KANINA SA PAGSASANAY
Nauna akong sumugod kay Cecilia. Pero bigla lang siyang nawala at napunta sa harap ko, at isang malakas na sipa sa dibdib ko ang ibinigay niya sa 'kin na napatilapon ako.
"Aray, naman!" daing ko kay Cecilia. Pero sumigaw lang siya na parang tigre at nag-anyong halimaw. Napalunok ako kahit multo ako. Nakakatakot siya. Lumaki ang ulo niya at kumuba ang bahagyang humaba niyang katawan, naging itim lang ang kulay ng nanlilisik niyang mga mata, napunit ang bibig niya at lumaki na napuno ng matatalim na pangil, humaba ang mga kuko niya ng patulis, humaba rin ang buhok niya na sobrang kapal na lumilipad-lipad pataas, at naging kulay berde siya.
Sumigaw siya na parang mabangis na hayop. Hudyat 'yon para magbago na rin ako ng anyo. Mukhang madugong labanan ang mangyayari - pero 'di naman kami magdurugo dahil multo kami. Nasulyapan ko sa salamin ang anyo ko - naging maputla ang kulay ko at napuno ng asul na ugat ang katawan ko pati sa mukha, naging pula ang mga mata ko, napunit ang bibig ko at nagkapangil, at naging puti ang buhok ko - oo, parang buhok ng matandang ubanin lang. Sa totoo lang, noong una akong mag-anyong halimaw, hindi ako makapaniwalang ako 'yon, at natakot pa ako ng kunti sa sarili ko.
Sumugod si Cecilia. Naging alerto naman ako kaya 'di niya ako nasaktan. Nakipagsabayan ako sa kanya sa bawat pagsugod niya. Pero habang nag-iisip ako ng gagawin, 'di ko namalayan ang humabang buhok niya kaya nasakal niya ako. Ang buhok niya ang nagsisilbing kamay niya ngayon - maingat siya sa hawak niyang bulaklak. Hindi ko alam kung ilang minuto na ang lumipas buhat nang maglaban kami - at sa sagupaan namin puro lang ako depensa sa sarili ko, 'di ko pa nagawang atakehin siya. At ngayon, sakal niya ako ng buhok niya. Pakiramdam ko tutuluyan na niya ako, eh. Parang gusto ko nang sumuko at itigil na ang aming pagsasanay. Pero dahil kay Sunshine, nang masulyapan ko siyang nakahiga sa sahig at walang malay, sinabi ko sa sarili ko na kaya ko 'to!
Nagawa kong maalis ang buhok na nakapulupot sa leeg ko. At isang mabilis at malakas na sipa ng humaba kong paa ang ginanti ko kay Cecilia na nagpatilapon sa kanya. Pero bago pa man gumuhit ang ngiti sa labi ko sa ginawa ko sa kanya, biglang nasa harapan ko na siya at inuntog niya ang malaki niyang ulo sa ulo ko.
"Araaaaay! Papatayin mo ba ako?!" daing ko hawak ang noo ko. Pambihira! Tapos sinigawan niya lang ako. Parang sinasabi niya sa 'kin na wala akong karapatang magreklamo.
Umatake ako ng sunod-sunod na suntok. Kaso nasasalag na naman niya. Naglaho ako sa harap niya at napunta sa likod niya sabay sakal sa kanya gamit ang braso ko. Pumaikot-ikot siya ng mabilis at nakaramdam ako ng pagkahilo. Tapos, namalayan ko na lang na hindi ko na siya sakal at hawak na niya ang braso ko. Iniikot niya pa rin ko sabay hagis sa 'kin - bumulagta ako sa sahig. Hindi ko na lang pinansin ang sakit, sumugod ulit ako.
Inakala ni Cecilia susuntukin ko siya, pero bigla akong nawala sa harap niya. Pero alerto siya, nagawa niyang protektahan ang sarili niya ng mga buhok niya - alam niyang lalapit ako sa kanya. Naiwasan ko ang matutulis na kumpol ng buhok niya at nagawa kong makalapit sa kanya. Malakas nga siya, pero napansin kong may kabagalan ang kilos niya. Ginamit kong advantage 'yon, dahil alam kong mas mabilis ako sa kanya. Nahawakan ko ang bulaklak at nakuha ko! Nabigla siguro siya kaya hindi na niya nahigpitan ang hawak dito.
Sinubukan niyang agawin sa 'kin ang bulaklak. Pero bigla na lang akong nawala sa paningin niya - pinuntahan ko na ang katawan ko para makabalik na. Kaso nahawakan niya ang paa ko at hinagis ako palayo. Tapos, sunod-sunod na suntok kasama pa ang mga kumpol ng buhok niya ang binigay niya sa 'kin. Napapaaray ako sa bawat pagtama sa 'kin ng atake niya. Mahigpit ang hawak ko sa bulaklak at 'di ko makuhang maglaho. Kaya sinubukan kong lumipad para makaiwas. At nang matakasan ko siya, mabilis na akong naglaho at dumiretso na sa katawan ko.
