Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 59 - Chapter 22

Chapter 59 - Chapter 22

Ilang segundo pa ang lumipas bago bumuga ng hangin si Ross. "You're such a tease," mahinang usal ng binata bago binuksan ang pinto sa tabi nito at bumaba ng sasakyan.

Huminga rin nang malalim si Bianca at kumilos upang buksan ang pinto sa tabi niya subalit naunahan na siya ni Ross. Inalalayan pa siya nito na makababa ng kotse.

Bigla na naman siyang na-tense nang muling mapatingin sa coffee shop. Noon lang niya naalala na ilang linggo pa lang ang nakararaan ay nagtatrabaho siya roon. Kilala pa siya ng guwardiya at ng staff. Sa pagkakataong iyon, malalaman na ni Ross ang sana ay aaminin na ni Bianca noong huli silang magkita roon—na hindi siya customer sa coffee shop kundi isa sa mga miyembro ng staff.

Pero wala na `yon kompara sa iniisip niya na kabit ka ng isang matandang abogado, Bianca.

Hinawakan siya ni Ross sa siko at iginiya palapit sa entrada ng coffee shop. Napatingin sa kanila ang security guard at nanlaki ang mga mata nang makita siya. "Bianca? Ikaw ba `yan?" manghang bulalas ng matandang lalaki.

Bahagyang ngumiti si Bianca at hindi pinansin ang nagtatakang tingin na ipinukol ni Ross sa kanya. "Ako nga ho ito, Mang Nestor."

"Aba, ibang-iba na ang hitsura mo ngayon, ah!" bulalas ni Mang Nestor at pinasadahan siya ng humahangang tingin.

Binitiwan ni Ross ang siko ni Bianca. 
Natigilan si Bianca nang bigla siyang akbayan ng binata at higitin palapit sa tagiliran nito. Sabay pa silang napatingin ni Mang Nestor kay Ross. Nakatiim ang mga bagang ng binata at mukhang sasabak sa away ang ekspresyon ng mukha. Napagtanto ni Bianca na marahil ay hindi nagustuhan ni Ross ang ginawang pagtingin ni Mang Nestor sa kanya. Muntik na niyang maitirik ang mga mata. Bakit ba ganoon ka-possessive kung makaasta si Ross? Hindi naman siya nito pag-aari.

"Tigilan mo nga `yan," asik niya sa binata, pagkatapos ay hinarap si Mang Nestor at nginitian na tila humihingi ng pasensiya. "Papasok na ho kami sa loob."

"Ah, sige," sagot ni Mang Nestor na mukhang natakot kay Ross at umatras.

Kumalas si Bianca sa pagkakaakbay ni Ross at hinayaan naman siya nito. Itinulak niya pabukas ang glass door upang makapasok sila sa loob. Binati sila ng nasa counter. Napatingin siya roon at nakita si Abigail na ngiting-ngiting nakatingin sa kanya.

"Long time no see, Bianca!" bati ng dating katrabaho.

Gumanti ng ngiti si Bianca. Bigla siyang nakaramdam ng nostalgia kahit isang linggo pa lang naman mula nang umalis siya sa coffee shop. "Oo nga. Day shift ka pa rin pala hanggang ngayon."

"Oo. Ikaw lang naman daw ang nagtiyaga sa night shift nang matagal na panahon," sagot ni Abigail, pagkatapos ay sumulyap ito kay Ross bago nanunudyong ibinalik sa kanya ang tingin. "Mukhang sinuwerte ka, ah."

Nawala ang ngiti ni Bianca at sumulyap kay Ross na titig na titig sa kanya. Isang tingin pa lang sa mukha ng binata, alam na niyang gumagana na ang matalas na isip nito. Bumuntong-hininga siya at inalis ang tingin kay Ross. "Mali ka ng iniisip, Abigail. Mamaya na kami o-order, ha?" paalam niya sa dating katrabaho at nagpatiuna nang maglakad patungo sa mesang palagi nilang pinupuwestuhan noon ni Ross. May mga customer sa coffee shop nang mga oras na iyon at lahat ay nakatingin sa kanila ni Ross. Marahil dahil sa pormal na kasuotan nila.

Mabuti na lang at walang customer sa mesang pinupuwestuhan nila noon. Umupo si Bianca sa dating puwesto. Si Ross naman ay tahimik na sumunod lamang at hinila ang katapat na silya. Seryoso ang titig ng binata sa kanya nang magkaharap sila.

"So, hindi ka customer sa coffee shop katulad nang una kong akala," pagbasag ni Ross sa katahimikan. Tumango si Bianca. "May balak ka bang sabihin sa akin ang tungkol doon?"

Humugot ng hininga si Bianca, humalukipkip siya at iginala ang tingin sa paligid. Nakatingin pa rin sa kanila ang ilang customers. "Oo. Noong umaga na… niyaya mo akong lumabas. Pero may natanggap kang tawag mula sa isang kliyente kaya hindi ko na nasabi. Hindi rin ako nakahanap ng pagkakataong sabihin sa `yo bago ang araw na iyon dahil—" Napahinto siya sa pagsasalita. Ano ba ang ginagawa niya? Balak ba talaga niyang sabihin kay Ross na insecure siya noon kaya hindi sinabi rito ang totoo? Na natakot siyang mawala ang interes nito sa kanya? Ano pa ang magiging silbi niyon ngayon?

"Dahil ano, Bianca?" untag ni Ross sa seryosong tinig.

