Chereads / Cheaters (by JL Soju) / Chapter 4 - Chapter 04

Chapter 4 - Chapter 04

Ava's POV

IGINALA ko ang aking mata sa buong bulwagan ng hotel hanggang sa nakita ko si Renzo na nakaupo at may hawak na baso. Nag-excuse ako kina Oprah at sa asawa nito upang puntahan ang asawa ko. Umupo ako sa tabi niya at ngumiti kahit na nakabusangot ang gwapo niyang mukha.

"Bakit bigla ka na lang nawala sa tabi ko? Gusto ka sanang makilala ni Oprah. Siya 'yong nag-organize ng ball night na ito at—"

"Wala akong pakialam!" pabalang niyang sagot. Pigil ang paglakas ng boses niya.

Nagtataka akong natigilan. "May problema ba?"

Sinaklit niya ang braso ko. Natakot ako na baka may makakita sa amin na sinasaktan niya ako. "Akala mo ba ay natutuwa ako sa ginagawa mo, Ava? Isinama mo lang ba ako dito para gawing trophy? Ipinapakilala mo ako sa lahat para ano? Para inggitin sila na may asawa ka na katulad ko?" Pag-aakusa niya sa akin. Mas dumiin pa ang pagkakapisil niya sa aking braso.

"N-nasasaktan ako, Renzo—"

"Sumagot ka!" gigil niyang wika.

"Hindi, Renzo. Nagkakamali ka…"

"Kung alam ko lang na ganito ang gagawin mo, hindi na ako sumama sa iyo dito!"

Gusto kong umiyak ng sandaling iyon pero alam kong hindi iyon tamang lugar para ilabas ang aking luha. Ayokong malaman ng mga kaklase ko na sinasaktan ako ni Renzo. Ayokong maging masama ang tingin nila sa asawa ko.

"Picture naman diyan, mga lovebirds!"

Binitawan ako ni Renzo nang dumating si Cheska habang may hawak na camera na nakatutok sa kanila. Inakbayan ako ni Renzo at ngumiti ng peke habang nakatingin sa camera. Ako naman ay ngumiti na rin at pilit na pinasaya ang mukha. Tatlong shots ang kinuha ni Cheska.

"'Ayan… Beautiful couple! Hindi na rin nakakapagtaka na lalo kang gumanda, Ava." Kung alam lang ni Cheska ang pinagdadaanan ko sa mga kamay ni Renzo ay paniguradong babawiin niya ang kaniyang sinabi. "Oo nga pala, nandito na ang lahat kaya mag-start na ang program. Diyan lang kayo, ha. Ako kasi ang host and everything! Bye!" anito sabay alis.

Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa umakyat ito ng stage.

Umusog si Renzo palapit sa kaniya. "Uuwi na ako after one hour. Hindi ko na kayang mag-stay pa dito na kasama ka," bulong niya.

Hindi ko na tiningnan si Renzo. "Ikaw ang bahala. Magko-commute na lang ako pag-uwi. Salamat…" sagot ko naman.

Upang hindi ako masyadong malungkot dahil sa naging asal ni Renzo sa akin ay nakinig na lang ako kay Cheska. Ipinakilala muna si Oprah na siyang gumastos sa lahat. "At siyempre, hindi ko naman makakalimutan ang reason kung bakit nagkaroon tayo ng ganitong event sa batch natin, 'di ba?" Pagpapatuloy ni Cheska. "Iyong kinita natin sa tickets ay ibibigay natin sa isa nating kaklase na nangangailangan ngayon. Oh, 'di ba? Nag-enjoy na kayo, nakatulong pa kayo!"

Nagpalakpalakan ang lahat.

Curious na talaga ako kung sino ba ang kaklase namin na tutulungan namin.

"Okay. Bago magsimula ang party-party ay sasabihin ko na kung sino ba ang tinutukoy ko. Ang ating tutulungan ay walang iba kundi ang class escort ng batch natin, ang gwapong-gwapo, ang makisig at super yummy na si Anjo Chavez!"

