Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 22 - KABANATA 22

Chapter 22 - KABANATA 22

SA PAGDILAT KO, umaga na, at malabo kong naaaninag ang bahay ng mga Sinag. Natagpuan ko ang sarili kong nakahiga sa basang lupa. Nakatagilid ako't pulupot na nakahiga yakap ang sarili ko, nanlalamig at nanginginig, at nasa likuran ko ang kalawanging gate. Nakikita ko rin ang malikot at malabong asong si Cho-cho – dinidila-dilaan niya ang mukha ko, ramdam ko ang lagkit ng laway niya. Kadiri! Ang normal na reaksiyon ko sa ganitong sitwasyon, lalayo at magpapahid ng mukha, at baka maligo pa agad ako. Pero dahil sa panghihina, hindi ko magawa. Naririnig ko ang boses ni Sunshine, tinatawag niya ako sa pangalan ko. Tahimik akong bumangon habang binabalikan ang mga napanaginipan ko – nasa dibdib ko pa rin ang kaba. Patuloy ang pagtawag sa 'kin ni Sunshine, napangiti ako nang mahanap siya ng mga mata ko. Nakatayo siya sa lugar na kinatatayuan niya kagabi. Hindi ako makapaniwalang nakatulog ako sa basa't nagpuputik na lupa na basang-basa rin ako at kaharap ang mga multong itinatakwil ako sa lugar na ito. Nakita ko ang ngiti ni Sunshine habang naglalakad ako palapit sa kanya, pero nando'n pa rin ang pag-aalala sa kanyang mga mata. Kasunod ko si Cho-cho na patahol-tahol.

Nang malagpasan ko ang harang na proteksiyon ng bahay, agad akong sinunggaban ni Sunshine ng mahigpit na yakap. Unti-unti siyang nagkaroon ng katawan nang gumanti rin ako ng mahigpit na yakap. Nakaramdam ako ng init, napawi nang paunti-unti ang aking panginginig.

"Nag-alala ako sa 'yo," iyak niya.

"Binantayan mo ako?" tanong ko sa mahina kong boses na halos hindi lumabas mula sa aking bibig. Tsaka ko lang naramdaman na malala na pala ang sama ng aking pakiramdam.

"Um," tango niya. Wala na akong nasabi pa, bumagsak ako sa kanya sa pagdilim ng paningin ko.

***

NAKAHIGA AKO SA kama sa kuwarto na may basang towel sa noo. Sabi ni Sunshine, nahimatay ako marahil sa tindi ng taas ng lagnat ko. Akala niya hindi na ako magigising – sobrang nag-alala siya. Narito siya sa tabi ko, nakaupo sa gilid ng kama – pero 'di ko siya kinikibo, ni lingunin. Hay, pambihira! Parang gusto kong magtago sa ilalim ng kama! Nagising na lamang ako kanina na nasa kama na at tuyo na, iba na ang suot ko – pati boxer shorts ko. Magmula nang dumating ako sa bahay na 'to, nawalan na ako ng puri. Una, nasilipan niya akong hubo't hubad na naliligo. Pangalawa, si Mang Pedro pinasok ang katawan ko. Pangatlo, ito, binihisan niya ako all the way! Nakita niya! "Haaaay!" napadabog talaga ako, natanggal pa ang basang towel sa noo ko.

"Ano ba'ng inaarte-arte mo? Kanina ka pa?" singhal sa 'kin ni Sunshine.

"Hanggang saan ang nakita mo?" tanong ko.

"Nakita?" nakangiting tanong na sagot niya.

"Nang bihisan mo ako?"

Malakas ang naging sagot niya – malakas na tawa! Pinagtawanan niya ako! "Iyon ba? Lahat?"

"Lahat?"

Tumango siya. "Lahat," sabi niya sabay tawa. "Siyempre, tinanggal ko lahat ng damit mo, kaya lahat nakita ko."

"Nag-enjoy ka naman!" simangot pa ring sabi ko.

