Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 30 - ANG AKING KAMUSMUSAN!... Ang mga lugar at mga musika noon.

Chapter 30 - ANG AKING KAMUSMUSAN!... Ang mga lugar at mga musika noon.

Naaalala ko pa noong panahon ng kamusmusan ko, halos kaedad lang din ako noon ni Vianne. Naaalala ko din ang sakripisyo ng Ama ko sa'min noong panahon ng nawalan s'ya ng trabaho. Mula Marikina hanggang Payatas, Quezon City at mula sa San Mateo, Rizal, doon kami maguumpisang maglakad hanggang sa Letex, Payatas, tungo sa kanyang mga kapatid na aking mga tiyahin at kanilang mga anak na aking mga pinsan naman.

Hanggang ngayon, kabisado ko pa din sa isip ko ang mga daanan doon. Mula sa Plaza ng San Mateo, may malaking simbahan doon, may dalawang daan din o kalsada pababa ng ilog. (Nadaanan ko na ang dalawang daan na iyon na sa bawat pagitan ay may mga bahayan) May Carinderia dati doon at nakakain na kami noon 'don, siguro naglalaro sa lima pataas ang edad ko noon. Medyo mahaba-habang lakarin bago kami makarating sa tulay na kahoy. Tatawid kami ng tulay, sa dulo noon may hulugan ng barya at taong nakabantay doon. Aakyat kami sa hagdaan na gawa sa bato na medyo matarik. Pagtawid ng ilog,ayon nasa Q.C ka na. Dadaanan namin ang isang basketball court. Maglalakad kami sa medyo kurbadang daan, pataas, pababa, paakyat. Tansya ko lang sobra sa isang oras kami naglalakad noon.

Sa bulubunduking lugar na iyon, doon banda sa itaas ng kalasada, ituturo ng aking Ama ang pinagmulan namin. Aniya sa'kin, halika, tingnan mo 'yon. (Nakaturo s'ya sa malayo) Doon sa dulo, makikita mo, ayon ang building ng Goya, d'yan ang sa'tin. Ang nasa isip ko noon ay ang layo pala ng pinanggalingan namin. Mamangha ka sa'yong makikita dahil makikita mo ang kabuuan ng Marikina sa lugar na iyon.

Nakakapagod ang lumakad ng napakalayo lalo na sa edad lima hanggang siyam na taong gulang. Ramdam ko dati ang pagod at pagkainis minsan, lalo na't naglalakad kami sa kainitan ng araw. Laging may bitbit na candies ang tatay ko dati tulad ng storck, white rabbit, viva, candy mint na laging binibigay n'ya sa'kin para hindi ako mainip sa paglalakad. Wala kami noong tigil sa paglalakad, parang walang katapusan 'yon. May oras din na nagrereklamo na nga ako kapag pagod na ako.

Noong mga panahon na 'yon, hindi ko man lamang naisip na mas doble pala ang pagod n'ya kesa sa'kin, dahil sa bitbit n'yang isang malaking palangganang kangkong na pinitas namin sa ilog ng Marikina. Ni minsan hindi ko rin narinig sa kanya na pagod na s'ya. Patuloy lang s'ya sa paglalakad bitbit sa ulo n'ya ang may kabigatan na aming paninda. Ni hindi rin s'ya noon nahiya sa mga tao sa dala n'yang mga kangkong patungong Payatas. Hanggang sa lumiko kami sa bahayan, tumawid sa maikling tulay na kahoy, umikot sa bakante at madamong lote na may mahabang pader. Pagkatapos 'non, maaaninag mo na ang malaking moske o mosque ng mga muslim sa lugar na 'yon. Ibig sabihin 'non malapit na kami sa mga bahay ng mga tita ko. Andon na ang mga ngiti ko dahil alam ko matatapos na ang aming paglalakad at kapaguran.

Hanggang ngayon, nabi-visualize ko pa din ang mga lugar at mga kalye na aming nilalakaran noon. Lagpas dalawampung taon na din ang nakalipas ngayon. Ang huling punta ko doon siguro noong mga '96 or '97 pa.

