AYAW pa sana ni Ross na maghiwalay sila ni Bianca. Malay ba niya kung kailan na naman niya ito makikita. Subalit kailangan niyang pagbigyan ang dalaga. At least, for now. Sa susunod, hindi na niya hahayaan na umiwas si Bianca sa pagsagot sa kanyang mga tanong.
Isa pa, may napala naman si Ross sa pag-uusap nila. Nabigyan ng kasagutan ang ilan sa kanyang mga tanong. Nabigyang-linaw kung bakit palaging nasa coffee shop si Bianca noon tuwing umaga. Kaya pala noong huling beses na nagkita sila sa coffee shop, sa loob nanggaling ang dalaga at hindi sa front entrance. Nagtatrabaho pala ito roon.
Night shift. Shit! Wala bang nararamdamang takot si Bianca? Delikado sa isang babae ang magtrabaho sa isang establisimyento na maaaring pasukin ng kahit na sino nang ganoong oras. Ano ba ang iniisip ng management ng coffee shop na iyon?
Higit sa lahat, nainsulto si Ross nang sabihin ng dalaga ang dahilan kung bakit hindi nito sinabi agad sa kanya na dalawa ang trabaho nito. Mukha ba talaga siyang snob? He didn't think so. Sa kanilang magkakaibigan, si Charlie ang ganoon, hindi siya.
Naihatid na ni Ross si Bianca sa parking lot ng pinagdarausan ng event at nasa biyahe na siya pauwi nang tumunog ang kanyang cell phone. Sinulyapan niya iyon nang magpula ang traffic light. Natigilan siya nang makita na si Ferdinand Salvador ang tumatawag. Sinagot niya ang tawag. He turned the speaker on.
"Mitchell," bungad ni Ross kasabay ng pagpapaandar ng sasakyan nang magberde ang traffic light.
"Where are you?" tanong ni Ferdinand mula sa kabilang linya.
"On the road. Bakit?"
"Gusto kitang makausap. Hihintayin kita sa opisina ko. You must come, Mitchell."
Napansin ni Ross na walang halong pag-uutos ang tono ni Ferdinand. Sa katunayan, tila pa nga ito nakikiusap. Sigurado siya, si Bianca ang gustong pag-usapan ng matandang abogado. Kunsabagay, balak naman talaga niyang kausapin si Ferdinand tungkol sa dalaga.
"Sige. I'll be there," sagot ni Ross.
Pagkatapos ng tawag, itinuon niya ang atensiyon sa pagmamaneho patungo sa law firm. Inihanda niya ang sarili para sa komprontasyon nila ng matandang abogado.
WALA pang tatlumpung minuto ay nasa law firm na si Ross. Hindi tulad ng dati na bumabati pa siya sa mga nakakasalubong, dere-deretso siyang naglakad patungo sa opisina ni Ferdinand Salvador.
Nasa private office na ang matandang abogado nang dumating siya. Nakatayo ito patalikod sa pinto at nakaharap sa bintana.
"Ano ang pag-uusapan natin?" tanong ni Ross kahit alam na niya.
Humarap si Ferdinand sa kanya. "Magkakilala kayo ni Bianca." Hindi iyon tanong.
Dumeretso siya ng tayo at sinalubong ang tingin ng matandang abogado. "Oo. Nakilala ko siya bago ko malaman ang koneksiyon niya sa `yo." Nagtagis ang kanyang mga bagang nang maalala na naman ang tungkol doon. "Ilang taon pa lang ako sa law firm na `to pero ilang beses ko na kayong nakasama ng asawa mo. I never imagined of you as someone who would cheat on his wife. At si Bianca pa?" nanggigigil na sabi ni Ross. Ikinuyom niya ang mga kamay dahil sumusulak na ang kanyang galit para kay Ferdinand na isa sa mga inirerespeto niya… noon.
Pinakatitigan siya ni Ferdinand. "You like Bianca?"
