Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 37 - KABANATA 37

Chapter 37 - KABANATA 37

DAHAN-DAHAN KONG minulat ang aking mga mata. May naaninag akong taong nakatingin sa 'kin. "Lukas, apo," narinig kong tawag niya sa 'kin, si lolo. Ilang saglit pa, naging malinaw na ang imahe niya.

"Si Sunshine?" tanong ko. Babangon sana ako mula sa pagkakahiga ko, pero pinigilan ako ni lolo.

"Tatlong araw kang walang malay, baka hindi mo pa kayanin?" sabi ni lolo na ikinagulat ko.

"Tatlong araw?" tanong ko. Tumango si lolo. Napansin ko na lang na may nakakabit na suwero sa 'kin at nang malingat-lingat ako sa paligid, napagtanto kong nasa ospital pala ako.

"Ang tinutukoy mo bang Sunshine, ay ang liwanag?" tanong ni lolo.

"Opo," sagot ko. "Nasaan siya? Gusto ko siyang makita."

"Tatawagin ko ang doktor," sabi ni lolo. Hindi niya ako sinagot.

Nang dumating ang doktor, sinabi nitong pagod ang naging dahilan kung bakit ako nahimatay at nagkalagnat pa. Pero hindi nila maintindihan kung bakit umabot ng tatlong araw akong tulog. Nang makaalis ang doktor, muli kong tinanong si lolo tungkol kay Sunshine.

"Nasa pamilya niya na siya," sagot ni lolo.

"Pero wala na siyang pamilya," sabi ko.

"Kasama niya ang nobyo niya. Dinala rin siya sa ospital na ito. Pero noong araw ding iyon, nakalabas na siya at hindi ko na alam kung saan sila nagpunta. Walang maalala ang liwanag sa mga nangyari... maging ikaw, hindi niya maalala. Ang huling naaalala niya, ang pagdukot sa kanya ng kaibigan niya at pagtangkang pagpatay nito sa kanya. Hindi niya alam kung paano siyang napunta sa bahay. Hindi ko na sinabi pa ang tungkol sa mga nangyari. Mas mabuti na siguro iyon, para mamuhay siya ng normal. Pero bago sila umalis, nagpasalamat ako sa kanya," kuwento ni lolo.

"Hindi niya ba ako naalala talaga? Hindi hinanap?" umiling si lolo sa tanong ko. Pumatak ang luha mula sa aking mga mata. Nakatingin ako sa kawalan. Hindi ko alam ang iisipin ko. Gusto kong sabihin kay lolo na ako ang nobyo ni Sunshine. Pero baka maguluhan lang siya at hindi niya ako paniwalaan.

Mayamaya, dumating si Jane.

"Mabuti't gising ka na," nakangiting bungad niya sa 'kin.

Hinawakan ko ang magkabilang braso niya nang lumapit siya sa 'kin. "Nasaan si Migs? Nasaan si Sunshine?" tanong ko. Iyon ang naging bungad ko kay Jane.

"Hindi ko na sila nakita nang umalis sila ng ospital. Nakabantay ako sa 'yo. Hindi ko na alam kung saan na sila pumunta," sagot niya.

"Siya ang tumawag sa 'kin gamit ang cell phone mo, kaya nalaman ko ang nangyari sa 'yo. At pinabantayan kita sa kanya para puntahan ang... sila," sabi ni lolo pero hindi ko na pinansin.

"Bakit ba kasi kayo pumunta sa bahay? Ano'ng ginagawa n'yo ro'n?" hindi ko naitago ang inis ko sa tanong ko.

"Lukas, nasasaktan ako," daing ni Jane. Napahigpit ang pagkakahawak ko sa kanya.

"Sorry. Pasensiya na," paghingi ko ng paumanhin at binitiwan ko siya. "Sagutin mo ako, bakit kayo nando'n?"

"Pinuntahan ako ni Migs. Nagpasama siya sa 'kin pumunta ro'n. Gusto niyang magsindi ng kandila at mag-alay ng bulaklak sa girlfriend niya sa huling pagkakataon, bago siya pumunta ng ibang bansa. Araw ng mga patay no'n, kaya siguro naisip niya 'yon," sagot ni Jane. "At naisip naming dalawin ka muna, kaya pinuntahan ka namin sa bahay."

"Wala ka bang number ni Migs? Wala ka ba talagang ideya kung nasaan sila? Kung saan ang bahay ni Migs?"

Umiling si Jane. "Hindi ko alam. Wala akong alam," sagot niya sa sunod-sunod kong mga tanong.

Hindi na ako nagsalita pa. Ni 'di ko nga alam kong ano'ng iisipin ko. Halos hindi ako makahinga sa mga nangyayari. Nahiga at tinalikuran ko sina lolo at Jane. "Gusto kong mapag-isi. Iwan n'yo muna ako," pakiusap ko sa kanila. At narinig ko na lang ang pagsara ng pinto.