Noong medyo lumalaki na ako, parang hindi na madalas ang aming pagbisita sa kanila at kung pumunta man si Papa ay 'di na rin ako nakakasama o sumasama. Hanggang ngayon, hindi pa din ako nakakabalik doon. Sana kung may pagkakataon ako o kahit sa susunod na mga panahon,gusto kong isama ang anak ko doon. Ipaparanas ko din sa kanya ang paglalakad naming iyon. Namimis ko din kasi ang mga lugar na iyon lalo na sa bahay ng mga tiya.

Halos tatlumpong taon na ang nakakalipas ngayon, pihadong nagbago na ang lugar na 'yon. Hindi ko na din ngayon ito makikilala sakali man muling tumapak ang mga paa ko doon dahil marami ng nagbago.

Malimit din kaming maligong ilog noon, sa ilog ng San Mateo na malapit lang sa Plaza. Bukod kasi sa kangkong, nagtitinda din ang aking Ama't Ina ng gulay na labanos. Sa kabilang ibayo ng ilog, doon namin binibili sa mga nagtatanim doon ang gulay. Dati malawak 'yon na bukirin at napakaraming mga ibon ang makikita doon na humuhuni. Sako-sako ang binibili namin na binabayahe naman namin patungo sa palengke ng Marikina o Bayan. At doon sa ilog, nililinisan namin ang mga napakaraming biniling labanos na malupa pa, at pagkatapos ilalagay na namin sa mga sako.

Enjoy na enjoy ako sa paliligo sa ilog. Ang daming mga tao 'don at mga bata din na mga naliligo sa ilog.'Yung iba, doon na din naglalaba sa ilog, may mga dumptruck din 'don noon na nililinisan nila ang mga truck sa ilog. Malawak ang ilog na iyon at napakalinaw, marami din doon mga isda. Doon na din kami kumakain ng tanghalian sa gilid ng ilog. May isang taon din yata kaming nagtinda noon ng gulay. Mahirap na masarap noong mga panahong iyon.

Noong ako'y musmos palang, hindi ko alintana ang hirap ng buhay. Alam ko na mahirap pero iba ang konsepto ko noon dahil bata pa nga ako. Hindi ko pa talaga nauunawan ang mga bagay na 'yon dati.

May mga araw noon na hinahati-hati ni Mama ang pagkain sa'ming mga magkakapatid para sumapat lang. Minsan may pagkakataong din asin lang at kain ang kinakain namin o asin plus mantika at kanin katalo na. Minsan naman kape lang sabaw sa kanin, at minsan din nanghihingi ako ng sabaw sa tindahan at 'yon ang pinapangulam ko. Masuwerte na kami kapag nabibigyan kami ng ulam ng aming kapitbahay. Marami din kami noong utang sa tindahan.

Mahilig akong pumunta sa bahay ng kapit bahay namin dati para maglaro at makinuod ng t.v dahil wala pa kami noong telebisyon. Minsan man o madalas, inaabot ako ng tanghalian kila Ate Tineng na nanay ni Mandy o Erwin. Doon pinapakain ako ng kanyang ina ng tanghalian o isinasabay ako sa kanilang tanghalian. Mabait si ate Tening sa'kin, s'ya mismo ang nagbibigay ng plato sa'kin na may kasamang ulam at kanin. (Naaalala ko pa din ang mga iyon) Hindi ko din malilimutan noon ang kanilang bangang water jag, ang lamig ng tubig doon kahit pa walang yelo.

Nagtulungan ang aking Ama't Ina sa paghahanap buhay. Iniiwan kami noon sa aming kapitbahay na si ate Perlita kapag hindi ako nakakasama sa kanila sa pagtitinda sa bayan ng Marikina. Si Mama din noon ay nagtitinda ng mga kakanin at nagee-avon din para may panustos sa pagaaral at pagkain naming magkakapatid. May mga panahon ding nagaaway sila Mama at Papa, musmos pa ako noon kaya hindi ko pa maintindihan ang mga bagay-bagay.

Sagana kami noong may trabaho pa si Papa, hindi kami nagugutom. Tuwing uuwi si Papa galing sa Marilao, Bulacan kung saan doon s'ya nagtatrabaho dati bilang welder. Tuwing sabado ng gabi lagi namin iyon inaabangang magkakapatid, hindi kami 'non natutulog para hintayin si Papa sa kanyang paguwi at mga dalang pasalubong para saming lahat.Isang buong litsong manok, mga tinapay na masasarap, mga prutas gaya na mansanas, orange, ubas basta marami 'yon, at mga barya na kinukuha ko sa pantalon n'ya.

