PINAGMAMASDAN ni Bianca ang mukha ng kanyang ina. Tulog na ito nang dumating siya sa ospital. Nakausap niya ang doktor kanina. Ayon sa doktor, maayos naman na daw ang kalagayan ng kanyang ina at ilang araw na lang ay maaari na itong ilabas ng ospital. Maintenance na lamang ng pagkamahal-mahal na mga gamot at wastong pag-aalaga ang kailangan para sa tuluyang pagbuti ng kalagayan ng kanyang ina.
Hinaplos ni Bianca ang noo ng nanay niya at mukhang naalimpungatan ito sa kanyang ginawa. Nagmulat ito ng mga mata. "Bianca…"
Ngumiti siya. "`Nay. Pasensiya na kung nagising ko kayo."
Bahagyang umiling ang nanay niya. "Bihira kitang makita nitong mga nakaraang araw. Isinusubsob mo na naman ba ang sarili mo sa pagtatrabaho?" mahinang tanong nito.
May kumutkot sa dibdib ni Bianca subalit hindi inalis ang ngiti sa mga labi. Ang totoo ay nag-resign na rin siya sa trabaho bilang data encoder. May iba kasi siyang plano kapag nakalabas na ng ospital ang kanyang ina. "Huwag mo akong alalahanin, `Nay. At pasensiya na po kung hindi ako nakakapunta ng ospital na gising kayo. Huwag kayong mag-alala, ang sabi ng doktor ay malapit na raw kayong lumabas. Kapag nakalabas kayo, naisip ko na lumipat ng matitirhan. Iyong malayo sa Maynila para makasagap kayo ng sariwang hangin. Hindi kayo magiging malusog sa usok ng siyudad. Sigurado ako na kahit magpunta tayo sa kung saang probinsiya ay may mahahanap akong trabaho na makakasapat para sa ating dalawa."
Tinitigan siya nito. "Hindi ba't ikaw ang may gusto noon na sa Maynila tayo tumira? Bakit biglang nagbago ang isip mo?"
Bahagyang tumabingi ang ngiti ni Bianca. Hindi naman kasi sila sa Maynila nakatira noon. Subalit nang magkaisip at masundan ang buhay ng kanyang ama sa telebisyon at diyaryo, nagdesisyon siya na magtungo sa Maynila para mas malapit sa kanyang ama. Subalit napagtanto rin niya kalaunan na wala rin namang silbi kahit malapit sila sa isa't isa. Hindi rin naman siya nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ang ama. Nagawa lang niyang lumapit dito nang maospital ang nanay niya. But he turned her down.
"Bianca?"
Kumurap si Bianca at muling ngumiti. "Naisip ko na mas makabubuti nga sa kalusugan mo kung sa probinsiya tayo tumira. Ako ho'ng bahala sa lahat," sabi na lamang niya. Siyempre pang hindi na sila puwedeng manatili sa Maynila pagkatapos ng lahat ng kanyang ginawa at gagawin pa lang laban sa kanyang ama.
Mukhang duda pa rin ang nanay ni Bianca subalit hindi na siya kinulit. Mukha kasing inaantok na naman ito kaya pinatulog na lamang uli niya. Nang malalim na ang tulog ng ina ay saka lamang siya tumayo at lumabas ng silid. Buong magdamag na magbabantay siya. Kailangan lang muna niyang bumili ng kape sa vending machine na nasa lobby ng ospital.
Napahinto sa paglalakad si Bianca nang mapatingin sa telebisyon sa isang bahagi ng lobby. Mahina lamang ang volume ng TV kaya hindi niya masyadong naririnig, subalit naintindihan agad niya kung tungkol saan ang balita nang makita ang kanyang ama. Kuha iyon sa charity event. Nagkaroon ng cut scene sa palabas at napaderetso ng tayo si Bianca. Ang sumunod kasing eksena ay iyong hinalikan niya sa pisngi ang kanyang ama. Kitang-kita ang mukha ni Bianca sa screen habang mapang-akit na nakangiti at titig na titig sa mukha ni Ferdinand Salvador.
She looked like a completely different person. Sigurado si Bianca, hindi siya makikilala ng mga nakapanood ng balita kung makikita siya ngayon na T-shirt at kupas na jeans lamang ang suot at walang makeup.
