Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 28 - KABANATA 28

Chapter 28 - KABANATA 28

NASAGOT ANG MGA katanungan namin ni Sunshine sa naging paliwanag ni Cecilia, ang anak namin sa una naming buhay. Hindi pa rin ako makapaniwala. Tama ang sinabi ni Sunshine kanina – ang galing! Nakahiga kami sa kama para magpahinga na. Naririnig namin ang ingay ng mga multo sa labas. Kanina, nakita namin si Elizabeth at ang iba pa niyang kasamang pumasok sa bahay.

Natanong ko kay Cecilia kung bakit ang ibang mga multo ay ayaw akong magtagumpay na muling buhayin si Sushine gayung wala naman silang balak na angkinin ang katawan ni Sunshine 'di tulad nina Elizabeth, ng buntis at ng babaeng pinagsamantalahan. Ang Sabi niya, dahil ayaw pang tumawid sa kabilang buhay ng mga multo, dahil umaasa pa silang muling makita ang mga mahal nila sa buhay na nilisan na ang baryong ito.

Ang multong nagsimula ng kaguluhan sa baryo madulom ay si Emelia nga. Hindi na nagulat si Cecilia nang ikuwento ko ang tungkol sa panaginip ko at ang mga pangitaing alaalang nakikita ni Sunshine sa tuwing magkahawak kami ng kamay na tungkol sa maaring nakaraan naming buhay – narinig niya ang tungkol do'n nang mapagkuwentuhan namin ni Sunshine. At nasagot na sa panaginip kong iyon ang dahilan ng galit ni Emelia, dahil sa pag-ibig niya kay Lucio at inggit kay Susan, at pakiramdam niya ay trinaydor siya ng mga ito. Na nauwi sa pagkitil niya sa sariling buhay. Isinumpa ni Emelia na ang pamilya nina Lucio at Susan ay walang magiging masaya. Kaya maging ang anak ng mga itong si Cecilia ay 'di niya tinigilan kahit na nasa kabilang buhay na sina Lucio at Susan. At maging ang mismong pamilya na ni Cecilia. Wala na sa lugar na ito si Emelia. Nasa gitnang dimensiyon siya sa pagitan ng mundo ng mga buhay at mundo ng mga patay. Nakulong siya ro'n nang kontrahin ang sumpa niya ng isa ring sumpang ibinigay ni Cecilia nang matagpuan niya ang liwanag, si Sunshine.

Araw ng mga patay noon, nakita ni Cecilia mula sa bintana ng bahay sina Sunshine at Elizabeth. Papunta ang mga ito sa kagubatan. Sinundan niya ang mga ito nang mapansin niya ang pagkakahawig ni Sunshine sa ina niyang si Susan. Nakita niya nang patayin ni Elizabeth si Sunshine sa pagsakal sa leeg nito. At ang mismong paghiwalay ng kaluluwa ni Sunshine sa katawan. Nagtama pa ang kanilang paningin nang lubusan nang mahiwalay si Sunshine sa kanyang katawan. Nakita niya rin ang pagpapakamatay ni Elizabeth sa paglaslas nito sa leeg at ang paghiwalay rin ng kaluluwa nito sa katawan. At ang pagtangkang pagpasok ng kaluluwa ni Elizabeth sa wala nang buhay na katawan ni Sunshine.

Nagliwanag ang kaluluwa ni Sunshine, at naitaboy ang kaluluwa ni Elizabeth na noo'y papasok na sa katawan ni Sunshine. Nagulat si Sunshine sa nangyari sa kanya. Si Cecilia naman ay namangha, at agad naisip ang makakatalo sa sumpa ng itim na multong si Emelia – ang liwanag, ang nagliliwanag na kaluluwa – ang muling pagkabuhay nito – at iyon ay si Sunshine.

Agad nagbigkas ng dasal si Cecilia na nagpatigil sa pagkilos ni Elizabeth. At isa pang dasal ang binigkas niya para ibalik ang kaluluwa ni Sunshine sa katawan nitong nakahandusay sa lupa. Hindi bumalik ang malay ni Sunshine. Kaya naman dinala ito ni Cecilia sa bahay ng mga Sinag. At doon, nagbitiw siya ng sumpa, ang muling pagbuhay sa liwanag at ang walang multong makakapasok sa bahay. Ginamit niya ang kanyang sarili bilang proteksiyon. Ang sumpang iyon ang pagkontra sa sumpang ibinigay ni Emelia sa parteng ito ng baryo Madulom. Pero dahil hindi ganap na nabuhay si Sunshine na siyang liwanag, kaya't nanatiling napapaloob sa sumpa ni Emelia ang lugar na ito at nakakulong pa rin ang mga kaluluwa. Pero dahil sa pagkontrang iyon ni Cecilia sa sumpa ni Emelia, naitaboy si Emelia. At dahil nga hindi ganap na nabuhay ang liwanag, hindi umabot sa mundo ng mga patay si Emelia, at nakulong lamang na gitnang dimensiyon sa pagitan ng mundo ng mga buhay at mundo ng mga patay.

