Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 29 - MUSMOS AT INOSENTE.. (Isang sagradong katangian!)

Chapter 29 - MUSMOS AT INOSENTE.. (Isang sagradong katangian!)

Ang sarap maging isang bata! Walang iniisip na mabigat na problema! Matulog, kumain, maglaro, ma-aral, maglibang. 'Yun na yata ang pinakamagandang gawin araw-araw. Minsan, naiinggit ako sa mga bata, kung pwede lang ibalik ang oras mas gugustuhin ko pang maging musmos muli. Wala silang bahid ng kasalanan! Ang mga mata nila ay umaapaw sa kasiyahan kapag sila'y maligaya. Ang muling pagsapit ng pasko at bagong taon, ang kanilang mga birthda ay kanilang matiyagang hinihintay at binibilang. Punong-puno talaga sila ng kagalakan sa buhay.

Sa tuwing may problema ako at dumadaan sa kabiguan. Inaalala ko ang pagiging musmos ko. Ang mga bagay na masasaya noong kamusmusan ko, namimis ko ang lahat ng iyon.Ang mga araw na wala kang iisipin na mabigat na problema. Eni-enjoy mo ang sarili mo sa ibabaw ng mundo, na ngayon ay tila ba pasan-pasan mo na.

"Minsan nagulat nalang ako ng makita ako ng anak ko."

Daddy bakit ka malungkot?

Anung iniisip mo?

Alam ko naman na kahit sabihin ko pa sa kanya kung bakit ako malungkot ay hindi pa n'ya ito kayang intindihin ng lubusan. Nakakagulat isipin na minsan mas alam pa ng mga bata ang gagawin kaysa sa'tin.Madali silang nakakapag-isip ng simpleng solusyon sa problema. Isang pambihirang kakayahan iyon at nakakabilib!

"Eto ang sinabi n'ya sa'kin."

TAMIS NG NGITI

Ikaw nga bata

Ngumiti ka

'Wag kang sumimangot

Tatanda ka

'Di ito mahirap gawin

Kaya ngumiti ka

Nabasa n'ya daw ito sa isang babasahing pambata.

Napangiti na lang ako, niyakap ko s'ya at hinalikan. At doon gumaan ang loob ko. Itinuro n'ya sa'kin ang muling pagngiti na minsan ko ng nakalimutan. Nagpapasalamat ako at binigyan ako ng anak na katulad n'ya. Kakaibang bata!

Pawiin mo na ang iyong luha

Limutin,tawanan ang problema

Habang bata ay magsaya

Makulay ang mundo

Basta't mangarap

Sa bawat pagsubok na makikita

'Wag mong hayaa'y madapa ka

Tibayan mo ang loob

Pagkatapos ng unos,ligaya ang dulot

Sadyang ganyan ang buhay,kailangang magsanay

Mapaglarong tadhana,sususbukin ang buhay

Kaya't kumilos ka,magisip,magaral

Magandang bukas,sayo'y nakalaan

Hay,buhay sa mundo,hay buhay sa mundo

Minsan masaya,minsan malungkot

Tibayan mo ang loob

...napakanta ka din ba? 👍

Ngayon ang kaarawan ng anak ko na si Vianne Roux, 7th Birthday n'ya ngayon.

October 24, 2019

Dear Vianne,

Happy Birthday sayo anak! Nawa'y lumaki ka ng maligaya. Hiling ko sa'yo pagdating ng araw mafullfil mo ang iyong mga pangarap sa buhay. Makamtan mo ang kapayapaan at makilala mo ang Maykapal ng lubusan. Maintindihan mo sana ang tunay na kahulugan ng buhay. Malaman ang mga sekreto nito. Huwag kang matakot dumating man ang araw na wala na ako sa'yong tabi. Isipin mo lang ang mga masasayang bagay natin,kasama ang iyong Ina at mga kapatid. Iyon ang mag-aakay sa'yo para maging matatag. Hanapin mo ang mga bagay na makakapagpasaya sa'yo. Sundin mo lang ang iyong kalooban.'

'Wag kang susuko sa buhay, kalaunan doon mo matatagpuan ang kaluwalhatian. Mabuhay ka ng matagal. Lasapin mo ang bawat oras sa mundong ibabaw, maging kabiguan man.

Muli mahal na mahal ka namin lahat. We love you always and forever!

Mwuaahhhh.... hugsssss!!!

P.S. 'Wag ka sanang mainip, darating ang

tamang panahon. Maniwala ka!

Love,

Daddy

Gusto ko sanang maging engrande ang 7th Birthday ng anak ko ngayon, kaso medyo gipit kami ngayon, kaya simpleng handaan lang muna ineng. Ang importante mairaos natin ang kaarawan mo at maging masaya ka sa espesyal na araw na ito.

