Ava's POV
AWKWARD. Iyan ang isang salita na pwede kong gamitin na pang-describe sa sitwasyon ko ngayon. Katabi ko si Anjo sa unahan ng sasakyan habang mahimbing na natutulog ang asawa niyang si Lally sa backseat. Simula nang patakbuhin ni Anjo ang sasakyan ay hindi na ako nagsalita pa. Ano naman kasi ang sasabihin ko sa kaniya? Kumusta? Alam kong hindi siya okay ngayon dahil sa may sakit ang kaniyang mahal na asawa. Nakapag-sorry na ako sa kaniya at hindi na pala siya apektado sa nangyari sa amin noon. Ako lang talaga itong nag-iisip na hindi pa siya nakaka-move on.
Kanina, sa ball night ay nakita ko ang pagluha ni Anjo sa labis na kasiyahan nang malaman niyang ito at ang asawa nito ang tutulungan ng batch nila. Nakita niya ang pagmamahal nito kay Lally. Lalo na nang tinitingnan nito si Lally noong nasa stage na ito. Naalala ko, ganoon niya ako tingnan noong kami pa. Puno ng pagmamahal. Sa mata lang ay kaya niyang ipaalam sa akin na ako lang ang babae sa puso niya.
Hindi ko maiwasang mainggit kay Lally dahil siya na ang nakakaranas kung gaano kasarap magmahal si Anjo. Mas lalong lumala ang inggit ko dahil hindi ko iyon nararanasan kay Renzo. Walang ibang ipinaparamdam ang asawa ko sa akin kundi sakit sa puso at katawan.
Habang nakatutok sa daan si Anjo ay pasimple ko siyang tiningnan. Sulyap lang sana ang gagawin ko pero nang makita ko ang gwapo niyang mukha ay parang hindi ko na kayang ialis ang mata ko sa kaniya.
May nakapa akong panghihinayang sa aking puso…
Ano kaya ang buhay ko ngayon kung hindi ako nag-aral sa Cebu at si Anjo ang aking pinili? Kami pa kaya hanggang ngayon?
Siguro, oo… sagot ko sa sarili kong tanong.
Pero pinili ko lang ang tama noon. Naging isip-bata lang si Anjo at pinapili niya ako.
Sana hindi mo na lang ako pinapili, Anjo. Sana hinintay mo na lang ako. Sana ay tayo pa hanggang ngayon… Puno ng lungkot na hayag ko sa aking sarili habang nakatingin sa kaniya.
"May dumi ba ako sa mukha?"
Napakurap ako nang mabilis nang biglang magsalita si Anjo. Saka ko lang napansin na palipat-lipat ang tingin niya sa unahan at sa akin.
"H-ha?" Iyon lang ang nasabi ko sa pagkabigla.
Mukhang nahuli niya akong tinititigan siya. Nakakahiya!
Nag-init ang magkabila kong pisngi at iniiwas ang tingin sa kaniya. Inilipat ko sa may bintana ang aking mata at napapahiyang tiningnan ang dinaraanan namin. Nasa express way na pala kami. Hindi ko na napansin dahil iba ang pinatutuunan ko ng pansin.
"Parang kanina ka pa kasi nakatingin sa akin. Baka kako may dumi sa mukha ko." Kinabahan tuloy ako sa lakas ng boses ni Anjo. Baka magising si Lally sa likuran at marinig ito. Kung ano pa ang isipin ng asawa niya sa akin.
"A-ako? Hindi, a. Dito kaya ako nakatingin sa bintana. Baka lumagpas ako," pangangatwiran ko.
"Ibig kong sabihin ay kanina. Nakatitig ka sa akin na parang may mali sa mukha ko."
Talagang hindi siya titigil? `Di ko napigilang tingnan si Lally sa may rearview mirror. Salamat sa Diyos at tulog pa rin siya. Nakahiga pa rin siya sa may likuran. Dahan-dahan lang ang pagpapatakbo ni Anjo dahil alam kong iniingatan nito ang asawang natutulog.
