Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 55 - Chapter 18

Chapter 55 - Chapter 18

PUNO ng kasiyahan sa common area ng Bachelor's Pad. Nasorpresa ang lahat nang dumating si Rob at ianunsiyo na engaged na ito kay Daisy Alcantara, ang tagapagmana ng isang malaking television network. Si Daisy ang babaeng isinama ni Rob sa nakaraang charity work ng mga residente ng Bachelor's Pad kaya hindi na nagtaka sina Ross nang ianunsiyo ni Rob ang tungkol sa pag-alok nito ng kasal kay Daisy.

Nakangiti si Ross habang nakikihalubilo sa mga kaibigan subalit pinipilit lang niyang umaktong masigla. Sa maikling sandali ay napakaraming nangyari na nagpapagulo sa kanyang isip. Everything kept leading him back to one name…

Bianca.

Nakita na naman niya ang dalaga sa law firm kanina. At muli, parang may lumalamutak sa kanyang dibdib tuwing pumapasok si Bianca sa private office ni Ferdinand Salvador. Ang tungkol sa illicit affair ng dalawa ang palagi niyang naririnig na usapan sa bawat sulok ng law firm. Hindi na siya magtataka kung ano mang sandal ay makakarating na rin iyon sa media. Para siyang namamatay tuwing naiisip na pag-aari ng iba si Bianca. Na mas pinili nitong kumabit sa isang matandang abogado kaysa makipag-ugnayan sa kanya.

Ano ba ang nakita ni Bianca kay Ferdinand? Bata, maganda, at matalinong babae si Bianca, bakit sinasayang nito ang panahon bilang kabit kung maraming lalaki ang siguradong gugustuhing ibigay rito ang higit pa sa kayang ibigay ng isang lalaking may-asawa?

Ang gusto mong malaman ay kung bakit hindi ka niya pinili, hindi ba? pambubuska ng isang bahagi ng isip ni Ross.

Sa naisip ay humigpit ang hawak niya sa bote ng beer. Because damn, it was true. Sa katunayan, habang tumatagal ay patindi nang patindi ang kagustuhan niyang makasama si Bianca. Hindi nabawasan ng katotohanang kabit ang dalaga ng kanyang superior para mawala ang damdaming iyon. Kahit kung tutuusin, ang mga babaeng katulad ni Bianca ang pinakaayaw niyang babae sa mundo.

He hated mistresses, dahil maraming naging babae ang kanyang ama. Isang mistress ang dahilan kung bakit nagdusa ang kanyang ina noon bago tuluyang hiniwalayan ang tatay niya. Kung bakit hanggang ngayon, minsan ay sinusumpong ang kanyang ina, nagiging emotionally unstable at gustong mapag-isa.

Kaya bakit ngayon ay attracted siya sa klase ng babaeng pinakaayaw niya?

Dahil nakilala ko si Bianca bago ko pa nalaman kung anong klase siyang babae. I saw her sweet and innocent side. I know what it feels like to touch her hand and kiss her lips. And I want more.

"What's wrong with you, Ross?" biglang tanong ni Rob na nakalapit na pala sa kanya. Nakapuwesto kasi siya sa gilid, malayo sa ibang residente.

Bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Ross at nagkibit-balikat. "Bakit mo naman naisip na may mali sa akin?"

Pinakatitigan siya ni Rob bago nagsalita. "You've changed. I can't put my finger on it, but you have, Ross. Hindi ka na ang happy-go-lucky na pinsan ko bago ako umalis."

Si Ross naman ang napatitig kay Rob. Marahil ay tama ang kanyang pinsan. Nagbago siya. Sa unang pagkakataon, may nakilala siyang babae na gusto niyang seryosuhin. Hindi tulad noon na maliban sa trabaho, wala na siyang ibang sineseryoso at iniintindi. Nakilala na niya si Bianca.

Bahagyang napangiti si Ross. "Iyan din ang gusto kong sabihin sa `yo. You look happy, cousin. Masaya rin ako para sa `yo. `Looks like messing up a relationship doesn't run in the family anymore," biro niya.

Napangiti rin si Rob. "I know you can do it, too. Not mess up a relationship, I mean."

Naging mapait ang ngiti ni Ross at nag-iwas siya ng tingin. "I don't even have a relationship."

"Oh? Ang sabi nina Jay, mayroon ka raw paborito sa mga naging babae mo. Ano'ng nangyari?"

Ngumiti siya nang mapait. "Wala. Pag-aari na siya ng iba."

Matagal na lumipas ang sandali bago muling nagsalita si Rob. "Masaya ba siya sa piling ng taong `yon?"