Hindi ko alam bakit nararamdaman ko 'to. Nagawa ko na lahat para kay Sunshine. Napatunayan ko nang mahal ko siya. Pero sa sitwasyong 'to, bukod sa naiinis ako sa pagpunta nina Jane at Migs sa bahay at pag-iyak ko, at sa inis ko rin kay lolo kung bakit 'di niya pinigilan sina Sunshine, at galit ko sa sarili ko kung bakit ako natulog ng tatlong araw – bakit parang wala na akong ibang magawa? Saan ko siya hahanapin? Saan ako mag-uumpisa? Ang mas nakakapanlumo pa, hindi niya ako makilala. At pa'no kung isama na siya ni Migs sa ibang bansa? Pa'no kung doon na sila sa Amerika manirahan? Sa loob ng tatlong araw, hindi ko na alam kung gaano na siya kalayo sa akin. At naiisip ko ngayon, may habol ba ako sa kanya? May karapatan ba ako? Ang mga nangyari sa 'min sa loob ng tatlumpo't apat na araw ay mistulang panaginip lang para sa kanya – nang magising siya, hindi na niya maalala.

Naiisip ko pa ngayon na baka hindi talaga kami ang nakatadhana sa isa't isa ni Sunshine. Dahil sa ikalawang pagkakataon, sa ikalawang buhay namin, muli kaming nagkahiwalay – matapos naming ipaglaban ang isa't isa laban sa kamatayan.

***

KINAHAPUNAN, KAHIT MASAMA ang panahon, pinilit ko si lolo na payagan akong pumunta sa baryo Madulom. Pero pumayag siya kung sasamahan niya ako. Paglagpas namin ng Hangganan, wala na akong naramdamang kakaiba. At hanggang sa makarating kami sa tapat ng bahay, wala akong nakitang multo ni maramdaman. Nagulat na lang ako nang makita kong maraming sariwang bulaklak sa paligid at mga natunaw na kandila.

"Kinaumagahan, matapos ang araw na iyon, nang mabuwag mo ang sumpa, pumunta ako rito para mag-alay ng dasal at bulaklak, at magsindi ng kandila para kay inay at Pedro. Nagulat na lang ako na hindi ako nag-iisa. Maraming taong naririto – mga naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa sunog at ang ilang namatay sa lugar na ito. Nag-alay sila ng dasal, bulaklak at nagsindi rin ng kandila. Matapos ang mahabang panahon mula ng mga trahedyang iyon, ngayon lang may dumalaw sa mga namatay sa lugar na ito. Umiiyak sila, humingi ng tawad – tsaka lang nila napaglagpasan ang sakit na dulot ng trahedya. Lahat sila, naramdaman na lang biglang puntahan ang lugar na ito. At ikaw ang may gawa noon, Lukas," kuwento ni lolo, at hinawakan niya ako sa balikat. "Salamat, apo."

"Wala na ang sumpa?" paniniguro ko.

"Nagawa mong mawala iyon. Pinalaya mo ang mga multong nakulong sa kalungkutan."

"Sina Cecilia at Mang Pedro, wala na?"

"Nasa kabilang buhay na sila. Tahimik na."

Nakaramdam ako ng lungkot. Hindi man lang ako nakapagpaalam kina Cecilia at Mang Pedro. Wala na sila. Alaala na lang ang meron ako sa kanila – sa lahat.

Pinauna ko na si lolo umalis. Dahil gusto ko munang mapag-isa sa lugar na ito kahit saglit pa. Ayaw kong maging panaginip na lamang sa 'kin ang lahat. Kaya sasariwain ko ang mga nangyari – lalo na ang alaala namin ni Sunshine. Bago umalis si lolo, iniwan niya sa 'kin ang payong dahil baka umulan, at sabi niya, hihintayin niya ako sa kotse na nakaparada sa Hangganan.

Sa labas ng bahay, malapit sa terrace kung saan nakatanim ang mga halamang sunflower, may isang bulaklak na nanatiling buhay. Nakaharap siya sa kinatatayuan ko. Tila ba binabati ako sa tagumpay ko. Nasa gitna siya ng mga natuyong halaman. Wari bang pinapaalala sa 'kin na sa gitna ng kalungkutan, may dapat pa ring ipagpasalamat, at may pag-asa pang ngumiti. Tama. Kailangan kong maging positibo. Hindi ako naniniwalang hindi kami ang nakatadhana. Dahil nararamdaman kong kami ang para sa isa't isa ni Sunshine. Isa lang itong pagsubok na dapat naming pagdaanan para mas lalong tumibay ang aming pagmamahal sa isa't isa. Magkikita rin kami ulit. At sa pagkakataong 'yon, maalala na niya ako at hindi na muling makakalimutan. At isa pa, nangako kaming babalikan namin ang isa't isa.

"Magkikita rin tayo," buong loob na sabi ko. Pero 'di ko pa rin napigilang dumaloy ang luha mula sa aking mga mata na sinabayan ng pagbuhos ng malakas na ulan.

Binuksan ko ang payong. Kinuha ko ang panyong puti na galing kay Sunshine. Nagpunas ako ng luha at isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ko – pagpapatibay ng loob ko.

"Magkikita rin tayo, Sunshine," nakangiting ulit ko. Sa pagtama ng mga patak ng ulan sa bulaklak ng sunflower na tila nakangiti sa 'kin, tumatango-tango ito – sumasang-ayon siya sa sinabi ko.