Ava's POV
KAY bilis ng tibok ng puso ko nang magtama ang mga mata namin ni Anjo. Huminto ang mata niya sa akin. Parang bumalik kaming dalawa sa nakaraan—iyong kami pang dalawa. Sa panahon na nangangarap pa lang kami. Ngayon ay magkaiba na ang landas na aming pinuntahan. Hindi ko inaasahan na may asawa na pala siya. Ang buong akala ko ay hindi na siya nagkaroon ng relasyon nang magkahiwalay kaming dalawa noon.
Ang ganda mo naman kung ganoon, Ava! Sabi ko sa sarili.
Bakit ko ba iniisip na single pa rin siya hanggang ngayon? Dahil ba baka may pag-asa pa kaming dalawa? Ipinilig ko ang aking ulo. Hindi dapat ako nag-iisip ng ganito. May asawa na ako!
Ano ba kasing nakakapagtaka na may asawa na siya ngayon? Malamang, nasaktan ko siya noon. Maghahanap siya ng taong magpapahilom sa sugat na iniwan ko. Doon niya siguro nakilala ang asawa niya ngayon. At doon na rin ako tuluyang nabura sa puso niya.
Nakaramdam ako ng kirot sa dibdib nang maisip kong hindi na ako ang mahal ni Anjo.
Iniiwas ko ang mata ko sa kaniya at tumingin ako kay Renzo. "Pupunta lang ako sa CR," pagpapaalam ko.
Pagtango niya ay nagmamadali na akong tumayo at halos patakbong tinungo ang daan papuntang CR. Pagpasok niya ay pumunta agad siya sa isang cubicle. Isinara niya iyon at humihingal na napaupo sa toilet bowl. Napahawak siya sa dibdib dahil parang hindi niya kayang pabagalin ang kabog niyon.
"Ano ba ito? Hindi ko dapat ito nararamdaman. Hindi…" bulong ko.
Marahil ay wala kaming closure ni Anjo kaya ko ito nararamdaman. Pero hindi ibig sabihin ay mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Si Renzo na ang mahal ko. Siya ang pinakasalan ko. Iyong amin ni Anjo ay matagal nang natapos. Mga bata pa kami noon.
Pumikit ako at nag-inhale at exhale nang mabagal. Inulit-ulit ko hanggang sa bumalik na sa normal ang tibok ng aking puso. Saka ako tumayo at lumabas ng cubicle.
Natigilan ako saglit nang paglabas ko ay may isang babae akong naabutan na nakaharap sa salamin at nag-aayos ng make up niya. Nakita niya ako sa pamamagitan ng salamin at ngumiti siya. Natatandaan ko siya. Siya iyong asawa ni Anjo na naka-wheel chair. Nakita ko siya na katabi ni Anjo sa inalisan nitong upuan nang umakyat ito sa stage.
"Hi!" Ang babae ang unang bumati sa akin.
Napalunok ako ng laway. "H-hello." Hindi naman niya siguro alam kung sino ako sa buhay ng asawa niya noon, `di ba? Hindi naman siguro ako naikukwento ni Anjo sa asawa niya.
Lumapit ako sa kaniya at tiningnan ang sarili ko sa malaking salamin. Inilabas ko ang aking compact powder sa handbag na bitbit ko. Nagpawis kasi ako kanina at medyo naging oily ang mukha ko kaya kailangan kong mag-powder.
"Maganda ang gown mo."
Muli akong napahinto sa sinabi niya. "Salamat! `Yong sa'yo rin… maganda." Isang pilit na ngiti ang pinakawalan ko.
"Isa ka ba sa classmates ni Anjo?" tanong niya.
Sinasabi ko na nga ba. Siya `yong asawa ni Anjo. In all fairness, maganda siya. Para ngang walang sakit sa unang tingin. Medyo payat nga lang. Bigla tuloy akong na-insecure dahil mas payat siya sa akin. Simple lang ang gown niya pero litaw na litaw ang ganda niya.
"Ah, oo." Matipid kong sagot.