Anjo Chavez?! Tili ng utak ko.

Pagkadinig ko sa pangalan na iyon ay awtomatikong bumalik ang utak ko sa nakaraan. Sa panahon kung saan naramdaman ko ang una kong pag-ibig...

-----ooo-----

"ANO ba, Cheska? Bakit kailangan mo pa akong ipiring? Hazing ba ito?" Natatawa kong turan habang inaalalayan ako ni Cheska sa paglalakad.

Pauwi na sana ako kanina, e. Palabas na ako ng classroom nang bigla na lang akong hilahin ni Cheska at lagyan ng piring ang mata. Huwag na daw akong umarte at sumunod na lang daw ako sa kaniya. Dahil sa tiwala ako sa kaibigan ko ay sumunod na lang ako.

"Ang dami mong satsat, Ava! Tumahimik ka na lang. Okay?"

"E, kasi kanina pa tayo naglalakad! Teka, nasa school pa ba tayo?"

"Oo naman, 'no. Anong akala mo, nasa ibang planeta na tayo? Ay, malapit na tayo. Teka… Dito ka lang, ha. Huwag mong aalisin ang piring mo."

"Okay, okay!" sabi ko para hindi na niya ako pagalitan.

Biglang binitiwan ni Cheska ang kamay ko. Pakiramdam ko ay mag-isa na lang akong nakatayo kung nasaan man ako. "Cheska?" Walang sumagot.

Hindi kaya pinagti-trip-an lang ako ng kaibigan kong iyon? Baka nakatayo ako sa maraming tao at pinagtatawanan na ako. Nagmumukha na siguro akong tanga dito.

"Cheska, ano ba ito?" inis kong tanong na may kasamang pagpadyak.

Wala pa ring sumasagot. Ang tahimik ng paligid. Kinakabahan na ako ng bahagya.

"Cheska, kapag hindi ka pa nagsalita, aalisin ko na itong piring ko!" hamon ko pero hindi pa rin talaga siya nagsasalita.

Ah! Bahala na. Hindi ko na gusto ang nangyayari kaya kahit sinabi ni Cheska na huwag kong aalisin ang piring ay inalis ko pa rin. At ganoon na lang ang pagkabigla ko nang pag-alis ko ng piring ay nasa harapan ko si Anjo. May hawak siyang bulaklak. Isang bungkos ng daisy na iba't iba ang kulay. Sa likuran niya ay may banner na yari sa cartolina na may nakasulat na "HAPPY 1ST ANNIVERSARY, BABE!". Isa si Cheska sa may hawak ng cartolina kasama ang tatlo pa naming kaklase na babae.

"Happy anniversary, babe!" Nakangiting bati ni Anjo sa akin.

"A-anjo, ano 'to?" Hindi ko malaman ang aking mararamdaman pero naluluha ako.

Halo-halo na ang emosyon sa dibdib ko. Surprised, overwhelmed, happy. Basta! Ang daming naglalarong emosyon sa loob ko.

"Surprise ko sa iyo. Hindi mo ba nagustuhan?"

"Siyempre, gusto! Ang akala ko kasi ay walang ganito. Akala ko ay 'yon na 'yong kanina. 'Yong binati mo ako kaninang umaga sa classroom."

"Kaya nga surprise, 'di ba? Hindi mo ba ako igi-greet?"

Natawa ako kasi nakalimutan ko na siyang batiin. "Happy anniversary din, babe. I love you…"

"I love you too, babe!" Puno ng pagmamahal na sagot ni Anjo.

-----ooo-----

MABILIS kong pinalis gamit ang isa kong kamay ang luhang nalaglag mula sa mata ko. Siniguro kong hindi nakita ni Renzo ang luhang iyon dahil alam kong magtatanong siya kung bakit ako naiiyak.