"Alam mo, ang kapal mo! Piling mo... Ang liit naman." Medyo parining ang tono niya sa huling sinabi niya. "At siya nga pala, mag-ahit ka naman," pahabol niya pa.

Napasigaw na lang ako at nagtaklob ng kumot sabay talikod – pero muli ko rin siyang hinarap para sabihing. "Ang tunay na lalaki, hindi nag-aahit! At maliit, kasi hindi pa buhay! Baka magulat ka!" at tumalikod na uli ako. Pinagtatawanan niya na pagkalalaki ko! Kainis na multo!

"Ang arte mo, Lukas," natatawa pa ring sabi niya. "Nag-alala talaga ako sa 'yo. Akala ko, iiwan mo na ako. Akala ko, multo na kitang makikita," seryosong sabi niya. Naramdaman ko ang paggalaw ng kumot at nahawi sa ulo ko. Napalingon ako sa kanya at nagkatitigan kami. "Mabuti't maayos ka na," nakangiting sabi niya, tapos biglang ngiwi. "Hindi ka man lang muna magpasalamat bago ka mag-enarte?" at nagsimula siyang manumbat. "Ang bigat mo kayang buhatin papunta rito. Ang daming energy na ginamit ko. Nahirapan din akong hubaran ka at..." – napalunok siya – "At hirap mong bihisan, para kang robot."

Sinamaan ko lang siya ng tingin at 'di pa rin ako nagpasalamat. "Nahawakan mo ba?" tanong ko.

"Alam mo namang hindi kita nahahawakan, 'di ba? Damit mo lang ang nahahawakan ko, kaya nga hirap akong bihisan ka, at kasabay pa ng pag-aalala ko sa 'yo. At bakit ko naman hahawakan 'yon?!" sinamaan niya ako ng tingin kasabay ng pagkulay pula ng mga mata niya.

Sarkastikong ngumisi lang ako. "Pero nakita mo pa rin," sabi ko, at nagpigil lang siya ng tawa.

Pero sinabi niya kinalaunan. "Nakita ko nga, maliit." At sinabi niya pang. "Parang buhay na siya no'n?"

"Sunshine!" napasigaw na lang ako sabay taklob ulit ng kumot. Pero sa loob-loob ko, natatawa na rin ako. Nakakadala ang tawa niya. Pasaway. At napansin kong ang bilis ata bumuti ng pakiramdam ko. Naaalala ko noon, halos apat na araw tsaka lang talaga nawawala ang lagnat ko kapag nagkakasakit ako.

"Kagabi, naririnig ko ang pagsigaw mo, na parang may kinatatakutan ka? Akala ko gising ka, pero tulog ka pa rin," narinig kong seryosong sinabi ni Sunshine. Inalis ko ang kumot na nakatakip sa kalahati ng katawan ko at bumangong-upo ako. Umayos ako ng upo at sumandal sa headboard ng kama.

Tumabi sa 'kin si Sunshine.

"Salamat," nakangiting sabi ko. "Maayos na ang pakiramdam ko. 'Yong pagsigaw ko kagabi, maaring dahil sa napanaginipan ko." Seryoso ko siyang tiningnan.

"Panaginip?" tanong niya.

Ikuwenento ko kay Sunshine ang napanaginipan ko na hula ko ay totoong nangyari sa nakaraan – pero may duda pa rin naman ako na iyon ay simpleng panaginip lang. Lahat nang natatandaan ko, idinetalye ko, puwera siyempre sa mga usapan, 'di naman ako henyo para matandaan ang mga 'yon. Basta nagkuwento ako na parang dinala ko na rin siya sa misteryosong panaginip ko kagabi. Sa huli, sinabi ko na baka nga isang simpleng panaginip lamang iyon na hindi naman totoo at dala lang ng malikot kung imahenasyon o gawa-gawa lang ng utak ko sa dami ng mga iniisip ko. At hindi totoong nabuhay sina Lucio at Susan sa mundo o sa nakaraan.