Sa totoo lang, naiilang ako. Ex kasi ako ni Anjo tapos kinakausap ko ang asawa niya. Ang awkward lang tingnan. Kung hindi nga lang kabastusan ay hindi ko na siya sasagutin. Dedma na lang. Bahala siyang magsalita nang magsalita. Pero nakakaawa din naman kasi. May sakit nga pala siya. Kaya nga tutulungan siya ng batch namin, e.
"Thank you nga pala kasi ginawa ninyo ang event na ito para sa amin ng asawa ko. Sobrang laking tulong nito para sa amin!"
"Naku, hindi ka dapat magpasalamat sa akin. Sina Oprah at Cheska may pakana nito."
"Kahit na. Nandito ka at um-attend, ibig sabihin ay bumili ka ng ticket. Thank you!" anito sabay harap sa kaniya. "By the way, ako nga pala si Lally!" Inilahad pa nito ang isang kamay para makipag-shake hands.
Ilang segundo ko rin iyong tiningnan muna bago ako nakipagkamay sa kaniya. "Nice meeting you, Lally. Ako naman si Ava!" Pagpapakilala ko. Ex ng asawa mo! Dugtong ko pero sa isip ko lang isinatinig.
Ako ang unang bumitaw. Sinamsam ko na ang gamit ko at nagpaalam na sa kaniya. Ewan ko ba. Hindi talaga ako kumportable na magkausap kami ng asawa ni Anjo.
Lumabas na ako ng CR at naglakad pabalik sa bulwagan ng hotel. Pagdating ko sa table namin ni Renzo kanina ay wala na siya doon. Tinanong ko ang kaklase ko sa table na kalapit namin kung nakita niya si Renzo. Ang sabi niya ay kakatayo lang nito at parang paalis na.
Agad na dumako ang mata ko sa pinto palabas at nakita ko si Renzo na papalabas na.
Mukhang tototohanin niya ang sinabi niyang aalis siya agad. Kung ganoon ay aalis na rin ako. Ang pangit naman kung iiwanan niya ako nang mag-isa. Baka kung ano pa ang isipin ng mga kaklase namin kaya sasabay na lang ako sa kaniya.
Sa pagmamadali kong mahabol si Renzo ay hindi ko na naisip pang magpaalam sa lahat lalo na kina Cheska at Oprah. Malalaki ang hakbang na tinungo ko ang pinto palabas ng hotel.
"Renzo! Sandali!" sigaw ko nang makalabas na ako.
Hindi niya ako nilingon. Hindi ko alam kung narinig ba niya ako at hindi pinansin o hindi niya talaga ako narinig. Kaya inulit ko ang pagtawag sa asawa ko. "Renzo!" Patuloy ako sa paglalakad ng mabilis. Mataas kasi ang takong ng sapatos ko kaya hindi ako makatakbo.
Nakasakay na si Renzo sa sasakyan at tuluyan na akong nawalan ng pag-asa na maaabutan ko pa siya nang umandar na iyon. Hinubad ko na ang sapatos ko at sinubukan kong habulin ang sasakyan pero mas lalo pang bumilis ang takbo niyon.
"Renzo!!!" Malakas kong sigaw.
Huminto na ako sa pagtakbo dahil hindi ko na rin naman iyon maaabutan. Nanghihinang sinundan ko na lang ng tingin ang sasakyan hanggang sa tuluyan na iyong nawala sa aking paningin.
Talagang nagawa niya akong iwanan dito ng mag-isa. Akala ko ay nasabi niya lang iyon dahil sa inis niya pero seryoso pala siya. Labis ang awang nararamdaman ko para sa aking sarili. Gusto ko na naman maiyak. Bakit ba niya ako pinaparusahan ng ganito? Ano ba ang nagawa kong mali sa kaniya? Ginagawa ko naman ang lahat pero bakit parang hindi pa rin iyon sapat sa kaniya? Sana, kung may mali man akong nagawa, sabihin naman niya nang alam ko at maintindihan ko kung bakit siya ganito sa akin.
Babalik na lang ako sa ball. Magpapaalam ako nang maayos sa mga kaklase ko. Uuwi na rin ako at wala akong choice kundi ang mag-commute pauwi.
Bagsak ang balikat na humarap ako sa aking likuran para bumalik sa hotel. Bahagya pa akong nakayuko sa paglalakad. Kaya hindi ko napansin ang isang tao sa aking harapan. Nabangga ko siya at doon na ako parang nagising.
