Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 56 - Chapter 19

Chapter 56 - Chapter 19

"HINDI ho ba masyadong revealing ang suot ko?" nakangiwing tanong ni Bianca kay Mrs. Charito. Nasa bahay sila ng ginang at tinutulungan siya nitong mag-ayos. Pupunta kasi siya sa charity event na dadaluhan ng kanyang ama at ng asawa nito. Sa kung paanong paraan, nagawa ni Mrs. Charito na makakuha ng imbitasyon para sa nasabing event. Ang sabi lang ng ginang ay marami raw itong contacts at huwag na raw niyang problemahin.

"Ang plano mo ay makakuha ng atensiyon, hindi ba? Kailangang ganito ang suot mo," sabi naman ni Mrs. Charito na iminuwestra pa si Bianca paharap sa full-length mirror. Pulang body-hugging dress ang ipinasuot nito sa kanya. Bagaman hanggang sakong ang damit ay mababa naman ang neckline kaya kita ang kanyang cleavage. Bukod doon, malaki ang uka ng damit sa likod kaya exposed ang kanyang likod. Naka-ponytail ang mahabang buhok niya kaya exposed din ang kanyang leeg. Her makeup was light but her lips were painted red.

"Innocent-looking but sexy. Perfect," nakangiti pang sabi ni Mrs. Charito.

Huminga nang malalim si Bianca at tinitigan ang sarili sa salamin. Tama ang deskripsiyong sinabi ni Mrs. Charito. Alam ni Bianca na maganda siya. Subalit habang nakatingin sa salamin, saka lang niya napagtanto na puwede pala siyang magmukhang femme fatale. Lumunok siya at marahang tumango. "Kailangang makita ako ng asawa niya sa ganitong hitsura."

Nakangiti pa ring tumango si Mrs. Charito. "At tandaan mo ang pinag-usapan natin. Lalapit ka lang sa kanya, magpapahaging nang kaunti, at aalis na. Mas epektibo iyon kaysa hayagan mong sabihin sa lahat kung sino ka kunwari sa buhay niya. Hindi mo puwedeng bigyan ng pagkakataon ang iyong ama na itanggi ka sa harap ng mga tao," paalala nito.

Tumango si Bianca at tumalikod na sa salamin. "Salamat sa pagtulong sa akin, Mrs. Charito. Pati sa sasakyan at driver na ipapahiram mo sa akin. Sabi rin sa akin ni Nanay kagabi, palagi mo rin daw siyang dinadalaw sa ospital." Bahagya siyang ngumiti. "Salamat ho."

Iwinasiwas ng ginang ang kamay. "Walang anuman `yon. Masaya akong nakakatulong ako sa inyong dalawa."

Noon tumunog ang telepono. Sandaling nagpaalam si Mrs. Charito kay Bianca upang sagutin ang tawag. Ilang hakbang lang naman ang layo ng telepono mula sa kanila.

"Hello?" Nakinig ang ginang sa kabilang linya. Nakita ni Bianca nang biglang lumiwanag ang mukha nito. Kasabay niyon ay tila kumislot ang kanyang puso sa hindi maipaliwanag na dahilan nang mahagip ang boses ng kung sino mang kausap ni Mrs. Charito. Masyadong mahina ang tinig at hindi naman nare-recognize ni Bianca subalit hindi niya alam kung bakit ganoon ang naging epekto sa kanya.

"Yes, of course. I'm okay, honey. Oo, I take my meds regularly. Huwag kang mag-alala. Bisitahin mo ako sa susunod, ha? Okay, bye," masiglang sabi ni Mrs. Charito bago ibinaba ang telepono. Nakangiti pa rin ito nang humarap sa kanya. "That was my son. Ano na ba'ng pinag-uusapan natin?"

Hindi na rin matandaan ni Bianca. Na-distract kasi siya ng tawag na natanggap nito. "Sa tingin ko ho, kailangan ko nang umalis," sabi na lamang niya.

"Ah, yes. Halika na. Ibibilin kita sa driver ko." Inakay na siya ni Mrs. Charito palabas ng silid at patungo sa garahe ng bahay kung saan naghihintay ang sasakyang magdadala sa kanya sa charity event.

