Chereads / Cheaters (by JL Soju) / Chapter 5 - Chapter 05

Chapter 5 - Chapter 05

Anjo's POV

"MAY brain tumor ang wife mo, Mr. Chavez. Grade 3. Grade 3 brain tumors are cancerous and contain actively dividing abnormal brain cells. It grows quickly at pwedeng madamay ang ibang tissues sa brain niya… May mga treatment akong isasagawa sa kaniya para hindi lumala ang kalagayan niya pero kailangan ninyo ng malaking halaga ng pera…"

May awang humaplos sa puso ko habang pinagmamasdan ko ang mukha ni Lally. Nakasandal siya sa aking balikat at mahimbing na natutulog. Nakasakay kami sa bus at pauwi na kami sa bahay. Kita ko sa mukha niya ang pagod. Galing kami ng ospital sa bayan at pina-check up ko siya dahil ilang linggo nang sumasakit ang ulo niya. Hindi lang basta-basta sumasakit. May pagkakataon pa na sa sobrang sakit ng ulo niya ay naglalaway siya at nawawalan ng malay. Natakot na ako kaya kahit ayaw niya ay dinala ko siya sa ospital para magpatingin sa doktor. At iyon nga. Na-diagnose na meron siyang Grade 3 brain tumor.

"Doon na kita dadalhin sa private hospital, Lally…" sabi ko bago kami pumunta sa bayan.

Umiling siya. "Anjo, huwag na doon. Mahal ang check-up doon, e. May alam akong maliit na ospital. Kaibigan ng tatay ko ang doktor doon kaya pwede tayong makahingi ng discount…" aniya.

"Pero mas maganda kung sa maayos na ospital—"

"Anjo, sige na. Doon na lang. Alam kong kapos na tayo ngayon. Marami pa tayong babayaran sa katapusan ng buwan, 'di ba?"

At dahil sa naisip ko rin ang mga bayarin namin ay sa tinutukoy ni Lally na ospital na lang kami nagpunta ng araw na iyon. Parang hindi nga iyon ospital kundi isang clinic lang.

Habang hinihintay namin ni Lally ang result ng mga test sa kaniya ay panay ang dasal ko na sana ay normal na sakit lang iyon ng ulo. Ngunit halos gumuho ang mundo ko nang malaman ko ang totoong kalagayan ng aking asawa. May sakit siya na maaari niyang ikamatay at kailangan namin ng malaking halaga ng pera para sa pagpapagamot niya.

Saang kamay ng Diyos ako kukuha ng pera para sa sakit ni Lally?

Hindi ko na nga alam kung paano ko pagkakasyahin ang kinikita ko bilang waiter sa isang restaurant. Puro na ako OT sa trabaho pero kapos pa rin kami. Ang dami naming kailangang bayaran every month. Upa sa bahay, kuryente, tubig at ibang utang. Pang-araw-araw pa na pangangailangan namin tapos 'eto pa, may sakit pa ang asawa ko. Hindi naman kami pwedeng humingi ng tulong sa pamilya namin dahil kahit sila ay hirap din sa buhay.

Kung noon ay ninanais kong magkaroon na kami ng anak, ngayon ay parang ipinagpapasalamat ko pa na hindi muna kami niyon binibigyan ng Diyos. Dahil baka hindi ko rin maibigay ang maginhawang buhay sa anak namin dahil sa sitwasyon namin ngayon.

Nagtatrabaho din noon si Lally sa isang salon. Nagme-make up siya doon. Pero nang magsimula nang sumakit ang ulo niya ay hindi na siya nakapasok. Hanggang sa tanggalin na siya ng mag-ari ng salon dahil naaapektuhan na ang negosyo nito sa hindi pagpasok ni Lally.

Magtatlong taon na kaming kasal ni Lally. Nagkakilala kami sa birthday ng pinsan niya na girlfriend ng isa kong kaibigan. Isinama ako ng kaibigan ko. Inuman daw sa bahay ng nobya nito. Sumama ako ng araw na iyon dahil wala naman akong gagawin sa bahay. Doon ko nakilala si Lally. Kami ang pinagtabi dahil kapwa kami single. Biniro-biro. Tinuksu-tukso.

