Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 20 - KABANATA 20

Chapter 20 - KABANATA 20

Binuksan ko ang gate at hinakbang ko papasok ang aking kanang paa hanggang sa maipasok ko na ang buo kong sarili. 50/50 ang isip ko – hati kung tutuloy ba ako o tatakbo na lang pabalik ng Hangganan. Pinipilit kong maging isang daang porsyento sa utak ko ang pagtuloy papasok ng bahay, iba ang kilos ng mga multo ngayon at nag- aalala ako para kay Sunshine, baka kung ano na ang nangyari kanina at ngayo'y takot na takot siya. Hinahanap ko sa bulto ng mga multong kaharap ko si Mang Pedro – naghahanap ako ng sasaklolo – pero wala si Mang Pedro, hindi niya ako matutulungan tulad ng ginawa niya noong huling atakehin ako ng multo.

Parang may ritmong sinusunod ang mga multo nang sabay-sabay nilang ihakbang ang kanang paa nila, at makalipas ang ilang segundo isinunod nila ang kaliwang paa nila, at muling huminto na 'di napapatid ang lubid nang pagkakatitig nila sa 'kin – ako naman, tila tinalian na ng lubid ang buong katawan at hindi na nakagalaw sa kinatatayuan ko. Napagtanto ko habang nililipat-lipat ko ang tingin ko sa mga multo, na halos kabisado ko na pala ang mga hitsura nila, kaya nga napansin kong may kulang sa kanila na ilang gabi na ring hindi nagpapakita – si Elizabeth, 'yong buntis, 'yong hubo't hubad na dalaga at 'yong batang lalaking patakbo-takbo, at si Mang Pedro. Pumasok sa isip ko ang tanong ni Sunshine – Dati, naiisip mo ba ang patutunguhan ng mga taong namatay na? Pumasok ba sa utak mo na mananatili sila sa mundo – at may tulad kong gustong mabuhay ulit? Hindi. Hindi ko inisip ang patutunguhan ng mga namatay na. Bata pa ako nakikita ko na ang mga multong lagalag sa kung saan. Alam ko nang hindi pa katapusan ang kamatayan – at ayaw ko nang panghimasukan 'yon.

Pero minsan sumasagi pa rin sa utak ko ang tungkol sa kanila lalo na kapag nagagambala nila ako; Bakit narito pa sila sa mundo? Ba't 'di pa sila tumawid sa kabilang buhay? May langit ba talaga o impyerno? O baka hindi pa nila alam na patay na sila? Iniisip ko rin minsan kung 'di ba sila makatawid o ayaw lang nilang tumawid sa kabilang buhay, o may misyon pa ba sila sa mundo kahit patay na? O 'di lang talaga matahimik? O may gustong paghigantihan? O may taong ayaw pa nilang iwan na 'di pa tanggap ang kanilang kamatayan? O sila mismo, 'di matanggap na sila'y patay na?

Ang nakikita ko sa mga multong kaharap ko ngayon, mga hindi tanggap ang kanilang maagang kamatayan. May galit at poot sa puso nila pero malungkot ang kanilang mga mata – nagmamakaawa, humihingi ng tulong. Kung lahat sila biktima ng sunog sa lugar na ito, nasa sampung taon na silang 'di matahimik, sampung taon na silang biktima ng sumpa ng trahedyang iyon, na hanggang ngayon hindi pa alam ang tunay na dahilan at puro lang espekulasyon. Maaring marami pa silang gustong gawin, o gustong makita na mahal nila sa buhay, o maari ring gustong magpaalam ng maayos dahil nga sa biglaan ang kanilang kamatayan. O puwedeng naghahanap sila ng hustisya o pansin sa mga buhay dahil ayaw nilang makalimutan.