Dinalaw ni Cecilia si lolo, sinabi niya ang tungkol sa sumpa at sa liwanag na makakapuksa doon sa tulong ng sinag. At hiningi na rin ang tulong ni Mang Pedro. Dinala ni Mang Pedro ang kalendaryo sa bahay ng mga Sinag at minarkahan ito bago pa man siya kausapin ni lolo tungkol nga sa sumpa at sa liwanag, at sa sinag. Nauna nang nagbigay ng pangitain si Cecilia kay Mang Pedro.

Para mabuhay nang lubusan ang liwanag, kailangan ang tulong ng sinag – ang sinag na magmumula rin sa pamilyang pinagmulan ng sumpa, ang sumpa ni Emelia at ang sumpang binitiwan ni Cecilia. At ako nga ang sinag na iyon. Para mabuhay si Sunshine, kailangan kong pag-aralan ang paghihiwalay ng kaluluwa ko sa aking katawan, para maglakbay patungo sa gitnang dimensiyon at kunin ang bulaklak na hawak ni Emelia. Ang bulaklak ng sunflower na simbolo ng pagmamahalan nina Lucio at Susan noon. Naging kasangkapan ni Emelia nang magbigay siya ng sumpa kina Lucio at Susan ang isang piraso ng bulaklak ng sunflower na bigay ni Lucio kay Susan, para gawing miserable ang buhay ng mga ito. At ang bulaklak ay hindi na nahiwalay sa multo ni Emelia mula noon – bulaklak na kapag hawak ng multo at magiging kaisa nito, at kapag hawak ng buhay ay magiging pangkaraniwang bulaklak lamang. Ang bulaklak na iyon ang babali sa sumpa ni Emelia, ang katas ng bulaklak ng sunflower ay kailangang mainom ng liwanag para tuluyan na itong mabuhay.

Labing-siyam na araw na lang ang natitira – maaring hindi na kayanin ni Cecilia na protektahan kami. At hindi na rin kakayanin ng katawan ni Sunshine – maaring tuluyan na siyang mamatay. Sa ika-isa ng Nobyembre sa taong ito ang araw na 'yon, o puwedeng mas mapadali. Maaring hindi na umabot ng labing-siyam na araw ang natitira sa 'min. Nagsisilbing oras ang mga sunflower sa labas ng bahay – ang pagkaubos nila, ang pagkaubos na rin ng oras.

May pagsisi akong nararamdaman, sana kung mas inagahan ko ang pagpapakita kay lolo. At hindi ko rin maiwasang sisihin si lolo, dahil 'di niya agad sinabi sa 'kin ang pagiging sinag ko. Maging si Cecilia nasisisi ko, dahil hindi niya agad sinabi ang dapat kong gawin – pero kaligtasan ko lang naman ang inisip nila – hinayaan nilang tadhana ang gumawa ng paraan. Siguro dahil sa nararamdaman kong pagmamahal kay Sunshine kaya naman ganito ang panghihinayang at nakakaramdaman ako ng pagsisisi. Sino ba naman kasi ang makakapagsabi na sa muling pagkabuhay namin ni Sunshine bilang Lucio at Susan noon, pagtatanggpuin kami at mananatili ang pagmamahal na nararamdaman namin sa bawat isa. Maaring hindi lang namin alam, pero baka ang gustong mangyari ni Lucio at Susan, sila ang tumapos sa kasamaan ni Emelia at sa sumpa nitong sila ang pinagmulan. Kaya nagtagpo kami ni Sunshine, at hinaharap na nga ngayon ang pagpuksa sa sumpa.

At kanina nga pala, nasagot din ang matagal ko nang tanong kung saan napupunta ang pagkaing kinakain ni Sunshine. Kinulit niya akong gusto niyang kumain, tapos bigla na lang siyang nakaramdam ng sakit ng tiyan. Binitiwan ko siya, pero sumasakit pa rin daw ang tiyan niya, at sabi niya... sabi niya natatae siya! Wala akong magawa kundi ang muling hawakan ang kamay niya dahil 'di niya malalabas ang dapat niyang ilabas kapag multo siya. Kaya ayun, nagdumi siyang hawak ko ang kamay niya. Nakatalikod naman ako sa kanya, dahil kapag humarap daw ako papasok siya sa katawan ko. At wala naman talaga akong balak na harapin siya. Ang baho kaya! Sa loob ng halos dalawang taon, kanina lang siya nagbawas. Imagine-nin n'yo naman ang amoy no'n? Sobrang takip ko ng ilong ko at tinakpan ko pa ng suot kong damit ang mukha ko. Iyon na ang pinakamasaklap na nangyari ata sa buhay ko. Mas kahindik-hindik sa pag-atake sa 'kin ng mga multo. Naisip ko nga, sana nagpasapi na lang ako sa kanya. Hay, pambihira! Tapos sinipa pa niya ako nang magreklamo ako nang matapos na siya at binitiwan ko ang kamay niya.

