NAGULAT KAMI NANG biglang mabasag ang salamin ng bintanang katapat namin. Umiihip ang malakas na hangin at nilipad-lipad ang kurtina.
"Ano 'yon, Lukas?" takot na tanong ni Jane at napakapit siya sa braso ko.
Tumayo ako at tinungo ang bintana. Tumambad sa 'kin ang babaeng multong nakaberde na nakatayo malapit sa terrace. "W-Wala 'to. Dati nang basag 'to. Sa sobrang lakas lang siguro ng hangin kaya natuluyan," palusot ko na ewam ko kung kakagatin nila. Inaayos ko ang kurtina nang magsalita ang multo. Kung titingnan siya parang kaharap niya lang ang kausap niya pero ang boses niya ay malakas na naririnig sa loob ng bahay at kami lang ni Sunshine ang nakaririnig.
"Oo, ikaw ang pinili niya. Pero ang katotohanang niloko ka niya, ay hindi na magbabago pa! Hindi lang isang beses naming ginawa 'yon ni Migs. Maraming beses! At narinig kong patay na pala ang tatay mo? Edi, wala ng naghihintay sa 'yong bumalik ka pa. Sabihin mo, Marinelle, gugustuhin mo pa bang balikan ang malungkot mong buhay? Gugustuhin mo pa bang mabuhay kahit mag-isa ka na lang at walang nagmamahal sa 'yo?" animo'y panunukso ng isang demonyo sa kanyang biktima ang pagkakasabi ng babaeng multo – si Elizabeth, ang babaeng pumatay kay Sunshine sa kagustuhan nitong maangkin ang lalaking iniibig .
Hindi ako naupo nang bumalik ako sa puwesto ko, nakatayo lang ako at nakatayo malapit sa 'kin si Sunshine sa bandang likuran ko. Hindi na siya kumilos mula pa kanina, napako siya sa mga narinig niya at natuklasan tungkol sa pagkatao niya.
"Bakit mo nagawa 'yon? Ikaw ba'ng pumatay sa 'kin?" luhaang tanong ni Sunshine sa multong dati niyang kaibigan.
"Wala ng iba pa. At ginawa ko lang naman 'yon, dahil hindi mo na deserve na mabuhay pa," may pangmamaliit nitong sagot. Unti-unti na namang nagbabago ang kulay ng mga mata ni Sunshine at lumalabas ang mga ugat sa balat niya na pinagtawanan lang ng multo ng dati niyang kaibigan. "Ganyan nga, Marinelle. Magalit ka! Ipakita mo ang galit mo! Saktan mo sila!" udyok nito.
Nilingon ko si Sunshine at sumenyas ako ng iling sa kanya na huwag niyang pakinggan ang sinasabi ng multo.
"Ipakita mo ang galit mo kay Migs! Sinabi niya na mahal ka niya? Sa tingin mo totoo 'yon? Konsensiya lang kaya nasabi niya 'yon dahil patay ka na! Saktan mo siya, Marinelle! Saktan mo siya! Saktan mo sila!" madiing udyok ni Elizabeth. Dumadagundong sa kabuuan ng bahay ang boses niya na animo'y nagmula sa diyablong nananahan sa ilalim ng lupa.
Hinarap ko si Sunshine. "Tumigil ka. 'Wag mo siyang pakinggan. Huminahon ka lang, Sunshine," madiing paalala ko sa kanya.
"Lukas, may sinasabi ka?" narinig kong pagtataka ni Jane. Hinarap ko sila ni Migs.
"May kausap ka?" tanong ni Migs. Hindi ako makasagot, tiningnan ko lang sila. Nangangapa ako sa sasabihin ko.
"Sa kanya ka 'wag makinig! Sa tingin mo may silbi siya sa 'yo? Sa tingin mo kaya ka niyang buhayin ulit? Nag-iilusyon ka lang ng mga bagay na hindi mo naman maaangkin. Tulad ni Migs! Isa kang kawawang babae, Marinelle. Sa totoo nga niyan, ikaw pa ang mismong humiling sa 'kin na patayin kita!" isang malakas na halakhak ang pinakawalan ng multong si Elizabeth.