Maganda si Lally. Maputi, makinis ang balat at palaging nakaayos. Hindi ganoon katangkad pero maganda. Nagustuhan ko ang pagiging masayahin niya. Malakas siyang tumawa at walang arte sa katawan. Sa inuman pa lang ay naramdaman kong gusto ko na siya.

Bumuhos ang alak ng gabing iyon. Hindi na namin kayang umuwi ng kaibigan ko kaya doon na kami natulog. Ang natatandaan ko ay sinundan ko si Lally sa kwarto na pinuntahan nito. May nangyari sa amin ng gabing iyon. Walang sisihan dahil kapwa namin ginusto.

Kinabukasan ay nag-usap kami ni Lally. Gusto niya rin pala ako.

Naging kami agad. Ganoon lang kadali. Biruan, nagtalik at naging magkasintahan.

Inakala kong hindi kami magtatagal dahil naging madali ang lahat nang maging kami. Walang nangyaring ligawan. Pero nagkamali ako ng akala. Hindi ko namalayan na umabot na kami ng isang taon. At nang mabuntis siya ay ipinakasal na kami ng mga pamilya namin. Wala sa plano ang pagbubuntis niya. Gumagamit ako palagi ng condom sa tuwing may nangyayari sa amin ngunit may nakalusot siguro.

Nandiyan na, e. Nagpakasal na kami ni Lally.

Sa ikalimang buwan ng pagbubuntis niya ay nakunan siya. Isang umaga ay narinig ko siyang nagsisigaw sa banyo. Napabangon ako at napatakbo sa kaniya. Labis akong nagimbal nang makita ko siyang nakaupo sa sahig ng banyo, umiiyak at may dugo sa hita.

Simula niyon ay parang nahirapan na kaming makabuo ni Lally. Ilang beses kaming sumubok pero palagi kaming bigo.

Sa loob ko ay gusto ko nang magkaroon kami ng anak. Ayaw ko lang sabihin iyon kay Lally at baka ma-pressure siya.

Hanggang sa isang sikreto ang nalaman ko…

Birthday ni Lally noong isang buwan. May pasok ako sa trabaho at sinabi ko sa kaniya na hindi ako makakauwi ng gabing iyon dahil nakiusap ang boss ko na mag-overtime ako. Sinabi ko sa kaniyang hindi ako makatanggi kaya babawi na lang ako sa kaniya bukas. Ang hindi niya alam ay hindi iyon totoo dahil parte lang 'yon ng plano ko na isorpresa siya…

Naglalakad na ako pauwi sa bahay namin. Kinuha ko ang bahay sa PAGIBIG at huhulugan ko iyon buwan-buwan sa loob ng twenty years bago iyon tuluyang maging amin.

Umikot ako sa likod. May isa pa kasing pinto doon. Ayaw kong dumaan sa harapan dahil naririnig ko na may mga bisita si Lally. Tahimik akong pumasok. May bitbit akong isang box ng cake na paborito niya. Nasa may kusina ako at nasa salas si Lally. Nakikipag-inuman siya sa tatlo pang babae na sa hula ko ay mga kaibigan niya.

"Hoy, Lally, kailan ka ba magbubuntis?" tanong ng isang babae sa asawa ko. Sa boses nito ay halatang marami nang naiinom.

Ngumiwi si Lally. "Hindi na, uy! Mahirap ang buhay saka ayaw kong masira ang sexy body ko!" Nagtawanan ang lahat.

"Teka, alam ba ng asawa mo na sinadya mong makunan noon?"

Natigilan ako sa sinabi ng isa sa kainuman ni Lally. Inisip ko na baka joke lang iyon kasi lasing na ang mga ito. Hindi na alam ang mga sinasabi.

"Gaga!" Pabirong sinabunutan ni Lally ang huling nagsalita. "Oo, ginusto kong ipalaglag ang baby namin kasi ayaw ko talagang magbuntis pero aksidente 'yong pagkakadulas ko sa banyo. Hindi ko iyon sinadya!"

"Sus! Sinadya mo iyon!" kantiyaw pa ng isa sabay tawanan ulit.