Napaatras ako at bumangga sa gate nang muling sabay-sabay na humakang palapit sa 'kin ang mga multo – parang gusto ko na lang hilahin ang sarili ko palabas ng gate. O, nais nilang muling mabuhay? Rumehistro sa utak ko. Maaring tama, na 'yon nga ang gusto nilang mangyari, ang muling mabuhay tulad ni Sunshine – sa paraang tinangkang gawin ni Elizabeth, ang angkinin ang katawan ni Sunshine. Sunod-sunod na mga katanungan pa ang nagsiksikan sa utak ko – maari kayang nasa loob lang pala talaga ng bahay ang katawan ni Sunshine kaya pumaparito ang mga multo – nasa isang sekretong silid na 'di namin napapansin? Alam kaya nila ang tungkol sa pagiging sinag ko, na ako ang makakatulong sa muling pagkabuhay ni Sunshine? Ano ba talaga ang meron sa lugar na 'to, ba't masyadong mahiwaga, parang ibang mundo na? Totoo nga bang nasa ilalim o may sumpa sa bahaging ito ng baryo Madulom? Sino ang nagbigay ng sumpa at sa anong dahilan? Sino ang nagsimula ng sunog sampung taon na ang nakakaraan? Sino ang multong kinatatakutan ng mga tagarito bago pa maganap ang sunog na dito rin sa bahay ng mga Sinag nakikita? Nasaan na ang multong 'yon? Iyon kaya ang dahilan kung bakit umalis sa bahay at sa baryong 'to ang pamilya nina lolo limampung taon na ang nakakalipas? Imposibleng si Sunshine 'yon dahil magdadalawang taon pa lang siyang naririto. Ang multo kayang iyon ang may dala ng sumpa? At bakit ba talaga narito ako sa isinumpang lugar? Tadhana ko ba talagang maparito? Wala naman siguro akong kinalaman sa sumpang 'yon? Pambihira naman! Parang sasabog na ang maliit kong utak sa mga katanungan ko na sinasabayan pa ng takot at pag-aalala para kay Sunshine – at sa tuwing naiisip ko si Sunshine parang wala na akong dapat na itanong pa? Dahil siya lang ang rason – oo, tama, siya – siya lang. Sapat nang rason 'yon kung bakit ako narito – at mananatiling narito hangga't hindi ko siya nasasagip.

"A-Ano'ng kailangan niyo?" tanong ko kasabay ng paghakbang ko pasulong nang pakawalan ko ang malalim na buntong-hininga kasama ng takot sa dibdib ko na pilit kong itinataboy. Madilim na at tila nagbabadya ang malakas na pagbuhos ng ulan – maririnig sa malayo ang kulog at may kidlat na tumatama ang liwanag sa 'min na parang kinukunan ng litrato bilang souvenir ang makapigil hiningang mga eksena – ako, laban sa mga sunog na multo. Isinara ko ang mga palad ko, nakahanda nang manuntok – piling ko ako ang pambansang kamao! "Paraanin niyo ako!" sigaw ko at muling tumama ang liwanag ng kidlat sa kinatatayuan namin at dumagundong ang kulog sa kalangitan na tila palapit na sa 'min.

"Umalis ka! Lisanin mo ang lugar na ito! At huwag nang babalik pa!" tugon ng mga multo.

"Kailangan talaga sabay-sabay?" mahinang nasabi ko na saktong ako lang ang nakarinig. Pati pagsasalita nila sabay na parang may binabasahan. Ano bang trip ng mga multong 'to? Nakadroga nga ata siguro sila? Mga adik ata no'ng nububuhay pa?

Muling humakbang ang mga multo at muling nagsalita nang sabay-sabay – gusto ko mang ihakbang din ang aking mga paa para ipakita sa kanilang hindi ako takot, pero 'di ko magawa – 'di nakikisama ang katawan ko sa utak ko. Kusang umiiwas ang katawan kong masaktan at mapahamak.

"Hindi ka namin gustong saktan. Hindi ka dapat narito. Hindi kami papayag na magawa mo ang pakay mo," muling sabay-sabay na sabi ng mga multo.

"Pakay?" nabigkas ko.

