"FOR sure ibibilang lang iyan ni Louis sa mga flings niya, but in fairness ambisyosa talaga!" agad na sumikdo ang dibdib ni Jade dahil sa narinig. Kaya mula sa pagkakaupo niya sa damuhan sa ilalim ng punong akasya kung saan siya nagbabasa ay tinapunan niya ng sulyap ang nagsalita.
Nasa bench iyon sa di kalayuan. Maganda ang babae, morena, kulay brown ang buhok at mukhang mayaman. May kasama itong dalawa pa na sa tingin niya'y mga kaibigan nito.
"Masyadong cheap! Hindi sila bagay dear!" ang isa sa dalawa nitong kasama na kulay mais ang buhok.
"Sigurado pera lang ang habol niyan kay Louis, gold digger!" ang morenang babae ulit saka siya matalim na sinulyapan.
Nag-init ang mukha niya sa nakita. Hindi niya ito kilala at lalong wala siyang alam na dahilan para magalit ito sa kaniya.
"Hello beautiful!" si Louis na nakalapit sa kaniya nang hindi niya namalayan.
Awtomatiko siyang napangiti sa pagkakakita niya sa binata.
"Kumusta?" tanong nito saka sinulyapan ang babaing kanina pa nagpaparinig sa kaniya.
"Kilala mo ba siya? I mean, iyong mukhang Haponesa na morena?"
Walang anumang tumango si Louis. "Cindy Lagman, my ex, bakit?"
"Kanina pa kasi nagpaparinig, at least ngayon alam ko na kung bakit."
Tumawa lang doon ng mahina ang binata. "Huwag mo nalang siyang patulan, may pagka-brat talaga iyang si Cindy."
"Wala naman akong balak na patulan siya, saka alam ko naman na hindi lahat ng tao pwede akong magustuhan" aniya pa.
"Wrong!"
"Bakit totoo naman iyon di ba?"
Noon nakangiting hinawakan ni Louis ang isa niyang kamay. Muli ay naramdaman niya ang kakaibang kuryenteng hatid ng ginawang iyon ng binata.
Pakiwari niya'y umihip ang napakalakas na hangin kaya bigla ay nakaramdam siya ng panlalamig. At siguro, kung nagkataon lang na hindi siya nakaupo ay baka natumba na siya dahil sa biglaang pangangatog ng kaniyang mga tuhod.
"Hindi ka naman mahirap magustuhan Jade. Ako nga, nagustuhan kita eh, kahit sobrang taray mo" seryoso nitong turan. At ang ngiti nito, so fragile and very captivating!
Agad na nagrigodon ang dibdib niya sa sinabing iyon ni Louis. Napigil pa niya ang sariling paghinga nang itaas nito ang kaniyang kamay saka hinagkan.
Para siyang nakakita ng sandamukal na shooting stars. Wala pang lalaking gumawa niyon sa kaniya. At sa totoo lang kino-consider niya ang sarili bilang pinaka maswerteng babae sa buong mundo dahil doon!
Sabihin na ng karamihan na OA siya. Hindi naman kasi lahat ng babaing humahanga ng lihim ay nabibigyan ng chance na kagaya ng mayroon siya. Ang makalapit ang kanilang ultimate crush.
Nagustuhan? Bilang ano? But in fairness, you made my day!
"Ang baduy mo ah!" kunwari niyang sabi saka natatawang binawi ang sariling kamay.
"Baduy, but deep inside kilig na kilig ka naman!"
Umikot ang mga mata niya sa narinig.
Kung alam mo lang na kahit yata sa simpleng pagkurap lang ng mata mo, kinikilig na ako!
"Ang kapal mo ah!"
"Bakit hindi ka ba napopogian sa akin ha?"
Impit siyang natawa doon. "Mukha ka namang mapagkakatiwalaan, at sa totoo lang mabait ka at masayang kasama" iyon ang sa halip ay isinagot niya.
Nagkamot ng batok nito ang binata. "Ang tinatanong ko kung gwapo ba ako sa paningin mo?"
"Matangkad ka naman ah!"
Nalukot ang mukha ng binata. "Niloloko mo ba ako?" anito sabay tayo.
Sa pagkakakita niya sa inis na mukha ni Louis ay lalo siyang napabunghalit ng tawa. At sa kagustuhan niyang itago ang matinding katuwaan, itinakip niya ang bukas na libro sa kanyang mukha. Dahil doon ay hindi niya nakitang dinakma ni Louis ang kaniyang batok. Mabilis ang naging reaksyon niya sa ginawang iyon ng binata.
Malakas ang kiliti niya roon kaya malakas siyang napatili na nakatawag sa atensyon ng ibang naroon. Habang ang grupo ni Cindy ay agad namang nag walk-out.
"Pinagtitripan mo ako ah!" anitong bakas sa tinig ang pagpipigil na matawa.
"Tama naaaa!!!" aniya sa pagitan ng pagtawa at impit na tili.
Habang panay ang palag ay pilit niyang inaabot ang kamay ni Louis na nasa kaniya paring batok. Pero hindi niya nagawa dahil maagap na hinawakan ng binata ang kaniyang dalawang kamay.
