Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 36 - KABANATA 36

Chapter 36 - KABANATA 36

NANLAKI ANG MGA mata ko – si Elizabeth, pinipilit niyang pumasok sa bilog kung nasaan ang katawan namin ni Sunshine. Si Mang Pedro, kasalukuyang nakahandusay sa sahig. Habang si Cecilia naman ay pinipilit bumangon.

"Itay, hindi ko siya napigilang pumasok sa bahay. Humina ang harang dahil sa pagpapanatili kong bukas ang lagusan sa gitnang dimensiyon," sumbong ni Cecilia nang makita niya ako. Punong-puno siya ng pag-aalala.

"Nakuha ko ang bulaklak. Hindi na tayo puwede pang mabigo. Isara mo na ang lagusan at humanda kang palakasin ang harang," utos ko kay Cecilia. "Ilalabas ko ang multong yan sa bahay ng mga Sinag." Napakuyom ako at humigpit ang hawak ko sa bulaklak. Ngayon pa ba kami susuko, kung kailan hawak ko na ang lunas sa sumpa ng kamatayan ni Sunshine!

Tumango si Cecilia at isinara niya ang lagusan. At naglaho siya para ihanda ang harang.

"Elizabeeeeeth!" malakas na sigaw ko kay Elizabeth kasabay ng pag-aanyong halimaw ko at pagsigaw na tila mabangis na hayop.

Hinarap niya ako. Bakas ang galit at inis sa mukha niya. Dahil siguro sa 'di niya magawang makapasok sa bilog para maangkin ang katawan ni Sunshine. Nag-anyong halimaw din siya. Kung dati takot ako sa kanya, ngayon, wala akong ni kabang maramdaman. Parehas kaming halimaw, at naniniwala akong mas malakas ako sa kanya. Dahil sa laban na 'to, hindi ako nag-iisa. Kasama ko ang mga mahal ko sa buhay – si Sunshine, si Cecilia, maging si Mang Pedro at sina lolo, sina mama at papa, at ang mga magulang ni Sunshine.

Agad na akong sumugod. Wala na sa dalawang minuto ang natitirang oras ko. Kailangan ko nang makabalik sa katawan ko bago pa mahuli ang lahat. At napansin kong nag-iba na ang kulay ng mga labi at mukha namin ni Sunshine maging ang mga paa't kamay – maputla na ang kulay namin na tila wala nang dumadaloy na dugo sa aming mga ugat. Sunod-sunod na suntok ng humaba kong kanang kamay ang ibinigay ko kay Elizabeth. Nakangiti lang siyang tinanggap ang atake ko at tinititigan ako ng nanlilisik niyang mga mata. Kahit isang kamay lang ang gamit ko ngayon dahil kailangan kong protektahan ang bulaklak, alam kong matatalo ko siya. Nakangiti lang siya sa pag-atake ko pero alam kong nasasaktan ko siya – nakikita ko 'yon sa galit na mga mata niya.

Sunod-sunod pang suntok ang ibinigay ko kay Elizabeth pati na sipa. Hanggang nakalayo siya sa bilog. Nawala na ang ngiti sa mukha niya, hindi ko siya binibigyan ng pagkakataon para makaganti. Kaya napasigaw siya sa galit. Pinahaba ko ang leeg ko, at inuntog ko ang ulo ko sa kanya. Kay Elizabeth ko nagamit ang mga pagsasanay naming ginawa para sa laban namin ni Emelia. 'Yon nga lang, dahil sa paghaba ng leeg ko, madali niyang nasakal ako. Loko, mapagsamantala! Pero sinakal ko rin siya. At kinagat ko ang kamay niya nang sobrang diin kaya nakabitiw siya sa leeg ko. Mas lalo ko namang hinigpitan ang pagkakasakal sa leeg niya at kinuha ko ang pagkakataong 'yon para ilabas siya ng bahay. Gamit ang buong lakas ko, hinagis ko palabas ng pinto si Elizabeth. Nagawa kong mabuksan ang pinto nang isipin ko lang na magbukas ito – para itong tinulak ng malakas na hangin at doon ko pinadaan si Elizabeth. Nagtuloy-tuloy siya palabas.