"Akala ko magbabayan-bayan ka. `Buti nag-expressway ka. Mabilis lang ang biyahe." Pag-iiba ko ng usapan. Wish ko lang ay huwag na do'ng ibalik ni Anjo ang topic. Matakot naman siya kay Lally!
"Hindi na. Pagod na kasi si Lally. Kailangan na niyang makauwi agad saka iinom pa siya ng gamot tapos ibabalik ko pa itong sasakyan sa pinaghiraman namin," sagot niya. Mabuti at hindi na niya ako muling tinanong tungkol sa pagtitig ko sa kaniya.
Tumango na lang ako bilang sagot. Ayoko nang magsalita at baka kung ano pa ang masabi ko. Isa pa, hindi ko na kailangang makipagkuwentuhan kay Anjo. Alam kong pagkahatid nila sa akin ay hindi na kami magkikita. Hindi na magku-krus pa ang mga landas namin. Noon nga, hindi man lang kami nagkasalubong sa daan kahit ilang bayan lang ang pagitan naming dalawa, e. Saka mabuti na rin na ganoon. Ayokong magulo pa ang isip ko dahil sa kaniya. Kapag nakikita ko kasi siya ay bumabalik lang ako sa nakaraan at naikukumpara ko iyon sa buhay ko ngayon sa piling ni Renzo. Nakakaramdam lang ako ng panghihinayang.
Mali. Maling-mali na nag-iisip ako nga ganoon dahil may asawa na ako. Unfair kay Renzo. Parang nagchi-cheat na rin ako sa kaniya emotionally. At hindi ako cheater… Hinding-hindi ko magagawang lokohin ang asawa ko kahit pa sabihing hindi na ako masaya sa kaniya.
May part pa rin ng isip ko na naniniwalang maaayos pa namin ni Renzo ang lahat. Babalik din kami sa dating kami. Magiging masaya din kami. Tiwala lang.
"Ang tagal na pala nating hindi nagkita, `no? Ilang taon na ba? Eleven? Twelve?"
Really, Anjo? Iyan ang pag-uusapan natin habang nasa likuran ang misis mo? Hindi makapaniwalang tanong ko na hindi ko na isinatinig pa.
Tumikhim ako at lumunok ng laway para hindi ako mabulol sa pagsagot. "Thirteen." Pagtatama ko.
"Tagal na pala talaga. Ang huling pagkikita natin ay `yong sa bahay ninyo pagkatapos ng graduation, `di ba?"
"Oo. Iyon nga."
"`Yon `yong time na—"
"Anjo, huwag na nating pag-usapan," pigil ko sa sasabihin niya.
Bahagya siyang natawa. "Natatakot ka ba kasi baka marinig ni Lally? Huwag kang mag-alala, alam niya. Kilala ka niya. Wala akong inililihim sa asawa ko. Alam niya ang lahat ng tungkol sa akin pati na sa nakaraan ko. Ganoon ako katapat sa kaniya," aniya na labis kong ikinagulat.
Nanlalaki ang mga mata na napatingin ako kay Anjo. At bakit hindi niya sa akin sinabi na kilala na pala ako ni Lally. Ang akala ko pa naman ay hindi kaya ang lakas ng loob ko na humarap dito. Kung alam ko lang ay hindi na ako sumabay sa kanila. Hindi na sana ako nagpapilit. `Di bale nang wala akong masakyan at maglakad ako pauwi.
"Kanina lang niya nalaman na ikaw `yong Ava na naging ex ko no'ng bumalik ka sa loob. Naalala niya kasi may naikwento ako na Ava ang pangalan na ex ko."
"A-alam niya?"
"Oo. Wala iyon sa kaniya. Nakaraan na naman, e." Balewala lang na sabi ni Anjo.
Chill na chill lang siya habang ako ay hindi na mapakali. Kung hindi lang ako mamamatay ay kanina pa ako tumalon sa sasakyan.
