Chereads / Cheaters (by JL Soju) / Chapter 8 - Chapter 08

Chapter 8 - Chapter 08

Ava's POV

PAGKAALIS ni Renzo ng bahay para pumasok sa trabaho ay nag-asikaso na rin ako ng aking sarili. Naligo ako at nagbihis ng malinis na damit. Susunduin ko na kasi si Eris sa bahay ng nanay ni Renzo.

Kahapon ko dapat siya kukunin kaya lang ang sabi sa akin ni Renzo ay nakiusap ang nanay niya na doon muna si Eris ng isa pang araw. Hindi naman sa ipinagdadamot ko ang anak ko sa lola nito pero kahapon pa lang ay gusto ko na siyang kunin. Miss na miss ko na kasi ang anak ko. Siya na lang kasi ang nagpaparamdam sa akin ng pagmamahal ngayon. Siya rin ang malaking dahilan kung bakit hindi ko binibitawan si Renzo. Ayokong lumaki si Eris na merong wasak na pamilya. Gusto kong lumaki siya na merong normal at masayang pamilya. `Yong may nanay at tatay siya at kaming dalawa iyon ni Renzo.

Pagkatapos kong gumayak ay umalis na ako ng bahay. Nag-tricycle na lang ako papunta sa bahay ng nanay ng aking asawa. Pagdating ko doon ay nakita ko agad si Eris na kalaro ang lola niya sa harapan ng bahay. Nagtatakbo si Eris habang may nilalarong laruang eroplano.

"Eris! Baby!" Tawag ko sa aking anak. Sinabayan ko iyon ng pagkaway.

Nasa may gate pa ako. Nakasarado pa iyon kaya hindi pa ako makapasok sa loob. Nakita kong wala naman iyong kandado kaya ipinasok ko ang isa kong kamay at binuksan.

"Eris!" Muli kong tawag. Walang pagsidlan ang kasiyahan ko nang makita ko si Eris.

Wala pang dalawang araw na hindi ko siya nakita ay miss na miss ko na talaga siya. Ganito naman yata talaga ang isang ina sa kaniyang anak, `di ba?

Normal na kay Eris na kapag nakikita niya ako ay masaya siya at tumatakbo agad palapit sa akin. Pero labis akong nagtaka nang imbes na tumakbo siya sa akin ay sa lola niya ito tumakbo na parang takot na takot nang makita ako.

"Bad! Bad! Bad!" Iyon ang narinig kong paulit-ulit niyang sinasabi nang lumapit ito sa nanay ni Renzon at yumakap sa binti. Itinago pa ni Eris ang mukha nito sa akin na parang ayaw akong makita.

Buong pagtataka na nilapitan ko silang dalawa. Nagmano ako sa nanay ni Renzo. "Mano po, Mama Gloria…" Pagbibigay ko ng galang. "Kukunin ko na po si Renzo, mama, kaya po ako nandito."

"Kukunin mo? Paano mo kukunin, e, halatang takot sa iyo ang bata, Ava!" Matalim ang matang sagot niya sa akin.

Ngumiti ako. "Baka po hindi lang ako nakilala." Yumukod ako para magkatapat kami ni Eris. Nakasubsob pa rin ang mukha niya sa binti ng lola nito. Hinawakan ko siya sa likod. "Eris, ako ito… si mama mo. Uuwi na tayo sa bahay. Nandoon din si papa…"

"Ayaw! Bad mama!" ungot nito.

"Eris…" Bigla tuloy akong nalungkot sa inasal ng anak ko. Hindi na ba ako agad nakikilala ni Eris? Pero ilang araw lang naman niya akong hindi nakita, a. Imposibleng hindi na niya agad ako natatandaan sa ganoong kaikling panahon.

Sinubukan ko siyang kunin at buhatin pero umatungal lang siya ng iyak.

"Nakita mo na, Ava? Ayaw pang umuwi ng apo ko. Dito na muna siya," ani Gloria. Kinarga nito si Eris at niyakap.

Tumayo na ako at malungkot na tiningnan si Eris. "Ilang araw na po kasi siya dito sa inyo. Miss na rin namin siya ni Renzo. Saka nakakahiya na po na kayo ang nag-aalaga sa kaniya," sambit ko.