"Cecilia, ang haraaaaang!" sigaw ko.

Nang tangkaing muling pumasok sa bahay ni Elizabeth, hindi na niya nagawa. Nagsisigaw siya sa galit at inis, at pinaghahampas ang puwersang harang na hindi makita ng mata. Naging mas halimaw pa ang anyo niya pero wala na talaga siyang nagawa pa.

Dali-dali akong lumapit sa katawan ko para bumalik. Wala na sa isang minuto bago magsampung minutong magkahiwalay ang katawan at kaluluwa ko. At hindi na maganda ang hitsura ng katawan ko. Para nang patay ito kaya kinabahan ako. Lalo pa't hindi ako kusang hinigop nito para bumalik, 'di tulad no'ng mga nakaraan. Nahiga ako sa katawan ko. Pero pagdilat ko, kaluluwa pa rin ako – tumagos lang ako sa katawan ko, hindi ako pumasok dito. Wala nang oras! Lagpas nang sampung minuto!

Lumipad ako sa harap ng katawan ko, at malakas kong hinampas pabagsak ang sarili ko sa katawan ko. Sa pagdilat ko, sumapi na ang kaluluwa ko sa katawan ko.

Naghabol ako ng hininga. Masakit ang buo kong katawan na halos hindi ko maigalaw. Malabo rin ang paningin ko, kaya napakurap-kurap ako. Gutom, uhaw, hilo, nanlalamig, pinagpapawisan at nabibingi, 'yon pa ang mga nararamdaman ko. Nagpakatatag ako. Hawak ko na sa kamay ko ang magbubuklod sa tadhana namin ni Sunshine na noon pa man, lagpas isang daang taon na ang nakakaraan, ay pinagtagpo na. Kaya wala na akong dapat pang sayangin kahit isang segundo.

"Cecilia! Cecilia, ano na ang gagawin ko? Pa'no ko tuluyang mabubuhay si Sunshine!" pinilit kong sumigaw at makabangon.

Malabo kong naaaninag ang mukha ni Sunshine. Hinawakan ko siya – ang lamig ng mukha niya. Kinabahan ako at naluha. Gano'n ang pakiramdam nang hawakan ko sina mama at papa, no'ng araw na mamatay sila.

"Cecilia! Cecilia!" desperadong tawag ko muli kay Cecilia. Mahaba kong ipinikit ang aking mga mata, at nang sa gano'n luminaw-linaw ang paningin ko.

Lumitaw sa harap ko si Cecilia. "Ang katas ng bulaklak. Kailangan ninyong painumin iyon kay inay," sabi niya. "Pigain ninyo lamang po ang bulaklak."

Kahit papaano luminaw na ang paningin ko. Ibinuka ko ang bibig ni Sunshine. Ang kanang kamay ko, hawak ang bulaklak ng sunflower. Nanginginig ang kamay ko. Wala akong lakas para mapiga ito at mapalabas ang katas. "Hay, pambihira!" asar na sabi ko sa sarili ko. Napasigaw na ako. At itinuon ko ang natitirang lakas ko sa kamay ko para mapiga ng husto ang bulaklak – hanggang sa magawa ko. Lumabas mula sa bulaklak ang animo'y langis na kumikislap. At pinainom ko iyon kay Sunshine. Nang mainom niya ang katas, natuyo ang bulaklak ng sunflower hanggang naging tila alikabok na lamang at nilipad ito mula sa aking kamay.

"Sunshine? Sunshine?" tawag ko kay Sunshine habang mahinang tinatapik-tapik ang pisngi niya. "Bakit hindi pa rin siya magising?" tanong ko kay Cecilia.

"Hindi ko po alam?" pagtatakang sagot niya.

"Gising na, Sunshine. Pakiusap, gusmising ka. Idilat mo ang mga mata mo! Gumising ka!" pinanghihinaang sigaw ko. At sunod-sunod pang pagtawag kay Sunshine ang ginawa ko. Hanggang sa wakas, makalipas ang ilan pang segundo, idinilat niya ang kanyang mga mata. "Sunshine," usal ko. Tiningnan niya lang ako.

