Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 62 - Chapter 25

Chapter 62 - Chapter 25

HINDI naiwasan ni Bianca ang mamangha nang makarating sila ni Ross sa Tagaytay at tinahak ang paakyat na daan patungo sa kung saan. Nanlaki ang kanyang mga mata at literal na napaawang ang mga labi nang ipasok ng binata ang sasakyan sa malaking gate na ang magkabilang poste ay natatakpan ng mga gumagapang na halaman. Sa loob ng gate ay pulos berdeng halaman at nagtataasang puno sa magkabilang gilid. Parang secret garden.

"Kanino `to?" hindi nakatiis na tanong ni Bianca nang sa wakas ay ihimpil ni Ross ang sasakyan sa tapat ng isang bahay na napipinturahan ng puti. Bungalow-type ang bahay subalit malapad at mukhang malaki. Bagay na bagay ang hitsura ng bahay sa maberdeng paligid.

"Pagmamay-ari ito ng isang kaibigan ko. Regalo sa kanya ng lolo niya noong pumasa siya sa board exam," sabi ni Ross, tinanggal ang seat belt, pagkatapos ay lumapit sa kanya upang alisin din ang seat belt niya. Napasinghap siya nang magkalapit ang kanilang mga mukha.

"Kaya kong alisin ang seat belt ko," mahina ngunit mariing sabi niya.

Sa halip na lumayo na, tumingin pa si Ross sa kanyang mukha at pilyong ngumiti. "I love doing it for you. Because I get to have an excuse to be this close you."

Nag-init ang mukha ni Bianca. Lalo lamang ngumiti si Ross bago tuluyang lumayo kasabay ng pagkakalas ng seat belt ni Bianca. Pagkatapos, binuksan na ng binata ang pinto at bumaba ng sasakyan.

Napabuga ng hangin si Bianca at hindi na hinintay na pagbuksan siya ng pinto ni Ross. Kusa na siyang umibis ng sasakyan. Nangikig siya sa lamig ng hangin na humaplos sa kanya.

"Kailangan mo ng mas makapal na damit kaysa sa suot mong `yan. Malamig dito."

Niyakap niya ang sarili. "Wala akong dalang kahit ano kaya dapat mo akong ibalik sa Maynila bago magdilim."

"Don't worry. I already prepared for that," sabi ni Ross na binuksan ang back compartment ng sasakyan. Kumunot ang noo ni Bianca. Ngumisi lang ang binata. "Sa tingin mo ba, hindi ako marunong magplano?" May binuhat itong traveling bag at mga paper bag na may tatak ng mga designer dress na pambabae.

Namilog ang mga mata ni Bianca. "Namili ka para sa akin?" Hindi siya makapaniwala. Mga kilalang clothing line ang nakatatak sa mga paper bag. Hindi niya makakayang bumili ng mga ganoon.

"Yes," tila bale-walang sagot ni Ross, bitbit pa rin ang mga gamit na naglakad palapit sa pinto.

Muling napabuga ng hangin si Bianca at walang nagawang sumunod sa binata. Ilang hakbang na lamang ang layo niya nang bigla itong humarap. "Nasa bulsa ko ang susi. Pakikuha naman," sabi nito.

Natigilan siya at sumulyap sa bulsa ni Ross bago muling tumingin sa mukha nito. Mukhang walang ibang motibo ang binata kung pagbabasehan ang ekspresyon sa mukha nito. Pasimpleng huminga siya nang malalim at tuluyang lumapit kay Ross. Inilapit niya ang kamay sa front pocket na iminuwestra ng binata para kunin ang susi ng bahay.

Nainis si Bianca sa sarili dahil nanginginig ang kanyang kamay nang maisuksok sa bulsa ni Ross. Nang simulan niyang mangapa sa bulsa para makuha ang susi ay naramdaman niyang na-tense ang binata. Napatingala tuloy siya sa mukha nito. Seryoso na ang ekspresyon sa mukha ni Ross habang titig na titig sa kanya. At nang magtama ang mga mata nila ay bumilis ang tibok ng kanyang puso. May nababasa siya sa mga mata ng binata na nagdulot ng nakakakilabot na sensasyon sa kanyang buong katawan. She continued to move her hand deeper inside his pocket without taking her eyes off his.