-----ooo-----
MABUTI na lang at hindi nagising si Lally hanggang sa maihatid ako ni Anjo. Natuwa ako ng kaunti nang inunahan ako ni Anjo sa pagbaba upang ipagbukas ako ng pinto. Nag-sorry pa siya dahil hindi niya ako naipagbukas ng pinto noong pasakay ako. Dahil daw nagmamadali talaga siya na maiuwi si Lally.
Sa simpleng gesture ng pagiging gentleman ni Anjo ay napangiti niya ako. Hanggang sa pagpasok sa bahay ay nakangiti ako.
Pagbukas ko ng ilaw sa salas ay muntik na akong mapasigaw sa gulat nang makita ko si Renzo na nakaupo sa sofa at nakatingin sa akin ng masama.
"Renzo! Anong ginagawa mo diyan? Bakit hindi mo binuksan ang ilaw? Akala ko tuloy ay walang tao dito. Nagulat tuloy ako." Nakahawak ako sa dibdib ko na mabilis ang pagkabog.
"Happy?" seryosong tanong niya.
Nanatili akong nakatayo malapit sa pinto. "Anong happy?" nagtatakang tanong ko.
Tumayo na rin si Renzo. "Saan ka mas nagulat? Sa akin o sa ex mo na nakita mo ulit tapos inihatid ka pa?" tanong niya habang marahang naglalakad palapit sa akin.
"A-ano bang sinasabi mo? Wala kong alam sa— Aray ko!"
Bigla niyang sinabunutan ang buhok ko sa likod at hinila niya pababa. "Nagmamaang-maangan ka pa? Sinabi sa akin ng mga kaklase mo kung sino ang Anjo na iyon sa buhay mo. Ex mo siya! Kaya pala ganoon na lang ang tingin mo sa kaniya nang tinawag siya sa stage!" gigil na akusa ni Renzo.
"N-nasasaktan ako, Renzo…" Nanginginig kong sabi. Pakiramdam ko ay mabubunot lahat ng buhok na hawak ng asawa ko sa higpit ng pagkakasabunot niya.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin na ex mo ang lalaking iyon?!"
"Dahil wala na sa akin `yon kaya naisip kong hindi ko na dapat sabihin pa sa iyo. Renzo, please… Masakit na…" Halos maiyak na ako pero tila wala siyang balak na pakawalan ako.
Nangangamba ako na baka kapag hindi ko siya nagawang pakalmahin ay hindi lang ito ang gawin niya sa akin.
"Wala lang? E, bakit inihatid ka niya? Kitang-kita ko, Ava! Hindi mo ako pwedeng lokohin!"
"Pinilit kasi nila ako. K-kasama niya ang asawa niya sa paghahatid sa akin. Maniwala ka sa akin. Hindi kita niloloko at hindi kita lolokohin—"
"Dapat lang, Ava!" At hinigit niya ulit ang buhok ko. Napapikit na lang ako sa sakit habang may luhang naglalandas sa aking pisngi. "Huwag mong susubukang lokohin ako dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa iyo! At kung niloloko mo na ako, huwag kang magpapahuli. Galingan mo ang pagtatago!"
"H-hindi kita niloloko, Renzo. M-mamatay man ako ngayon!"
"Talagang papatayin kita kapag niloko mo ako! Naiintindihan mo ba?"
Halos maihi na ako sa takot sa pagtango nang sunud-sunod.
"Sagot!" sigaw niya.
"O-oo!" Natataranta kong sagot.
Saka lang niya ako pinakawalan. Marahas niyang binitiwan ang buhok ko. Muntik na akong matumba sa sahig kung hindi pa ako nakakapit sa door knob ng pinto. Malalaki ang hakbang na iniwan ako ni Renzo at dumiretso siya sa kwarto. Napapitlag pa ako sa takot nang malakas niyang isarado ang pinto.
Doon na tuluyang kumawala ang hagulhol ko.
Awang-awa ako sa aking sarili na umiyak. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Walang kakampi at karamay. Walang nagtatanggol. Si Renzo ang inaasahan kong mangtatanggol sa akin dahil siya ang asawa ko pero siya pa talaga ang pinagmumulan ng lahat ng sakit na nararanasan ko ngayon.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na umiiyak mag-isa sa salas. Nang mapagod na ako ay pumasok na rin ako sa kwarto at hinubad ang suot kong gown. Dumiretso ako sa banyo upang maligo. Nilunod ko ang sarili kong luha sa tubig.