Inalala ni Ross ang hitsura ni Bianca nang huli niyang makitang lumabas ng opisina ni Ferdinand. May nakita siyang pained expression sa mukha ng dalaga. At nang magtama ang kanilang mga mata habang nasa conference room siya at sadyang hinihintay itong lumabas, may nakita siya na kislap ng pangungulila sa mga mata ni Bianca. Alam niya na para iyon sa kanya.

Which did not make sense. Kung nangungulila si Bianca sa kanya, bakit hindi pa nito iwan si Ferdinand? Bakit pabalik-balik pa rin ang dalaga sa law firm na para bang ipinapangalandakan pa nito ang relasyon sa matandang abogado? Hindi iyon ang unang beses na nakita niya ang lungkot na dumaan sa mga mata ni Bianca mula nang makita ito sa law firm.

"I don't really think so," tugon ni Ross sa tanong ni Rob makalipas ang ilang sandali, mas sa sarili niya sinasabi iyon.

"Then steal her away."

Gulat na napatingin siya sa kanyang pinsan. "Ano?"

Sumulyap si Rob sa kanya. "Ang sabi mo, sa tingin mo ay hindi siya masaya. Kung sa tingin mo ay kaya mo siyang pasayahin, steal her away."

Tila walang anuman ang pagkakasabi niyon ni Rob na hindi alam ni Ross kung ano ang dapat na maging reaksiyon. Hindi siya makapaniwala na maririnig niya mula sa pinsan ang ganoong klase ng payo. May sense naman ang sinabi ni Rob. Pero kaya nga ba niyang pasayahin si Bianca? Would she even allow him to steal her away?

Hindi pa nakakasagot si Ross nang biglang kunin ni Keith ang atensiyon nilang lahat.

"Nandito na rin lang tayong lahat, ngayon ko na rin sasabihin ang tungkol sa monthly charity work natin. This weekend, ang pupuntahan natin ay isang charity event para sa mga nasalanta ng bagyo. Ise-send ko ang invitation at program sa bawat pinto ninyo bago ang araw na iyon. Make sure you're free. Iyon lang. Let's go back to the party. Congratulations sa engagement mo, Rob!" masayang sigaw ni Keith na sinegundahan ng lahat.

Naudyukan si Rob na lumapit kina Keith. Tinapik ni Rob ang balikat ni Ross bago lumayo. Inalok din si Ross na lumapit subalit tumanggi siya. Masyado siyang maraming kailangan na isipin at hindi niya magagawang lubusang makipagsayahan. Magiging killjoy lang siya. Walang ibang laman ang kanyang isip kundi si Bianca.

SA ARAW na iyon, sinadya ni Bianca na magpunta sa law firm nang hapon at hindi umaga dahil alam niyang wala roon ang kanyang ama. Hindi ganoon katindi ang lakas ng loob niya para makita uli si Ferdinand pagkatapos ng naging sagutan nila noong huli siyang nagpunta roon. Ang target ni Bianca sa araw na iyon ay ang sekretarya ng kanyang ama. Nang sabihin kasi niya kay Mrs. Charito ang nangyari at ang pagpapalit niya ng plano, sinabi ng ginang na kunin niya ang schedule ni Ferdinand. At ang balak niya ay kunin iyon sa sekretarya ng kanyang ama.

Subalit nang pumasok si Bianca sa opisina ni Ferdinand ay wala kahit ang sekretarya nito. Sa ilang beses na pagpunta niya sa law firm, palagi siyang tinitingnan ng mga tao subalit walang lumalapit, kumakausap, o pumipigil sa kanya. Wala tuloy siyang mapagtanungan kung nasaan ang mga tao sa opisinang iyon. Napatingin siya sa mesa ng sekretarya at napansin ang isang organizer na nakapatong.

Lumapit si Bianca sa mesa at hindi na nagdalawang-isip na kinuha ang organizer. Binuklat niya iyon at bahagyang napangiti. Tama ang kanyang hinala, iyon nga ang listahan ng schedule ni Ferdinand. Mabilis niyang pinasadahan ng tingin ang bawat petsang may nakasulat. Hindi na niya kailangang kopyahin ang mga nakasulat. Lingid sa kaalaman ng lahat, may matalas na memorya si Bianca. Lahat ng kanyang nababasa ay hindi niya nakakalimutan. Kaya kahit hindi pa tapos ng kolehiyo, malawak ang kanyang kaalaman dahil sa mga libro at artikulong binabasa.

May partikular na event ang nakapukaw ng interes ni Bianca. Charity event para sa mga nasalanta ng bagyo. Atty. Salvador and family. Iyon ang nakasulat sa petsang iyon. Mapait siyang napangiti at muling isinara ang organizer. Inilapag niya iyon sa mesa at lumabas ng opisina. Hindi pa man ay may nabubuo nang plano sa kanyang isip.