"Hurry…" paos na usal ng binata.

Sa wakas ay nahagilap ni Bianca ang susi. Yuyuko sana siya upang ibaba ang tingin subalit mabilis na nagsalita si Ross. "Don't look."

Napakurap siya at mabilis na inilabas ang susi mula sa bulsa ng binata. Mabilis na tumalikod ito sa kanya.

"Buksan mo na ang pinto."

Kumunot ang noo ni Bianca dahil sa kakaibang tono ni Ross. Pero dahil hindi alam kung bakit biglang naging ganoon ang paraan ng pagsasalita ng binata, hindi na lamang siya kumibo at lumapit na sa pinto upang buksan.

Nawala ang isip ni Bianca sa kakaibang reaksiyon ni Ross nang mabuksan na ang pinto at makita ang loob ng bahay. "Wow…" naiusal niya bago pa mapigilan ang sarili. Malawak ang loob ng bahay at kaunti lamang ang mga gamit subalit homey pa rin ang dating. Kahoy ang makintab na sahig. Off white ang kulay ng pader. At sa isang panig ay French doors na floor-to-ceiling. Kahit hindi buksan ang ilaw ay maliwanag sa loob ng bahay.

Naramdaman ni Bianca ang paglapit ni Ross sa kanyang likuran.

"Do you like it here?" tanong ng binata sa normal nang tinig. Mukhang kung ano man ang nangyari dito kanina ay nakabawi na.

"Oo. Ang ganda," sagot niya.

"That's good. We're going to stay here for the whole weekend."

Napakurap si Bianca at nilingon si Ross. "Hindi ako puwedeng mawala nang ganoon katagal," protesta niya.

Isinara ng binata ang pinto gamit ang katawan nito at nagpaunang naglakad palapit sa mahabang sofa. Inilapag ni Ross ang mga bitbit bago humarap kay Bianca at nagsalita. "Hindi ka aalis dito na hindi ako kasama. And I'm going to stay here for the whole weekend."

Mariing itinikom ni Bianca ang mga labi at humalukipkip. Bumaba ang tingin ni Ross sa kanyang dibdib kaya napasunod doon ang kanyang tingin. Nag-init ang kanyang mukha nang makitang halos lumuwa na ang kanyang mga dibdib sa mababang neckline ng suot na bestida. Nawala na sa kanyang isip ang ayos dahil sa bilis ng mga pangyayari. Tinakpan niya ng mga kamay ang mga dibdib at tiningnan si Ross. "Stop looking."

Umangat na rin ang tingin ni Ross sa kanyang mukha at namaywang. "Ayaw mong tingnan ko `yan kahit kanina ay balak mong ibalandra sa lahat ng press people?" nanenermong tanong ng binata.

May punto na naman ito kaya hindi siya nakasagot. Napabuntong-hininga na lamang siya. "Mag-aalala ang nanay ko kapag hindi ko siya dinalaw sa ospital nang ilang araw," pag-amin ni Bianca kahit labag sa loob na ipasok ang kanyang ina sa usapan.

Natigilan si Ross at tila nag-isip. "Saang ospital siya naka-confine?" tanong ng binata pagkalipas ng ilang segundo. Sinabi ni Bianca ang pangalan ng ospital. Tumango si Ross at dinukot ang cell phone sa bulsa ng pantalon at may tinawagan.

Nagtatakang napatitig lang si Bianca sa binata.

"Montes. This is Ross," sabi ng binata nang tila sumagot ang tinawagan nito. "May hihingin ako sa iyong pabor. Naka-duty ka ba sa ospital ngayong weekend? I know you're not a doctor but a nutritionist, but I still need to ask you a favor." Sumulyap si Ross kay Bianca at sandaling tinakpan ng kamay ang cell phone bago nagtanong. "Ano'ng pangalan ng nanay mo? "

Umawang ang mga labi ni Bianca. "Jackie Bernabe."

Tumango ang binata at inulit ang pangalan ng kanyang ina sa kung sino mang kausap. "I just need someone to check on her. Make sure she's okay. At kapag gising siya, tawagan mo ako para makausap ko siya."

