Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 19 - KABANATA 19

Chapter 19 - KABANATA 19

LUMIPAS ANG MGA araw, patuloy pa rin kami ni Sunshine sa pag-iisip sa mga posibleng paraan kung paano siya mabubuhay at kung saan posibleng naroon ang katawan niya – puro lang kami haka-haka – at patuloy na nababawasan ang mga sunflower sa bakuran. Hinanap namin sa kabuuan ng bahay ang katawan niya, pero wala kaming nakita. Pinuntahan ko na rin ang gubat kung saan natagpuan ang bangkay ng kaibigan niyang si Elizabeth, dalawang araw akong naghalugad sa kagubatang 'yon pero wala rin akong napala – ni kahit palatandaan, wala. Si Mang Pedro, hindi na nagpapakita. Pinuntahin ko na sa bahay niya, wala rin. Si Cho-cho, 'yong aso ni Mang Pedro, hindi na humiwalay sa 'kin mula nang makita ako kaya kasama na namin siya ni Sunshine sa bahay – na parang gusto kong ibalik sa pinanggalingan niya, pasaway pala, minsan nagigising na lang ako sa tahol niya – tinatahulan ang pinto ng isa sa mga nakakandadong kuwarto, na sinabi ni Sunshine na iba ang pakiramdam niya nang pasukin niya ito.

Pinagtatakahan namin ang biglang pagkawala ni Mang Pedro, lalo pa't siya lang ang alam naming makakatulong sa 'min – minsan niya nang sinabing ipapaliwanag niya sa 'min ang lahat. Hindi na rin namin muling nakita si Elizabeth at ang iba pang multong napansin naming nawawala – hinala namin, magkakaugnay 'yon kaya lalo kaming naguguluhan at kinakabahan. May mga kakaibang panaginip rin ako, may ibang tao raw o multo sa bahay na nagtatago sa anino, basta gano'n, tapos bigla na lang susulpot at sasakalin ako – magigising ako na naghahabol ng hininga. At maririnig ko na lang ang tahol ni Cho-cho sa pinto ng isang kuwarto sa taas.

Sa paglipas din ng mga araw na 'yon, mas lumalalim na ang mababaw na pagkagusto namin ni Sunshine sa isa't isa – magkatabi na rin kaming natutulog, hahawakan ko ang kamay niya bago matulog at hahawakan ang kamay niya pagkagising ko. Naiisingit na rin namin minsan sa pag-uusap ang mga bagay na una naming gagawin at mga gagawin kapag nabuhay na siya muli. Gusto niyang mamasyal sa mall, sa park, at basta raw sa maraming tao kahit nga sa palengke. Gusto niyang manood ng sine, kumain sa restaurant na may masasarap na pagkain, lalo na sa isang 'eat all you can'. At basta, kakainin niya lahat nang magustuhan niya at lahat na mukhang masarap.

Pero minsan, napapasin kung may pag-aalangan pa rin siya tungkol sa muli niyang pagbalik sa mundo ng mga buhay – nahuhuli ko siyang malungkot. Alam kung naiisip niya ang magulang niya at kung babalikan pa ba ang buhay niya.

Hindi pa namin ni Sunshine gano'n kakilala ang isa't isa, kaya unti-unti kaming nagpapakilala – hindi sa pagkukuwento tungkol sa sarili namin kundi sa mga kilos namin. Naniniwala kasi siya na hindi batayan ang salita, lalo na kung tungkol sa pagpapakilala ng sarili. Maari kasing magdagdag ng kuwentong ikakaganda ng pagtingin sa 'yo at magbawas ng kuwento na ikakapangit ng tingin sa pagkatao mo – at pareho kaming sang-ayon do'n – gano'n din ang pananaw ko sa mga tao. Mas gusto kong makilala ang isang tao sa pamamagitan ng kilos niya. Pero siyempre hindi naman namin binabalewala ang kuwento ng isa't isa tungkol sa aming buhay at pagkatao. Kasabay ng lumalalim naming pagtitinginan, sa ikatlo at ika-apat na araw mula nang magkaaminan kami sa nararamdaman namin noong Lunes, may kakaiba kaming nararamdaman sa loob ng bahay. Minsan, may malamig na hanging tumatama sa 'kin, hindi ko alam kung si Sunshine lang 'yon o multong nagtatangka mula sa labas.