Hindi raw takot ang kanyang ama sa kanyang childish ploys? Tingnan lang niya kung ganoon pa rin ang magiging opinyon nito sa gagawin niya ngayon.

MARAMI nang tao nang humimpil ang sasakyang kinalululanan ni Bianca sa mismong entrada ng pinagdarausan ng charity event. Medyo kinakabahan siya subalit pinalis niya iyon. Kailangan niyang ipakita ang confidence. Huminga siya nang malalim saka bumaba ng sasakyan.

Agad na natuon kay Bianca ang tingin ng mga taong nasa labas pa subalit hindi niya pinansin ang mga iyon. Deretso siyang lumapit sa isang nakabantay sa pintuan at ipinakita ang kanyang imbitasyon. Pagkatapos ay tuluyan na siyang pumasok. Iginala niya ang tingin sa paligid upang hanapin ang kanyang ama. Subalit masyadong maraming tao para makita kaagad ang hinahanap.

May dumaang waiter na titig na titig kay Bianca. Inalok siya nito ng champagne na nginitian naman niya pagkatapos abutin ang inumin. "Hi. Kilala mo ba si Attorney Ferdinand Salvador?" Agad na tumango ang waiter na halatang apektado sa kanyang ngiti. "Nandito na ba sila ng pamilya niya?" dagdag niyang tanong.

May itinuro ang waiter. "Nandoon ho sila."

Tiningnan ni Bianca ang itinuro ng lalaki at naging alerto siya nang makita ang kanyang ama sa isang panig. May mga kausap itong matatandang lalaki na naka-suit. Katabi ng ama ang isang may-edad na babae, na marahil ay ang asawa nito.

May naramdaman siyang pait sa puso. Dapat ay ang nanay niya ang nasa tabi ng kanyang ama. Dapat ay ang nanay niya ang naging maalwan ang buhay, hindi ang babaeng katabi ng tatay niya.

Kinontrol ni Bianca ang pagiging emotional at muling tumingin sa waiter na puno pa rin ng paghangang titig na titig sa kanya. Pilit siyang ngumiti. "Thank you." Iyon lang at naglakad na siya patungo sa kinaroroonan ng kanyang ama bitbit ang kopita ng champagne. Deretso ang kanyang tingin kay Ferdinand Salvador na halatang wala pang kaalam-alam na naroon siya. Nakikipagtawanan pa nga ito sa mga kausap.

Sige lang, tumawa ka lang. Pinanatili ni Bianca ang ngiti nang ilang metro na lamang ang layo sa grupo. Isa sa mga kausap ng kanyang ama ang nakapansin sa paglapit niya. Napahinto pa nga sa pagsasalita ang lalaki at literal na napanganga habang nakatitig sa kanya. Iyon ang dahilan kaya napatingin din sa kanya ang iba pa sa grupong iyon, kabilang ang kanyang ama at ang asawa nito.

Lalong napangiti si Bianca nang makita na namutla si Ferdinand pagkakita sa kanya. Ano ka ngayon? Tuluyan siyang lumapit sa grupo pero sinadya niyang kay Ferdinand lang nakatingin.

"Hi! I'm happy to see you here," malambing na sabi ni Bianca. Bago pa makahuma ang kahit na sino sa grupo, dumukwang na siya at malutong na hinalikan sa pisngi ang kanyang ama. Inilapat talaga niya ang mapupulang labi para bumakat ang kanyang lipstick sa pisngi nito.

Biglang nagkislapan ang flash ng mga camera sa paligid kasabay ng pagkakaingay at pagsinghap mula sa mga naroroon. Lalong napangiti si Bianca at inilayo ang sarili sa ama. Nagtama ang kanilang mga mata.

"Surprised to see me?" ngiting-ngiting tanong ni Bianca.

Nagtagis ang mga bagang ng kanyang ama.

"Huwag kang mag-alaala, binati lang naman kita." Iyon lang at tumalikod na siya.

Sa pagkakataong iyon, lahat ng madaanan ni Bianca ay nakatingin na sa kanya. Itinaas niya ang noo at ngumiti lang. Malakas ang kanyang loob dahil hindi naman siya gate-crasher. May imbitasyon siya. Bahala ang kanyang ama na harapin ang lahat ng katanungan ng mga tao roon tungkol sa kanya.