IKA-28 NG OKTUBRE
MAGKAHARAP KAMI NI Sunshine para maglaban. Kanina, bago ako maging multo, pinagbantaan niya akong itutodo niya ang kanyang lakas para hindi ko na muling maagaw sa kanya ang bulaklak ng sunflower kaya dapat akong maghanda. Sinagot ko naman siya na siya dapat ang maghanda dahil mas malakas na ako sa kanya.
Nawala ang ngiti ni Sunshine at napaatras siya na ipinagtaka ko. May kung anong nangyayari sa kanya at nabitiwan niya ang bulaklak. "Lukas..." mahinang tawag niya sa 'kin nang mapaluhod siya sa sahig.
Agad kong naisip na puntahan siya. Pero bago pa man ako mapunta sa tabi niya, natumba na siya sa sahig. Nawalan siya nang malay. Ilang beses ko siyang tinawag habang yakap ko siya sa aking bisig, pero hindi siya magising. Tumayo ako at magaan ko siyang nabuhat. Dinala ko siya sa kuwarto at inihiga sa kama. Maging sina Cecilia at Mang Pedro ay nabigla sa nangyari. Sinundan nila kami sa kuwarto.
"Ano'ng nangyayari sa kanya?" tanong ko kay Cecilia.
"Maaring hindi niya na po kinakaya," sagot niya.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Ang kamatayan po ni inay... nalalapit na."
"Hindi ako papayag. Ngayon din, pupunta na ako sa gitnang dimensiyon," madiing pahayag ko.
"Pero hindi ninyo pa po kaya."
"Bakit ba lagi mong sinasabing hindi ko pa kaya? Alam kong kaya ko na. Nararamdaman ko 'yon," inis na sabi ko.
"Nararamdaman kong hindi pa po kaya ng inyong espirituwal na lakas. Masyadong malakas si Emelia para matalo ninyo siya sa ganyang kalagayan ninyo."
"Pero kailan ko pa siya haharapin? Kailan pa ako magiging handa? Apat na araw na lang ika-isa na ng Nobyembre."
"Sa mismong araw ding iyon, haharapin mo siya."
"Pero kamatayan na 'yon ni Sunshine. Sigurado ka ba sa sinasabi mo?"
Malungkot na tiningnan ni Cecilia si Sunshine at tumango siya bago buong loob na hinarap niya ako. "Lumalaban si inay. Hindi siya sumusuko. Alam kong aabot siya sa araw na iyon. Kailangan nating sumugal. Linggo ang araw na iyon. Mas malaki ang tsansang magapi ninyo ang itim na multo. Magtiwala po kayo sa akin, itay."
"Hindi ba, mas malakas ang mga multo sa araw ng mga patay? Eh, 'di, mas mahihirapan akong talunin siya?"
"Multo rin po kayong haharap sa kanya, itay. At kapag araw ng Linggo, bukas ang mga simbahan, magsisimba ang mga tao, maraming nagdarasal, maraming lalapit sa Diyos. Pinapahina po noon ang kapangyarihan ng mga masasamang espirito, ng mga itim na multo. Nang araw na mapatapon ko sa gitnang dimesiyon si Emelia, Linggo po noon."
"Sigurado ka ba?" tanong ko. Tumango lang si Cecilia. Sa totoo lang, medyo natuwa ako at nagkaroon ako ng pag-asa. Lumapit ako kay Sunshine at naupo sa kama sa tabi niya. Hinawakan ko ang kamay niya. Multo pa rin ako ngayon at kahit papaano, nararamdaman ko siya.
"Bumalik na po kayo sa katawan ninyo, itay. Bukas, maaga tayong muling magsasanay."
Nilingon ko si Cecilia. "Tatapusin ko lang ang sampung minuto."
"Sige po. Kayo na po ang bahala kay inay," malungkot na sabi ni Cecilia. Tumango ako at naglaho na sila ni Mang Pedro. Hindi man sabihin ni Cecilia, alam kong labis na rin ang pag-aalala niya sa nalalapit na araw na 'yon.