"Sorry—" Natigilan ako nang makilala ko kung sino ang nabangga ko. "A-anjo?!" Hindi makapaniwalang bulalas ko.
"Patanong talaga ang tono, Ava?" Nakapamulsa ang dalawa niyang kamay. "Hindi ka ba makapaniwala na muli tayong magkakaharap?"
Nanlamig ang buong katawan ko. Parang umurong ang dila ko at nanuyo ang lalamunan. Wala akong maisip na isasagot sa sinabi niya. Nahihiya ako na makaharap siya. Pagkatapos ng ginawa ko noon sa kaniya ay parang wala na akong mukhang maihaharap sa kaniya. Pinili ko ang ibang bagay kesa sa kaniya. Siguro ay dapat na akong umiwas.
"Ava?" untag niya.
Kumurap-kurap ako na parang nagising mula sa mahabang pagkakatulog. "B-bakit?"
Mahina siyang tumawa. "Awkward ba? Sorry kung sinundan kita. Nakita kasi kitang nagmamadaling umalis. Akala ko kung ano na. Saka pinasundan ka rin sa akin ni Cheska. Baka daw kung anong nangyari." Ang defensive naman niya yata.
"Okay lang. Inihatid ko lang si Renzo—ang asawa ko. Kailangan niya kasing umuwi na." Talagang pinagdiinan ko ang salitang "asawa ko" para malaman niyang hindi lang siya ang may asawa na ngayon kundi pati ako.
Dapat lang niyang malaman na naka-move on na ako sa kaniya.
Tumango-tango lang siya. Umasa ako na makakakita ako ng pagseselos sa mukha ni Anjo pero wala. Wala kahit kaunting pagseselos. Ibig bang sabihin ay wala na talaga siyang nararamdaman para sa akin?
Of course, wala na, Ava! Ano bang klaseng tanong iyan?! May asawa na siya. Hindi na ikaw ang mahal niya. Parte ka na lang ng nakaraan ni Anjo! At talagang pinagalitan ko ang aking sarili.
"Ganoon ba? Mukhang okay ka naman pala. Babalik na ako sa loob, ha?" aniya.
Isang pilit at awkward na ngiti ang pinakawalan ko. "Sige! Susunod na lang ako," sabi ko.
Tumalikod na si Anjo. Malungkot akong nakatingin sa kaniya habang naglalakad siya palayo sa akin. Hindi ko talaga maintindihan ang sarili ko sa aking nararamdaman sa muling pagku-krus ng landas namin ni Anjo. Biglang bumalik sa aking alaala ang araw na naghiwalay kami…
"Alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang pag-aaral, `di ba?"
"Maraming salamat na lang, Ava. Pinili mo ang pag-aaral mo sa Cebu? Pwes, break na tayo!"
May luhang pumatak sa mata ko. "Anjo!" pasigaw na tawag ko sa kaniya.
Huminto siya at lumingon sa akin. "Bakit?"
Kusang gumalaw ang mga paa ko palapit sa kaniya. "Patawarin mo ako, Anjo! Sorry!" sabay yakap ko sa kaniya. Umiyak ako nang umiyak. "Sorry kung mas pinili ko ang pag-aaral ko. Ginawa ko lang iyon dahil iyon ang alam kong tama sa mga panahon na iyon. Sorry, Anjo! Sorry!"
Hinawakan niya ang mga kamay kong nakapulupot sa kaniya at marahan iyong inalis. "Ava, seryoso ka ba sa sinasabi mo?" Natatawa niyang tanong. "Wala na sa akin `yon. Matagal na iyon at mga bata pa tayo. Isa pa, masaya ako na pinili mo ang pag-aaral mo. Ang selfish ko kasi noon. Isip-bata. Wala na iyon, okay?"
"P-pero nasaktan kita, Anjo. Sorry!"
"Iniisip mo ba na hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin ako dahil doon?" Umiling siya. "Nakalimutan ko na nga iyon, e. Saka si Lally… Nakita mo naman siya siguro kanina. Siya na lang ang isipin mo. Sa tingin mo ba ay nasasaktan pa rin ako ngayon?"
