Chereads / Cheaters (by JL Soju) / Chapter 2 - Chapter 02

Chapter 2 - Chapter 02

Ava's POV

KINABUKASAN ay isang hindi inaasahang bisita ang dumating sa aming bahay. Si Cheska. Iyong president sa klase namin noong fourth year high school ako. Nagulat na lang ako na kumakatok siya sa gate namin ng umagang iyon. Wala na si Renzo sa bahay. Pumasok na ito sa trabaho kaya kami na lang ni Eris ang naroon.

"Cheska! Kumusta ka na?" ani ko nang pagbuksan ko siya.

"'Eto, maganda pa rin! At super sexy!" biro ni Cheska. May katabaan kasi ito. "Teka, papasukin mo naman muna ako, Ava. Ang init, e. Uhaw na uhaw ako. Ang hirap kasing puntahan itong bahay mo."

Napapahiyang pinapasok ko si Cheska sa loob ng bahay. Na-excite kasi ako nang ko ang dati kong kaklase. Si Cheska kasi ang masasabi kong bestfriend ko noong nag-aaral pa kami. Palagi kaming magkasama at mataba na rin siya noon. Kung siya ang president ay ako naman ang muse ng aming klase.

Nauna nang umupo si Cheska.

"Ano palang gusto mo? Tubig? Juice? Pagkain?"

"Grabe naman sa pagkain, Ava! Pero, sige. Ano bang meron sa kusina mo?"

"May fried rice pa. Saka tuyo at itlog. Tira namin kaninang agahan."

"Ay, bet ko iyan. Ikuha mo na ako, please…"

Natatawa na lang ako kay Checka. Hindi pa rin kasi siya nagbabago. Mahilig pa rin siyang kumain gaya noon. Ikinuha ko siya ng pagkain. Ipinagtimpla ko na rin siya ng kape para terno sa kakainin niya. Pagbalik ko sa salas ay idinulot ko na agad sa kaniya ang pagkain.

Nilantakan niya agad ang pagkain na akala mo ay gutom na gutom. "Pasensiya ka na, ha. Namiss ko kasi ang ganitong food. Actually, I'm on a diet!" pakli nito sabay higop sa kape. "Ay! Ang init!"

"Diet? Pero bakit ang lakas mo kumain?"

"I-a-advance ko na ang cheat day ko kahit sa weekend pa iyon!" tawa nito.

"Cheat day?"

"Oo. Cheat day! Paulit-ulit lang, Ava? Iyon 'yong araw na pwede mong kainin kahit anong gusto mo. Cheat day. Ang boring kaya kapag walang cheat day, 'no."

Tumango-tango ako. Pinatapos ko muna si Cheska sa pagkain bago ko siya ulit kinausap. "Bakit ka nga pala napunta dito?" tanong niya nang maubos na nito ang pagkain.

"Eto na nga. Magkakaroon kasi tayo ng reunion na magkakaklase noong fourth year high school! Bongga, 'di ba?"

Napangiwi ako. Sa pagkakatanda ko kasi ay nagkaroon ng reunion ang batch namin last year. Iyon nga lang, hindi ako nakapunta dahil sa pagkakatanda ko ay malapit na akong manganak kay Eris. Kaya hindi ako pumunta dahil baka doon pa ako mapaanak.

"Na naman?"

"Yes! Na naman. Pero wait! Hindi lang ito basta reunion. This is for a cause. May tutulungan daw tayong classmate natin kaya magkakaroon ng reunion. Ball daw ang ganap, e. Tapos may ticket na worth one thousand pesos."

"Bukod sa ticket ay may ambagan pa ba sa venue at food?"

"Wala na. Sagot na iyon ng vice-president natin. Remember mo ba si Oprah? Aba, mayaman na ang gaga! Nakapangasawa ng negosyanteng Hapon sa Japan. Sagot na daw niya ang venue at food kaya iyong one thousand pesos na ticket na lang ang babayaran natin. Gusto din i-push ni Oprah kasi hindi siya naka-attend last year sa reunion dahil nasa Japan siya, 'di ba?"

"Sino bang classmate natin ang tutulungan?"