Maayos na sana ang araw na iyon. Subalit paglabas ng elevator at mag-angat ng tingin, para na namang may nagwawalang mga paruparo sa sikmura ni Bianca nang makita ang lalaking titig na titig sa kanya at naglalakad pasalubong. Tila may kumurot sa kanyang puso at nawala ang kontrol sa kanyang mga emosyon.

Ross…

GALING si Ross sa hearing kaya hapon na nang makabalik siya sa law firm. Dapat ay maging masaya siya dahil bukod sa balita ni Rob noong isang gabi tungkol sa pagpapakasal nito, malaki na naman ang posibilidad na may maipanalo siyang kaso. Kaya lamang, hindi niya magawa na lubusang maging masaya dahil may iba siyang hinahanap-hanap.

Naglalakad na si Ross sa lobby nang mapahinto dahil nakita niya ang babaeng kalalabas lamang ng elevator at makakasalubong niya. Parang may sumuntok sa kanyang sikmura habang pinagmamasdan ang magandang babae. Lalo na at alam niya kung saan ito galing.

Bianca.

Nag-angat ng tingin si Bianca at nagtama ang kanilang mga mata. May kumislap na kung ano sa mga mata ng dalaga na tumagos sa dibdib ni Ross. Subalit dagli ring nawala iyon at naging malamig ang ekspresyon sa mukha ni Bianca.

But that short moment when he saw attraction in her eyes was enough to make his blood boil. Dahil kahit anong pagtanggi ang gawin ni Ross, hindi naman niya mapipigilan ang atraksiyong nararamdaman para sa babaeng ito. She was the kind of woman he hated most.

Nang ilang pulgada na lamang ang layo ni Bianca, nagtagis ang mga bagang ni Ross at hinablot ang braso ng dalaga. "Bakit nandito ka na naman?" nanggigigil na tanong niya, mas ang dahilan ay frustration kaysa inis.

Tumalim ang tingin ni Bianca at nagpumiglas subalit hindi niya ito pinakawalan. "Ano ba ang pakialam mo?"

Naningkit ang mga mata ni Ross. Ano ang pakialam niya? Marami siyang puwedeng isagot doon. Kahit ang totoo, gusto niyang halikan si Bianca at hayaan na iyon ang maging sagot sa tanong nito. Pinigilan lang niya ang sarili. "Alam ng lahat ng tao sa buong building na ito kung sino ka, Bianca. Do you really have to come here every day na parang pinangangalandakan mo pa kung sino ka?"

Defiant na itinaas ni Bianca ang mukha, at kahit ayaw ni Ross ay bumaba ang tingin niya sa mga labi ng dalaga. Mapupula iyon at gustong-gusto niyang tawirin ang pagitan ng kanilang mga mukha at siilin ito ng halik.

"Why are you even wasting your time on him?" Hindi nakaligtas sa kanyang pandinig na may halong pakiusap ang tono niya. Subalit sa pagkakataong iyon, wala na siyang pakialam.

"It's none of your business, Mr. Womanizer. Ikaw, bakit mo ba sinasayang ang oras mo sa pangingialam sa buhay ko? Maraming babae diyan ang sigurado akong naghihintay na mapansin mo. Pero hindi ako kasama sa mga babaeng `yon."

Nasaling ang ego ni Ross sa sinabi ng dalaga. Mukha namang sinamantala iyon ni Bianca dahil pumiksi ito at lumayo sa kanya. Nagtama ang mga mata nila. Natigilan si Ross nang makitang bahagyang lumambot ang ekspresyon sa mga mata ng dalaga.

"I'm not worth wasting your time on, Ross. Maniwala ka sa akin," mahinang usal nito, saka siya nilampasan.

Naiwan si Ross na nagtatagis ang mga bagang at nakakuyom ang mga kamay. Damn, do you think I don't know that? Hindi ko rin ito gusto! Sino ba ang lalaking gugustuhing magulo ang utak dahil sa isang babae?

Mariin siyang napapikit at pilit na pinalis sa isip ang mukha ni Bianca. Subalit katulad ng dati mula nang makita niya ang babae, hindi niya iyon nagawa.

Steal her away… Iyon ang sinabi ni Rob sa kanya. Pinag-iisipan na niya iyon mula pa nang gabing nag-usap sila ng pinsan. Ngayon na muli niyang nakita si Bianca at madiskubre na may epekto siya rito na mukhang pinipigilan lang ay nakapagdesisyon na siya.

He would steal her away and make her his.