"Wala sa akin ang pag-aalaga kay Eris. Apo ko siya. Saka mo na lang siya kunin kapag sasama na siya sa iyo. Umalis ka na." Kung itaboy ako ni Mama Gloria ay para bang hindi ako asawa ng anak niya.

"Hindi po talaga pwede, `ma. Uuwi po ako ngayon na kasama si Eris," giit ko. "Ang mabuti pa po siguro ay sa loob muna tayo. Medyo mainit na po. Siguro naman po ay sasama na sa akin si Eris."

"Ano naman kung mainit? Maganda ang sikat ng araw para sa bata kapag ganitong oras. Hindi mo ba alam `yon? Kaya pala ang putla ng apo ko ay baka dahil hindi mo pinapaarawan sa umaga! Kung gusto mong pumasok sa loob ay pumasok ka. May pagkain sa kusina. Kumain ka kung nagugutom ka."

"Sige po…" Dahil ayaw kong mapagalitan pa ako ay pumasok na ako sa loob ng bahay niya.

Habang naglalakad ay hindi ko mapigilan ang magtaka sa inasal ni Eris nang makita ako. Takot na takot siya, e. Hindi ganoon ang anak ko sa akin. Palagi siyang sabik na makita ako. Kapag nga sandali ko siyang iniiwan sa bahay kasama si Renzo dahil may bibilhin lang ako at pagbalik ko ay parang isang taon akong nawala kung salubungin niya ako.

Tapos sinasabi pa niya na "bad" ako. Kanino niya kaya nakuha ang salitang iyon? Bakit niya sinasabi na "bad" ako?

Hindi naman kaya may mga sinabi si Mama Gloria sa kaniya para masabihan ako ng sarili kong anak ng ganoon?

Ipinilig ko ang aking ulo. Hindi naman siguro iyon gagawin ni mama. Pero bakit nga kaya ganoon si Eris sa akin?

Sa salas ng bahay ni Mama Gloria ay napahinto ako nang makita ko ang mga nagkalat na laruan. Mga kotse, tau-tauhan, holen at kung anu-ano pa. Nabahala ako ng husto dahil maliliit ang mga laruan at pwedeng-pwedeng maisubo ni Eris at malunok! Napailing ako. Dapat kong sabihin sa nanay ni Renzo na hindi niya dapat pinaglalaro ang anak ko ng mga ganoong uri ng laruan. Hindi pa angkop sa edad ni Eris ang mga laruan na nagkalat sa sahig.

Babalik sana ako sa labas para kausapin si Mama Gloria pero nakita ko na siyang buhat si Eris at papasok sa salas.

"Gusto nang pumasok ni Eris," anito.

Hinarang ko siya. Papasok kasi yata sila sa kwarto. "Mama, huwag mo sanang mamasamain pero pinaglalaro niyo ba si Eris ng mga laruan na iyon?" Itinuro ko ang mga laruan na nagkalat sa sahig.

Tiningnan niya saglit ang itinuro ko. Nakataas ang isang kilay na tiningnan niya ako. "Alangan naman kung ako ang naglalaro ng mga iyan, `di ba? Malamang si Eris!" Pabalang niyang sagot.

"Mama, magdadalawang taon pa lang po kasi si Eris. Hindi pa siya dapat naglalaro ng maliliit na laruan gaya ng holen. Baka po kasi isubo niya at malunok. Hindi pa po kasi niya alam ang ginagawa niya. Iyong malalaking laruan lang po sana ang ipinalalaro ninyo sa anak ko." Mahinahon kong sabi. Ayaw ko kasing masamain niya o ma-misinterpret ang sinasabi ko. Paniguradong magagalit na naman siya sa akin kapag ganoon.

"Sandali nga, Ava. Pinapagalitan mo ba ako?!" Mataas agad ang boses niya.

"Mama, hindi po—"

"Anong hindi?! Sa tono ng pananalita mo ay parang sinasabi mo sa akin na pinapabayaan ko si Eris. Sa tingin mo, hindi ko siya binabantayan kapag naglalaro siya?"

"Iniisip ko lang naman po ang kaligtasan ni Eris, mama. Wala po akong sinasabi na pinapabayaan niyo siya."