"Yes," walang pag-aalinlangang sagot ni Ross. "And I intend to steal her away from you. Because she doesn't deserve to be a kept woman. She deserves more than that. Kaya gusto kong putulin mo na ang relasyon ninyo. I am going to do everything in my power to prevent her from coming anywhere near you," determinadong dugtong niya.
Ilang segundo ang lumipas bago nagsalita si Ferdinand. "Sigurado ka bang kaya mong gawin `yan?"
"Of course."
Sumandig sa gilid ng mesa ang matandang abogado at muling nagsalita. "Gusto kong magpasalamat sa ginawa mo kanina sa charity event. Kahit na ngayon ay alam ko nang hindi para sa akin ang ginawa mo. Unfortunately, hindi sapat `yon para hindi maglabas ng balita ang mga reporter na nakasaksi sa nangyari. At mukhang idadamay ka rin nila." Bumuntong-hininga si Ferdinand. "Sinabihan ko na si Bianca na tigilan na ang mga ginagawa subalit hindi siya nakinig sa akin. She's ruining not only my life but her own future because of her blind hatred."
Blind hatred? Biglang naalala ni Ross ang sinabi ni Bianca kanina, na ginugulo ng dalaga si Ferdinand dahil tumanggi ang matandang abogado na tulungan ito. "Hindi mo siya tinulungan nang humingi siya ng tulong sa `yo. Her mother is sick but you didn't help her," mayamaya ay sabi niya.
Umangat ang mga kilay ni Ferdinand. "Sinabi niya sa `yo ang tungkol diyan? You must be special to her."
Mapait na ngumiti si Ross. "But she's pushing me away because of you."
Marahang umiling ang matanda. "Hindi ko kabit si Bianca. She's my… daughter."
Natigilan si Ross at napatitig kay Ferdinand. Para siyang ipinasok sa vacuum dahil bigla siyang nabingi. "W-what?" usal niya.
Dumeretso ng tayo si Ferdinand at sinalubong ang kanyang tingin. "Anak ko si Bianca sa ibang babae. The circumstances of her birth are very complicated. At may palagay ako na iba sa tunay na nangyari ang sinabi kay Bianca ng nanay niya. Kaya kung sasabihin ko man ang side ng kuwento ko, hindi sa `yo, Mitchell. She is my daughter and I intend to tell her the truth about everything. Hindi pa lang ngayon dahil hindi ko pa nasasabi sa asawa ko ang tungkol sa kanya. Bukod doon, priority ko munang linawin ang lahat sa mga kapartido ko at linisin ng pangalan ko sa harap ng press. Besides, Bianca hates me so much that I doubt she would believe anything I say." Nag-iwas ng tingin ang matandang abogado sa huling sinabi.
Wala sa loob na napasandal si Ross sa nakapinid na pinto ng opisina. Bahagya siyang nanghina sa labis na relief dahil sa kanyang nalaman. "But she said she was already taken. Lahat ng tao sa firm at maging sa event ay iniisip na kabit mo siya."
Umangat ang gilid ng mga labi ni Ferdinand. "Very clever, right? Dahil sa tingin niya, mas papangit ang reputasyon ko kapag nalaman ng lahat na may kabit ako na kasimbata niya kaysa pagkakaroon ng anak sa labas. Plano niyang sirain ang malinis kong pangalan dahil sigurado akong alam niya ang plano kong pagtakbo sa susunod na eleksiyon." Sumeryoso ang ekspresyon ng mukha nito. "At matutupad niya ang kanyang plano kung hindi pa ako gagawa ng paraan para mapigilan siya."
Naging alerto si Ross. "Ah. So, ito ang rason kung bakit mo inamin sa akin ang totoo. Gusto mong tumulong ako sa kung ano man ang plano mo para pigilan si Bianca."
Tumango si Ferdinand. "You are really sharp, Mitchell."