Nagdasal ako. "Sa ngalan ng Ama, ng Anak, ng Espirito Santo, Amen." Naisip ko nang sabihin ni Cecilia ang tungkol sa pagdarasal ng mga tao, sa pagsisimba nila tuwing Linggo – nakalimot ako. Oo't humihingi ako ng tulong sa Diyos na tulungan Niya ako sa misyon ko. Pero hindi ganoon kataimtim ang pagdarasal ko. At no'ng mga nakaraang araw, hindi na ako nakatawag sa Kanya. Dahil mas naka-focus ako kay Sunshine, sa misyon kong buhayin siya. "Diyos ko, patawad kung ngayon lang ulit ako nakalapit sa Iyo. Tulad pa rin po no'ng huling dasal ko ang ipagdarasal ko, ang kahilingan ko, gabayan po Ninyo ako. Tulungan N'yo po akong magawa ko ang misyon ko, Diyos ko. Sana magawa kong mabuhay si Sunshine. Bigyan po Ninyo ako ng lakas, ng lakas ng loob, ng tapang. 'Wag N'yo po akong pababayaan. 'Wag N'yo pong hayaang mawalan na naman ako ng mahal sa buhay. Pakiusap po... 'wag Ninyo pong hayaang muli akong mag-isa. Diyos ko, ayaw ko na pong maiwan ulit. Takot po akong nag-iisa. Mahal na mahal ko po siya. Pakiusap 'wag N'yo po siyang kukunin sa 'kin..." Hindi ko napigilang maiyak. Para akong hinihila ng kalungkutan – pakiramdam na ayaw kong maramdaman. Pero hindi ko madaya ang sarili ko. Muli kong nararamdaman ang sakit nang maiwan – ang sakit nang mawala sina mama at papa. 'Yong wala na akong makitang bukas. Na puro kadiliman na lang ang lahat. Walang liwanag. Walang pag-asa.
Ilang sandali pang nakaupo lang ako sa tabi ni Sunshine hawak ang kamay niya at nakatitig lang ako sa kanya. Nang maramdaman kong kailangan ko nang bumalik sa katawan ko, kusa na akong lumabas at bumalik sa aking katawan.
Nang nasa katawan ko na ako, agad din akong bumalik sa kuwarto para samahan si Sunshine. Nahiga ako sa tabi niya. Hiniling ko na sana magising na siya. Pero tila hinihila sa 'kin ang pag-asa palayo. Mistulan siyang pantay na dagat at tuyong disyertong walang hangin – walang galaw na makikita sa kanya. Alas-otso pa lang ng umaga, nakakaramdam ako ng gutom dahil 'di naman ganoon karami ang kinain kong almusal at dala na rin ng pagsasanay kanina kaya talagang nanghihina ako. Pero pakiramdam ko kahit may nakahain nang pagkain sa harap ko, 'di pa rin ako makakakain. Dahil ang mas gusto ko lang gawin ay mahiga at pagmasdan si Sunshine – hintayin siyang magising at sa pagmulat niya ako ang una niyang makikita.
Lumipas ang mga oras, nanatiling nakatingin lang ako kay Sunshine. Muli kong hinaplos ang mukha niya na kanina ko pa ginagawa, pero 'di ko na talaga siya mahawakan.
***
"ITAY, KAILANGAN NINYO pong kumain. Kailangan pong maging malakas ang katawan ninyo. Baka po magkasakit kayo sa ginagawa ninyo," narinig kong pag-aalala ni Cecilia pagdilat ko. Nakatulog pala ako nang 'di ko namamalayan.
Tumango na lamang ako nang makaupo na ako. Nang tingnan ko ang oras sa cell phone ko, alas-tres na ng hapon. Hindi pa rin gising si Sunshine. Kung ano ang hitsura niya kanina, iyon pa rin. Saglit ko pa siyang pinagmasdan bago ako tumayo para pumunta sa kusina. Ramdam ko na matinding gutom at kumikirot na ang tiyan ko.