"Naniniwala akong totoo ang panaginip na 'yon," may pagkamanghang sabi ni Sunshine matapos akong magsalita.

"Pero, puwedeng kalokohan lang din 'yon. Sa 100%, posibleng 1% lang ang totoo sa panaginip. Sadyang mahiwaga ang utak at ang nararating, at kayang gawin ng isip ng tao," sabi ko.

"Pero, Lukas, naramdaman kong hindi ang una kong nakita ka ang unang kita ko sa 'yo – ang pagtatagpo natin sa bahay na 'to ay hindi ang unang pagtatagpo natin, gano'n. At ang bahay na 'to, alam kong nakapunta na ako rito nang magising ako rito. Naintindihan mo?" sabi niya.

Pinagmasdan ko lang siya. Sinala ko ang mga sinabi niya at hinugot sa magulo kong utak ang una naming pagkikita at ang naramdaman ko noon, pati na ang naramdaman ko sa lugar na ito, sa bahay na ito. "Naniniwala ka talagang nangyari 'yon, na tayo sina Lucio at Susan sa unang buhay natin?" tumango siya sa tanong ko. "Naniniwala na rin ako. Parehas tayo nang naramdaman, Sunshine. Hindi pala kalokohan 'yon. Alam mo 'yong de ja vu?"

"Hindi ko matandaan," sabi niya.

"'Yong parang ang lahat na nangyari sa unang pagkakataon ay hindi talaga ang unang pagkakataon na nangyari sa 'yo 'yon. 'Yong masasabi mong, parang nangyari na 'to?" tumango-tango siya. "Nang unang pagtungtong ko sa bahay na 'to, naramdaman kong narating ko na 'to, kahit alam kong iyon talaga ang unang beses na napuntahan ko 'to."

"Maaring bahay na natin 'to noon o sa lugar din na ito nakatayo ang bahay natin," singit niya.

"Puwede. At nang una kitang makita, alam kong nakita na kita noon pa. Hindi ko lang pinansin dahil nawerdohan ako sa ideyang 'yon. Nasagot ng panaginip na 'yon ang mga katanungan ko."

"Katanungan?"

"Bago ako nakatulog, sinabi mong 'yong bumalik na alaala mo na may kahawak kang lalaki at naglalakad kayo sa damuhan, sabi mo, ako 'yon. Iyon ang panaginip ko, maaring iyon ang bumalik na alaala mo." Nakangiting tumango siya. "At ang pinakamalaking katanungan ko, mas malakai pa sa mundo – kung bakit minahal kita sa halos isang linggo lang, ikaw na multo?"

"Dahil noon pa man, mahal na natin ang isa't isa," sabay naming nasabi, kasabay ng matatamis na ngiti.

Nararamdaman kong nag-uusap ang mga puso namin, isa ang tibok ng mga ito at pasayaw-sayaw na nakalutang sa hangin na may nagliliparan pang pulang rosas at ang masasabi kong simbolo na nang pagmamahalan namin, ang bulaklak na sunflower. "Reincarnation nila tayo. Tayo ang muli nilang pagkabuhay. Ang kulit ng tadhana, sobrang galing, at misteryoso tulad ng pag-ibig. Pinagtagpo niya pa rin talaga tayo, makalipas ang hindi natin alam kung ilang taon," pahayag ko kasabay ng maluwag na buntong-hininga.

Rumehistro ang malungkot na ngiti sa mukha ni Sunshine. "At malupit rin," sabi niya. Bumalik sa alaala ko ang sinabi ni Lucio bago siya tumalon sa bangin yakap ang bangkay ni Susan, sinabi niyang, napakalupit ng tadhana dahil hindi sila pinagbigyang magsama habambuhay. "Pinagtagpo niya tayo, Lukas, ngayong multo na ako. Maaring hindi na ako makabalik sa katawan ko. Iiwan din kita, tulad ni Susan kay Lucio. Lukas, sa ikalawang pagkakataon, sasaktan na naman kita." Dumaloy ang luha sa mga mata niya. "Patawarin mo ako..."