Kahapon sinundo namin s'ya sa school, gaya ng pangako ko, dadalhan kita ng pagkain sa lunch time, at sasamahan kitang kumain. Alam kong gusto mo 'yon at masaya ka kapag nandon kami. Hinintay na namin ang kanyang paglabas ng 3:00 pm, doon pumunta kami sa Newstar, pamilihan ng samu't-saring mga bagay. Doon namin s'ya binilhan ng mga regalo. Tinanong n'ya kung kanino 'yung mga pinamili namin. Sinabi ko sa kanya na, para iyon sa trabaho ng kanyang Ina na ipapamigay sa mga bata. At naunawaan n'yang hindi 'yon para sa kanya.

Noong gabing nakatulog na s'ya, doon sinimulan ng kanyang Ina ang pagbalot sa mga regalo, nagpalobo ng mga lobo at idinikit sa ding-ding ng munting sala namin. Nagulat na lang s'ya ng gisingin namin s'ya nu'ng madaling araw para pumasok, doon nakita n'ya ang mga lobo na nakadikit sa kung saan, mga regalong itinabi namin sa kanyang higaan. Sabay dala ni Aga ng munting cake at ang pagbati namin sa kanya ng Happy Birthday Bebe! (wala pa s'ya sa wisyo) Tuwang-tuwa s'ya ng mga sandaling iyon.

Noong hapon, nagsalo-salo kami noong paglabas n'ya galing school. Ang sabi pa n'ya,kinantahan daw s'ya ng Happy Birthday ng mga kaklase n'ya at ng kanyang guro. Ipinagluto s'ya ng Papa Ave ng pansit at ng kanyang ate Mae ng spagheti. Pinaggawa din s'ya nito ng graham's cake. Bumili din kami ng lechon liempo at inihaw na malaking tilapia na pinagsaluhan namin ng gabing iyon kasama sila Ian, Fhaye, mag-anak ni Diane na sina Sky, Kiel at Ayesha na bestfriend ni Vianne. Pinadalhan din namin ang aming kapitbahay ng konting handa namin.Si Lorna na may tindahan sa'min ay pinatawag si Vianne upang batiin at bigyan ng regalo.

Nairaos din namin ang Birthday ng bata at alam kong naging masaya s'ya ng araw na iyon. Dumaan din kami sa simbahan upang ipagpasalamat sa Diyos ang kaarawan ni Vianne. Sinabi ko sa kanya na magpa-thank you s'ya sa Diyos at magpray.

Happy Halloween, maaga ang trick or treat nila Vianne sa school. Nakakaaliw naman silang tingnan sa mga costumes nilang panghalloween. Ang mga teachers, aliw na aliw sa pamimigay ng mga candies at chocolates sa mga bata. Isa din siguro ang mga candies na mabenta pagsapit ng Halloween bukod sa mga kandila't bulaklak. Ang dami ni Vianne nakolektang mga candies at chocolates.

Every year, sinasamahan namin s'ya sa mga trick or treat event dito sa Lipa, more on sa Bigben Complex. Never ko itong naexperience noong ako'y bata pa. Wala talaga akong maalala na nabigyan ako 'non ng mga candy noong Halloween. Parang hindi naman kasi ito nauso sa mga eskwelahan namin dati. Naaalala ko lang dati sa tuwing sasapit ito, nagtitirik lang kami ng mga kandila, hinihintay itong maubos at kenokolekta para pagsamasamahin at bilugin. Lumilibot din kami sa mga bahay-bahay at 'don kinukuha namin ang mga tirang kandila ng mga kapitbahay. Andon na din ang mga takutan naming mga kabataan.

Noong araw ding iyon,sa kanilang event during lunch time nila, nilapitan ko si Cyrus classmate ni Vianne. Natanong ko sa kanya kung na'san ang kanyang mga magulang. Sinabi ng bata sa'kin, wala na daw s'yang Daddy, patay na daw. Naaksidente ito kasama ang kapatid nito sakay ng trycle sa San Jose.At ang kanyang Mommy naman daw ay nasa abroad. Nalungkot ako ng marinig iyon. At sinabi ko na lang sa bata na, ginagabayan ka ng iyong Daddy mula sa langit.

Masuwerte ako at ito, nagagabayan ko ang aking anak sa kanyang kamusmusan. Ang mga event nila sa school ay pilit naming pinupuntahan upang panuorin s'ya at suportahan. Masayang-masaya s'ya kapag nandun kami sa kanya. Proud na proud s'ya sa sarili n'ya!