Napakurap si Bianca nang magbago uli ang eksena sa balita. Palabas na ng venue si Ferdinand, ang asawa nito, at ang ilang matatandang lalaking nakita niya na kausap ng ama sa charity event. Sinusundan ang mga ito ng media subalit mukhang hindi sumasagot ang kanyang ama. Ang asawa nito ay namumutla at mukhang galit na hindi maintindihan subalit hindi umalis sa tabi ni Ferdinand. Subalit ang nakapagbigay ng katuwaan kay Bianca ay ang nakitang pagtatagis ng mga bagang ng kanyang ama at ang ekspresyon sa mukha na tila hindi alam ang gagawin.
Ngayon, alam mo na kung ano ang pakiramdam na helpless ka at hindi umaayon sa `yo ang mga nangyayari. Mabuti nga sa `yo.
Nakangiti na si Bianca nang tumalikod sa telebisyon at nagpatuloy sa paglalakad. Kung akala ni Ferdinand na hanggang doon lamang ang balak niyang gawin ay nagkakamali ito.
BIYERNES ng tanghali. Ayon nga sa balita ay may press conference si Ferdinand Salvador sa ganap na ala-una ng hapon. Salamat sa Internet, nalaman ni Bianca kung saan gaganapin ang press conference. Sigurado siya na pabubulaanan ni Ferdinand ang tungkol sa kanya kaya magtutungo siya sa venue upang siguruhing hindi ito magtatagumpay. Sa pagkakataong iyon, bestidang maiksi at hapit sa katawan ang kanyang suot. Si Mrs. Charito uli ang nag-apply ng makeup sa kanya. Ipinahiram din uli ng ginang ang sasakyan at driver nito.
Humimpil ang sinasakyan ni Bianca sa tapat ng isang restaurant. Marami nang sasakyang nakaparada sa parking lot at may ilang press people na nasa labas pa ng restaurant. Huminga siya nang malalim bago binuksan ang pinto ng kotse. Paglapat pa lamang ng mga paa sa semento paglabas ay napatingin sa kanya ang mga reporter. Itinaas niya ang noo at nagsimula nang maglakad palapit sa restaurant. Sumikdo ang kanyang puso dahil may naramdaman siyang pamilyar na presensiya malapit sa kanya. Napasinghap si Bianca nang may kamay na humawak sa kanyang braso at hinigit siya pasandig sa matigas na katawan ng lalaking kilalang-kilala niya.
"Sinasabi ko na nga ba. Hindi ka tutupad sa pangako mo at susulpot ka rito," bulong ni Ross sa tainga niya. Tumama ang mainit at mabangong hininga ng binata sa kanyang mukha at muntik na siyang mapapikit sa sensasyon na kumalat sa buong katawan. "Hindi kita hahayaang gawin ang plano mo, Bianca."
Nakabawi si Bianca sa pagkabigla. Pumihit siya paharap kay Ross. Ibubuka na sana niya ang mga labi upang asikan ang binata ngunit tila biglang bumara sa kanyang lalamunan ang sasabihin nang makita ito. Nakasuot si Ross ng plain white T-shirt na ipinaris sa jeans. Naka-shades pa ang binata at ang buhok ay hindi naka-style. He looked very casual. Hindi ito mukhang abogado nang mga sandaling iyon. Subalit kahit ganoon ay ubod pa rin ng guwapo.
Pinagalitan ni Bianca ang sarili dahil sa pagkatulala. Mukha namang sinamantala ni Ross ang pagkatulala niya, namalayan na lang na hinahatak na siya ng binata palayo ng restaurant.
"Ano'ng ginagawa mo?" pagpoprotesta niya at sinubukang makakawala mula sa pagkakahawak ni Ross. Subalit tulad ng dati ay hindi siya nagtagumpay.
"Inilalayo ka sa eskandalo at kapahamakan. I am going to stop you even if I have to use force and kidnap you, Bianca," sagot ni Ross na hindi huminto sa paglalakad.
Wala tuloy nagawa si Bianca kundi umagapay sa binata. Nilinga niya ang sasakyan ni Mrs. Charito na nasa kabilang direksiyon, palayo sa tinatahak nila ni Ross. Nakababa ang bintana sa gawi ng driver's seat at namumutlang nakasilip ang driver sa kanila. Tatawagin na sana niya ang driver subalit agad na itinaas nito ang bintana na tila nataranta.