Ilang minuto na ang lumipas, nakatingin lang ako sa pagkaing hinanda ko. Gutom na gutom na ako at nararamdaman ko na 'yon sa mga paa at mga kamay ko. Pero hindi ko magawang kumain sa pag-aalala kay Sunshine. Ang nakakainis pa, dahil wala akong magawa kundi ang tingnan lang siya. At hintayin ang ika-isa ng Nobyembre na wala pang kasiguruhan kung aayon sa amin ang tadhana. Hindi ko matanggap! Naiisip ko, kung hindi man lang ba ako sa kanya makakapagpaalam nang maayos?
Lumitaw sa bakanteng upuan sa harap ko Cecilia. "Itay, ano ba'ng ginagawa ninyo sa sarili ninyo? Kumain na po kayo. Nakikita kong nanghihina kayo. Hindi ba, sabi ko kailangan ding maging handa ang pisikal ninyong katawan, hindi lang ang inyong espirituwal na lakas."
"Bakit hindi pa siya nagigising? Hanggang kailan siya gano'n?" iyon ang naging tugon ko sa pag-aalala sa 'kin ni Cecilia. Malungkot niya lang akong pinagmasdan bago niya ako sinagot.
"Kayo lang po ang makakagising sa kanya. Sa pagtatagumpay ng inyong misyon. Kaya kailangan ninyo pong magpakatatag. Sa inyo po nakasalalay ang lahat."
Tumango na lamang ako at malalim na napabuntong-hininga. Nagpapakatatag naman ako at iyon ang dasal ko, na bigyan ako ng Diyos ng lakas ng loob at tapang. Pero hindi ko pa rin talaga maiwasang mag-alala at matakot.
Siniguro ni Cecilia na sumusubo na ako ng pagkain bago niya ako iwan para bantayan si Sunshine. At 'di ko na naitago ang kagutuman ko nang mabilis kong naubos ang pagkain ko.
***
AKO NA ANG nagbantay kay Sunshine pagkatapos kong kumain. Sabi ni Cecilia, mag-exercise raw ako bilang paghahanda na rin sa katawan ko. Kaya ayun, habang nakatingin ako kay Sunshine patalon-talon ako at pasuntok-suntok at pasipa-sipa sa hangin. Nag-stretching pa ako at nag-pushups. At may pagpapapansin pa ako kay Sunshine kahit alam ko namang 'di niya ako nakikita – nilalabas ko ang natatago kong muscles sa braso ko at ang kahit papaanong visible naman na abs ko. Napapangisi na lang ako. Para akong sira. Pero gano'n ko na talaga siya kamahal, na gusto ko bawat kilos ko at magandang katangian ko ay makikita niya. At ako, gusto ko lagi ko rin siyang nakikita.
Nang mapagod na ako, nagpahinga na ako at naupo sa gilid ng kama sa tabi ni Sunshine. Kahit pa'no, pinagpawisan naman ako. Naisip ko habang pinagmamasdan ko siya na sa 'kin nakasalalay ang lahat, parang ako ang magdidekta kong magigising pa ba siya o hindi na. Masarap isipin bilang lalaki na ikaw ang magliligtas at puprotekta sa babaeng mahal mo. Pero hindi ito. Dahil hindi madali at kailanman ay hindi magiging madali basta buhay na ang nakataya – at ang tuluyang paghihiwalay n'yo ng taong mahal mo.
"Gumising ka na," mahinang nasabi ko.
***
IKA-29 NG OKTUBRE
PAGDILAT KO, WALANG malay pa rin na Sunshine ang tumambad sa 'kin. Kagabi, pinagdasal ko bago ako matulog na sana pagkagising ko ay may malay na siya at sa pagdilat ko ngiti niya ang una kong makikita. Pero 'di nangyari. Kaya ngayon, muling nanalangin ako, na sana bago dumating ang araw ng pagpunta ko sa gitnang dimensiyon ay magising na siya para makapag-usap kami at makita ko ang ngiti niya – dahil walang katiyakan ang pagtungo ko ro'n, maaring iyon na rin ang huling araw na makita niya ako at makita ko siya. Gusto kong sabihin sa kanya kung gaano ko siya kamahal. At gusto ko rin marinig mula sa kanya kong gaano niya ako kamahal.