"Sabihin mo munang gwapo ako!"
"Ayokooooo!!!!" pagmamatigas niya, hindi na niya inalala ang posibilidad na baka maihi siya sa tindi ng kiliti niya sa parteng iyon ng kaniyang katawan.
"Ah ganoon ha" pagkasabi niyon ay mas pinagbuti pa nito ang pagkiliti sa kaniya.
Noon siya nagwala ng todo dahil alam niyang kapag hindi pa tumigil si Louis ay maiihi na siya! Pero iba ang nangyari, dahil sa pagpupumiglas niya ay napahiga siya ng tuluyan sa damuhan at hindi sinasadyang tinamaan niya ang pagitan ng mga hita ng binata.
Natilihan siya nang makita ang pamimilipit ni Louis. Nataranta siyang hindi malaman ang gagawin sa binatang noon ay nakaupong nakasandal ang likod sa malaking puno ng akasya.
"Louis, sorry. Ikaw naman kasi, malapit na akong maihi sa katatawa ayaw mo pa akong tigilan" may paninising naisatinig niya.
Alam niyang pinagsisikapan lang ni Louis na itago ang sakit na nararamdaman nito dahil nasa public place sila. Mabuti nalang at hapon na kaya hindi na ganoon karami ang mga estudyante sa parteng iyon ng unibersidad.
"Please Louis, naiiyak na tuloy ako sa takot" aniyang nangingilid ang mga luha saka mahinang niyugyog ang balikat ng binata.
Sukat sa sinabi niyang iyon ay awtomatikong huminto sa pamimilipit ang binata saka siya amused na tinitigan. Mabilis na uminit ang ulo niya sa nakita.
"Umaarte ka lang pala!" galit niyang turan saka nanghihinang napaupo habang matalim ang titig kay Louis na noon ay halatang nagpipigil ng tawa.
"Kung...kung nakita mo lang sana ang hitsura mo...takot na takot" anitong tuluyan nang natawa.
Nagtaas-baba ang dibdib niya sa matinding pagkainis. Pagkatapos ay sambakol ang mukhang isa-isang pinulot ang kaniyang mga libro.
"Nag-e-enjoy ka ng todo huh! At anong akala mo sa akin clown?" galit niyang sabi saka isinukbit ang shoulder bag sa kaniyang balikat at tumayo.
Noon naman tumigil sa pagtawa nito si Louis saka mabilis na hinawakan ang kaniyang kamay. At dahil hindi niya iyon inasahan ay nawalan siya ng balanse kaya bumagsak siya sa kandungan nito.
"OPPS, careful" ang tanging nasabi niya nang biglang bumagsak sa kandungan niya si Jade.
Natigilan pa siya nang mapunang sa halip na baywang ay ang kaliwang dibdib ng dalaga ang nasalo niya kaya mabilis niyang inalis ang kamay doon.
Sa sandaling oras ay kay dali niyang nawala sa sarili. Hindi ang dibdib ni Jade ang unang dibdib na nahawakan niya. Sa katunayan mas higit pa doon ang nagagawa niya sa mga pasts girlfriends niya, pero parang may kakaibang init siyang naramdaman kanina.
Hindi iyon pagnanasa dahil kaya naman niyang tukuyin ang kaibahan niyon sa naramdaman niya. At kababawan mang sabihin pero hindi niya maintindihan kung bakit big deal sa kaniya na sumakto ang laki ng dibdib ni Jade sa kamay niya.
Mabilis niyang iwinala sa isipan niya ang isiping iyon at sa halip ay hinarap ang dalaga.
"Pwede ba pakawalan mo ako?" ang mataray na tono ng pananalita ni Jade ang nagpabalik ng kanyang huwisyo.
"Tsk, ikaw naman wala pa ngang isang buwan mula nang magkabati tayo, tinatarayan mo nanaman ako" aniya saka ito nginitian.
Inirapan siya nito. "Paano naman kasi napaka-pilyo mo!"
Maluwang siyang napangiti. Pilit niyang binabalewala ang mabangong hininga ni Jade na malayang bumabadha sa kaniyang mukha, maging ang natural nitong bango na humalo sa scent ng cologne nito ang unti-unting tila nagpapawala nanaman sa kaniyang katinuan.
"So, nagworry ka nga ba?"
Noon nagbaba ng tingin ang dalaga saka ngumiti. "Oo naman! Tapos ikaw pinagtawanan mo lang ako!"
Hindi na siya sumagot sa halip ay nanatili lang siyang nakatitig sa maganda nitong mukha. Ang mga labi nito tila nanunukso at nag-aanyaya para halikan niya. Pero bago pa man mangyari iyon ay minabuti niyang pawiin na ang kung anumang bumabalot sa paligid nila ng dalaga.
Kung ibang dalaga lang ito, baka kanina pa niya ito hinalikan. Pero si Jade ito, iginagalang at iniingatan niya. Iba sa mga babaing nagdaan sa buhay niya noon.
"Halika na" pagkuwan ay yakag niya.
"Saan tayo pupunta?"
"Basta."