Muli akong napabuntong-hininga ngunit mabigat na. Alam kong ang gusto niyang sabihin, at posible 'yon. Pero ngumiti ako at hinawakan ko ang kamay niya, at unti-unti siyang nagkaroon ng katawang tao. "Sa mundong ito – sa universe na ito kung saan ang mundo natin, malupit lang ang tadhana sa madaling sumuko." Hinaplos ko ang maamo niyang mukha at nabasa ang palad ko ng luha niya. "Hindi tayo susuko, 'di ba?" tumango siya. "Pangako, sasagipin kita. Mabubuhay ka, Sunshine. At magsasama tayo habambuhay. Itutuloy natin ang naudlot na pagmamahalan nina Lucio at Susan. Hindi. Itutuloy natin ang naudlot nating pagmamahalan noon."

Isang mahigpit na yakap ang naging tugon niya sa sinabi ko, na ginantihan ko rin ng mas mahigpit na yakap. Napuna ko sa katawan ko na wala na akong sakit, na parang bagong gising lang ako sa isang normal na araw. Wala na ang lagnat ko at pananakit ng katawan. Kapag nagmamahal ka, nagiging gamot mo nga talaga sa karamdaman mo ang taong mahal mo. At minsan, parang ang sarap pang magkasakit, para maalagaan ka niya at makita mo kung paano siya mag-alala sa 'yo.

***

BAGO MANANGHALIAN NAISIP kong maligo muna. Nakaharap ako ngayon sa salamin sa banyo – titig na titig sa sarili ko, at hinubad ko ang damit ko. Inalis ko ang tingin ko sa salamin, yumuko ako, patungo ang tingin ko sa gitnang parte ng katawan ko – sa parteng natatakpan ng boxer shorts ko. At napansin kong baliktad pa pala ang pagkakasuot ni Sunshine sa boxer short – 'yong sa likuran, narito ngayon sa harapan, nakatakip sa parte ng katawan kong pinagtawanan ni Sunshine. Parang dambuhalang kampanang dumadagundong sa kabuuan ng banyo ang boses ni Sunshine, ang naaalala kong sinabi niya kasabay ng pang-iinsultong tawa. 'Maliit! Maliit! Maliit!' Paulit-ulit kong naririnig. Hay, pambihira! 'Di pa nga kasi buhay! Ibinaba ko ang boxer shorts ko, tumambad sa 'kin ang kaperasong laman na parte ng katawan ko – kulubot siya. At parang may parte sa utak ko na sumasang-ayon sa komento ni Sunshine. Pero hindi pa nga kasi buhay! At masukal nga siya. Pero astig tingnan, cute. At isa pa, ang tunay ngang lalaki, hindi nag-aahit. Trim-trim lang.

Hinawakan ko si junior. Natutukso akong galitin. Gusto kong patunayan na mali si Sunshine at ang konting parte ng utak ko na traydor at sumang-ayon na maliit si manoy. Kaso baka biglang sumulpot si Sunshine at makita niya ang ginagawa ko, at kung ano pang malisyosong bagay ang isipin niya. Kaya ayun, naligo na lang ako. At hindi ko hinubad ang boxer short ko. Baka kasi biglang mabuhay habang naliligo ako, at kung ano ngang isipin ni Sunshine na ginagawa ko. Hay, pasaway!

***

"SABI MO, NAGKAROON tayo ng anak sa panaginip mo, 'di ba?" tanong ni Sunshine habang nakaupo kami sa sofa sa sala at kumakain ng potato chips. Katatapos ko lang kumain ng tanghalian – at kumain nga rin pala siya siya. At ngayon, kumakain na naman siya. Mamaya nito, manghihina na naman ako. Pero bumabalik lang naman ang lakas ko dahil nand'yan siya, ang nobya ko, kaya ayos lang.

"Um," tango ko habang ngumunguya.

"Gusto ko siyang makita," sabi niya.

"Sunshine, sa panahong 'to hindi natin siya kaano-ano," sabi ko.