Sobrang hinang-hina ako nang makabalik ako sa katawan ko, na pakiramdam ko katapusan ko na. Nararamdaman ko ang pananakit sa halos buong katawan ko. Naghahabol ako ng hininga at 'di ako makagalaw. Pero mahigpit kong hawak sa kamay ko ang bulaklak. Napangiti ako - nagawa ko! Nang pinilit kong lingunin si Sunshine na nasa tabi ko lang sa gitna ng bilog na nakaukit sa sahig, dumilim ang paningin ko - hanggang sa nawalan ako ng malay.
***
IKA-30 NG OKTUBRE
BAGO AKO MATULOG kagabi, muling dasal ko na sana magising na si Sunshine. Pero ngayon pagdilat ko, wala pa rin siyang malay. Napabangon-upo agad ako nang may mapansin akong kakaiba sa anyo niya. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Napanganga ako. Hinaplos ko ang mukha niya... nahahawakan ko siya?
"S-Sunshine? Sunshine," tawag ko sa kanya at ginising ko siya sa pagyugyog sa kanyang balikat. Hindi ako makapaniwala. Nilibot ko ang paningin ko. Tinatanim ko sa utak ko na totoong nangyayari 'to. Na hindi isang panaginip. Na hindi ako napaglalaruan lang. Na may katawan nga si Sunshine. At ang katawang ito ay hindi dahil sa hawak ko siya. "Gumising ka! Sunshine, gumising ka!" napalakas na ang boses ko. Dahil sa kabila ng saya ko, ang matinding kaba namang biglang naramdaman ko. Dahil tila hindi siya humihinga.
Pinakinggan ko ang pintig ng puso niya. May tibok akong naririnig, ngunit sobrang hina. Ni wala rin akong halos maramdamang lumalabas na hangin mula sa ilong niya nang tingnan ko. "Cecilia! Cecilia!" sigaw kong humihingi ng saklolo.
"O, Diyos ko," nasambit ni Cecilia nang bigla siyang lumitaw. Kitang-kita sa reaksiyon niya ang pagkabigla at napaatras pa siya.
"Ano'ng nangyayari sa kanya? Buhay na ba siya? Magigising na ba siya?" pag-aalala ko.
Umiling-iling si Cecilia. "Hindi."
"Ano'ng hindi? Ano'ng nangyayari sa kanya?"
"Naghiwalay na po ang kaluluwa ni inay sa kanyang katawan," lugmok na sagot ni Cecilia.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Kamatayan. Hudyat na po iyan ng kamatayan ni inay. Kapag hindi na po nakabalik ang kaluluwa niya sa kanyang katawan, iyon na po ang tuluyang kamatayan niya."
"A-Ano?! Nasaan ang kaluluwa niya?"
"Hindi ko po alam?"
"Wala ba tayong gagawin? Wala ba'ng paraan para bumalik ang kaluluwa niya? Wala ka bang alam na dasal o orasyon para matulungan siya?" umiling lamang si Cecilia sa mga tanong ko. "Ako? Hindi pa ba talaga ako pupunta sa gitnang dimensiyon?" muling umiling lang siya. "Pa'no kung tuluyan na siyang mamatay?" takot na takot na tanong ko kasabay ng nagbabadyang pagdaloy ng luha mula sa aking mga mata.
"Nararamdaman kong narito lang po si inay. Nasa paligid lang siya. Hindi niya tayo iniiwan. Lumalaban siya sa kamatayan."
"Talaga?"
"Opo."
"Bakit hindi ko siya maramdaman?" tuluyan nang dumaloy ang luha mula sa aking mga mata. Hinawakan ko ang kamay ni Sunshine. Hindi nawala ang takot na nararamdaman ko. Mas lalo lang akong nanlumo nang maramdaman ko ang malamig niyang palad.
"Kailangan po nating protektahan ang katawan ni inay..."
Iginitna ko sa kama si Sunshine sa utos ni Cecilia at gumuhit ako ng pahabang bilog gamit ang uling. Sinabuyan ko pa iyon ng asin at binigkas ni Cecilia ang orasyon sa ritwal na siyang magiging proteksiyon ni Sunshine.
Hindi ko iniwan si Sunshine sa mga dumaang oras. Sa kuwarto na rin ako kumain. Maging sa pagligo ko, kung puwede lang na isang buhos na lang ng tabo, eh. Talagang ang bilis kong maligo para mapuntahan siya agad. At sa mga oras na 'yon, iniisip ko kung nasaan na talaga siya. Kung nandito lang ba siya sa bahay o nasa labas at nakamasid?
***
NARIRINIG KO ANG mga ungol ng mga multo sa labas. Kanina, sumilip ako kung naroon si Sunshine. Pero wala siya.
"Buti pa 'yong mga 'yon sa labas nagpaparamdam. Ikaw, hindi. Bakit hindi kita makita? Ni maramdaman? Bakit ikaw pa, Sunshine? Nasa'n ka ba?" tanong ko sa kanya. Hawak ko ang kamay niya, nakaupo ako sa tabi niya.
