Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 33 - KABANATA 33

Chapter 33 - KABANATA 33

IKA-31 NG OKTUBRE

"GOOD MORNING," BATI ko kay Sunshine pagkadilat ko at masilayan ko ang maamo niyang mukha. Pinagmasdan ko siya. Para akong tangang hinihintay na dumilat siya at babatiin niya rin ako ng magandang umaga.

Pumihit ako at hinalikan ko siya sa noo. Masuyo ko siyang muling pinagmasdan. Ipinikit ko ang aking mga mata at buong tamis kong idinampi ang labi ko sa kanyang labi. Hindi ko man bigkasin, alam kong naririnig niya ang sigaw ng puso ko ngayon kung gaano ko siya kamahal – at kung gaano ako natatakot. Bukas na ang pagtungo ko sa gitnang dimensiyon. Bukas na ang itinakdang araw – kung magtatagumpay ba ako sa misyon ko o hindi? – kung aayon ba sa amin ang tadhana o tuluyan na kaming tatalikuran?

***

NAPALABAS ANG DILA ko nang mapaso ako sa unang higop ko ng sabaw ng instant cup noodles na kinakain ko. Dito ko na naisip kumain sa kuwarto. Susulitin ko ang buong araw na 'to na kasama si Sunshine. "Paborito mo 'to, 'di ba?" tanong ko sa kanya sabay subo na nagpapainggit. Napangiti ako nang maalala ko nang una niyang hilingin sa 'kin na gusto niyang kumain, ganito rin ang kinakain ko no'n, spicy seafood. "Gising na. Hati tayo."

Lumapit pa ako sa kanya at pinaamoy-amoy ang hawak kong cup noodles. Inihipan ko pa ito at tumama sa mukha niya ang usok. "Bango 'no?" nang-iinggit na sabi. Napangisi na lang ako sa ginagawa ko. Para akong tanga. Pero nag-i-enjoy ako kaya itinuloy ko.

"Aaaahh," sabi ko matapos kong higupin ang huling laman ng plastic cup. "Naubos ko na tuloy. 'Di ka kasi gumising, eh."

Nag-exercise ako para pawisan at para na rin bumaba ang kinain ko bago maligo; kembot-kembot, talon-talon, suntok at sipa sa hangin, pushup, at kung ano pa. Naupo ako sa kama nang mapagod na ako at pagpawisan. Pagtayo ko, hinarap ko ang salamin. Hinubad ko ang damit ko para makapagpunas. 'Di ko napigilang purihin ang sarili ko habang nakatingin sa repleksiyon ko. Sinipat ko si Sunshine at hinarap ko siya habang nagpupunas ako ng pawis sa katawan ko.

"Hoy, Sunshine? Hindi mo ba napapansin na maganda ang katawan ko? Malaki ang muscle ng braso ko." sabay pakita ko sa kanya ng pinagmamayabang ko. "May abs ako." Sabay turo ko sa tiyan ko. "Matangkad din. At guwapo." Sabay himas ko sa mukha ko.

Lumapit ako sa kanya at naupo sa silya sa tabi ng kama. Pinagkrus ko ang mga kamay ko para sitahin siya. "Tsk! Pambihira ka. 'Di ko man lang narinig sa 'yo na pinuri mo ako. Sinabi mo nang mahal mo ako, pero 'di ko man lang narinig na sinabi mong ang guwapo ko. Ako nga, sinabi kong maganda ka. Alam mo ba, Sunshine, na ang mga lalaki, uhaw 'yan sa papuri. Kahit kunting bola lang, gano'n. Punahin n'yo man lang ang kahit kapiranggot na magandang katangian naming mga lalaki. Dapat gano'n. Sabihin n'yo man lang na cute kami, guwapo. Pati ang mga simpleng bagay na ginagawa namin, purihin n'yo. Alam n'yo bang kinikilig kami sa gano'n. At lalo namin kayong mamahalin..." natigilan ako at umayos ako ng upo. Hinawakan ko ang malamig niyang kamay. "Pero kahit 'wag mo nang gawin sa 'kin 'yon... basta gumising ka lang. Dumilat ka... ngitian mo ako..."

Mayamaya pa, nang makapagpahinga na ako nang maayos, nagpasya na akong maligo. Tumayo ako at kinuha ang nakasabit na tuwalya sa pader at isinampay ito sa balikat ko. "Maliligo lang ako, ha," paalam ko sa kanya. "'Wag kang aalis d'yan." At lumabas na ako ng pinto. Sinulyapan ko pa siya bago ko isara ang pinto. Bigla na lang akong nakaramdam ng lungkot. Pa'no ba siya aalis, wala naman siyang malay.

***

HABANG NAGBUBUHOS AKO, 'di ko mapigilang mapalingon sa likod ko. Naaalala ko nang bigla na lang sumulpot sa likod ko si Sunshine at nakita niya ang hubad kong katawan. Pasaway na multo.