Bakit nga ba ako naiiyak ngayon? Matagal nang nangyari iyon. Bata pa kami noon ni Anjo at wala pang alam sa mga bagay-bagay. Ang alam lang namin noon ay nagmamahalan kami.

Bakit parang apektado pa rin ako hanggang ngayon ng kinahitnan ng relasyon namin? Bakit may pagsisisi pa rin akong nakakapa sa puso ko? Ginawa ko lang naman ang sa inaakala niyang tama at makakabuti para sa future ko.

Bakit may kirot pa rin? Bakit masakit pa rin? Akala ko ay naka-move on na ako pero narinig ko lang ang pangalan ni Anjo ay bumalik ang lahat. Hindi ko na dapat ito nararamdaman, e. May asawa at anak na ako. May pamilya na ako. Mali ito. Maling-mali!

"Iniimbitahan ko po si Mr. Anjo Chavez dito sa stage," ani Cheska.

Isang matangkad at matikas na lalaki ang tumayo at umakyat sa stage. Mas lalo siyang gumwapo ngayon dahil nag-matured ang hitsura niya. Ang ganda ng paglalakad niya pati ng tindig. Hindi ako ganoon kalayo sa stage kaya kitang-kita ko si Anjo. May mumunti na siyang bigote at balbas ngayon. Noon ay ayaw na ayaw niya na meron siya niyon. Palagi nga niya iyong inaahit. Napatulala ako ng saglit sa pagkakatitig sa kaniya pero agad ko ding binawi ang mata ko dahil baka makahalata si Renzo.

Baka kung ano pa ang isipin niya.

Umayos ako ng upo at ibinalik ang tingin kay Anjo. Ang lakas ng tibok ng puso ko. Gaya ng umamin siya sa akin na gusto niya ako. Second year high school kami noon nang manligaw siya. Sinagot ko siya dahil gusto ko na rin naman talaga siya. Pero iyong pagkagusto ko ay mas lalong lumalim nang maging kami na. Mas nakilala ko si Anjo. Pursigido siya sa buhay. Puno ng pangarap. At kahit bata pa kami noon ay kasama na ako sa mga pangarap niya. Siguradong-sigurado na siya na kami na talaga hanggang huli…

Nagkamali ka, Anjo. Hindi tayo ang para sa isa't isa dahil may asawa na ako… Patawarin mo ako, Anjo, kung hindi kita isinama sa pangarap ko… Nanghihinayang ko pang bulong.

"Congratulations sa atin! Graduate na tayo!!!" Masayang sigaw ni Cheska nang matapos na ang graduation ceremony.

Parang kailan lang ang lahat. Noon ay inihahatid pa ako ng nanay ko sa school noong kindergarten pa lang ako. Umiiyak pa ako kapag iniiwan niya ako doon. Pero ngayon, tapos na ako sa high school at handa na ako sa susunod na kabanata ng aking buhay—ang college life!

Muntik na akong mapasigaw sa gulat nang may biglang yumakap mula sa likuran ko. "Congrats, babe!" Si Anjo lang pala. Akala ko naman ay kung sino na.

Humarap ako sa kaniya at gumanti ng yakap. "Congrats din, babe! Sobrang proud ako sa iyo!" tugon ko naman.

Matapos ang graduation ay dumiretso kami sa bahay dahil merong salo-salo doon.

Habang kumakain kami ni Anjo ay bigla niya akong tinanong. "Babe, ano nga palang kurso ang kukunin mo? Business Ad pa rin ba?"

Tumango ako. "Oo, babe. Iyon pa rin…" Natigilan ako.

Paano ay may dapat pala akong sabihin sa kaniya. Nakalimutan ko lang dahil sobrang saya ko kanina kasi naka-graduate na ako.

"Ako rin, babe. Iyan din ang course na gusto ko. Kaya sa bayan na lang tayo mag-aral. Atleast, nasa iisang school pa rin tayo. Magkasama pa rin tayo. Sabay ulit tayong ga-graduate at—"

"Babe, hindi, e…" Malungkot kong putol sa sinasabi ni Anjo.