***

IKA-14 NG OKTUBRE

"PA'NO AKO NITO makakatulog? Ang haba ng naging tulog ko kagabi," natanong ko. Maaga kaming nagsimula para sa pagsasanay ko sa paghihiwalay ng kaluluwa ko sa aking katawan. Hindi ko lubos maisip na posibleng mangyari 'yon? Kinakabahan ako, pero nai-excite rin sa mangyayari. Naiisip ko kung ano kaya ang pakiramdam, kung parang panaginip lang ba tulad nang minsan kong nararanasan na tinatawag na astral projection? At kung magagawa ko ba ang ginagawa nina Sunshine na pagpapahaba ng mga kamay at kung makakalipad ba ako o tatagos rin sa pader? At maari din kayang makapag-anyong halimaw ako?

Nakahiga ako sa sahig sa gitna ng markang bilog na isinulat ni Cecilia at sinabuyan ng asin, parte ito ng ritwal na kailangan ko para sa misyon ko na buhayin si Sunshine. May binigkas ding dasal si Cecilia para proteksiyon ng katawan ko upang hindi mapasok ng sino mang multong posibleng makapasok sa bahay.

"Hindi ninyo po – " natigilan si Cecilia. "Lukas, alam kong apo kita, pero puwede bang tawagin kitang tatay?" nilingon niya si Sunshine. "At ikaw naman ay nanay?" tanong niya sa 'min. Nakangiting tumango kami ni Sunshine.

Kakaiba 'yon. Tatawagin kami ni Sunshine ng nanay at tatay ng mas matanda sa 'min, na apo ako, at isa nang multo. Pero kung tutuusin, 'di naman 'yon gaanoong kakaiba pa. Na-in love nga ako kay Sunshine na multo, eh, na asawa ko sa una kung buhay. At anak nga namin si Cecilia, na ina ng lolo ko – na tatay ngayon ang tawag sa 'kin at nanay naman kay Sunshine. Pambihira! Ang galing!

Itinuloy namin ang pagsasanay ko sa paghihiwalay ng kaluluwa ko sa aking katawan. Ang sabi ni Cecilia, hindi ko kailangang matulog – konsentrasyon ang kailangan ko. Kailangan kong mag-focus sa gusto kong mangyari para makuha ko ito – tulad ng pangarap mong gusto mong marating sa buhay – kung lagi mong iisipin 'yon at 'di mo bibitiwan, universe na rin mismo ang gagawa ng paraan para makamit mo ito – para maging tadhana mo ang pangarap mo. Kailangang isipin kong hihiwalay ang kaluluwa ko sa aking katawan, kailangan kong gustuhin iyon. Ihihimlay ko ang katawan ko, pero hindi ang isipan ko – hindi ang kaluluwa ko.

Mahaba na ang sampung minuto ng pagkakahiwalay ko sa aking katawan kapag kaluluwa na lamang ako. Nagbigay ng babala sa 'kin si Cecilia, na maaring 'di na ako makabalik sa aking katawan kapag lumagpas ng sampung minutong 'di pa ako nakakabalik sa aking katawan, kaya hindi ako dapat magpadala sa mga magagandang bagay na nakikita ko – maari kasing may mga tukso akong madaanan na gawa ng mga multong nais akong hadlangan sa aking misyon. Tanging sa isipan ko lang ako maaring magbilang ng bawat paglipas ng segundo, dahil hindi naman ako makakapagdala ng relo o timer para orasan ang pag-alis ng kaluluwa ko. At ang mas nakakatakot, ay maari akong makulong sa gitnang dimensiyon kung saan ako papasok para kunin kay Emelia ang bulaklak ng sunflower kung hindi ako agad makakalabas doon, dahil hanggang halos sampung minuto lang din kayang pigilan ni Cecilia ang pagsasara ng lagusan patungo sa dimensiyong iyon. Maari namang palabasin ako ni Cecilia, ngunit matatagalan bago niya magawa iyon. At maaring huli na ang lahat – maaring hindi na tanggapin ng aking katawan ang aking kaluluwa. Kamatayan ang kahahantungan ko.

Ipinikit ko ang aking mga mata habang relax na nakahiga sa sahig. Iniisip kong nakalutang ako – lulutang paalis ng katawan ko ang kaluluwa ko. Naramdaman ko ang malamig na paglapat ng palad ni Cecilia sa aking noo kasabay ng binibigkas niyang kung anong dasal o orasyon sa hindi ko maintindihang lengguwahe.