Namilog ang kanyang mga mata. "Huwag!" naibulalas niya. Napahinto si Ross sa pagsasalita at napatingin sa kanya. "Huwag mo na siyang ipakiusap sa kung kanino. May kilala akong puwedeng tumingin kay Nanay. Tatawagan ko na lang siya," mabilis na dugtong niya. Hindi puwedeng malaman ng kanyang ina ang pinaggagagawa niya.

Tinitigan siya ni Ross bago marahang tumango at binalikan ang kausap sa cell phone. "Montes, you don't have to talk to her. But I would appreciate it if you came to check on her once in a while. Okay, thanks." Iyon lang at ibinaba na ng binata ang cell phone.

"Sino `yong kausap mo?" tanong ni Bianca na medyo nakahinga na nang maluwag.

"You could say he's one of my neighbors. Sa iisang building kami nakatira. So, may magbabantay sa nanay mo kahit wala ka?"

Huminga siya nang malalim. "Oo. Kaibigan ni Nanay. Siya rin ang tumulong sa akin sa bayarin sa ospital at mga gamot."

Nagsimulang maglakad si Ross palapit sa kanya. Naibalik na nito ang cell phone sa bulsa. "Ang kaibigan na ito ay… babae o lalaki?"

Naitirik ni Bianca ang mga mata sa nahimigang possessiveness sa tinig ng binata. "Babae. Matanda na. Ano ba ang iniisip mo?" sita niya.

Huminto si Ross sa harap niya at hinawakan ang kanyang magkabilang braso bago marahang hinaplos. Agad na kumalat ang init sa katawan ni Bianca at napatitig sa mukha ng binata. Nakatingin din ito sa kanya. "Sa akin ka na lang kasi dapat humingi ng tulong."

"Hindi ako hihingi ng tulong sa isang estranghero."

"Si Ferdinand ba'y hindi estranghero?" tanong ni Ross.

Mapait na napangiti si Bianca. "Kung iisipin, oo, estranghero siya." Dahil genes lang ang nag-uugnay sa kanilang mag-ama, maliban doon ay wala na.

Hinuli ng tingin ng binata ang kanyang tingin. "Ano ba talaga ang relasyon mo sa kanya, Bianca?" Natigilan siya sa biglang tanong nito. "You're not really lovers, right?"

Nanuyo ang mga labi ni Bianca at biglang na-tense sa tanong ni Ross. Aamin na ba siya? "May maiiba ba kung sagutin ko ang tanong mo? Kapag ba sinabi kong 'oo,�� ibabalik mo na ba ako sa Maynila?"

"Hindi. Because I've decided to spend the weekend with you. Besides, I can tell that you're not really lovers. Gusto ko lang marinig mismo sa iyo ang totoo."

"You can tell?" kunot-noong tanong niya.

"Oo." Bumaba ang tingin ng binata sa kanyang mga labi.

Biglang nanuyo ang lalamunan ni Bianca. Wala sa loob na pinaraan niya ang dila sa mga labi upang basain. Bahagyang humigpit ang hawak ng binata sa kanyang mga braso.

"Because you don't react to him the way you react to me, Bianca," usal ni Ross, pagkatapos ay tinawid ang pagitan ng kanilang mga labi at siniil siya ng halik.

Napasinghap si Bianca at namigat ang talukap ng mga mata sa init ng halik ng binata. Ni hindi niya naisip na magprotesta. Tinanggap niya ang halik nito na tila batang inabutan ng candy. Ibinuka pa niya ang mga labi nang humagod ang dila ni Ross sa kanyang ibabang labi. She heard him groan appreciatively. Lalo pang dumikit ang binata at napaatras siya hanggang mapasandal sa nakapinid na pinto. Umangat ang isang kamay ni Ross patungo sa kanyang batok at lalo pang pinalalim ang halik. Her knees turned to jelly when his tongue explored the insides of her mouth. Napakapit siya nang husto sa mga balikat ng binata.

Nang pakawalan ni Ross ang kanyang mga labi, akala ni Bianca ay titigil na ang binata subalit nagkamali siya. Sa halip na lumayo ay dumausdos ang mga labi nito pababa sa kanyang leeg. His lips left a wet and hot trail on her skin. Napaigtad siya dahil parang may kuryenteng dumaloy sa katawan hanggang sa kanyang talampakan.