"Hmm… Hindi ko rin alam. Ako lang ang nautusan ni Oprah na sabihan ang mga kaklase natin na hindi active sa Facebook. At isa ka doon kaya personal kitang pinuntahan dito. Ang sabi ni Oprah ay sa mismong event na lang sasabihin. Surprise daw doon sa kaklase natin na kailangan ng financial help."

Napaisip tuloy ako kung sino ang tutulungan namin. Wala kasi talaga akong idea.

"Hoy, punta ka, ha. Hindi pwedeng hindi kasi last year ay hindi ka na pumunta. Kaya gora ka, Ava! Ball naman iyon kaya gown-gown lang tayo. Ngayong Sabado na iyon."

"Tingnan ko, ha. Alam mo naman na may anak na ako. Mahirap iwanan si Eris lalo na't dumedede pa siya sa akin."

Maarteng umirap si Cheska. "Ipahabilin mo na lang sa biyenan mo. Sa mother ni Renzo!" Aapela pa sana ako pero inunahan na niya ako. "Oh! Don't tell me pati si Renzo ay dedede pa sa iyo kaya hindi ka makakasama? Don't me, Ava!" Pabiro pa siyang umirap.

Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni Cheska. "Cheska! 'Di sa ganoon, 'no. Maiintindihan mo ako kapag nagkaroon ka na ng baby," paliwanag ko.

"Kaya nga hindi kita maintindihan at wala pa akong balak na magkaroon ng baby sa ngayon. Saka, ano ka ba, Ava? Magtatampo na kami sa iyo na mga classmates mo! Hindi ka na nga pumunta last year tapos ngayon ay hindi pa rin? Come on, pumayag ka na. Iyong mga kaklase nga natin na mas marami pa ang anak sa iyo ay nakakapunta pero ikaw ay hindi? Gusto mo bang ipagpaalam pa kita kay Renzo?"

"Hindi na!" Mabilis akong umiling. "Oo na. Sasama na ako."

Masayang tumili si Cheska na sinamahan pa niya ng pagpalakpak. "'Ayan! Very good! Very good!" Kinuha nito ang shoulder bag at may inilabas na bungkos ng mga papel. Pumilas ito ng isa doon. "'Eto na ang ticket. Just pay me one thousand pesos at push na ang pagpunta mo sa ball night ng ating batch! Nandiyan na rin sa ticket ang venue, time and date!" Akala mo ay announcer sa radyo na sabi pa ng dati kong kaklase.

"Oo na!" Natatawa kong sagot sa kaniya.

"Alam mo, dalawa na ang bilhin mo. Para sa iyo at kay Renzo. Dapat may escort ka doon, 'no. Para makita ng mga kaklase natin kung gaano kagwapo ang asawa mo!" Sasagot pa sana ako nang kumunot ang noo ni Cheska. Napatitig siya sa mukha ko. "Wait… Pasa ba 'yang nasa gilid ng labi mo?"

Nanlamig ako sa tanong niya. "O-oo. Tumama lang sa gilid ng table no'ng naglilinis ako!" pagsisinungaling ko. Halos iiwas ko na ang mukha ko sa kaniya.

"Talaga ba? Mag-iingat ka kasi, girl! O, 'eto na ang ticket. Dalawa na, ha!"

Nakahinga ako kahit papaano nang hindi na nagtanong pa si Cheska tungkol sa pasa ko. "Oo. Dalawa na ibigay mo," ani ko sabay kuha ng ticket na inaabot niya sa akin.

-----ooo-----

NAGLULUTO ako ng ginisang gulay sa kusina nang marinig ko ang pagbukas ng pinto. Alam kong dumating na ang aking asawa. Hininaan ko muna ang apoy at nagmamadaling umalis sa kusina. Pumunta ako sa salas at naabutan ko doon si Renzo na nakaupo sa sofa. Nakasandal ang ulo niya sa sandalan ng sofa. Nakatingala. Sapo ang noo at nakapikit. Kitang-kita ko ang pagod sa kaniya.