Dinuro niya ako. "Wala ka ngang sinasabi pero iyon ang pinaparating mo sa mga salita mo, Ava! Hindi ako tanga para hindi makuha mga sinasabi mo! Ako pa sinasabi mong pabaya?! Kung hindi mo inuna `yong ball night na iyon, wala dito ang apo ko! Tarantada ka! Wala kang utang na loob na hayop ka! Parang hindi ka naging palamunin noon dito sa bahay ko kung magsalita ka. Ano bang ipinagmamalaki mo? `Yong bahay ninyo? Hindi naman sa iyo `yon at sa anak ko `yon! Gaga ka!" bulyaw niya pa sa akin.

"Mama, huwag naman po kayong magsalita ng ganiyan sa harap ng anak ko." Gusto ko na siyang sagutin ng pabalang pero nagpipigil lang ako. Ayokong gumawa ng hindi maganda lalo na at nakikita ng anak ko.

"Wala kang pakialam! O, hala! Sa iyo na ang anak mo! Isaksak mo sa baga mong de puta ka!" Ipinagduldulan niya sa akin si Eris.

Malakas na umiyak si Eris. Nagwala siya at parang gustong kumawala mula sa pagkakakarga ko.

Hinaplos-haplos ko siya sa likod. "Tama na, Eris… Uuwi na tayo. Uuwi na tayo…" Pero mas lalo siyang nagwala sa mga sinabi ko. Halos maiyak na rin ako dahil parang ibang tao na ako ngayon kay Eris.

-----ooo-----

MALUNGKOT kong pinagmasdan si Eris sa kaniyang crib habang mahimbing na natutulog. Sa tabi niya ay ang bote ng gatas na wala nang laman. Simula ng umalis kami sa bahay ng lola niya hanggang sa makarating kami dito sa bahay ay walang tigil ang pagwawala at pag-iyak niya. Panay ang sabi niya na "bad" ako at ayaw niya sa akin na para bang hindi ako ang ina niya. Parang ibang tao ako sa kaniya.

Hindi na tuloy maalis sa isip ko na baka nilason ni Mama Gloria ang isip ni Eris. Baka nga sinabihan niya talaga ng kung anu-ano si Eris. Baka siniraan niya ako sa sarili kong anak. Bata pa si Eris. Walang muwang. Madali itong mapaniwala sa mga bagay-bagay na naririnig nito sa nakakatanda dito.

Kung totoo nga ang aking hinala, grabe naman si Mama Gloria. Nagawa niyang gawin akong masama sa sarili kong anak ng ilang araw lang. May lahi ba siyang magkukulam o mambabarang?

Mabuti na lang at nakatulog si Eris dahil parating na kasi si Renzo. Magagalit iyon kapag maingay tapos kakarating lang niya galing sa trabaho.

Napagod at nagutom kasi si Eris sa kakaiyak. Kaya nang bigyan ko ng gatas at ihiga sa crib ay nakatulog na.

Maya maya ay narinig ko ang pagbukas ng pinto. Alam kong si Renzo na iyon. Lumabas na ako ng kwarto para salubungin siya. Naabutan ko siya sa salas. Nang makita niya ako ay nanlisik ang mga mata niya. Agad akong kinabahan lalo na nang maglakad siya palapit sa akin.

"Renzo—" Isang malakas na sampal ang sinalubong niya sa akin.

Sa lakas ng sampal niya ay sandaling nabingi ang isang bahagi ng tenga ko.

"B-bakit?" tanong ko habang sapo ang namamanhid kon pisngi.

"Hayop ka talaga!" aniya sabay sabunot sa akin. "Pati si mama ay sinisigawan mo! Wala kang utang na loob sa kaniya. Baka nakakalimutan mong sa kaniya tayo nakitira noong wala pa tayong bahay!" Marahas niya akong binitawan.

Mariin akong umiling. "Nagkakamali ka. Hindi siya sinigawan!" Umiiyak na ako.

Isang sampal pa ang natanggap ko. "At pinapalabas mo pang sinungaling si mama? Kahit kailan ay hindi siya nagsinungaling sa akin!" Hindi pa siya nakuntento at sinuntok pa niya ako sa mukha.

Napaatras ako at napasandal sa dingding. Nagdilim ng ilang segundo ang paningin ko. Ang buong akala ko ay tapos na siya sa pananakit sa akin pero hindi pa pala. Sinabunutan niya ako at malakas na sinuntok sa puson.