Mabilis lang akong naligo. Pagbalik ko sa kuwarto nakatapis lang ako ng tuwalya. Dinuro ko si Sunshine. "'Wag kang sisilip," banta ko sa kanya. Hinawakan ko ang tuwalyang nakatakip sa maselang parte ng katawan ko para alisin – pero 'di ko tinuloy. Alam kong hindi niya ako makikita, pero nailang pa rin akong magbihis sa harap niya. Gano'n talaga kapag mahal mo ang isang tao, igagalang mo siya.

Lumabas ako ng kuwarto bitbit ang mga damit ko. Pagbalik ko, nakabihis na ako. Nilapitan ko siya para magyabang. "Sa tingin mo, Sunshine, kailangan ko pang magpabango?" mas inilapit ko ang sarili ko sa kanya. "Natural na mabango na ako, 'di ba? Kahit pagpawisan ako, mabango pa rin ako. Kahit nga 'di ako maligo, eh."

Hindi na ako nagpabango. Naupo na ako sa tabi ni Sunshine. "Ikaw, kahit dalawang taon ka nang walang ligo, mabango ka," nakangiting sabi ko sa kanya. At hinalikan ko siya sa noo.

Kumuha ako ng maligamgam na tubig at malinis na puting towel – nagpasya akong punasan siya. Kahit pa maayos pa rin ang amoy niya sa dalawang taon niyang walang ligo, tama lang sigurong linisan ko siya. Pinunasan ko ng binasang towel ang maamo niyang mukha hanggang sa leeg at batok niya. Napangisi ako – bakas ang dumi sa puting towel. At nang banlawan ko sa tubig ang towel, naging brown ang tubig. Pambihira. Itinuloy ko ang pagpunas kay Sunshine sa mga braso niya hanggang kamay. Habang pinupunasan ko ang kaliwang kamay niya, may napansin akong pahabang peklat sa kanyang palad malapit sa hinlalaki niya, bakas na may kalakihan ang naging sugat nito dahil makikitang tinahi. "Tsk! Pambihira ka. Ano ba'ng pinaggagawa mo? Saan mo nakuha 'to?" tanong ko sa kanya nang haplosin ko ang peklat sa kamay niya.

Nang matapos kong punasan ang mga kamay niya, paa naman niya ang sinunod ko. Napatikhim ako nang mapunasan ko na hanggang sa tuhod niya. Sira ulo ka, Lukas! Sita ko sa sarili ko. "Cecilia!" tawag ko kay Cecilia. Lumitaw siya sa tabi ko. "Puwede mo bang ituloy 'to? Puwede mo ba siyang punasan? Magagawa mo ba 'yon?"

"Opo, itay," nakangiting tugon ni Cecilia sa hiling ko. "Bibihisan ko na rin po siya. May kasuotan akong tiyak na babagay sa kanya."

Tumango ako. "Maganda 'yon," nakangiting sabi ko. "Labas muna ako."

Bago ako lumabas ng kuwarto, sinulyapan ko muna si Cecilia. Nagawa niyang mahawakan ang basang towel. Nakangiti siya – ngiting mababakas ang lungkot sa mga mata nang simulan na niya ang pagpupunas. Katulad ko rin. Sadyang hindi nga maitatago ng mga mata ang tunay mong nararamdaman.

Pagpunta ko ng sala, bumalik sa alaala ko ang unang pagtuntong ko sa bahay na 'to. At nang una kong makita si Sunshine. Maging ang unang beses na takutin niya ako, nang kausapin, nang kulitin, hanggang sa unang paghawak namin ng kamay at nang minsang malasing ako sa kuwarto at mahawakan ko ang mukha niya.

Lumabas ako ng bahay para lumanghap ng sariwang hangin. Pagkalabas ko, naalala ko ang mga sandaling nakaupo lang kami rito sa terrace at nagkukuwentuhan habang nakatingin sa kung saan. At tila pinaglalaruan ako ng pagkakataon – bumuhos ang ulan. Napangiti ako. Naalala ko nang una ko siyang malabas ng bahay at naligo kami sa ulan. Mga alaalang parang kahapon lang. At ngayon, nakikita ko ang sarili namin ni Sunshine na masayang naliligo sa ulan – muling naulit sa isipan ko ang mga sandaling 'yon.

Ilang sandali pa, tinawag na ako ni Cecilia. Pagpasok ko muli sa kuwarto, gumaan ang pakiramdam ko nang makita ko si Sunshine. Napakaaliwalas ng hitsura niya. Ang ganda niya sa bagong suot niya. May pagkadilaw pa rin ang kulay ng mahaba niyang damit na 'di ko alam ang tawag. Lagpas tuhod ang haba nito at may mga disenyo ito ng bulaklak. Mukhang nagustuhan ni Sunshine ang bago niyang suot, nakangiti siya. Nakaramdam ako ng pagtatampo. Para kasing tinanggap niya na lang ang tadhana niya. Na parang ayos na sa kanyang iwan ako.

"Salamat," sabi ko kay Cecilia. Yakap ang naging tugon niya sa 'kin bago siya naglaho.