"R-Ross…" daing niya bago pa mapigilan ang sarili.

"Bianca…" ganting-usal ni Ross na ang mga labi ay nasa balikat na niya, bumaba pa sa collarbone, hanggang sa ibabaw ng kanyang dibdib. Ang mga kamay nito ay sensuwal na humahagod sa kanyang magkabilang tagiliran.

Biglang tumunog ang cell phone ng binata.

Napadilat si Bianca at noon lamang natauhan. Maging si Ross ay napahinto subalit hindi inilayo ang mukha sa kanyang balat. Inihilig lamang ng binata ang ulo sa balikat niya at marahas na bumuntong-hininga. "Istorbo," bulong pa nito.

Nag-init ang kanyang mukha. "S-sagutin mo na," sabi niya sa garalgal na tinig. Patuloy kasi sa pagtunog ang cell phone.

Dumeretso ng tayo si Ross at dinukot ang cell phone subalit hindi pa rin ito lumalayo kay Bianca. Nakadantay pa rin ang isang kamay ng binata sa kanyang baywang na para bang nakahandang pigilan siya kapag tinangka niyang lumayo.

"Mitchell," bungad ni Ross sa kung sino mang tumatawag.

Napansin ni Bianca na palaging may tumatawag sa binata. Patunay iyon na talagang abalang tao ito. Subalit naroon ngayon si Ross sa Tagaytay, kapiling niya.

"Palagi akong may oras para sa `yo." Iyon ang sinabi ni Ross sa kanya. Tila mainit na hagod sa puso ni Bianca ang alaalang iyon. Subalit natigilan din siya nang tingalain ang mukha ng binata at makitang nakakunot ang noo nito at seryosong-seryoso ang ekspresyon sa mukha habang nakikinig sa kausap sa cell phone.

"Okay. Thanks for informing me. But after this weekend pa rin ako babalik sa Maynila as planned. Just don't tell anyone na nandito kami sa rest house mo, Charlie. Thanks, man." Iyon lang at tinapos na ni Ross ang tawag.

Pagkatapos, namangha si Bianca nang i-off ng binata ang cell phone nito.

"Bakit mo pinatay?" tanong niya.

Tumingin si Ross sa kanya at ngumiti. "Para wala nang istorbo." Ginagap nito ang isang kamay niya at hinila upang tuluyang makapasok sa bahay. "Tawagan mo na `yong kaibigan ng nanay mo habang naghahanda ako ng pagkain natin. I'm starving."

Tinitigan ni Bianca ang mukha ng binata. "Tungkol saan ang tawag na natanggap mo?"

Natigilan si Ross sa tanong niya pero agad ding nakabawi. Nagkibit-balikat ang binata. "Just some issues at work. Hindi naman iyon problema."

Hindi siya kumbinsido pero hindi na nagpumilit pang magtanong. Saka lang binitawan ni Ross ang kanyang kamay nang nasa kusina na sila. Malawak ang kusina at maliwanag din kahit hindi buksan ang ilaw dahil sa harap ng lababo at stove ay malaking window. Nahigit ni Bianca ang hininga nang makita ang view na natatanaw mula sa bintana—pulos berdeng kabundukan at ilang mga tuktok ng bahay. At dahil hapon na, magkahalong orange at pink na ang kulay ng kalangitan.

"Mas maganda ang view kapag lumabas ka sa French doors. Makikita mo ang Taal Lake," sabi ni Ross na lumapit sa refrigerator at naghalungkat ng laman sa loob. "Maraming pagkain. Maaasahan talaga si Charlie."

Napasunod ang tingin ni Bianca sa bawat kilos ni Ross na nagsimula nang maglabas ng kung ano-ano mula sa refrigerator. "Magluluto ka?" manghang tanong niya.

Tumingin ang binata sa kanya at nakangiting kumindat. "Yep. Sige na, tawagan mo na ang kailangan mong tawagan habang nagluluto ako."

Ilang sandaling nanatili lamang na nakatingin si Bianca kay Ross bago nakabawi mula sa pagkatigagal at saka tumango. Tumalikod na siya at lumabas ng kusina.