Pagkatapos ko mag-almusal dinala ni Cecilia si Sunshine sa sala para mabantayan namin siya habang nagsasanay ako.
"Ito na po ang huling araw ng pagsasanay natin, itay," sabi sa 'kin ni Cecilia nang mailabas niya na ako sa aking katawan.
"Pero may dalawang araw pa?" pagtataka ko.
"Kailangan ninyo pong magpahinga sa loob ng dalawang araw na iyon. Kailangan pong handang-handa ang inyong katawan. Kaya sa araw na ito, ibuhos ninyo na ang buong lakas ninyo. Lahat na maari ninyong gawin upang manalo sa laban, sanayin na po ninyo."
"Nasaan si Mang Pedro?" tanong ko dahil kailangan naming maglaban.
"Pansamantalang siya ang proteksiyon sa bahay na ito. Tayo pong dalawa, itay, ang maglalaban." Naging madiin ang pagkakasabi ni Cecilia tungkol sa paglalaban namin. Tila sinasabi niya sa 'kin na humanda ako sa mangyayaring sagupaan naming dalawa. Mas naging mahigpit ang pagbabantay nina Cecilia at Mang Pedro sa bahay. Dahil sa kalagayan ngayon ni Sunshine, madaling mapasok ang katawan niya ng multo.
Tumango na lamang ako at hinanda ang sarili ko nang ilabas ni Cecilia mula sa kamay niya ang bulaklak ng sunflower. Tama lang na siya ang harapin ko sa huling araw ng pagsasanay ko para makita talaga kung naging malakas na ba ako para matalo ang itim na multong si Emelia. Natalo ko na si Sunshine, pero mas malakas siya kaysa kay Sunshine, at mas malakas naman sa kanya si Emelia. Kaya kapag natalo ko si Cecilia, malakas ang tsansang matalo ko na rin si Emelia.
***
GAYA NANG INAASAHAN, hindi naging madali ang paglalaban namin ni Cecilia. Masyado niya akong pinahirapan at talagang malakas siya. At nakakatakot ang pag-aanyong halimaw niya, mas nakakatakot kay Elizabeth. Pakiramdam ko may galit siya sa 'kin kung atakehin niya ako. 'Yong tipong gustong tapusin ang buhay ko. Kaya nang bumalik na ako sa katawan ko, sobrang hinang-hina ako. Iyon na ang pinakamalalang naranasan ko sa buhay ko na pakiramdam ko malalagutan na ako ng hininga. Hanggang ngayon, kahit nakapagpahinga na ako ramdam ko pa rin ang panghihina. Sumakit pa ang katawan ko kahit na multo naman akong nakipaglaban. Sobra siya. Akala ko tatay ang tingin niya sa 'kin. 'Di na niya ako ginalang.
"Pasaway ang anak mo," sabi ko kay Sunshine. Nasa kuwarto na kami. Kanina, habang naglalaban kami ni Cecilia parang gusto ko nang humingi ng tulong sa kanya. Pero hindi pa rin siya nagigising. Mukhang tutungo ako sa gitnang dimensiyon na ganito na talaga siya.
Nakangiti ako ngayon. Dahil sa kabila ng hirap ng pakikipaglaban ko kay Cecilia, nanalo ako. Natalo ko siya! Nagawa kong makuha sa kanya ang bulaklak ng sunflower.
Nahiga ako at ibinigay kay Sunshine ang sunflower bilang regalo sa kanya. Nilapag ko ito sa tabi niya sa pagitan naming dalawa. Ipinangako kong ang susunod na bulaklak na ibibigay ko sa kanya, ang sunflower na lunas sa sumpa na bubuhay sa kanya na. "Magkikita tayong muli, Sunshine," bulong ko. Alam kong naririnig niya ako.