Ibinalik niya ang tingin sa mukha nito. Nagtama ang kanilang mga mata at bigla, napagtanto ni Bianca na hindi niya magagawang magsinungaling kay Ross ngayon. At least, tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa relasyon nila ni Ferdinand Salvador.

"Dahil natakot ako na kapag nalaman mo na isa lang akong simpleng tao na kailangang magtrabaho ng night shift sa isang coffee shop habang may isa pang trabaho sa araw para lang mabuhay ay mawala ang interes mo sa akin," pag-amin niya.

Kumunot ang noo ni Ross. "May isa ka pang trabaho bukod dito?" manghang tanong nito.

"Oo. Encoder ako sa isang kompanya. Sobrang baba ng suweldo. Hindi sapat para sa mga plano ko sa buhay."

"At sa tingin mo mawawala ang interes ko sa `yo kapag nalaman ko ang tungkol doon? Bakit mo naisip `yon?" kunot-noo pa ring tanong ng binata. Mukha itong nainsulto na hindi mawari.

Nag-init ang mukha ni Bianca at napahigpit ang pagkakahalukipkip. Unti-unti na siyang napapahiya dahil nare-realize na wala ngang kabuluhan ang insecurities niya noon. Nagkibit-balikat na lamang siya at pasukong umamin. "Dahil mukha kang mayaman at propesyonal, at ang mga lalaking katulad mo ay hindi lumalapit sa babaeng katulad ko." Bumakas ang inis sa mukha ng binata kaya mabilis niyang itinaas ang kamay. "Okay. Sorry. Alam kong mali ang naisip ko." Alam ko na rin na hindi ka ganoong klase ng lalaki.

Marahas na bumuga ng hangin si Ross at pinakatitigan siya. "Well, sinabi mo na sa akin ang totoo. Hindi nabawasan ang interes ko sa `yo, Bianca."

Sumikdo ang kanyang puso at ilang sandaling nakipagtitigan lang kay Ross.

Hanggang muling magsalita ang binata. "At alam ko na interesado ka rin sa akin. Kaya bakit sa gabi na dapat lalabas tayo, sinabi mong huwag na kitang tatawagan? Bakit hindi na kita nakontak pagkatapos nang gabing iyon?"

Sandaling nag-alangan si Bianca bago sumagot. "Itinakbo ko sa ospital ang nanay ko nang gabing `yon. Muntik na siyang mamatay dahil hindi ko napansin agad na may dinaramdam siya."

Natigilan si Ross, pagkatapos ay lumambot ang ekspresyon sa mukha.

Nag-init ang mga mata ni Bianca sa biglang pagpapakita ni Ross ng compassion para sa kanya. It reminded her of something. Para bang nakita na niya ang ganoon ding ekspresyon. Hindi lang niya maisip kung saan at kanino nakita.

"Kung gano'n, sana'y sinabi mo sa akin. Hindi `yong bigla mo na lang akong pinaalis sa buhay mo. Hindi ba sinabi ko sa `yo, handa kitang tulungan? Why did you have to push me away, Bianca?" tanong ni Ross na nasa tono ang frustration.

May kumirot sa puso ni Bianca at nag-iwas ng tingin bago pa tuluyang maiyak, bagay na hinding-hindi niya hahayaang mangyari. "Hindi pa tayo lubusang magkakilala noon. Na-guilty ako na dahil masyadong natuon ang isip ko sa `yo, napabayaan ko ang nanay ko. Besides, may tumulong na sa akin."

Ilang segundong tila natigilan si Ross bago nagsalita. "Si Ferdinand Salvador ba ang tumulong sa `yo?"

Pagak na natawa si Bianca at muling tumingin sa matigas na ekspresyon ng mukha ng binata. Mukha itong galit. "Kung tinulungan niya ako, sa tingin mo, guguluhin ko siya ngayon? Siya ang una kong hiningan ng tulong pero tumanggi siya," may pait sa tonong sagot niya.

Nagtagis ang mga bagang ni Ross. "Pero hiningan mo pa rin siya ng tulong. Ibig sabihin, may relasyon na kayo bago mo pa ako nakilala?"

Mabilis na itinikom ni Bianca ang mga labi. Sumobra na ang kanyang mga nasabi. Nag-iwas siya ng tingin at tumayo na. "Ibalik mo na ako. Baka nag-aalala na ang driver ko." Actually, driver ni Mrs. Charito. Pero hindi na iyon kailangan pang malaman ni Ross.

Mabilis na tumayo ang binata at hinawakan siya sa braso. "Hindi pa tayo tapos mag-usap, Bianca."

Frustrated na tiningnan niya ang mukha nito. "Ayoko nang pag-usapan pa ito ngayon. Please, ihatid mo na ako."

Halatang nagtatalo ang loob ni Ross kung pagbibigyan siya o hindi. Sa huli, marahas na bumuntong-hininga ang binata. "Fine. Pero iyon ay kung mangangako ka sa akin na hindi ka na lalapit kay Ferdinand."

Lalong itinikom ni Bianca ang mga labi.

Seryosong sinalubong ni Ross ang kanyang tingin. "Mangako ka, Bianca."

Nag-iwas siya ng tingin. "Oo na."

Mukhang napanatag na ang binata kaya lumuwag ang paghawak sa kanya.

Ngunit sa kalooban ni Bianca, alam na hindi niya kayang tuparin ang pangakong iyon.