"Masakit ba 'to? Mapapasigaw ba ako? Mahapdi ba 'yon?" nawala ang pagka-relax ko. Napakuyom ang mga palad ko at nanlalamig ang mga paa ko.

"Lukas, kalma lang," narinig kong sabi ni Sunshine. Si Cecilia, patuloy pa rin sa pagbigkas ng 'di ko maintindihang salita at nasa noo ko pa rin ang malamig na palad niya.

Sinubukan kong muling i-relax ang sarili ko. Nag-focus sa gusto kong mangyari. Hinanda ang sarili ko sa 'di ko alam na mangyayari. Pero ilang saglit lang...

"Wala ba talaga akong mararamdaman? 'Yong tipong parang hinihiwa o parang napupunit, o parang may bagay na kinukuha sa loob ng katawan ko?" hindi relax na tanong ko.

"Dumilat ka, itay," boses ni Cecilia ang narinig ko. Hindi ko na nararamdaman ang palad niya sa noo ko.

Dahan-dahan akong dumilat. 'Di nga?! Sigaw ko sa isip ko. Nakahiga ako pero katapat ko ang gitnang bahagi ng katawan nina Sunshine – at wala akong maramdamang hinihigaan ko. Kumapa ako, wala akong makapa. Tumaob ako at nakita ko ang sarili kong nakahiga sa sahig. Parang tulog lang. Gano'n pala ang hitsura ko kapag tulog. Hindi ko napigilang lihim na magyabang – eh, guwapo, eh.

"Lukas," narinig kong tawag ni Sunshine. Nakangiti akong hinarap siya at sinubukan kong tumayo at lumapag sa sahig. Kaluluwa na ako ngayon. Isang multo. Wala akong sakit na naramdaman. Hindi ko maipaliwanag ngayon ang nararamdaman ko.

Nakangiti sina Cecilia at Mang Pedro, masaya sila na nagawa ko, nagawa namin. Yumuko ako at tiningnan ang sahig. Pero bago ko pa man madampi ang paa ko sa sahig, may kung anong puwersang humila sa 'kin. Napakabilis nang pangyayari. Para akong ibinagsak sa sahig. Bumalik ako sa katawan ko. Naghabol ako ng hininga na tila may mabigat na bagay na idinagan sa 'kin. Napabangong-upo akong umuubo. Hinang-hina ang katawan ko – 'yong tipong isang linggo akong hindi kumain. Pinagpapawisan ako ng malamig at hingal na hingal.

Naririnig ko ang pag-aalala nina Sunshine. Ngumiti akong humarap sa kanila para sabihing ayos lang ako. Pero hindi ko alam kung kinagat nila ang palusot kong 'yon, mukha kasing 'di nawala ang pag-aalala nila lalo na si Cecilia.

"Subukan natin ulit," hiling ko kay Cecilia.

Umiling si Cecilia bilang tugon sa hiling ko. "Hindi po kakayanin ng katawan ninyong subukan pang muli." Natahimik ako sa sinabi niya. "Bukas natin muling subukan. Magpahinga na lang po muna kayo itay, at kumain kayo ng marami para malakas kayo kinabukasan..." nakita ko ang lungkot sa mukha ni Cecilia bago siya maglaho. Tila sinisisi niya ang sarili niyang nasaktan ako. Napayuko na lang ako. Hindi ko naitago ang panghihina ko.

Halos wala pang dalawampung segundo na nahiwalay ang kaluluwa ko sa katawan ko, pero gano'n na ang naging epekto sa 'kin. Pero hindi iyon ang ipinag-aalala ko. Hindi man lang umabot ng isang minuto na kaluluwa ako. Pa'no kung hindi ko magawa ang misyon ko? Ang sabi ni Cecilia, halos tatlong minuto ang paglalakbay sa gitnang dimensiyon bago ko marating ang kinaroroonan ni Emelia. At maaring may mga pagsubok pa akong pagdaanan. Maaring habang papunta ro'n o pabalik na. Maari kasing may ibang kaluluwa o multong hadlangan ako. At bukod pa ro'n, hindi basta ibibigay ni Emelia ang bulaklak na pakay ko – makikipag-agawan pa ako sa kanya, maglalaban pa kaming dalawa.

Masyado siguro akong natuwa kaya nawala ako sa focus ko. Hindi ko naikalma ang sarili ko. Kailangan kong pag-aralan na patagalin ang sarili ko bilang isang multo. Isasapuso ko ang pagiging kaluluwa ko at ang misyon ko. Hindi ang mga nakakatuwang bagay na maari kong magawa kapag multo ako.