Huminto si Ross sa tapat ng kotse nito at binuksan ang front passenger seat. "Get in."
Hindi kumilos si Bianca at matalim na tinitigan ang mukha ng binata. "Bakit mo ba ginugulo ang mga plano ko?" naiinis na tanong niya.
"Dahil hindi maganda ang mga plano mo. Huwag mong sirain ang buhay mo, Bianca," tila naiinis na ring sagot nito.
Dapat ay sumagot si Bianca subalit wala siyang makapang salita. Dahil sa totoo lang, tinamaan siya sa sinabi ni Ross. Alam niya na hindi lang buhay ng kanyang ama ang kanyang ginugulo kundi maging ang sariling buhay. Alam niya iyon umpisa pa lamang. Pero kahit ganoon, gusto pa rin niyang gawin ang plano para makaganti kay Ferdinand. Ang problema lang, hindi na niya alam kung paano at kailan titigil.
"Get in," giit ni Ross na galit na sinalubong ang kanyang tingin.
Marahas na bumuga ng hangin si Bianca. Alam niya na hindi matitinag si Ross kahit ano pa ang gawin niya. Gagawa lamang sila ng eksena at hindi ganoong klase ng eksena ang balak niyang gawin nang magpunta siya sa lugar na iyon.
Walang salitang pumasok na lang si Bianca sa kotse at umupo sa passenger seat. Isinara ni Ross ang pinto at umikot patungo sa driver's seat. Sinulyapan niya ang mukha ng binata nang makaupo na ito sa tabi niya. Bakas ang determinasyon sa mukha ni Ross nang paandarin ang sasakyan.
"Seat belt," sabi ng binata na hindi tumitingin sa kanya.
Bumuntong-hininga si Bianca ngunit tumalima naman. "Hindi ba abala ang mga abogado? Bakit palagi kitang nakikita kahit saan ako magpunta?" frustrated na tanong niya habang tumatakbo ang kanilang sasakyan.
"Palagi akong may oras para sa `yo. I want you to remember that. Even in the future, kahit gaano ako kasubsob sa trabaho, kahit gaano ako kaabala, I will always find time for you," seryosong sagot ni Ross.
Tumahip ang dibdib ni Bianca at ilang sandaling napatitig lang sa mukha ng binata. Tila may mainit na kamay na humaplos sa kanyang puso sa deklarasyon nito. Tumikhim siya at iniba ang usapan. "Saan ba tayo pupunta?"
"Sa malayo. Kung saan masosolo kita at masisiguro ko na wala kang gagawin na pagsisisihan mo balang-araw."
Kumunot ang kanyang noo sa sinabi ni Ross. Bigla siyang kinabahan. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Noon ito sumulyap sa kanya at ngumiti. "Hindi ba sinabi ko na kanina? I'm kidnapping you."
Umawang ang mga labi ni Bianca sa pagkamangha. "A-ano?! Nagbibiro ka lang, hindi ba?"
Sumeryoso ang mukha ng binata. "No."
Ilang minuto ang nakalilipas ay nataranta na siya nang makarating na sila sa SLEX. "Ross! Hindi mo puwedeng gawin `to!" bulalas niya.
"Oh, believe me, sweetheart, I will." Muling sumulyap si Ross sa kanya at nakangiting kinindatan pa siya na parang tuwang-tuwa. "And you will love every second of our time together."
Sumikdo ang puso ni Bianca at tila nilamutak ang kanyang sikmura sa sinabing iyon ni Ross. Agad na pinagalitan niya ang sarili na makaramdam ng kaunting excitement sa isiping makakasama niya si Ross. Bakit ba nagiging mahina siya pagdating sa lalaking ito? When it came to him, her determination wavered. Always.
Pilit na kinalma ni Bianca ang sarili at ibinalik ang pagmamatigas. Subalit nang muling tumingin si Ross sa kanya at ngumiti nang maluwang, pakiramdam niya ay natunaw ang kanyang puso. Lahat ng masamang balak niya para sa araw na iyon ay mistulang tinangay ng hangin. Ang natira na lamang ay pagkasabik at antisipasyon. Nawala ang pagrerebelde, ang galit, at ang kagustuhang gumanti.
Maybe Ross was her salvation.