Kinuha ko ang pambahay niyang tsinelas at nilapitan siya. Lumuhod ako sa may paanan niya at ako na ang nag-alis ng sapatos at medyas niya. Ako na rin ang nagsuto ng tsinelas sa paa ni Renzo.

Iyan ang palagi kong ginagawa sa tuwing umuuwi siya.

Tumabi ako ng upo sa kaniya. Hinalikan siya sa pisngi. "Pagod na pagod ka yata, Renzo…" Pagsisimula ko ng usapan.

Tumingin siya sa akin na nakabusangot ang mukha. "Naligo ka ba? Bakit ganiyan ang amoy mo? Ang baho!" inis niyang turan.

Bigla akong nahiya sa sarili ko. "Sorry. Nag-ihaw kasi ako ng manok sa likod kaya ganito ang amoy ko. Amoy usok at pawis. Pasensiya na. Nagluluto na rin ako ng ginisang gulay. Masarap na partner sa inihaw na—"

"Paano naman ako gaganahan sa iyo kung pag-uwi ko ay ganiyan ang amoy mo?!" Matalim ang mata na tumayo si Renzo at walang lingon-likod na pumasok sa kwarto naming dalawa.

Natigilan ako saglit. Nag-init ang gilid ng aking mata. Ipinilig ko ang ulo upang pigilan ang sarili sa pag-iyak. Huminga ako nang malalim at tumayo na mula sa pagkakaupo. Binalikan ko na ang aking niluluto. Maya maya ay inamoy ko ang aking sarili. Tama naman si Renzo. Hindi maganda ang amoy ko. Pero hindi naman ako bumaho nang wala lang. Naging ganito ang amoy ko dahil sa kagustuhan kong maipagluto siya ng masarap na pagkain. Ang buong akala ko ay maa-appreciate niya ang ginawa ko pero nagkamali ako. Mas napansin pa niya ang amoy ko kesa sa dahilan kung bakit ganito ang amoy ko.

Nakakalungkot man pero kailangan ko na lang sigurong intindihin na pagod si Renzo kaya ganoon ang naging trato niya sa akin kanina.

Binalikan ko na ang aking niluluto at naghain. Eksaktong natapos na ako ay lumabas na si Renzon na karga si Eris. Dinala niya ang anak namin sa high chair sa tabi nito.

"Ikaw ba ang magpapakain kay Eris?" tanong ko habang nilalagyan ng pagkain ang pinggan niya.

"Oo. Ako na. Na-miss ko itong Baby Eris ko, e!"

'Buti pa si Eris… Nami-miss siya ni Renzo. Samantala ako… hindi.

Ikaw, Renzo… Miss na miss na kita… Malungkot na bulong ko sa aking sarili.

Nami-miss ko na ang dating si Renzo. Iyong panahon na nililigawan pa niya ako. Palagi siyang may regalo sa akin na flowers o kaya ay chocolates. Nang sinagot ko na siya ay mga stuffed toys naman ang madalas niyang ibinibigay lalo na kung monthsary namin. First anniversary? Nagprepare pa talaga siya ng dinner date sa rooftop ng isang building. Sobrang romantic niyon! Iyon ang hindi ko talaga makakalimutan. Ang effort niya pala talaga noon. Kaya sobrang nami-miss ko siya. Magkasama nga kami sa iisang bubong pero parang ang layo-layo niya. Halos hindi na nga niya ako kausapin, e. Kung kakausapin man niya ako, pabulyaw. Kapag may nakikita lang siyang mali sa akin.

"Ava! Ano ba? Bingi ka na ba?!" napapitlag ako sa malakas na boses ni Renzo.

Buong pagtatakang napatingin ako sa kaniya. "May sinasabi ka ba?"

"'Tang ina naman! Ang sabi ko, gumawa ka ng toyo-kalamansi. Sawsawan no'ng inihaw na manok!" Pasigaw na naman niyang utos.

Tumango ako. "Oo. Saglit lang…" Sa lalim ng pag-iisip ko ay hindi ko na namalayan na may iniutos na pala siya.

Sinunod ko agad ang utos ni Renzo. Kumuha ako ng lalagyan ng sawsawan. Naghiwa ng limang piraso ng kalamansi at piniga. Saka ko nilagyan ng toyo at ibinigay iyon kay Renzo.