May pag-aalangan siyang ngumiti. "Anong sinasabi mo, babe? Third year pa lang tayo ay plano na natin na sa parehas na school tayo magka-college, 'di ba?"

Umiling ako. "H-hindi na. Sa iba na ako mag-aaral. Pag-aaralin kasi ako ng tita ko. Baka kasi hindi na namin kayanin ang pag-aaral ko sa college dahil sa dami ng utang namin kaya ang tita ko na lang ang magpapa-aral sa akin," sabi ko.

"Edi, sabihin mo sa tita mo ay dito ka na lang mag-aaral pero siya pa rin ang gagastos."

"Ang gusto ni tita ay doon ako sa kanila titira. Sa Cebu. May sakit kasi ang asawa niya at tutulong ako sa pag-aalaga bilang kapalit ng pagpapa-aral niya sa akin."

Nanlaki ang mata ni Anjo. "Cebu?! Babe, ang layo ng Cebu!" Medyo napalakas ang boses nito.

"Alam ko, babe… Pero wala akong magagawa. Kailangan ko itong gawin para sa future ko—"

"Ko? Future mo lang?" May himig pagtatampong turan ni Anjo. Namula ang mata niya at nangilid ang luha. "All this time, akala ko kasama ako sa mga pangarap mo, Ava, pero nagkamali ako. Pangarap mo lang pala ang iniisip mo. Samantalang ako, kasama ka lagi sa mga plano ko sa buhay!"

"Anjo, ano bang sinasabi mo?"

"Sinasabi ko lang ang totoo. Sa mismong bibig mo na mismo lumabas. Future mo lang!"

"Hindi sa ganoon. Ang sinasabi ko sa iyo ay kailangan kong lumayo para sa future ko, para matulungan ko ang pamilya ko at para din sa atin, Anjo. Kailangan kong gawin ito hindi lang para sa akin. Balang araw ay maiintindihan mo rin kung bakit kailangan kong lumayo…"

Tumahimik si Anjo. Nakatingin sa kawalan habang may luhang nagbabadyang kumawala sa mga mata nito. Parang nag-iisip ng malalim.

"Anjo…"

"Sige, Ava. Papapiliin kita. Iyang pag-aaral mo sa Cebu o ako?"

Hindi ko inaasahan na papapiliin niya ako. "Anjo, ano ba namang klaseng tanong 'yan?"

"Sagutin mo na lang ako, Ava. Huwag ka nang magpaliguy-ligoy pa."

"Alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang pag-aaral, 'di ba?"

Pagal na tumawa ni Anjo sabay iling. "Okay. Sa sinabi mo, alam ko na ang sagot. Maraming salamat na lang, Ava. Pinili mo ang pag-aaral mo sa Cebu? Pwes, break na tayo!" Inilapag niya ang hawak na kutsara at saka walang paalam na tumayo at umalis.

"Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na ako pala ang tutulungan ng event na ito. Maraming salamat sa inyong lahat, sa mga bumili ng ticket at kay Oprah na siyang nakaisip ng lahat!" Mangiyak-ngiyak na pasasalamat ni Anjo.

Hindi ko namalayan na nakatulala na naman ako sa kaniya.

Hindi kasi ako makapaniwala na pagkatapos ng maraming taon ay makikita ko siya ulit. Ang unang lalaki na minahal ko na siya ring unang nagwasak ng puso ko.

Kinuhang muli ni Cheska ang mikropono kay Anjo. "FYI lang, guys. Hindi talaga si Anjo ang tutulungan natin dito kundi ang kaniyang asawa na may sakit at nangangailangan nga gamutan. Siya talaga ang tutulungan natin…"

Asawa? Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa nalaman kong iyon. May asawa na si Anjo?!

TO BE CONTINUED…