Napangiti ako. Naramdaman ko na mainit na ang mukha niya nang haplosin ko. At bumilis ang tibok ng puso ko. Nailigtas ko siya! Nasagip ko ang buhay niya! Buhay na nang tuluyan ang babaeng mahal ko! Luminaw ang mukha niya sa paningin ko. Pero siya, nagulat atang makita ako. Gusto ko sana siyang yakapin, pero bumagsak ako at napahiga sa sahig. Hindi ko na kinaya ang panghihina ko – muling lumalabo ang paningin ko. Pero nasa kanya pa rin ang mga mata ko. Ayaw ko siyang mawala sa paningin ko.

"Sunshine," tawag ko sa kanya at inabot ko sa kanya ang kamay ko. Pero umiwas siya. Naupos siya at lumayo sa 'kin.

"Sino ka?" tanong niya. Nakita ko ang takot sa mukha niya at may luha sa kanyang mga mata.

"Sunshine?" napanganga na lamang ako. Hindi ko alam kung tama ang narinig ko na tinatanong niya kung sino ako? Para akong nabingi sa sinabi niya. Para akong binuhusan ng malamig na tubig – parang gumunaw ang mundo ko. Bakit niya ako nilayuan? Bakit siya takot? Takot siya sa 'kin? Hindi niya ako nakikilala?

Gusto kong bumangon. Gusto ko siyang lapitan. Pero hindi na kaya ng katawan ko at mas lumayo siya sa 'kin hanggang sa mapasandal siya sa pader. Nangungusap akong nakatingin sa kanya. Pero siya, hindi ako matingnan. Sa palagay ko, nanghihina rin siya, dahil parang gusto na niyang kumaripas ng takbo palabas ng bahay, 'di niya lang magawa.

Nanatiling nakatingin ako kay Sunshine at mahina kong tinatawag ang pangalan niya. Bumabagsak na ang talukap ko ng mga mata, pero nanatili akong gising – pinipilit kong maging gising. Dahil ayaw ko siyang mawala sa paningin ko ni isang segundo. Takot na takot siyang umiiyak yakap ang mga tuhod niya. Parang dinudurog ang puso ko sa nakikita ko. Naguguluhan ako sa nangyayari. Hindi ko makita si Cecilia at hindi ko rin maramdaman. Hindi ko alam kung tapos na ang sumpa? Dahil parang sumpa pa rin itong nangyayari sa 'min.

Hanggang sa may dumating na 'di inaasahang bisita – sina Migs at Jane. Dapat matuwa ako dahil may sasaklolo sa 'min. Pero si Migs, 'yon, eh. Ex ni Sunshine na matagal na siyang hinahanap.

"Migs?" tawag ni Sunshine nang makita niya si Migs. Tila nawala ang takot na nararamdaman niya. At nagtuloy-tuloy ang pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata na tila luha ng kaligayahan. Na parang ngayo'y ligtas na siya dahil dumating na si Migs.

Nanlaki ang mga mata ni Migs. "M-Marinelle?" hindi makapaniwalang sabi niya. At agad niyang nilapitan si Sunshine at niyakap.

'Wag mo siyang yakapin, Sunshine! Galit ka sa kanya! Lumayo ka sa kanya! Iwasan mo siya! Niloko ka niya! Ako ang mahal mo, 'di ba?! Gusto kong sabihin 'yon kay Sunshine – gusto kong isumbat. Pero sa isip ko na lang nabigkas. Hindi ko masabi. Naduwag ako, dahil napakahigpit ng yakap ni Sunshine kay Migs – tila ba matagal niyang hinintay na muling mayakap ito. Umiyak siya nang umiyak na tila ba nagsusumbog at sinasabing bakit ngayon lang dumating si Migs. Nakalimutan na niya ba ang mga nagawa ni Migs sa kanya?

Nag-aalalang nilapitan ako ni Jane. Tinulungan niya akong bumangon. Pero bago pa man ako tuluyang makabangon, at iniisip kong sa pagbangon ko ay ilalayo ko si Sunshine kay Migs, naging madilim ang paligid – nawalan ako ng malay – hindi na kinaya ng katawan ko.