Matapos maligo ay humarap ako sa salamin na nasa banyo.
Dumako ang mata ko sa kulay ubeng marka sa gilid ng aking labi. Nandoon pa rin ang marka ng pananakit ni Renzo sa akin. Hindi na iyon ganoon kagrabe gaya ng una. Medyo nawawala na pero nandoon pa rin.
Nagawa ko iyong itago sa mga kaklase ko sa ball night gamit ang make-up. Sa pagligo ko ay nawala ang aking make up at muling nahayag sa akin ang ebidensiya ng pananakit sa akin ng sarili kong asawa.
Hinawakan ko iyon. Pinigilan ko ang sarili kong umiyak.
Pumikit ako at inalala ang sinumpaan namin sa harap ng dambana ng Diyos. Kapag nanghihina ako at pakiramdam ko ay gusto ko nang bumitaw kay Renzo ay iyon ang palagi kong iniisip.
Asawa ako ni Renzo. Dapat akong manatili sa kaniya ano man ang mangyari… Iyan ang palagi kong sinasabi sa aking sarili.
Iminulat ko ang mga mata ko at pinilit na ngumiti.
Tinuyo ko na ang aking sarili at nagpalit ng damit na pantulog. Matapos iyon ay tumabi na ako kay Renzo sa pagkakahiga sa kama. Nakatagilid siya at nakatalikod sa akin.
Naalala ko tuloy noong bago-bago pa lang kami ikinasal, noong doon pa kami nakatira sa nanay niya. Hindi siya natutulog nang hindi kami nakakapag-usap. Nagkukwentuhan kami hanggang sa kapwa kami antukin. Iyon kasi ang pampaantok namin—ang pagkukwentuhan ng kung anu-ano. Kahit walang kwenta. Hindi rin siya natutulog nang nakatalikod sa akin. Kung hindi nakatihaya ay nakaharap siya sa akin at nakayakap.
Iyon ang Renzo na hinahanap ko. Alam kong nasa loob pa ni Renzo ang hinahanap ko kaya hindi talaga ako bumibitaw sa kaniya. Babalik siya sa dati—naniniwala ako.
Samantalang ngayon, palagi siyang nauunang matulog. Nakatalikod pa sa akin na para bang ayaw niya na nakikita ang pagmumukha ko.
Pinagmasdan ko ang likuran ni Renzo. Wala siyang suot na pang-itaas. Ganoon talaga siya kapag natutulog. Boxer shorts lang ang suot para presko daw.
Kusang gumalaw ang mga braso ko para yakapin siya mula sa likuran niya. Kahit man lang tulog siya ay mayakap ko siya ulit. Ang tagal na kasi no'ng huling beses na natulog ako na nakayakap sa kaniya. Hindi ko na nga matandaan ang huling beses.
Umusog pa ako palapit kay Renzo. Hinalikan ko siya sa likuran. "Mahal na mahal kita, Renzo…" Puno ng pagmamahal na bulong ko pa. Hinigpitan ko nang kaunti ang pagkakayakap ko.
Gumalaw si Renzo at nabigla ako nang bigla niya akong sikuhin. Napaigtad ako dahil tinamaan ako sa gilid ng aking dibdib.
"Ano ba?! Kung ayaw mong matulog ay magpatulog ka! Puta naman, o!" asik niya sa akin. Inalis pa niya ang braso kong nakayakap sa kaniya. "Istorbo! Peste!"
Naiiyak na umusog ako palayo sa kaniya. Labis akong nasaktan sa naging reaksiyon niya sa pagyakap ko. Noon naman ay gusto niya iyon. Bakit ngayon ay parang nandidiri na siya?
Tumalikod na lang ako kay Renzo at hindi ko na naman napigilan ang pagluha dahil sa sobrang pagkaawa sa aking sarili ng sandaling iyon.
TO BE CONTINUED…