"Hindi talaga! Mga gaga kayo! Pero happy na rin ako na nadulas ako noon at nalaglag ang pesteng bata sa tiyan ko. Hindi na ako gagastos sa maglalaglag, 'no. Tipid din iyon. Saka noon pa, alam niyo naman na ayaw ko talaga na magkaroon ng anak. Nakakairita kaya! Maglilinis ako ng tae at ihi. Nakakadiri! Ang ingay-ingay pa—"

Nabitawan ko ang box ng cake at napatingin silang lahat sa akin.

"A-anjo!" Hindi makapaniwalang bulalas ni Lally nang malaman niyang naroon na ako at narinig ang lahat ng kanilang pinag-usapan.

Hindi ako makapaniwala na gusto pala talaga ni Lally na malaglag ang anak namin dahil sa makasarili niyang dahilan. At kung hindi man siya aksidenteng nakunan ay balak pala talaga niyang ipalaglag ang baby na nasa loob niya. Pwede naman niya akong kausapin kung ayaw niya na magkaroon ng anak. Mapag-uusapan namin iyon. Kaya ko siyang intindihin. Pero anong ginawa niya? Inilihim niya sa akin ang lahat.

Labis ang sama ng loob ko kay Lally dahil sa aking nalaman. Kahit ang makatabi siya sa iisang kama ay hindi ko na kaya. Unti-unting nawala ang pagmamahal ko sa kaniya. Hanggang sa makapagdesisyon na ako. Sinabi ko sa kaniya na maghiwalay na lang kami kesa ganito kami na hindi nagpapansinan. Pinapatawad ko na siya pero hindi ko kayang kalimutan ang ginawa niyang kasalanan.

Pero tila gumawa ang Diyos ng paraan para hindi kami magkahiwalay ni Lally. Tila sinabi ng Diyos na maling maghiwalay kami, na dapat ay tuparin namin ang ipinangko namin noong ikinasal kami na magsasama kaming dalawa ni Lally sa hirap at ginhawa. Na-diagnose na may sakit si Lally at kailangan niya ako sa tabi niya.

Sa pagkakataon na iyon ay nakaramdam ako ng awa para sa asawa ko. Ano na lang ang mangyayari sa kaniya kapag iniwan ko siya?

Kaya pinili kong manatili at samahan siya sa laban niya sa sakit niya. Ipinangako ko sa sarili ko na pipilitin kong ibalik ang dati kong pagmamahal sa kaniya. Aalagaan ko siya at tutulungan para malampasan niya ang pagsubok na ito.

Asawa niya ako at may sinumpaan kami sa harap ng Diyos—tutuparin ko iyon.

Maya maya ay gumalaw ang talukap ng mata ni Lally. Bumukas ang mata niya at isang matipid na ngiti ang sumilay sa labi niya nang makita niya ako.

"Tinitingnan mo ako habang natutulog? Gandang-ganda ka na naman sa akin, 'no…" biro pa niya.

Mahina akong napatawa. "Ikaw, may sakit ka na nga, nagbibiro ka pa!"

"Anong gusto mong gawin ko? Humagulhol? Maglupasay? Anjo, wala namang maitutulong kung iiyak ako. Hindi niyon maaalis ang sakit na meron ako, 'di ba?"

"Sabagay, may point ka naman."

Ilang araw ang lumipas at isang imbitasyon ang natanggap ko mula sa dati kong kaklase na si Cheska. Ball night daw ng batch namin.

"Oo nga pala, bukas ng gabi ay may pupuntahan tayo," sabi ko kay Lally habang naghahapunan.

"Saan?"

"Sa ball night ng mga kaklase ko noong high school."

"Parang sa pagkakaalala ko ay nag-reunion na kayo last year?"

"Ewan ko ba. Basta pumunta daw tayo. Ayaw nga sana kitang isama dahil sa kalagayan mo pero pinipilit nila ako na isama ka. Dapat daw ay kasama ang asawa o kasintahan kasi ball night daw. Pero kaya mo bang sumama sa akin? Pwede namang hindi na ako pumunta at baka mapagod ka lang doon."