Napaubo ako nang malakas at nakaramdam ng panghihina. Dumausdos ako paupo. Hanggang sa tuluyan na akong mapahiga. Ilang beses pa niya akong pinagsisipa sa may tiyan at ang iba ay tumama sa aking mukha. "Hayop ka! Putang ina ka! Huwag mong sinasagot ang nanay ko!" Paulit-ulit niyang sigaw. Galit na galit siya sa akin.

Hanggang sa wala na akong maalala pa sa mga sumunod na nangyari. Tuluyan na akong nawalan ng malay!

-----ooo-----

NAKAHIGA ako sa hospital bed nang magising ako. Napangiwi ako nang makaramdam ako ng pananakit sa iba't ibang parte ng mukha ko higit sa aking tiyan at mukha. Parang ang kapal ng mukha ko. Hindi ko alam kung dahil sa namamaga iyon dahil sa pambubugbog ni Renzo sa akin.

Iginala ko ang aking mata. Nakita ko si Renzo na nakasubsob sa gilid ng higaan. Sa tingin ko ay natutulog siya.

"Renzo…" Mahina kong tawag sa kaniya.

Agad na umangat ang mukha niya. May pag-aalala sa mukha niya. "Salamat at nagising ka na!" May pag-aalala sa boses at mukha niya. Parang hindi siya ang nambugbog sa akin.

"Bakit ako nandito?" tanong ko.

"N-nawalan ka ng malay kaya dinala kita dito. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko." Kinuha niya ang isa kong kamay at hinalikan. "Ava, sorry. Sana ay mapatawad mo ako. Nadala lang ako ng galit at pagod ko kaya ko iyon nagawa. Sorry talaga!" Pumikit-pikit pa siya na parang pinipilit na papatakin ang luha. Pero nang walang pumatak ay isinubsob na lang nito ang mukha sa aking dibdib at humagulhol.

Kung ganoon ay grabe ang naging pambubugbog niya sa akin at nawalan ako ng malay…

"Salamin. Pahingi ako ng salamin…" ani ko. Agad akong sinunod ni Renzo. Kinuha nito ang salamin na nakasabit sa dingding ng hospital room. Nanginginig ang mga kamay ko nang iabot sa akin `yon ni Renzo. Ganoon na lang ang pag-iyak ko nang makita ko sa salamin ang mukha ko. Meron akong black-eye sa kaliwang mata. Halos nangingitim na sa pasa ang mga pisngi ko at pumutok pa ang labi ko. Napapikit ako at bumalik sa alaala ko ang pambubugbog ni Renzo sa akin.

Bawat suntok, sampal, sabunot at sipa niya ay parang nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon.

Pagmulat ko ng mata ay ang nagmamakaawang mukha ni Renzo ang sumalubong sa akin. Kinuha niya ang salamin at itinabi. Hinawakan niya ang dalawa kong kamay.

"M-muntik mo na akong mapatay…" Lumuluhang sambit ko.

"Alam ko, alam ko. K-kaya nga humihingi ako ng sorry sa iyo. Alam mo naman kung gaano ko kamahal si mama, `di ba? Ayokong may bumabastos sa kaniya. Ikaw kasi, h-hindi mo na dapat ginawa iyon kay mama." Para bang ako pa ang sinisisi niya sa nangyari.

"R-renzo, h-hindi ko siya sinagot ng pabalang. Nag-aalala lang ako kay Eris kaya…" Natigilan ako nang maalala ko si Eris. "Si Eris? Nasaan siya?"

"Nasa labas sila ni mama ng kwarto na ito." Pinakatitigan niya ako sa mata. "Ava, dinala kita dito sa ospital kaya utang mo sa akin ang buhay mo. Kaya may pabor akong hihingin sa iyo…"

Kumunot ang noo ko. "Pabor?"

"Nang dalhin kita dito ay tinanong ako ng doktor kung bakit ka puro pasa at sugat. Ang sabi ko ay pauwi ka na sana sa bahay nang may humarang sa iyo na dalawang lalaki. Pinagnakawan ka nila at binugbog. Iyon ang sinabi ko dahil—"

"Pero hind iyon totoo!"

"Alam ko, alam ko! Ava, may mga pulis na pupunta dito ngayon para kausapin ka. Sana ay iyon ang sabihin mo. Ava, makukulong ako kapag sinabi mo ang totoo. Ayokong makulong, Ava! Parang awa mo na!" Mangiyak-ngiyak niyang pakiusap sa akin.

TO BE CONTINUED…