"Hindi totoo 'yan!" sigaw ni Sunshine.
Naramdaman ko ang tila pagbuga ng malakas at malamig na hangin sa likod. Nang lingunin ko siya, nakalutang na siya – galit na galit siya. "Sunshine, huminahon ka. Pinaglalaruan ka lang niya."
Nilapitan na ako ni Jane, hinawakan niya ako sa braso at pinaharap sa kanya. "Lukas, sino ba'ng kausap mo?" pagtataka niya. Si Migs nakatayo na rin na bakas na rin ang pagtataka sa mukha.
"U-Umalis na kayo," nasabi ko. Hinawakan ko sina Jane at Migs sa braso at inakay papuntang pinto.
"Teka lang, ano ba'ng nangyayari sa 'yo? Lasing ka na ba?" mas lalo nang naguluhan si Jane sa ikinilos ko, inalis niya ang pagkakahawak ko sa kanya.
"P're, ayos ka lang ba?" tanong ni Migs, inalis niya rin ang kamay ko sa braso niya.
"Kailangan niyo nang umalis!" pagdiin ko sa sinabi ko.
Ang mga sumunod na nangyari, hindi ko inaasahang gagawin ni Sunshine. Nagpakita siya kina Jane at Migs. Umalingawngaw ang takot na tili ni Jane, si Migs naman ay natulala nang makita ang halimaw na anyo ni Sunshine.
"Sunshine, 'wag," mahinang nasabi ko.
Si Migs, humakbang palapit kay Sunshine na lumulutang palapit naman sa 'min. Inuusal niya ang pangalang Marinelle, pero may pag-aalangan sa tinig niya na waring naniniguro at 'di makapaniwala sa nakikita. Sakal ang naging tugon ni Sunshine sa pagtawag sa kanya ni Migs, humaba ang kanang kamay niya. Sinasaway ko si Sunshine pero 'di niya ako pinakinggan, nalunod na siya ng kanyang galit, hinayaan niyang tangayin siya ng kanyang emosyon at pang-uudyok ng multong si Elizabeth. Tinangka kong tanggalin ang kamay ni Sunshine sa pagkakasakal sa leeg ni Migs, pero sinakal niya rin ako at hinagis, bumagsak ako sa sahig at agad akong sinaklolohan ni Jane na noo'y takot na takot na sa mga nangyayari. Humaba ang leeg ni Sunshine at nilapit ang ulo mukha niya sa mukha ni Migs na pulang-pula na sa pagkakasakal niya.
"Minahal? Sakit lang ang mga naaalala ko, Migs. Para ako nitong muling pinapatay! Na sana hindi ko na lang muling naalala!" sumbat niya kay Migs kasabay ng malakas na hanging umiikot-ikot sa paligid nila, at hinagis niya si Migs, tumama ito sa pader. Bumaba sa sahig si Sunshine at naglakad palapit kay Migs. Hindi pa man nakakabangon si Migs ay muli na naman niya itong sinakal gamit ang mga humaba niyang kamay. Inangat niya si Migs at tumatama na ang ulo nito sa kisame. "Sana hindi na lang kita muling nakita! Hindi ko na gustong mabuhay paaaaaa!" ramdam ko ang galit niya. Nakaramdam ako ng sakit sa huling sinabi niya. Nagkaroon ako ng pagtutol. Hindi niya dapat sinabi 'yon. Hindi niya dapat maramdaman 'yon. Dahil gustong-gusto ko siyang mabuhay – gusto ko siyang makasama.
