velazques at Francisco De Goya ng Espanya, Titian, Rembrandt Van Rejin at Johannes Vermeer ng Netherland, Peter Paul Rubens, Sandro Botticelli and so on.
Hanggang sa makabagong panahon nila Vincent Van Gogh, Joan Miro, Pablo Picasso, Salvador Dali, Frida Kahlo, Henri Matisse, Renoir, Francis Bacon, Lucian Freud, Fernando Amorsolo at Juan Luna ng Pilipinas, Jackson Pollock, Mark Rothko, Gustav Klimt, Edward Hopper, Andy Warhol, Edvard Munch, Claude Monet, Balthus, Edgar Degas, Wassily Kandinsky, James Abbot, Marc Chagall, Georgia O' Keeffe, Tamara de Lempicka and so on.
Naging masungit sa'kin ang panahon taong 2009, ng dumating ang bagyong Ondoy. Doon sa Marikina na laging binabaha ay maraming winasak ang bagyong iyon. At isa ang bahay namin sa inabot ng napakalaking baha na iyon. Doon, halos lahat ng mga gamit namin ay nasira't nabasa kasama na ang mga naitabi kong mga collections ko simula noong kabataan ko pati na din ang mga luma namin mga litrato. Wala ako sa Marikina noong mangyari 'yon. Nabalitaan ko na lang sa mga kapatid ko na ganon ang sinapit ng mga bahay sa aming lugar. Iyon daw ang pinakamatinding baha sa mga panahon na lumipas.
Sobrang labis na nanghinayang ako noon hanggang sa ngayon pa din naman! Dahil hindi ko na makikita at masisilayan pang muli ang mga naunang gawa ko. Ang mga likha ko noong elementary ako ay hindi ko na muling masisilayan pa dahil bago pa man ang bagyo ay naitapon na ang mga ito, ngunit may natira naman na nakasama sa bagyong Ondoy.
Para sa akin, 'yon na ang pinakaimportante sa lahat-lahat. Ang maitabi at pahalagahan ang mga naunang likhang sining o sining ng kamusmusan. Mga panahon na naguumpisa palang matuto sa pagguguhit at pagpipinta. Mga panahong simple pa ang mga gawa, marami pang pagkakamali't pagkukulang. Ang mga ideya mo nu'ng kabataan ka, mga likhang punong-puno ng pag-asa at kasiyahan. Napakapuro o "Pure!" sa isip ng kamusmusan. Iyon na marahil ang pinakamagandang regalo mo sa sarili mo at kayamanang walang katumbas. Ang muling makita at ipagmalaki ang mga gawa mo noong kamusmusan mo pa at kabataan.
"WALANG PAPANTAY AT HIHIGIT PA DOON!!!"