Kinabukasan, linggo at masarap ang ulam namin. Nagluluto si Mama ng nilagang baboy, adobong pata, inihaw na malaking bangus, menudo, porkchop na bbq. Kapag linggo din kompleto kaming lahat. Sa umaga nagsismba kaming mag-anak, andon na ang family bonding namin kapag araw ng linggo. Madalas noon na inuutusan ako ni Papa na bumili ng mga beer at sigarilyo, kasama minsan ang kanyang kumpare o mga kumpare, kapag ako ang inutusan, syempre sa'kin na ang mga sukli 'non. Minsan nagso-solo s'yang uminom habang nanunuod ng boxing sa t.v. Kapanahunan pa noon ni Mike Tyson, Roy Jones J.r, Penalosa at iba pang mga boksingerong sikat na sikat noong dekada nobenta. Sa pagsapit naman ng gabi ay basketball, Brgy. Ginebra nila Jaworski, Fernadez ang sikat na sikat noon kasama na ang ibang mga team. Sikat na sikat din noon sila Samboy Lim, Pumaren, Magsanoc, Caidec, Mamaril, Alvarez, Lastimosa, Loysaga, Menesis, Cesar, Cordelnera, Patrimonio, Paras, Asaytono, E.J Feil at marami pang iba.

Gigisingin ako ng mga musika ng mga kapitbahay namin sa umaga, kaliwa't kanan ang mga tugtugan saming lugar noon. Lagi kong naririnig ang mga kanta nila Freddie Aguilar gaya ng Anak, Estudyante Blues, Kumusta ka aking Mahal, Larawan, etch.. Mga kanta ng Asin na,Masdan mo ang kapaligiran, Itanong mo sa mga bata, Himig ng pag-ibig. Kay lolita Carbon at Nene Band na, Byaheng langit. (Aabot din, aabot din tayo!) Sampaguita, Tao, Sa Diyos lamang, Bonggahan, Laguna, Nosi Ba Lasi. Hudas, Dukha (Grade one lang ang inabot ko. No read, no write pa ako. Paano na ngayon ang buhay ko?) Juan De La Cruz nila Pepe Smith, Mike Hanopol at Wally Gonzales, Mr. Kenkoy, Himig natin, Balong malalim, Jeprox (Laki sa layaw,laki sa layaw Jeprox!) Maria Cafra, Kumusta mga kaibigan. Early days ng E-heads,Toyang, Magasin. The dawn, Iisang Bangka, Envelope Ideas.

Andon din noon ang walang kamatayang "Napakasakit kuya Eddie, ang sinapit na aking buhay!" Isang linggong pag-ibig ni Emilda Papin.Si lolo Jose, Oras na, Sierra Madre ni Coritha. Bikining itim at Happy-happy birthday! Sayo ang inumin, sayo ang pulutan happy-happy birthday. Sana'y malasing mo kami. Kastilyong buhangin, Doon lang. May tatlong kanta pa noon na sikat na sikat din. Sampung minuto kong pinagisipan ngayon ito... Tutulungan kitang limutin mo s'ya. Ibabalik ang dati mong sigla. Aking gagamutin puso mong sinugatan. Sugat ng dulot n'yang salawahan. Gintong Araw. Baleleng.

Mga kanta ni Rey Valera, Malayo pa ang umaga, Maging sino ka man... Apo Hiking Society, Batang-bata ka pa, Awit ng barkada, When I met you. Father and Son, Miss na miss kita (O, giliw ko), Vst and Company ,sumayaw, sumunod, ipagpatawad mo. Boyfriends, First love never dies. I just wanna say that I still love you! Kanta ni Rod Stewart na Sailin, I do't wanna to talk about it. Eric Clapton, Wonderful tonight, Tears in heaven. Don Mclean, American Pie, Starry night, And I love you so. John Denver, Annie'ssong, Livin on a jet plane. Cat Steven, Father and Son, Wild world. Chiquitita ng Abba. Top of the world, I wont last a day without you ng The Carpenters