"Itigil mo 'yan!" sigaw ko. Tumayo ako at humakbang palapit sa kanila. Hirap akong lumapit dahil sa malakas na hanging nakapalibot sa kanila. Pinipigilan ako ni Jane dahil baka masaktan at mapahamak ako. Pero nararamdaman ko sa puso ko na mas masasaktan ako sa posibleng mangyari kapag hinayaan ko lang si Sunshine, kaya itinuloy ko ang paghakbang ko. "Sunshine, mapapatay mo siya sa ginagawa mo, itigil mo 'yan!" mas malakas na sigaw ko.
Nakuha ko ang atensyon ni Sunshine, nilingon niya ako. "'Wag kang makialam dito, Lukas. Tapos na ang pagiging sinag mo... ayaw ko nang mabuhay pa. Ayaw ko nang balikan ang miserable kong buhay." May luha sa mga mata niya. Umiiyak siya. Labis siyang nasasaktan sa mga nalaman niya.
Para akong tinadtad ng baril direkta sa puso ko. Masakit ang mga sinabi niya. Parang nabiyak ang sahig na inaapakan namin at unti-unti kaming naghihiwalay, at wala nang pagkakataon pang muling magkita. "'Wag mong sabihin 'yan," hindi na napigilang pumatak ng luha mula sa aking mga mata. "Maraming magagandang bagay sa mundo. Maraming rason para mabuhay... puwede akong maging isa ro'n. Pakiusap, 'wag mong gawin 'to!"
"...Patawad," mahinang nasabi niya.
"Sunshine!" sigaw ko.
"Patawad, Lukas," muling nasabi niya bago muling hinarap si Migs at mas hinigpitan ang pagkakasakal sa leeg nito. May pag-aalangan sa kanyang mga mata, alam kong hindi niya gustong gawin 'yon. Sa mga nangyayari, maririnig ang tawa ng multong si Elizabeth na nakatanaw mula sa labas.
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ko kasabay ng pagtakbo ko para pigilan si Sunshine. Malinaw na sa isip ko na may pader mang nakaharang sa 'min ni Sunshine ay wawasakin ko, maging bundok man 'yan, makasama ko lang siya. At para na rin mailigtas ang buhay ni Migs, kailangan kong pigilan siya – at pigilan siyang makagawa ng masama na posible niyang pagsisihan sa bandang huli. Wala siya sa katinuan niya ngayon kaya nasasabi niya at nagagawa ang mga bagay na 'di niya naman talaga gustong gawin. Normal na nagagawa ng taong may damdaming nasasaktan na nauwi sa galit at humantong sa paghihiganti.
Nagawa kong malapitan si Sunshine, niyakap ko siya ng mahigpit – iyon ang nararamdaman kong gusto kong gawin, dahil kapag hindi ko ginagawa, pakiramdam ko mas mauuna akong malagutan ng hininga kaysa kay Migs. "Tama na, Sunshine. Itigil mo na 'to. Ayaw kong mawala ka... Gusto kong manatiling sinag mo... habambuhay..." nasambit ko sa nanginginig kong tinig. Unti-unting humina ang hanging paikot-ikot at naramdaman ko ang pagbaba ng mga kamay ni Sunshine, binitawan niya si Migs at narinig ko ang pagbagsak nito. Nararamdaman ko ang unti-unti niyang pagkakaroon ng katawan, nagkaroon ng init sa kanya, may pintig ng puso akong naramdaman.
Magkaharap kami Sunshine, kapwa nakatigtig sa isa't isa at saglit winaglit sa isip ang mga nangyari. Nakababa lang ang aming mga kamay na tila naghihintayan ng gagawin ng bawat isa at tutugunan. Naging pag-aari namin ang bahay, nawala sa isip namin sina Migs at Jane, at ang mga multo sa labas – paghinga ko lang ang naririnig ko. Hinawakan ko ang kamay niya upang muli siyang magkaroon ng buhay at para mas madama ko na maayos na siya.
"Lukas," mahinang sabi niya kasabay ng pagpatak ng mga luha.
Inangat ko ang isang kamay ko at pinahiran ang luha niya sa mukha. "Ayos ka na ba?" nakangiting tanong ko.