"Ganoon ba kahirap na tanggalin ang buto ng kalamansi, Ava?"

"Pasensiya na. Akin na. Tatanggalin ko—"

"Huwag na. Gutom na kami." Iiling-iling ito.

Tumahimik na lang ako. Umupo at nagsimula nang kumain. Manaka-naka ay sinusulyapan ko si Renzo at Eris. Kahit kailan ay never namang nagkulang si Renzo bilang isang ama. Masasabi kong mahal na mahal niya talaga si Eris. Spoiled nga ang anak namin sa kaniya, e. Kapag nasa mall kami ay hindi sila uuwi na wala itong nabibili para kay Eris. Laruan man iyan, damit o sapatos. Sa pagiging ama ay wala talaga akong masasabi kay Renzo. Sa pagiging asawa? Oo. Pakiramdam ko kasi ay nagbago na siya. Hindi na siya katulad ng dati.

Teka, oo nga pala. Magpapaalam pa ako kay Renzo tungkol doon sa reunion namin ng mga kaklase ko. 'Yong ball night for a cause.

Tumikhim muna ako bago magsalita. "Renzo, may reunion nga pala kaming magkaklase sa Sabado. Okay lang ba na pumunta ako?" tanong ko sa kaniya.

Napahinto siya sa akmang pagsubo ng pagkain kay Eris. Napatingin sa akin na parang may pagdududa. "Reunion? 'Di ba, last year ay nag-reunion na kayo? Reunion na naman? Ano ba yan? Taon-taon?" Akala mo ay isa siyang imbestigador.

"Nagtaka nga rin ako nang sabihin ni Cheska sa akin. Pero iba daw ito. Ball Night For A Cause. Kailangan namin na makakalap ng pera para sa isa naming kaklase na tutulungan daw. Nakabili na ako ng ticket kay Cheska kanina."

"Nakabili ka na pala, e. Ibig sabihin ay pupunta ka na. Ano pa at nagpapaalam ka pa sa akin kung nakapag-desisyon ka na?"

"Hindi naman sa ganoon, Renzo. Kung hindi mo ako papayagan ay ayos lang—"

"Pumunta ka na!"

Napakagat ako sa labi ko. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit tila lagi na lang galit si Renzo sa akin. Lahat ng sabihin at gawin ko ay parang mali para sa kaniya.

"Ang totoo niyan… dalawang ticket ang binili ko. Ang sabi kasi ni Cheska ay isama kita para may escort ako. Kaya aayain sana kita kung pwede ay samahan mo ako."

"Ano pa nga ba ang magagawa ko kundi sumama, 'di ba?"

"Sasama ka?" Hindi makapaniwalang tanong ko.

"Kakasabi ko lang, 'di ba?"

"Maraming salamat, Renzo!" Ang saya-saya lang. Hindi ako makapaniwala na sasamahan ako ng asawa ko sa ball night namin.

Tatayo pa sana ako para yakapin siya pero itinaas niya ang isang kamay. "Huwag na. Ang baho mo pa, e! Basta, payag na ako. Hindi mo na ako kailangang yakapin pa," pigil ni Renzo.

Nahihiyang ngumiti ako at tumango. "O-okay. Sorry…" Umupo na lang ulit ako at ipinagpatuloy ang pagkain.

"Kumain ka na lang diyan. At pagkatapos ay maligo ka. Masakit ang likod ko. I-massage mo ako bago matulog."

"Sige. Walang problema." Ngumiti ako sa kaniya pero hindi man lang niya ako tiningnan kahit mabilis na sulyap man lang.

Medyo hindi pa rin ako makapaniwala na papayag agad si Renzo ng ganoon kabilis. Inisip ko na nga kanina na bubulyawan niya ako kasi gumastos pa ako sa ticket. O kaya ay hindi siya sasama. Salamat at hindi ganoon ang nangyari. Na-excite tuloy ako bigla dahil makakasama ko ang aking asawa sa reunion ng mga kaklase ko.

TO BE CONTINUED…