Nang maupo ako sa tabi ni Sunshine, muli kong napuna ang peklat sa palad niya. Habang nasa labas ako at naaalala ang mga nakaraang araw ko rito sa bahay kasama si Sunshine, may alaala ring nagbalik sa 'kin limang taon na ang nakakaraan – ang araw nang mamatay sina mama at papa. Dahil sa peklat ni Sunshine, naalala ko ang dalagang nakilala ko sa bus noong araw na 'yon na kasama ang tatay niya. May benda sa kamay ang babaeng 'yon na nakatabi ko. "Posible bang ikaw siya?" natanong ko. Hindi ko makakalimutan ang kamay ng dalagang 'yon. Iyon nga lang, 'di ko gaano namukhaan siya dahil nakayuko lang ako no'n at umiiyak.

Tumayo ako para kunin sa bag ko ang bagay na ibinigay sa 'kin ng dalagang 'yon dahil sa aking pag-iyak – puting panyo. "Ikaw nga ba siya, Sunshine?" muling tanong ko nang makaupo na ako hawak ang panyo. May disenyo itong sunflower sa mga gilid at may nakabordang letrang 'M' na dilaw na sinulid. At naisip kong 'Marinelle' nga pala ang tunay niyang pangalan. "Hindi nga?" 'di makapaniwalang komento ko.

Nang araw na 'yon, limang taon na ang nakararaan, pagkagaling ko no'n sa paaralan matapos kong makuha ang medalya ko, agad akong umuwi. Nalaman ko na lang na wala na sina mama at papa. Naaksidente sila habang papunta sa paaralan ko para sabitan ako ng medalya. Sabi ko, 'wag na silang pumunta pero pumunta pa rin sila. Agad akong pumunta sa ospital, pero wala na sila, iniwan na nila ako. Agad akong umuwi noon. Hindi ko matanggap. Ni 'di ko sila gustong makita. Nakasakay ako sa bus no'n malapit sa bintana, nang may sumakay na mag-ama at tumabi sa 'kin. Sa ospital din sila galing. Iyak ako nang iyak. Wala akong pakialam sa ibang pasaherong nakatingin na sa 'kin.

"Gamitin mo," narinig kong sabi ng babaeng tumabi sa 'kin. Nakita ko na lang ang kamay niyang may benda hawak ang puting panyo malapit sa mukha ko.

"Salamat," sabi ko lang nang kunin ko ang panyo. Tiningnan ko muna ang babae – dalaga siya na halos kaedad ko. Pero 'di ko gaano namemorya ang mukha niya dahil nakaramdam ako ng hiya – napayuko agad ako. "Ano'ng nangyari sa kamay mo?" tanong ko sa kanya.

"Wala 'to. Sisiw lang," matapang na sagot niya.

"Sa kakulitan niya. Dalaga na, naglalaro pa sa kalsada. Ayun, nadisgrasya sa bubog. May nanliligaw na nga, para pang bata," kasama niyang lalaki ang sumagot.

"Si tatay talaga!" sigaw ng dalaga sa tatay niya.

"Masakit?" tanong ko na bahagya siyang nilingon. Pero 'di ko pa rin nakita nang masyado ang mukha niya.

"Hindi. Sisiw nga. Mas masakit ang nararamdaman mo... siguro?" sagot niya.

"Bakit ka ba, iho, umiiyak?" tanong no'ng tatay.

Umiling lang ako at yumuko. Hindi na ako nagsalita. Hindi ako sumagot ng maayos. Dahil hindi pa rin ako naniniwalang patay na sina mama at papa. Nagpunas na lamang ako ng luha at tumahimik na. Nang muling huminto ang bus, bumaba na ang mag-ama. Hindi ko sila nilingon kahit narinig kong nagpaalam sila. Huli na nang maisip kong hindi ko naisuli ang panyo. Ni 'di ko nga alam kung bakit ko tinanggap nang iabot niya.

Nangako ako sa sarili ko noon na isusuli ko sa mabait pero may kakulitang dalagang 'yon ang panyong ito kaya itinago ko. Mukhang nahanap ko na siya.

Pero sa totoo lang nawalan na ako ng pag-asang muli kaming magkikita. Pero nagpasya pa rin akong itago pa rin ito dahil nagpapaalala 'to sa 'kin na may mga tao pa sa mundong mababait na handang tumulong at magbahagi sa kapwa. Sa mga pinagdaanan ko kasi, medyo nawalan ako ng tiwala sa mga tao; hindi ako tinulungan ng nakaaksidente kina mama at papa, ang mga kamag-anak ko sa parte ni mama ayaw sa 'kin, ang pamilya naman ni papa itinakwil kami, at naloko pa ako ng nobya ko, at minsan na rin akong nanakawan noon galing sa trabaho. Ang panyong ito ang lihim na naging lakas ko. Na balang araw, makakatagpo ako ng taong tatanggap sa 'kin ng buong puso kahit 'di niya ako ganoon kakilala.

Hinaplos ko ang mukha ni Sunshine. "Natagpuan na kita," nasabi ko. Bagama't may pag-aalangan pa rin na siya nga iyon. Pero kung siya ang 'yon, iyon nga lang, posibleng iwan niya rin ako. Naisip ko tuloy, nabuhay ba ako sa mundo para magmahal at iwan din? Lupet mo tadhana!