"Umalis ka!" malakas na sigaw ng mga multo. May malakas na puwersa ng hangin na kasabay ang sigaw na itinulak ako at napaangat ako mula sa lupa – kasabay din noon ang pagbuhos ng malakas na ulan at mas malakas na kulog at liwanag ng kidlat. Tumama ako sa gate at napapikit sa sakit, nakaskas pa ang likod ko sa kalawanging bakal

"Lukas!" narinig kong sigaw ni Sunshine pagkabagsak ko padapa sa naging putik ng lupa. Nakatayo siya sa hagdan ng terrace, parang gusto niyang tumakbo palapit sa 'kin pero 'di niya magagawa dahil sa harang. Kahit paano may takot na nalagas sa dibdib ko. Agad akong tumayo at tiningnan siya. "Umalis ka na! Ayos lang naman ako rito! Hindi ba, sinabi ko na 'wag mong ipapahamak ang sarili mo para lang mailigtas ako?!"

Umiling ako. "Ayos lang din naman ako!" humakbang palapit sa 'kin ang mga multo at humaba ang mga kamay nila. "Siguro hindi?" mahinang nasabi ko. Unti-unting gumagapang sa hangin ang mga kamay ng mga multo.

"Pumikit ka, Lukas!" awtomatikong pumikit ang mga mata ko sa narinig kong sigaw ni Sunshine, at iyon na lang din talaga ang puwede kong magawa sa pagkakataong iyon. "'Wag kang magpadala sa takot mo! Pakinggan mo lang ang boses ko, ako lang ang pakinggan mo, Lukas!"

"Oo!" sagot ko na nanatiling nakapikit ang mga mata. Nararamdaman ko na ang malamig na enerhiya ng mga multo sa buong katawan ko na nagpanginig sa 'kin. Nag-usap kami ni Sunshine, isinandal ko ang likod ko sa gate at pinilit iayos ang pagkakatayo ko. Sinabi niya kung hindi raw ba talaga ako aalis, sabi ko, hindi. Sabi niya, puwede naman akong bumalik bukas kapag wala na ang mga multo. Pero sagot ko, 'di ko kayang iwan siya mag-isa at nag-aalala ako sa mga puwedeng mangyari. Pinagsabihan niya ako at pinagalitan, pero hindi ako natinag tulad ng hindi ko pagpapatinag sa pananakot ng mga multo. Sabi ng mga multo, hindi nila ako gustong saktan – umaasa akong tutuparin nila 'yon at naiisip kong tatakutin lang nila ako kaya nanatili ako. Pero sumusundot sa isip ko, paano kung mainis sila at saktan na ako? E, 'di, patay na! Pero sana hindi.

Halos kalahating oras din ata akong nakapikit lang – nagsasalita pa rin si Sunshine, ang daldal niyang multo – pero 'di ko na sinasagot. Ayaw ko nang magsayang ng lakas para sumigaw. Sobrang lamig na at patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan – hindi ko na makontrol sa paggalaw ang katawan ko sa sobrang panginginig – para na akong nagbi-beat box sa pagsalpukan ng mga ngipin ko.

Pagdilat ko, nakatayo na lang sa harap ko ang mga multo mga dalawang dipa ang layo – nakatingin lang sila sa 'kin. Iniwas ko ang mga mata ko sa mga multo at hinanap si Sunshine – nandoon pa rin siya sa kinatatayuan niya na parang anino lang at pinagmamasdan niya akon – sa palagay ko. Biglang nagbukas ang ilaw sa loob ng bahay at naambunan ako ng liwanag, at kahit paano nakita ko ang dilaw niyang kasuotan na tila nagkaroon ng kakaibang liwanag din sa tuwing tatamaan ng ilaw kapag nililipad-lipad ito. "Tatayo ka lang ba talaga d'yan? Hihintayin mo ang pagsikat ng araw na nand'yan ka lang?!" sigaw ni Sunshine.

"Oo!" sigaw ko. Na ewan ko kung sigaw nga ba o may kung lumabas man lang bang boses sa bibig ko. "Ikaw? Babantayan mo ba ako mula riyan?!" at niyakap ko ang sarili ko.

"Oo! Dito lang ako! Hindi ako aalis, Lukas. Babantayan kita!" sagot niya. Tumango-tango na lang ako. "Kanina pa kita hinihintay, may gusto akong sabihin sa 'yo!"

"Bigo na naman ako. Hindi ko natagpuan ang katawan mo, sorry..." nasabi ko. Gusto kong isigaw 'yon, pero hindi ko na kayang ilakas pa ang boses ko – at ewan ko kung naririnig niya ako.