Pinanatili ni Ross ang seryosong ekspresyon kahit kalmado na siya. Para siyang nabunutan ng tinik na malamang hindi naman pala pag-aari ng iba si Bianca. "Ano ang gusto mong gawin ko?" Dahil kung mailalayo niya si Bianca sa kapahamakan at sa kamandag ng media, gagawin ni Ross ang lahat.
"Balak magsagawa ng press conference para sa akin ang campaign manager ng partido ko para linisin ang aking pangalan. Pagkatapos n'on, siguradong ilang araw na magpapatuloy ang isyu tungkol doon. Kailangan ko rin ang ilang araw na iyon upang ipaliwanag sa pamilya ko ang tungkol kay Bianca. I also plan to talk to her mother. Gusto kong siguruhin mo na sa mga araw na iyon ay nasa malayo si Bianca. Ayokong may gawin na naman siya na magpapalala sa sitwasyon. Puwede mo bang gawin `yon?"
Kayang-kaya niyang gawin iyon. Subalit sa halip na pumayag kaagad ay kumunot ang kanyang noo. "Hindi ka ba nag-aalala kung saan ko dadalhin si Bianca at kung ano ang puwede kong gawin sa kanya kung kaming dalawa lang? Anak mo siya."
Umangat ang gilid ng mga labi ni Ferdinand. There was a look of resignation on his face. "Huli na ang lahat para umakto akong ama sa kanya. Alam ko na pinabayaan ko siya. Hindi ako ipokrito para magpakabait ngayon. Besides, I've always trusted you, Mitchell. Alam ko na wala kang gagawin na makakasama sa iba. At sa nakita kong eksena ninyo kanina, lalo na kay Bianca…"
Kumuyom ang mga kamay ni Ross habang nakatitig kay Ferdinand. Sa sinabi ng matandang abogado ay nakaramdam siya ng simpatya para kay Bianca. Lumaki ang dalaga na kilala ang ama subalit hindi nakasama. She grew up knowing that her father had another family. Hindi naging normal ang relasyon ni Bianca sa ama. Sa bagay na iyon, may pagkakapareho sila. Ang kaibahan lang, hindi pumalya ang kanyang ama sa pagbibigay ng pinansiyal na suporta hanggang sa pumasok siya sa law school. Subalit si Ferdinand, mukhang kahit iyon ay hindi ibinigay kay Bianca.
No wonder she had thought acting as the old man's mistress. Gayumpaman, pipigilan pa rin ni Ross ang dalaga bago pa ito mapasubo nang husto at mahirapan na makalabas sa gulong iyon.
"Fine. Ako na ang bahala kay Bianca," sa wakas ay sagot ni Ross. "Pero siguruhin mong kakausapin mo siya nang matino pagkatapos ng ilang araw na hinihiling mo sa akin. She deserves to know your side of the story. Higit sa lahat, karapat-dapat siya para sa paghingi mo ng tawad na hindi ka naging ama sa kanya kahit kailan. She was working two jobs, you know. Kung gaano katagal, hindi ko alam. At nang humingi siya ng tulong sa `yo para sa kanyang ina, hindi mo siya tinulungan. Do you know how heartbreaking it is to be turned down after summoning the courage to ask someone's help?" Hindi niya napigilan ang panunumbat sa tono.
Hindi nakasagot si Ferdinand at tumalikod kay Ross. Muling tumingin sa labas ng bintana ang matandang abogado.
Marahas na napabuga ng hininga si Ross. "Kailan ang press conference?" tanong na lamang niya.
"Sa darating na Biyernes. Naasikaso ko na siguro ang lahat after that weekend."
Tumango siya, pagkatapos ay lumabas na ng opisina nang hindi na nagsalita pa. Abala siya sa pag-iisip ng plano upang maisakatuparan ang pinag-usapan nila ni Ferdinand Salvador. Tumahip ang kanyang dibdib nang maisip na maaaring masolo si Bianca sa weekend. Lalo na nang maisip na niya kung ano ang gagawin.