Sa sinabi niyang iyon ay labis ang hiya na naramdaman ko. Tama siya. May Lally na siya kaya obviously ay naka-move on na siya. Ang assuming ko naman yata.
Napapahiyang pinunasan ko ang luha sa mukha ko. "Sorry. Nakakahiya!" sabay tawa ko ng mahina. "Bigla ko lang kasing naalala `yong… wala. Wala! Ano ba ito?" Hiyang-hiya talaga ako sa ginawa at mga pinagsasabi ko. Lumalabas tuloy na ako ang hindi pa nakaka-move on.
"Okay na ako, Ava. Okay na tayo. Past is past, sabi nga nila, `di ba?"
Tumango ako. "Tama. Past is past!" Medyo nahihimasmasan na ako.
Maya maya ay nakita ko mula sa likuran ni Anjo ang papalapit na si Lally. Nilapitan nito ang asawa.
"Hi, Ava!" bati ni Lally sa akin na sinuklian ko ng isang ngiti.
"Nagkakilala na kayo?" May pagtatakang tanong ni Anjo.
"Oo. Sa CR kanina. Nagkasabay kami." Ako na ang sumagot. "Ah, sige. Mauuna na ako sa loob. Magpapaalam na kasi ako kina Cheska. Uuwi na rin pala ako. Sumakit bigla ang ulo ko."
"Tamang-tama. Pauwi na rin kami ni Anjo. Sabay ka na lang sa amin, Ava."
"Hindi na. Magko-commute na lang ako."
"Mahirap nang sumakay dahil late na. Saan ka ba nauwi?"
"Bayan ng Calamba."
"Sa Pansol lang kami. Idadaan ka na namin doon. Nanghiram kasi kami ng sasakyan para hindi kami mahirapan lalo na sa kalagayan ko. Mahirap ang mag-commute." Ngumiti pa sa akin si Lally.
Ang bait-bait niyang tingnan.
Teka, nasa Pansol lang pala sila Anjo pero kahit isang beses ay hindi man lang nag-krus ang landas namin. Tapos dito pa talaga sa reunion ng batch namin kami nagkita. Kung hindi pala ako um-attend dito ay hindi pa kami magtatagpo. Pero sana nga ay hindi na lang ako nagpunta dito. Para hindi na kami nagkitang muli. Para hindi na nagugulo ng ganito ang isip at puso ko.
"Sige na, Ava. Minsan lang magrequest ang asawa ko kaya pagbigyan mo na," segunda ni Anjo.
Seryoso ba itong si Anjo? Gusto niya talagang sumabay ako sa kanila?
Tumango ako. "Oo na. Sige. Sa inyo na ako sasabay. Papasok lang ako sa loob para magpaalam. Hintayin niyo na lang ako dito. Thank you," at iniwan ko na silang dalawa para bumalik sa hotel.
Ano ba itong ginagawa ko? Bakit ako pumayag? Hindi. Wala namang ibig sabihin ito. Sasabay lang ako sa kanila at iyon na ang una't huling beses na makikita ko silang dalawa. After ng gabing ito ay babalik na ulit ako sa dati. Atleast, nalaman ko na okay na si Anjo. Hindi na ako dapat maknonsensiya. May kaniya-kaniya na kaming buhay.
Pagkatapos kong magpaalam kina Cheska ay binalikan ko na sina Anjo at Lally. Pero si Anjo na lang ang nandoon. Anito, nauna na si Lally sa sasakyan na hiniram ng mga ito dahil pagod na pagod na. Bawal din daw kasi ang magpuyat dito dahil sa may sakit ito. Kaya kaming dalawa ni Anjo lang ang naglakad papunta sa parking lot. Isang lumang kotse ang sasakyan na hiniram nila. Naunang sumakay si Anjo sa may driver's seat. Ako naman ay binuksan ang pinto sa backseat at nakita kong nakahiga doon si Lally habang nakabaluktot.
"Dito ka na lang sa unahan. Antok na antok na kasi yata si Lally kaya diyan na humiga," narinig kong sabi sa akin ni Anjo na ikinalaki ng aking mga mata.
TO BE CONTINUED…