"Ang importante, bumalik ka! Hindi mo kailangang mag-sorry!" hindi makakaila sa boses niya ang pag-iyak.

"A-Ano n-nga p-pala ang s-sabihin mo?" nangingig kong boses na pinilit kong ilakas.

"Sasabihin ko na ba?! O bukas na lang?! Lukas, baka kung mapaano ka?!"

"Ayos l-lang a-ako! Ngayon m-mo na s-sabihin! G-Gusto kong mari... marinig ang boses mo! Gusto lang kitang pakinggan... 'Wag kang mag-alala, a-ayos lang ako!"

"Makinig ka! Kaninang madaling-araw, habang mahimbing ang tulog mo, hinawakan ko ang kamay mo! Muling nakita ko sa alaala ko na naglalakad ako sa damuhan, at kasama ko ang isang lalaki – magkahawak-kamay kaming dalawa. Masaya kami at nararamdaman ko ang pagmamahal namin sa isa't isa!" – naaalala kong nakuwento na niya sa 'kin 'yon no'ng hindi pa bumabalik ang mga alaala niya sa nakaraan niya, at ang pagkakaalam ko si Migs ang lalaking 'yon. Gusto ko nang tapusin niya ang kuwento niya, pero nakinig na lang ako – "Hindi si Migs ang lalaking 'yon, Lukas!" – napanganga na lang ako, iba'ng lalaki? Rumehistrong tanong sa utak ko – "Ikaw ang lalaking 'yon! Ikaw 'yon, Lukas! Naging malinaw sa 'kin ang mukha ng lalaki, at ikaw ang lalaking 'yon. Iba ang naaalala ko kay Migs na kasama ko siya, at iba rin sa 'yo." – mas lalo akong naguluhan – "Naguguluhan rin ako! Hindi ko alam kung kailan nangyari ang mga bagay na 'yon na naaalala ko o nangyari nga ba talaga. Pero siguradong ikaw 'yon!" – gumuhit sa nanginginig kong labi at panga ang ngiti. Napanaginipan ko 'yon, ang gano'ng halos parehong eksena – masaya kaming naglalakad sa damuhan na magkahawak-kamay.

Hinigpitan ko ang yakap ko sa sarili ko – gusto nang bumigay ng katawan ko, pero gusto ko pa ring marinig ang boses ni Sunshine. "Guwapo b-ba ako do'n?!"

"Oo! Sobra!" sagot niya at nakikita ko ang pagtango-tango niya, at naaaninag ko ang ngiti niya.

"A-Ako nga 'yon!" mas malakas kong sigaw na may pagyayabang – at nagawa ko pa talagang magyabang sa sitwasyong 'yon.

"Ikaw talaga 'yon!" tumatango-tango pa rin siya. "Tinatawag mo ako, pero sa ibang pangalan, hindi Sunshine, hindi rin Marinelle!" bumabagsak na ang talukap ng mga mata ko at napaluhod ako sa lupa – natatanong ko sa isip ko kung ano ba 'yong tinatawag kong pangalan sa kanya, sa panaginip ko kasi tawanan lang namin ang naririnig ko? Gusto pang makipagkuwentuhan ng isip ko pero gusto na magpahinga ng katawan ko. May luha sa mga mata ko, pero walang nakakakita – hindi makikita dahil sa dilim at malakas na buhos ng ulan – isang malungkot na pakiramdam na nariyan pero walang nakakaalam. Tulad ng mga multong kaharap ko at iba pang multong hindi matahimik na nananatili sa ating mundo – nariyan ngunit hindi nakikita at nararamdaman – isang napakalungkot na pakiramdam. Napapikit na ako at nararamdaman ko ang pagbagsak ko – naririnig ko ang pagtawag sa 'kin ni Sunshine – puno ng pag-aalalang tinatawag niya ang pangalan ko.

Naghari ang dilim, pero bigla ring may liwanag akong naaninag sa sarado kong mga mata. Naririnig ko ang boses ni Sunshine – tinatawag niya ako – pero sa ibang pangalan.