"Pero tayo sina Lucio at Susan. Kaya anak natin siya."

"Oo nga. Pero... ewan? Parang hindi kasi gano'n ang batas ng reincarnation. Hindi naman siguro ibig sabihin na kamag-anak natin noon, eh, kamag-anak pa rin natin ngayon.

"Kasi 'di ba, posibleng nabuhay tayo muli na parehong lalaki o parehong babae. So, hindi tayo puwede no'n. Puwera na lang kung gano'n talaga katindi ang pagmamahal natin sa isa't isa. Sa panahon kasi ngayon, unti-unti nang natatanggap ang pagmamahalan ng parehong lalaki at babae. Nasa tao naman kasi siguro na ang mga bagay na 'yon. Bakit mo nga naman pipigilan ang sarili mo na sumaya.

"At puwede rin na nabuhay tayo muli bilang mag-ina o mag-ama. Ang pagmamahalan natin no'n, mag-ina o mag-ama. At sobrang labo kung magiging anak pa rin natin ang anak natin noon. At puwedeng naging hayop tayo ngayon. At mas sobrang malabong anak natin ang anak nina Lucio at Susan no'n."

"Puwedeng naging hayop tayo?"

"Siguro? Wala naman kasi akong gaanong alam sa reincarnation. Pero sabi nila, puwedeng sa unang buhay mo, eh, hayop ka o isang puno. Kaya siguro, kung tao ka noon, puwedeng mabuhay ka na isang hayop ngayon o puno."

"Pero ang alam ko, walang kaluluwa ang mga hayop o puno?"

"Ang gulo nga, eh. Pero marami pa tayong hindi alam sa mundo. Maraming imposible na posible. Diyos lang ang nakakaalam."

"Pero Lukas, iba ang sitwasyon natin sa mga nabanggit mo. Tayo, nabuhay muli na hindi magkamag-anak, o hayop o puno. Nabuhay tayo bilang sina Lukas at Sunshine, na halos kamukha ang dati nating katauhan. At isa pa, naaalala natin ngayon ang nakaraan. Isang hiwaga na hindi natin masasagot. Na maaring ang sagot ay pag-ibig. Dahil sa sobra nating pagmamahal sa isa't isa noon, muli tayong pinagtagpo para ituloy ang naputol nating pag-ibig. At maaring dahil sa ipinangako ni Lucio, na ikaw rin siya, na muli tayong magsasama, na hahanapin mo ako – kaya heto tayo ngayon. Kaya ang anak natin noon, anak pa rin natin ngayon," pahayag niya sabay kuha ng potato chips sabay nguya. Dinig ang lutong ng kinakain niya.

Hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya. "Pero maaring patay na siya sa ngayon, o sobrang tanda na. Para kasing napakatagal na nang panahong 'yon sa nakaraan? Pero sa totoo lang, ang cool no'n kung makikita natin siya."

"Ano'ng pangalan niya, ng anak natin?"

Napaisip ako at hinalukay ang alaala ng panaginip ko. Hindi ko agad natandaan, pero alam kong nabanggit ni Susan ang pangalan ng anak nila ni Lucio. "Cecilia?" alanganing sagot ko.

"Cecilia?" paniniguro ni Sunshine.

Napaisip pa ako at siniguro ding tama ang naaalala ko. Kampante akong tumango nang masiguro kong iyon nga talaga ang pangalan ng anak nina Lucio at Susan, na anak na rin namin sabi ni Sunshine. "Oo," sabi ko.

"Alam mo ba'ng gandang-ganda ako sa pangalan 'yan?" nakangiting sabi niya.

"Maganda nga," pagsang-ayon ko.

Biglang may lumabas na liwanag mula sa taas ng pangunahing pinto ng bahay malapit sa sala. Nagulat kami ni Sunshine nang lingunin namin ito – lumitaw sa liwanag si Mang Pedro. May pagkabahala sa anyo ni Mang Pedro at pagod na pagod ang hitsura niya.