***

SABADO NG UMAGA, maaga akong nagising. Napag-usapan namin kagabi ni Sunshine ang tungkol sa posibleng lugar na puwedeng pagdalhan ng katawan niya kung sakaling may nakakita nito magdadalawang taon na ang nakararaan, maaring sa ospital. At plano kung isa-isahin ang mga ospital – maaring isa sa malapit na ospital sa baryong 'to o sa bayang ito naroon ang katawan niya. Maaring magdadalawang taon na siyang comatose at naghihintay sa kaluluwa niya para magising na. Parang mga kuwento ng mga prinsesang naghihintay sa kanilang prinsipe na sagipin sila sa pamamagitan ng isang halik ng tunay na pag-ibig. Napangiti ako nang maisip ko kung hahalikan ko ba siya kapag nakita ko na ang katawan niya tapos magigising na siya – at pumasok din sa isip ko kung may nagsisipilyo ba sa kanya sa loob ng halos dalawang taong 'yon?

"Ipangako mong hindi ka gagabihin," bilin ni Sunshine sa 'kin nang ihatid niya ako sa labas ng pinto.

"Pangako," tugon ko. "Bantayan mo ang bahay, ha?"

Ngumiti lang siya. Para kaming mag-asawa – papasok ako sa trabaho at hihintayin niya ang pagbabalik ko. Naiisip ko pa na kung may suot akong necktie, aayusin niya 'to para sa 'kin. At habang ginagawa niya 'yon, hahalikan ko siya sa noo. Para akong sira.

Kasabay ng maaliwalas na umagang 'yon, narinig namin ang pagkatuyo ng isa na namang sunflower. Nagkatinginan kami at nawala sa mukha ang mga ngiti. Kahapon, binilang namin ang mga natitirang sunflower, dalawampu't isa na lang sila. At ngayon, nabawasan na naman ng isa. Sa unang araw ng susunod na buwan ang ika-dalampung araw mula ngayon, ang ika-isa ng Nobyembre – ang ika-dalawang taon nang gawin ng kaibigan ni Sunshine na si Elizabeth ang ritwa, ang ika-dalawang taon niya sa bahay na ito ng mga Sinag, ang araw na hinala namin na dapat ay buhay na siya. Kutob lang naman ni Sunshine na may kaugnayan ang pagkamatay ng mga sunflower sa natitirang araw niya para muling mabuhay – pero sa palagay ko, tama ang kutob niya. Dahil nararamdaman ko ngayon ang mabilis na pagtakbo ng oras. At pakiramdam ko, mga dahon kaming magkadikit na natutuyo na at unti-unti nang kumakalas sa sanga na wala nang pag-asa pang muling magkasama kapag nalaglag na sa lupa – isang napakalungkot na pakiramdam.

"Babalik ako, Sunshine," sabi ko at pinilit kong ngumiti.

"Lukas," tawag niya sa 'kin nang makababa na ako ng terrace. "Dapat lang na bumalik ka. Nakasalalay sa 'yo ang muli kong pagkabuhay! Lagot ka kapag nabigo ka! Hindi kita patatahimikin, habambuhay kitang mumultuhin!"

Napangiti ako sa pananakot niya nang lingunin ko siya. Kagabi, narinig kong sinabi niyang buo na ang loob niya na muling mabuhay, pero 'di ko sigurado kung totoong sinabi niya 'yon o panaginip ko lang. Ngayon, alam ko nang totoong sinabi niya 'yon at hindi ako nananaginip lang.

"Oo naman!" sagot ko. "Miss mo ako agad?" nakangiting tanong ko. Nag-anyong halimaw siya at sinamaan ako ng tinging ng nagkulay pulang mga mata niya – ganyang siya kiligin. Habang tinitingnan ko siya, naiisip ko kung sakaling mabigo man akong sagipin siya, ayos na rin kahit multuhin niya ako habambuhay, basta kasama ko lang siya.

Pinuntahan ko si Mang Caloy pagkaalis ko ng bahay. Mabuti't maaga ako at naabutan ko siya. Kukontratahin ko si Mang Caloy na ipagmaneho ako sa mga ospital na pupuntahan ko, at siyempre para magpasama na rin. Alam kong alam na ni Mang Caloy ang pasikot-sikot sa bayan na 'to, at sana, alam niya kung nasaan ang mga ospital, maging sa mga kalapit na bayan.