Nakangiting umiling si Lally. "Pupunta tayo. Para naman makapag-enjoy tayo kahit papaano. Mawala man lang sandali sa isip natin itong sakit ko. Saka may mga gamiot naman ako kung sakaling umatake ang sakit ng ulo ko. Sa damit naman ay meron na tayo. Kasya pa siguro sa akin iyong gown na nakatago sa bahay. Ipapa-repair ko na lang kay Aling Ester kung may sira…"

"Sigurado ka?" Nag-aalala kasi ako na baka pinipilit lang ni Lally ang sarili nito. Siyempre, mas mahalaga ang kalusugan nito kesa sa anumang bagay.

Tumango siya. "Oo naman."

At 'eto na nga kami sa ball night ng batch namin. Sa isang mamahaling hotel idinadaos. Bumabaha ang pagkain at inumin. Upang hindi masyadong mapagod si Lally ay nagrequest kami ng wheel chair at nabigyan naman kami. Napansin ko kasi na parang hinahapo ang asawa ko.

Isa-isa na akong nilapitan ng mga dati kong kaklase.

"Uy, ang gwapo pa rin ng class escort natin!" Puna ng isang lalaki.

"Kaya nga. Mas lalo pang gumwapo, 'kamo!" dugtong pa ng isa.

"Mga loko kayo! Maliit na bagay!" pakli niya. "Oo nga pala. Si Lally—ang aking asawa," pagpapakilala niya.

"Hello sa inyo…" Mahinang bati ni Lally sa dalawang lalaki.

"Hi! Ang ganda din ng asawa mo, Anjo. Bagay kayong dalawa!"

Ilang sandali pa ang lumipas ay nagsimula na ang party. Umakyat na si Cheska sa stage upang magsalita. Nasa iisang table kami ni Lally. Hawak ko ang isa niyang kamay.

"Bago magsimula ang party-party ay sasabihin ko na kung sino ba ang tinutukoy ko. Ang ating tutulungan ay walang iba kundi ang class escort ng batch natin, ang gwapong-gwapo, ang makisig at super yummy na si Anjo Chavez!"

Nanlaki ang mata ko sa gulat sa sinabi ni Cheska.

"Ako?" Muwestra ko sabay turo sa sarili. Palakpakan ang lahat.

"Iniimbitahan ko po si Mr. Anjo Chavez dito sa stage," ani Cheska.

Naguguluhan man ay tumayo na ako. Kung ganoon ay ginawa nila ang ball night na ito para sa akin? Sinabi kasi ni Cheska bago niya ako paakyatin ay ibibigay sa tutulungan ng batch namin ang kinita sa ticket. Sa naisip kong iyon ay nangilid ang luha ko. Hindi ako pala-iyak o emosyonal pero sa pagkakataong ito ay parang gusto kong umiyak nang matindi. Nakakataba kasi ito ng puso. Hindi ko inaasahan.

Natagpuan ko na lang ang sarili ko na nasa stage at hawak ang mikropono. "Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na ako pala ang tutulungan ng event na ito. Maraming salamat sa inyong lahat, sa mga bumili ng ticket at kay Oprah na siyang nakaisip ng lahat!" Halos maiyak na ako.

Kinuha ni Cheska ang mikropono sa akin. "FYI lang, guys. Hindi talaga si Anjo ang tutulungan natin dito kundi ang kaniyang asawa na may sakit at nangangailangan nga gamutan. Siya talaga ang tutulungan natin… Nalaman ko kasi ang kalagayan ng asawa niya dahil sa post niya sa Facebook. Sinabi ko kay Oprah ang naisip ko na Ball Night For A Cause at nagpapasalamat ako na sinuportahan niya ako. Kaya ang kinita ng ticket ay buong-buo na mapupunta kina Anjo at sa asawa niyang si Lally!" Muling napuno ng palakpakan ang buong bulwagan ng hotel.

Naluluhang iginala ko ang aking tingin sa lahat ng naroon na para bang isa-isa ko silang pinapasalamatan. Ngunit napahinto ang mata ko sa isang babae na malungkot na nakatingin sa akin. Nagtama ang mga mata namin at parang kami na lang ang naroon. Ava… bulong ko pa.

TO BE CONTINUED…