"Wala na siya," may sumagot. Tapos, narinig ko na lang ang pagbukas ng mga bintana at umihip ang malamig na hangin mula sa labas na sinayaw ang mga kurtinang puti. Pagtayo ko, nakita ko Elizabeth na nakalutang sa hangin, sa lugar kung saan una ko siyang nakita isang umaga at inatake niya ako. "Mamamatay lang din naman pala siya. Sabi na nga ba mabibigo lang kayo," nanunuya niyang pahayag kasabay ng nakakagalit na pagngisi niya. "Ibigay mo na lang ang katawan niya sa 'kin, Lukas. Ilabas mo siya. Mamahalin kita kapag nabuhay na ako bilang siya. Pangako, magiging masaya tayong dalawa," may panunukso pang sabi niya. Doon na ako nagngitngit! Sino'ng niloko niya? Kapag nakuha na niya ang katawan ni Sunshine, siguradong susundan niya si Migs.
"Sa tingin mo gano'n kababaw ang pagmamahal namin ni Sunshine sa isa't isa? Sa tingin mo dahil sa hitsura niya kaya ko siya nagustuhuhan? Minahal ko siya bilang siya. Ang pagngiti niya, ang pagtawa niya, ang kalungkutan niya, maging ang pananakot niya sa 'kin noong una kaming magkakita - ang mga bagay na 'yon ang nagustuhan ko sa kanya. Kahit kailan, hindi ka magiging si Sunshine. Masyadong imposible 'yon," sagot ko kay Elizabeth. Natigilan ako nang may bigla akong maalala - mga katagang sinabi ni Lucio kay Emelia.
Baliw ka na. Sa tingin mo dahil sa taglay niyang ganda kaya ko lang siya nagustuhuhan? Hindi! Minahal ko ang kabutihan niya, ang pagngiti niya sa mga simpleng bagay, ang palatawa niya, ang pagiging mapagmahal niya - ang mga bagay na 'yon ay minahal ko sa kanya. Napakababaw naman ng tingin mo sa pag-ibig, kung iniisip mong puwede tayong magsama, ikaw, bilang siya. Kahit kailan hindi ka magiging siya! Hinding-hindi ka magiging si Susan.
Napangisi ako sa naalala ko. Halos kaparehas nang sinabi ko ngayon kay Elizabeth. Walang dudang ako at si Lucio nga ay iisa.
"Sinasabi mo lang 'yan. Pero kapag naging ako na siya, magbabago rin ang isip mo." At nagpumilit pa talaga ang multong adik sa pag-ibig. Sa asar ko, mabilis kong isinara ang mga bintana at sinuguradong makandado ito nang maayos.
Naririnig ko pa rin ang tinig ni Elizabeth. Para itong bulong sa hangin na masuyong dumarampi sa 'kin. "Magmamahalan tayo, Lukas. Magiging iyo lang ako. Magagawa mo ang lahat nang gusto mo, hindi kita pipigilan. Paliligayahin kita," malambing na sabi niya na nagpatayo sa mga balahibo ko.
Binuksan ko ang bintana. "Sabi ko na nga ba, magbabago ang isip mo. Hindi ka magsisisi, Lukas," bungad sa 'kin ni Elizabeth nang mabuksan ko ang bintana. Pero ang pabungad ko sa kanya, ang pagsaboy ng holy water na nakalagay sa maliit na babasaging bote. Bigay ito ni Cecilia kahapon na para talaga sa mga pagkakataong ganito - proteksiyon laban sa masasamang multo. Pinakuha niya 'to sa 'kin sa taas ng kabinet sa kusina. Hindi ko alam na may holy water pala rito sa bahay. Nang tanungin ko si Cecilia kung ilang taon nang narito ang banal na tubig, sabi niya kaedad na ni lolo.
"Ulol! 'Wag ako!" sigaw ko kay Elizabeth habang para akong pari na nagbibendisyon sa kanya ng holy water. At napasigaw siya nang husto, nakikita kong nasasaktan siya hanggang sa mawala na lamang siya. Tapos, isinara ko na ang bintana.
"Nakita mo 'yon? Galing ko, 'di ba?" pagyayabang ko kay Sunshine habang papalapit ako sa kanya. Hinaplos ko ang buhok at mukha niya nang makaupo na ako sa tabi niya. "Pa'no ka ba talaga nagkaroon ng kaibigang siraulo? Siguro may saltik ka rin?" napangiti ako. At naisip ko, si Susan nga naging kaibigan din ang masamang si Emelia. Wala ring dudang si Sunshine at si Susan ay iisa.
Inaantok na ako pero ayaw ko pa ring matulog. Gusto ko lang siyang pagmasdan kaya hindi pa ako nahihira. "Naririnig mo ako, tama? Bumalik ka na... Gumising ka na, Sunshine. Miss na miss na kita..."