Minsan nga kapag wala ako sa event nila, sinasabi n'ya sa'kin na, Daddy bakit wala ka? Sayang at 'di mo 'ko nakita at napanuod. Sa mga ganong salita ng bata mabubusog na ang kalooban mo.

Nakikita ko ang munting ako sa katauhan ng anak ko. May mga bagay na magkakatulad kaming dalawa. Tulad ng mga pagdo-drawing n'ya, pagpipinta at minsan nama'y pagsusulat din. Ang pagkahilig n'ya din sa pansit na paborito ko. At maging sa pisikal man ay masasabi kong kamukha ko s'ya. Aaminin ko din na mas matalino pa s'ya sa'kin.

Natuto s'yang magsulat ng kanyang pangalan sa edad apat na taon. Nagumpisa s'yang magdaycare sa ganong edad din. Naaalala ko pa noong nagexam sila, bago sumapit ang kanilang exam ay nagkalagnat s'ya at 'di s'ya nakapasok ng ilang araw. Pumasok na lang s'ya nu'ng araw na mismo ng exam. Sa tatlong inexam nila na one to thirty ay lahat naperfect n'ya.

Noong nagtapos s'ya ng daycare, naging opening prayer s'ya sa pagtatapos na iyon. Kinabisado n'ya ang ginawang prayer message ng kanyang ate at naging maganda ang delibirasyon nito sa ibabaw ng entablado. Naging pangalawa s'ya sa mataas noon at nakapaguwi ng award at medal. Birong sinabi sa'min ng teacher n'ya na,s'ya dapat ang 1st honor 'non. Hindi lang nila ginawa iyon dahil baka daw masilip sila, dahil na din sa mga absenses ng bata at kadalasang late sa pagpasok.(Pati ang pagiging late ay namana pa sa'kin)

Natuto s'yang magbasa nu'ng s'yay limang taong gulang at sa edad na din iyon naaccept s'ya bilang grade one at 'di na dumaan pa sa pagiging kinder. Natutunan n'yang magbasa ng utay-utay ng english sa edad din iyon. At sa edad anim ay naging fluent s'ya sa pagbabasa nito. Sa edad din na anim, nakakapagsulat na s'ya ng salita o talata, maging tagalog man o ingles. Natutunan n'ya din ang plus, minus, multiply, devide sa murang edad. Magaganda din ang mga grades n'ya sa ARTS.

Natuto akong sumulat ng pangalan ko sa edad na pito. Pitong taon din, natuto akong magbasa ng tagalog.Edad pito din ako unang nag-aral bilang grade one. Grade two ako edad walo, natutong magbasa ng ingles. Edad sampu ko natutunan ang multiplication at edad labing isa ang division. Lumamang lang ako sa Arts sa kanya dahil doon ako magaling. Lagi akong inuusap ng mga kaklase ko para idrawing sila at isa din ako sa inaasahan ng mga teacher ko para gumuhit sa pisara o green board noong elementary pa ako. Nailaban din ako ng school ko sa Art Competition noon.

Minsan sa aming pagpunta sa matataong lugar o sa mga palengke. Kapag may nadadaanan kaming mga pulubi at nagtitinda ng kung anu sa mga kanto. Sinasabi sa'kin ni Vianne na bigyan ko daw sila ng pera dahil naaawa daw s'ya sa mga ito. Sinabi n'ya din na kapag malaki na s'ya at may trabaho na ay bibigyan n'ya daw ito lahat ng pera, pati na din daw na si Lola na nagtitinda ng mani. May mga pagkakataong umiiyak s'ya at lumuluha sa kanyang Ina dahil sa pagkaawa sa mga ito. Binibigyan namin s'ya ng barya at pinapaabot namin iyon sa kanya at naiibsan ang kanyang biglaang pagkalungkot. Ewan ko ba, minsan namamangha ako sa bata na ito dahil sa kanyang pagiisp na makatulong sa iba.

May pagkakataong din makakakita kami ng mga taong nagtitinda ng mga laruang pambata sa labas ng fast food chain. Sinasabi n'ya sa'min paglabas namin ng kainan na abutan ko daw ang mga ito ng pera. Pinaliwanag ko noon sa kanya na Ineng na, hindi lahat pwede mong bigyan ng pera dahil baka mamiss-interpret nila 'yon. Mas maganda kung bibili nalang tayo sa kanilang mga tinitinda para naman sila ay matuwa at makatulong tayo sa kanila. Sinabi n'ya sa'kin na, dapat Daddy bibilhan mo din ang isa para parehas silang may benta. Kakaibang bata talaga!