***

BIGO AKO SA anim na ospital na napuntahan ko – wala ang katawan ni Sunshine. May mga tiningnan akong comatose na pasyente, na nasita pa ako ng guwardya sa pagpupumilit ko. Sa bawat natanungan ko, lahat sila nagtataka. Pero hindi na ako nagbigay pa ng oras para magpaliwanag basta nasiguro kong wala nga sa ospital na 'yon si Sunshine. Ang nakakainis, sa bawat ospital na napuntahan ko ay may pagala-galang multo. May isang matandang babaeng multo na pinatid ako at pinagtawanan nang madapa ako, at may iba pa siyang tropang pinagtawanan din ako. May batang multong hinabol ako, hindi ko kasi napigilang titigan siya sa kilabot at awang naramdaman ko nang makita ko ang batang 'yon. Biyak ang ulo niya at labas ang utak – sa paghabol sa 'kin ng batang multong 'yon pakiramdam ko 'di ko maihakbang ang mga paa ko sa naramdaman kong kilabot at pandidiri na rin.

Pugad ng mga multo ang ospital, at ang ilan sa kanila talagang pinaglalaruan ang mga buhay, kaya nga may kuwentong katatakutan sa bawat ospital. Nang tanungin ako ni Mang Caloy kung sino ba ang hinahanap ko, sinabi ko na lang na kakilala at hindi ko alam kung saang eksaktong ospital siya naka-admit, basta ang alam ko maaring sa bayan kung nasaan kami o sa kalapit na bayan. 'Di ko na binanggit na isang comatose ang hinahanap ko. Ewan kung kakagatin ni Mang Caloy ang gawa-gawang kuwento ko na malabo pa sa tubig-baha.

Habang pabalik kami sa baryo Madulom, para akong binuhusan ng sandamakmak na kalungkutan. Pakiramdam ko baryo Walang Pag-asa ang uuwian ko. Nauubusan na ako ng mga posibilidad – imposible na ang namamayagpag. Tila malalagas na nga kami sa sanga at malalaglag na sa lupa at magkakahiwalay.

Inabutan ko ng dalawang libo si Mang Caloy nang bumaba ako ng traysikel niya pagkarating namin sa Hangganan. Noong una tumanggi pa siya dahil masyado naman daw malaki 'yon. Sabi ko, sapat lang 'yon sa halos maghapon niyang pagmamaneho para sa 'kin, at hindi biro ang layo ng mga narating namin. At isa pa, nakita kong napagod talaga siya. Nasa alas sais na ng gabi nang tingnan ko ang oras sa cell phone ko, mabuti't hindi pa madilim. Pero maglalakad pa ako, at sana, hindi ako abutan ng dilim sa daan. Ang pagiging sanay ko sa multo ay nabaligtad, nag-iba ang tingin ko sa kanila – para na silang mga hayop na ilang sa paningin ko, na hindi mo alam kung aatakehin ka o hindi – at may mga natuklasan pa akong kaya pala nilang gawin tulad na lang ng mga nagagawa ni Sunshine at ni Elizabeth, na mas malupet pa sa mga horror movies. Kaya kailangan kong mag-ingat at kailangan ko nang bilisan ang paglalakad ko pauwi ng bahay. Isinuot ko nang maayos ang sombrero ko sabay patong pa ng hood ng jacket ko. Inayos ko rin ang sintas ng sapatos ko para siguruhing hindi matatanggal ang pagkakatali – at humanda na ako sa pagtakbo. Pagpakawala ko ng hingang malalim, sinimulan ko na ang pagtakbo sa halos kalahating kilometrong malubak na daan na patungong bahay – napansin kong tila lumiliit ang daan dahil sa lumalagong puno't halaman sa gilid ng daan, kung titingnan mo para ka nang nasa gitna ng kagubatan.

Sa isip ko, tatakbo ako ng sobrang bilis na masisira pa sapatos ko – pero hindi. Dahil ata sa malakas na ulan noong mga nakaraang araw kaya parang lumaki ang mga bato sa daan. Kaya alalay lang ang pagtakbo ko sa takot na madapa ako o matapilok – pero alalay na may kabilisan naman.

Halos palakad na ang paghakbang ko nang matanaw ko na ang bahay, at puwede na yata akong magka-record sa pinakamabilis na hingal at sagad na pagod. Sinabayan kasi ng takot at pag-aalala ang pagtakbo ko. Pero wala naman akong nakitang multo – na ipinagpasalamat ko. Pero ang pagpapasalamat na 'yon at nawala bigla – inakala kong mauunahan ko ang mga multo sa pagpunta nila sa tapat ng bahay, pero maling akala ako – nasa tapat na sila ng bahay sa loob ng gate – nanginginig na hawak ko ang pinto ng gate para buksan – hindi sila nakaharap sa bahay – nakaharap sila sa akin.