Kasikatan pa noon ni Madonna, Cindy Lauper, Debbie Gibson, Tiffany,The Bangles, Gloria Stefan... Mga kanta nila Frank Sinatra, Tom Jones, Engelbert Humpeduck, Barry Manilow... Matunog din noon ang Beatles, Cascades, Bee Gees, Righteous Brothers, The Flatters at ang hari ng Rock n' Roll, Elvis Presley. Lobo, Eagles, Bread, Air Supply, Paul Simon and Art Garfunkle. Rolling Stones. Bon Jovi sobrang sikat na sikat noon kasama ang Guns n' Roses, Metallica, Nirvana at Pearl Jam. Isama ko na din ang mga bandang Fire House, White Lion, Scorpions, Journey, Harem Scarem, Def Leppard, Aerosmith, U2 at kung anu-ano pa.

Hotel California ng Eagles, malimit kong mapakingan 'yon dati ng paulit-ulit kahit saan. Manic Monday, Eternal Flame ng the Bangles. Like a virgin, Material girl ni Madonna at Girls just wanna have fun ni Cindy Lauper ay lagi kong naririnig sa kapit bahay namin noon. Lagi ko din naririnig ang Girls just wanna have fun sa kung saan-saan, maging sa mga tiyahin ko sa Fairview. Mga kababayan ko ni Francis M. At pati na din ang mga kanta ni Andrew E. noon ay matunog din.

Ang "Every time I see you" ng Fra Lippo Lippi ay narinig ko dati sa San Mateo Plaza. Dying inside ni Timmy Thomas halos araw-araw ko din napapakinggan sa kung saan man. Mga New Wave Band sobrang sikat na sikat din noon. Hindi rin magpapatalo ang Phenominal noon na King of Pop na si Micheal Jackson. Nauso din noon ang kanyang moonwalk, at napakaraming nahihimatay sa kanyang mga concert. Whitney Houston, I will always love you. Ghost Buster na kanta, naririnig ko din. Ang Morethan words ng Extreme sikat na sikat din noon. mga kanta ng Micheal Learns to Rock, Bryan Adams, Boyzone. Ang Macarena dance craze noon. Bohemian Rhapsody, We are the Champions, Another one bite the dust ng Queen. If I sing you a love song ni Bonnie Tyler, naririnig ko din sa mga bus at kung saan. At Love hurts and Where are you now ng Nazareth. Pati na rin si Bob Marley.

Sa mga pasayaw o sayawan sa'ming lugar tuwing sabado. Losing my religion ng R.E.M. Selling the drama ng Live. Boys don't cry ng The Cure. Naririnig ko din noon ang mga kanta ni Rico J. Puno, Macho Gwapito, May bukas pa. Baba-baero, baba-baero daw ako. Sinong may sabi, makakating labi. Hindi naman totoo ni Randy Santiago. Shout for joy, Natutulog ba ang Diyos ni Gary Valenciano. Ang Rockstar Arkasia, ang kanilang Partime time, Mahal pa ri kita. Sumikat din noon si Ted Ito,Rodel Naval. Pati na din ang mga April Boys. Isama mo na din si Joel Ayala, ang kanyang "Karaniwang tao", pati na din si Heber Bartolome. Ang mga tunog kalyeng kinalakihan ko noon, and'yan na ang Yano, River Maya, The Youth, Siakol, After Image, Agaw Agimat, The Teeth, Grin Dept., Rizal Underground, Orient Pearl, Introboyz, Alamid, Razorback, Wolfgang, Color it Red, the Wuds at napakarami pang iba. Kinalakihan ko din ang mga American Alternative Band noon gaya ng Third Eye Blind, Live, Gin Blossoms, Blind Melon, Collective Soul, Cranberries, 4 None Blondes, Spin Doctors, Alanis Moresete, Dishwalla, Stone Temlpe Pilots, Smashing Pumpkins, Moon Pools and Butterfly, Radiohead, Candle box, Sound Garden, Offspring, Alice in chains, Sound garden, Red hot chilli peppers, Greenday at napakarami pang iba.

Nararanasan natin ang kakaibang pakiramdam, kapag naririnig natin na tumogtog o marinig ang tila ba pamilyar na kanta. Tila ba mapapaisip ka bigla at dadalhin ka nito sa lugar kung saan mo ito unang narinig. Iduduyan ka nito na para kang lumulutang sa kalangitan. At muli mong iisipin ang lumipas. 🎤🕰👍